Seminary
Mga Hebreo 12:9


Mga Hebreo 12:9

Ang Diyos ang Ama ng Ating Espiritu

Paglalaan ng Gilbert Temple - Ama &; Anak

Sa iyong palagay, bakit marami tayong pinag-uusapan tungkol sa pagiging mga anak ng Diyos? Paano makakaimpluwensya ang kaalamang ito sa iyong buhay? Habang ipinapaalala sa mga Banal na Hebreo ang tungkol sa pagtutuwid na natanggap nila mula sa kanilang mga ama sa lupa, itinuro sa kanila ni Pablo ang tungkol sa Ama sa Langit, ang “Ama ng mga espiritu” (Mga Hebreo 12:9). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang mas makilala ang Ama sa Langit at maunawaan kung paano positibong makakaimpluwensya sa iyong buhay ang iyong kaalaman tungkol sa Kanya at ang kaugnayan mo sa Kanya.

Isang nakamamanghang aral mula sa mga leon sa isang zoo

Sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, ibinahagi ni Sister Kathy Clayton, na asawa ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu, ang kanyang karanasan sa pagbisita sa isang zoo sa Argentina kung saan nakapasok siya sa mga kulungan at hinaplos ang mababangis na hayop tulad ng mga leon. Nang tanungin ni Sister Clayton kung bakit pinapayagan ang pagpasok ng mga tao sa kulungan at paghaplos sa mga mapanganib na hayop, may natutuhan siyang isang bagay na ikinagulat niya. Maaari mong panoorin ang video na “A Regal Identity,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 1:22 hanggang 3:26, o basahin ang sumusunod na teksto.

7:14

A Regal Identity

September 13, 2015: Sister Kathy Kipp Clayton invites all to embrace and rejoice in who we really are.

Si Kathy Ann Kipp Clayton, asawa ni Elder L. Whitney Clayton na isang General Authority Seventy. Ito ay kinunan noong 2019.

Pinatingnan sa akin [ng mga trainer] ang ilang maliliit na aso na nasa mga kulungan ding iyon. Sinabi nila sa akin na ang isa sa mga ginawa nila ay pinalaki nila ang mga leon na palaging katabi ng mga asong iyon. Noong napakaliliit pa ng mga leon, ang maiingay na asong iyon ay mas malalaki kaysa mga batang leon. Naniwala ang mga aso na sila ang naghahari, at walang-awang hinabol ang mga leon at kinagat-kagat sa paa ang mga ito. Nasanay ang mga batang leon sa pagyukyok sa sulok na parang takot na takot sa mga pesteng maliliit na aso.

Nang lumaki ang mga leon, patuloy silang nagyukyok sa sulok sa takot sa maliliit na aso. Sa pitik lang ng isang paa, madaling masisipa ng alinman sa malalaking leong iyon ang mga aso palabas ng kulungan, ngunit hindi naunawaan ng mga leon kung ano talaga sila. Ang masaklap ay hindi nila alam ang kanilang maringal na identidad. Hindi sila makagalaw at nalimitahan ng maling akala tungkol sa kanilang potensyal. Akala nila maliliit at mahihina sila, kaya hinayaan nilang kontrolin at takutin sila ng mga peste at makukulit na aso.

(Kathy Kipp Clayton, “Isang Maringal na Identidad” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Setyembre 13, 2015], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

  • Anong mga espirituwal na paghahambing ang maaari nating gawin sa karanasan ni Sister Clayton?

  • Paano tayo maaaring maging katulad ng mga leon sa zoo na ito kung minsan?

Ang Diyos ang “Ama ng mga espiritu”

Habang tinatalakay sa mga Hebreo kung paano tutugon sa pagdidisiplina, o pagtutuwid, mula sa Diyos (tingnan sa Mga Hebreo 12:6–8), nagturo si Pablo ng mahalagang katotohanan tungkol sa kaugnayan natin sa Ama sa Langit. Habang nag-aaral ka ngayon, bigyang-pansin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang katotohanang ito.

Basahin ang Mga Hebreo 12:9, at maaari mong markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo tungkol sa kaugnayan natin sa Ama sa Langit. Tandaan na ang pariralang “pasakop sa” ay tumutukoy sa pagsunod sa isang tao o naiimpluwensyahan ng isang tao.

icon ng Doctrinal Mastery (asul). Ang larawan ay isang bukas na aklat. Ang Mga Hebreo 12:9 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito.

Nalaman natin mula sa talatang ito na ang Diyos ang Ama ng ating espiritu.

  • Paano naiimpluwensyahan ng kaalaman sa katotohanang ito ang pagtingin mo sa iyong sarili at sa iba?

Nagbahagi si Elder Tad R. Callister ng Pitumpu ng isang halimbawa kung paano nakakaimpluwensya sa atin ang pag-alaala sa ating identidad bilang mga anak ng Diyos:

Brother Tad R. Callister, dating Sunday School General President. Opisyal na Larawan 2018.

Sa isang training session kamakailan para sa mga General Authority, itinanong ito: “Paano natin matutulungan ang mga nahihirapang paglabanan ang pornograpiya?”

Tumayo si Elder Russell M. Nelson at sumagot, “Ituro sa kanila ang kanilang identidad at layunin.”

Ang sagot na iyan ay umantig sa akin, hindi lamang bilang tugon sa partikular na tanong na iyon kundi bilang angkop na tugon sa halos lahat ng hamong kinakaharap natin sa buhay.

(Tad R. Callister, “Our Identity and Our Destiny” [Brigham Young University devotional, Ago. 14, 2012], 1, speeches.byu.edu)

  • Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa ating identidad bilang mga anak ng Diyos sa mga hamong kinakaharap natin?

  • Ano ang ilang makamundong impluwensya na maaaring makahadlang sa atin sa pag-alaala sa ating banal na identidad?

  • Ano ang makatutulong sa atin para maalala at maigalang natin ang ating banal na identidad?

Tamang kaalaman tungkol sa Ama sa Langit

Pagnilayan sandali ang nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at sa iyong kaugnayan sa Kanya. Isipin ang mga pagpapalang naranasan at mararanasan mo sa hinaharap dahil ikaw ay Kanyang anak. Isipin kung ano ang maaaring maiba sa iyong buhay kung mas kilala mo Siya at mas malapit ka sa Kanya.

Binigyang-diin ni Brother Brian K. Ashton, dating miyembro ng Sunday School General Presidency, ang epekto ng pagkakaroon ng tamang pagkaunawa tungkol sa Ama sa Langit at sa ating kaugnayan sa Kanya:

Brother Brian K. Ashton - Pangalawang Tagapayo sa Sunday School General Presidency Second Counselor. Opisyal na Larawan 2018.

Ang pagkakaroon “ng wastong ideya tungkol sa likas na pagkatao, kasakdalan, at mga katangian [ng Ama sa Langit]” ay kinakailangan sa pagsampalataya na sapat sa pagtatamo ng kadakilaan [Lectures on Faith (1985), 38]. Ang wastong pagkaunawa sa likas na pagkatao ng Ama sa Langit ay nagpapabago sa paraan ng pagtingin natin sa ating sarili at sa iba at tumutulong sa atin na maunawaan ang napakalaking pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak at ang Kanyang matinding hangarin na tulungan tayo na maging katulad Niya. Ang maling pagkaunawa sa Kanyang tunay na katangian ay magdudulot ng pakiramdam na hindi natin kayang makabalik sa Kanyang piling.

(Brian K. Ashton, “Ang Ama,” Liahona, Nob. 2018, 93–94)

Ang isang paraan upang magkaroon tayo ng tamang pagkaunawa tungkol sa ating Ama sa Langit ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan tungkol sa Kanya.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Sa iyong study journal, gawin ang sumusunod na aktibidad, kabilang ang pagsagot sa mga tanong sa huli.

Maglaan ng ilang minuto na basahin at pag-isipan ang ilang banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa pagkatao ng Diyos. Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na scripture reference, o maaari kang magsaliksik sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Diyos, Panguluhang Diyos” (ang subsection tungkol sa Diyos Ama). Sa iyong study journal, ilista ang itinuturo sa iyo ng mga banal na kasulatan na ito tungkol sa pagkatao at mga katangian ng Ama sa Langit at tungkol sa iyong kaugnayan sa Kanya.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol sa Diyos na pinakamakabuluhan para sa iyo? Bakit makabuluhan ang mga ito?

  • Paano makakaimpluwensya ang natutuhan mo sa nadarama mo tungkol sa kung sino ka at kung ano ang maaari kang maging?

  • Anong mga kilos ang nadama mong dapat mong gawin batay sa natutuhan at nadama mo ngayon?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Paano makatutulong sa akin ang kaalamang ako ay anak ng Diyos?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Isipin ang kapangyarihan ng ideyang itinuro sa paborito nating himnong “Ako ay Anak ng Diyos” [Mga Himno, blg. 189]. … Narito ang sagot sa isa sa malalaking katanungan sa buhay, “Sino ako?” Ako ay anak ng Diyos na may espiritung angkan ng mga magulang sa langit. Ang mga magulang na iyon ang nagpapakita ng ating walang-hanggang potensyal. Ang makapangyarihang ideyang iyon ay nagbibigay sa atin ng lakas. Mapapalakas nito ang bawat isa sa atin na gumawa ng mga tamang pasiya at hangarin ang pinakamabuti na nasa ating kalooban.

(Dallin H. Oaks, “Powerful Ideas,” Ensign, Nob. 1995, 25)

Bakit hindi natin gaanong pinag-uusapan ang tungkol sa ating Ina sa Langit?

“Itinuturo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang lahat ng tao, lalaki man o babae, ay mga minamahal na espiritung anak ng mga magulang sa langit, na kinabibilangan ng isang Ama sa Langit at isang Ina sa Langit. …

“Tulad ng maraming iba pang katotohanan ng ebanghelyo, ang nalalaman natin sa kasalukuyan tungkol sa ating Ina sa Langit ay limitado. Gayunman, binigyan tayo ng sapat na kaalaman upang malugod sa kasagraduhan ng doktrinang ito at maunawaan ang banal na huwarang itinatag para sa atin bilang mga anak ng mga magulang sa langit” (Gospel Topics Essays, “Mother in Heaven,” ChurchofJesusChrist.org).

Paano itinuturo ng buhay ni Jesucristo ang tungkol sa pagkatao ng Ama sa Langit?

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Opisyal na Larawan ni Elder Jeffrey R. Holland. Kinunan noong Enero 2018.

Sa lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinapakita Niya sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa, sinikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit. …

Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na “maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan” [Lectures on Faith (1985), 42]. Sa buhay Niya at lalo na sa Kanyang kamatayan, inihayag ni Cristo, “Ito ang pagkahabag ng Diyos na ipinamalas ko sa inyo, gayundin din ang sa akin.” Sa pagpapakita ng perpektong Anak ng pagkalinga ng perpektong Ama, sa Kanilang paghihirap at lungkot dahil sa kasalanan at pasakit natin, nakikita natin ang lubos na kahulugan ng pahayag na: “Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan na ibinigay niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang sinomang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” [Juan 3:16–17].

(Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70, 72)