Mga Hebreo 11, Bahagi 1
Pananampalataya kay Jesucristo
Maraming tao ang nag-uusap tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya—sa kanilang sarili, sa iba, at maging sa mga pangyayari o bagay. Kaya, ano ang nagpapalakas at nagpapahalaga sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo? Sa Mga Hebreo 11, nabasa natin ang mga turo ni Apostol Pablo tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang pananampalataya kay Jesucristo at kung bakit ito personal na mahalaga sa iyo.
Ang katiyakan ng pananampalataya kay Jesucristo
-
Ano ang sasabihin mo kung may nagtanong sa iyo kung ano ang pananampalataya?
Isulat ang iyong kahulugan sa iyong study journal o sa digital note. Maaari mong baguhin o dagdagan ang kahulugang ito at isulat ang iba pang ideya at impresyon habang nag-aaral ka ngayon.
Basahin ang Mga Hebreo 11:1 at markahan kung paano binigyang-kahulugan ni Apostol Pablo ang pananampalataya. Maaaring makatulong na malaman na sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa talatang ito, pinalitan ng Propeta ng kapanatagan ang salitang katiyakan.
-
Sa palagay mo, ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng katiyakan o tiwala sa mga bagay na inaasam mo?
-
Paano posibleng magkaroon ng paninindigan o katibayan sa mga bagay na hindi mo nakikita?
-
Batay sa talatang ito, paano mo mababago o madaragdagan ang iyong kahulugan ng pananampalataya?
Ang isang simpleng katotohanan na itinuturo sa Mga Hebreo 11:1 ay ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.
Basahin ang Alma 32:21 at ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4, at maghanap ng mga karagdagang kaalaman tungkol sa pananampalataya. Maaari mong i-cross reference o iugnay ang dalawang talatang ito sa Mga Hebreo 11:1.
-
Ano pa ang natutuhan mo tungkol sa pananampalataya?
-
Paano mo mababago o madaragdagan ang iyong kahulugan ng pananampalataya dahil sa natutuhan mo?
Ang isang paraan upang maiakma ang naunang pahayag ng katotohanan ay ang pananampalataya kay Jesucristo ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita na totoo.
-
Sa iyong palagay, paano naiiba ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo sa pagkakaroon ng pananampalataya sa isang tao o sa ibang bagay?
-
Paano makatutulong sa iyo ang iyong pananampalataya kay Jesucristo na magtiwala sa Kanya kapag may kinakaharap kang mga tanong o pag-aalinlangan?
Palalimin ang nauunawaan mo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo
Pagnilayan ang nadarama mo tungkol sa sarili mong pananampalataya kay Jesucristo. Sa anong mga paraan mo nadarama na malakas ang iyong pananampalataya sa Kanya? Sa anong mga paraan mo nadarama na mas lumalakas ang iyong pananampalataya sa Kanya?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pananampalataya ay hindi basta lamang natin natatamo o nananatili sa atin bilang karapatan ng pagkapanganay. … Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kaloob mula sa langit na matatamo lamang matapos nating piliing maniwala at hangarin at panghawakan ito. Ang inyong pananampalataya ay maaaring lumalakas o humihina. Ang pananampalataya ay alituntunin ng kapangyarihan, na mahalaga hindi lamang sa buhay na ito, kundi maging sa ating pag-unlad sa kabilang-buhay. Sa biyaya ni Cristo, maliligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang pangalan balang-araw [tingnan sa Mga Taga Efeso 2:8]. Ang kalakasan ng inyong pananampalataya sa hinaharap ay hindi basta mangyayari kung wala kayong pagpiling gagawin.
(Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Liahona, Nob. 2015, 65)
-
Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga salita ni Elder Andersen?
-
Ano ang ipinauunawa niya sa iyo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo?
Maglaan ng oras upang malaman pa ang tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng ilan sa sumusunod na resources. Isulat ang mga nalaman mo sa iyong study journal. Maging maingat, at anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang matutuhan kung ano ang kailangan mo ngayon.
Gawin ang sumusunod na aktibidad, at mag-upload ng buod na may tatlo hanggang limang pangungusap tungkol sa kung ano ang makabuluhan para sa iyo.
Mga iminumungkahing banal na kasulatan at tulong sa pag-aaral
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya”
Maaari kang makakita ng iba pang resources sa mga banal na kasulatan o sa Gospel Library app sa pamamagitan ng paghahanap sa mga salitang “Pananampalataya kay Jesucristo.”
Mga iminumungkahing payo mula sa mga lider ng Simbahan
-
Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101–4
-
Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Liahona, Nob. 2015, 65-68
-
Richard C. Edgley, “Pananampalataya—Kayo ang Pumili,” Liahona, Nob. 2010, 31–33
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit mahalagang manampalataya ako kay Jesucristo?
Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kapag pinag-usapan natin ang pananampalataya—ang pananampalatayang makapagpapagalaw sa mga bundok—hindi natin pinag-uusapan ang pangkaraniwang pananampalataya kundi pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. …
Maitatanong natin sa ating sarili, nasaan ang ating pananampalataya? Nasa isang koponan ba? Sa isang brand? Sa isang artista? Kahit ang pinakamahuhusay na koponan ay natatalo. Ang mga artista ay nalalaos. Sa Isa lamang mananatiling ligtas ang inyong pananampalataya, at iyon ay sa Panginoong Jesucristo.
(Russell M. Nelson, “Ipakita ang Inyong Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2014, 29)
Bakit dapat kong sikapin na mapalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang pakiusap ko sa inyo … ay dagdagan simula sa araw na ito ang inyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay [tingnan sa 1 Nephi 7:12], kasinglaki man ng Mount Everest ang inyong mga personal na problema.
Ang inyong mga bundok ay maaaring kalungkutan, pag-aalinlangan, karamdaman, o iba pang mga personal na problema. Magkakaiba ang mga bundok ninyo, ngunit ang sagot sa bawat isa sa inyong mga problema ay dagdagan ang inyong pananampalataya. Nangangailangan iyan ng paggawa. …
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya [tingnan sa Marcos 9:23].
(Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 102–3, 104)
Ano ang kailangan upang matuto ako sa pamamagitan ng pananampalataya?
Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Batay sa karanasan, natulungan ako na maunawaan na ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon, kung matatandaan pa. Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa tulong ng pananampalataya, ay karaniwang naaalaala sa buong buhay. Ang [pinaka]mahahalagang aral na natutuhan sa buhay ay [nararanasan]—hindi itinuturo.
Hindi natin basta na lamang maibibigay sa ibang tao ang espirituwal na [pagkaunawa] na naipagkaloob sa atin, at [napagtibay na totoo] sa ating puso. Ang pagpupunyagi na maging masikap at matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay dapat gawin para makamtan at personal na “maangkin” ang gayong kaalaman. Sa ganitong paraan lamang [madarama] sa puso ang nalalaman ng isipan. Sa paraang ito lamang makakakilos ang isang tao nang higit pa sa pag-asa sa espirituwal na kaalaman at karanasan ng iba at maangkin ang mga pagpapalang iyon. Sa ganitong paraan lamang tayo [magiging] espirituwal [na handa] para sa kung ano ang darating pa. Dapat tayong “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D&T 88:118).
(David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 67)
Paano nakakaapekto ang pananampalataya kay Jesucristo sa aking buhay sa araw-araw?
Panoorin ang video na “Campfires of Faith” (3:25), kung saan ibinahagi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng iba pa ang natutuhan nila tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.