Seminary
Lucas 23:33–46; Juan 19:26–30


Lucas 23:33–46; Juan 19:26–30

Ang Pagkahabag ng Tagapagligtas Habang Nakabayubay sa Krus

kababaihan sa paanan ng krus ni Jesucristo

Ang mga bagay na sinabi ni Jesus habang Siya ay nakabayubay sa krus ay nagpapakita ng Kanyang pagkatao at mga banal na katangian. Sa iyong pag-aaral, sikaping madagdagan ang iyong hangaring maging higit na katulad ni Jesucristo habang natututo ka mula sa Kanyang halimbawa noong Siya ay ipinako sa krus.

Pagmamalasakit sa kapwa

Isipin ang mga sumusunod na tanong: Madalas ka bang nagpapakita ng pagkahabag sa iyong kapwa? Bakit oo o bakit hindi?

icon ng pagsusulat sa journal1. Sa iyong study journal, ilista ang mga sitwasyon kung saan maaaring mahirap para sa iyo na pagmalasakitan ang tungkol sa mga problema at kapakanan ng iba. Ipaliwanag kung bakit dahil sa mga sitwasyong iyon ay mahirap para sa iyo na gawin ito.

Sagutin sa iyong study journal ang sumusunod na tanong:

  • Paano magiging mas mabuti ang iyong buhay kung nagpakita ka ng pagkahabag sa iba kahit mahirap ang kalagayan mo?

Sa lesson na ito magkakaroon ka ng pagkakataong pag-aralan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagmamalasakit sa iba sa panahong nagdurusa Siya sa pagkakapako sa krus. Habang pinag-aaralan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kang hangarin mo na maging higit na katulad ni Jesucristo.

Mga karanasan bago ang Pagpapako sa Krus at habang Nakapako sa Krus

Alalahanin ang mga karanasan ng Tagapagligtas bago ang Pagpapako sa Krus at habang Nakapako sa Krus:

  • Nagdusa Siya para sa mga kasalanan ng sanlibutan sa Getsemani (tingnan sa Lucas 22:39–44).

  • Siya ay ipinagkanulo ni Judas at talikdan ng Kanyang mga Apostol (tingnan sa Marcos 14:43–50).

  • Siya ay nilitis, binugbog, at dinuraan ng mga pinunong Judio (tingnan sa Mateo 26:57–68).

  • Nilitis Siya kapwa nina Pilato at Herodes at kinutya Siya ni Herodes at ng mga kawal nito (Lucas 23:1–24).

  • Siya ay malupit na binugbog at hinampas ng mga kawal na Romano (tingnan sa Mateo 27:26–31).

  • Pinasan Niya ang Kanyang krus sa daan patungong Golgota (tingnan sa Juan 19:16–17).

  • Siya ay ipinako sa Kanyang mga kamay at paa at ipinako kasama ng dalawang kriminal (tingnan sa Lucas 23:33; tingnan din sa Juan 20:25).

  • Siya ay nakabayubay sa krus (tingnan sa Mateo 27:45–50; Marcos 15:25).

Isipin kung paano nakaapekto ang mga pangyayaring ito sa nadarama mo sa Tagapagligtas at sa kung ano ang tiniis Niya para sa iyo. Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, na naglalaman ng mga pahayag ng Tagapagligtas habang Siya ay nakabayubay sa krus. Tukuyin ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang mga pahayag, at ilista ang mga ito sa iyong study journal.

  • Lucas 23:33–34. Sinabi ng Tagapagligtas ang mga salitang ito tungkol sa mga kawal na nagpako sa Kanya (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito sa Lucas 23:35).

  • Lucas 23:39–43. Nakatala sa mga talatang ito ang sinabi ng mga kriminal na ipinako sa krus kasama ng Tagapagligtas at kung paano tumugon ang Tagapagligtas. (Tandaang itinuro ni Propetang Joseph Smith na nang sabihin ng Tagapagligtas sa kriminal na ito na makakasama Niya ito sa paraiso, itinuturo Niya sa kanya na “Ako ay paroroon sa daigdig ng mga espiritu at tuturuan kita o sasagutin ko ang iyong mga tanong” [“Discourse, 11 June 1843–A, as Reported by Wilford Woodruff,” 44, josephsmithpapers.org]).

  • Juan 19:26–27. Nakatala sa mga talatang ito ang sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang inang si Maria, at kay Apostol Juan.

icon ng pagsusulat sa journal 2. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?

  • Sa anong mga paraan mo gustong maging katulad ng Tagapagligtas? Bakit?

Hindi lamang ang mga kawal na Romano, ang mga kriminal, at ang Kanyang ina ang inisip ng Tagapagligtas habang nakabayubay sa krus. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang karagdagang paraan ng pagtutuon ng Tagapagligtas sa iba habang Siya ay nagdurusa.

Pangulong Russell M. Nelson

Tulad sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang ating dakilang huwaran, ‘na [S]iya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus’ [Mga Hebreo 12:2]. Isipin ninyo iyan! Para mapagtiisan Niya ang pinakamatinding karanasang tiniis sa lupa, nagtuon ang ating Tagapagligtas sa kagalakan!

At ano ang kagalakang inilagay sa harapan Niya? Tiyak na kabilang dito ang kagalakang linisin, pagalingin, at palakasin tayo; ang kagalakang pagbayaran ang mga kasalanan ng lahat ng magsisisi; ang kagalakang gawing posible na makabalik tayo—nang malinis at karapat-dapat—sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pamilya.

(Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82–83).

  • Ano ang pinagtuunan ng pansin ng Tagapagligtas habang nagdurusa Siya para sa atin?

  • Ano ang itinuro sa iyo ni Pangulong Nelson tungkol sa mga ninanais ng Tagapagligtas para sa iyo?

Isipin sandali ang katotohanan na habang nakabayubay sa krus ang Tagapagligtas, nagtuon Siya sa iyo at sa kagalakan ng pagtulong sa iyo na makabalik sa Ama sa Langit.

  • Anong kaibhan ang magagawa nito sa iyong buhay kapag naunawaan mo ang katotohanang ito? Bakit makagagawa ng gayong kaibhan ang kaalamang ito sa iyo?

icon ng pagsusulat sa journal 3. Sagutin sa iyong study journal ang sumusunod na tanong:

  • Kailan ka nakatulong sa isang tao habang nararanasan mo ang isang pagsubok o problema, o kailan ito ginawa ng isang tao para sa iyo?

Kung makatutulong para makakita ng isang halimbawa, panoorin ang “Mangag-ibigan sa Isa’t Isa Tulad ng Pag-ibig Niya sa Atin,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 3:22 hanggang 7:54.Mangag-ibigan sa Isa’t Isa Tulad ng Pag-ibig Niya sa Atin

2:3

Mangag-ibigan sa Isa’t Isa Tulad ng Pag-ibig Niya sa Atin

Itinuro ni Elder Alonso kung paano natin matutularan ang halimbawa ng pagmamahal at paglilingkod ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng paglilingkod at pagpapatawad sa iba.

Hingin ang inspirasyon ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagninilay sa halimbawa ng Tagapagligtas at sa nadama mo ngayon. Tukuyin ang mga paraan na maaari kang maging higit na katulad ni Jesucristo sa pagpapakita ng pagmamahal at pagkahabag sa iba kahit sa panahong nakararanas ka ng mga pagsubok sa sarili mong buhay. Pagkatapos ay isulat ang mga paraan na ito sa iyong study journal. Rebyuhin ang listahang ginawa mo, at mapanalanging pumili ng isa sa mga paraan na maaari kang maging higit na katulad ni Jesucristo. Tukuyin ito sa iyong journal entry. Manalangin at humanap ng mga pagkakataong magawa ito.

“Natupad na”

Matapos magdusa nang ilang oras sa krus, binigkas ng Tagapagligtas ang Kanyang huling mga salita.

Basahin ang Juan 19:28–30 at Lucas 23:46. Markahan ang huling mga sinabi ng Tagapagligtas sa mortalidad.

  • Ano ang naipaunawa sa atin ng mga pahayag na ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon?

Tulad ng Tagapagligtas, matutupad natin ang nais ng Ama na gawin natin sa ating buhay. Tandaan ito habang sinisikap mong gawin ang ipinasiya mong ipamuhay ngayon.

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Juan 19:27. Ano ang matututuhan natin mula sa sinabi ng Tagapagligtas na “Narito ang iyong ina”?

Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo habang nagsisikap tayong pahalagahan, mahalin, at pangalagaan ang ating mga ina. Pinapurihan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mabubuting ina at inihambing ang kanilang pagmamahal sa pagmamahal ng Tagapagligtas.

Panoorin ang “Narito, ang Iyong Ina,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:20 hanggang 2:53.

16:43

Narito, ang Iyong Ina

Pinuri ni Jeffrey R. Holland ang katatagan, katapatan, impluwensya, at pagmamahal ng mga ina.

Paano nakaiimpluwensya sa magiging kung sino tayo ang pagtulong sa iba kahit tayo mismo ay may nararanasang pagsubok sa buhay?

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

Naipapakita ang tunay na pagkatao … sa kakayahang mapansin ang pagdurusa ng ibang mga tao kapag nagdurusa rin tayo; sa kakayahang maramdaman na nagugutom ang iba habang nagugutom din tayo; at sa kakayahang tumulong sa iba at magpakita ng pagkahabag sa mga taong dumaraan sa mga espirituwal na pagsubok kapag tayo rin ay nasa ganitong kalagayan. Samakatwid, naipapakita ang tunay na pagkatao sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong kahit ang natural at likas na reaksyon ay magtuon lamang sa sarili at sa sariling problema. Kung ang gayong kakayahan ang talagang pinakadakilang pamantayan ng mabuting pagkatao, samakatwid ang Tagapagligtas ng mundo ang pinakadakilang halimbawa ng gayong hindi pabagu-bago at matulungin at mapagmahal na pag-uugali.

(David A. Bednar, “The Character of Christ” [Brigham Young University–Idaho devotional, Ene. 25, 2003], byui.edu)

Anong mga pagpapala ang darating kapag naglilingkod tayo sa iba bagama’t mahirap para sa atin ang mga bagay-bagay?

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

Kailangan nating pansinin ang paghihirap ng iba at subukang tumulong. Iyan ay magiging lalong mahirap kapag tayo mismo ay labis ring sinusubok. Ngunit matutuklasan natin na kapag pinagagaan natin ang pasanin ng iba, nang kahit kaunti, ang ating mga likod ay napalalakas at nakakakita tayo ng liwanag sa kadiliman.

(Henry B. Eyring, “Sinubok, Napatunayan, at Pinino,” Liahona, Nob. 2020, 98)