Seminary
Mateo 27:50–66; Lucas 23:55–56; Juan 19:39–40


Mateo 27:50–66; Lucas 23:55–56; Juan 19:39–40

Paggalang at Pagpapakita ng Pagmamahal sa Tagapagligtas

katawan ng ipinakong Cristo na nakabalot sa puting tela na panlibing

Nang mamatay si Jesus, “nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato” (Mateo 27:51), ngunit may nangyaring mas mahalaga sa templo: ang tabing sa Kabanal-banalang Dako ay nahati sa dalawang piraso. Pagkamatay ng Tagapagligtas, nagsikap nang husto ang Kanyang mga disipulo na makuha ang Kanyang katawan at maingat na inihanda ito para sa libing. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan at pagnilayan ang nagawa ni Jesucristo para sa iyo at kung ano ang magagawa mo para maipakita ang iyong paggalang at pagpapahalaga sa Kanya.

Paggalang sa mga pumanaw na

Ang mga tao mula sa iba’t ibang kultura ay may iba’t ibang paraan ng pag-alaala at paggalang sa isang taong pumanaw. Isipin ang isang taong mahal mo na pumanaw na, o pag-isipan kung ano kaya ang pakiramdam kung pumanaw ang isang taong malapit sa iyo.

  • Ano ang gusto (o nanaisin) mong laging maalala tungkol sa iyong mahal sa buhay?

  • Ano ang ginagawa mo para maigalang o maipakita ang pagmamahal sa mga pumanaw na?

Inilalarawan sa mga scripture passage sa lesson na ito ang pagkamatay ng Tagapagligtas sa krus at ang mga pangyayaring naganap kaagad pagkatapos nito. Pag-isipan sandali ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano kaya ang madarama mo kung nasaksihan mo ang pagkamatay ni Jesus?

  • Ano ngayon ang nadarama mo tungkol sa Kanyang pagkamatay?

  • Paano mo Siya gustong maalala at igalang?

Sa iyong pag-aaral ngayon, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kang malaman kung paano mo aalalahanin, igagalang, at ipapakita ang iyong pagmamahal sa Tagapagligtas.

Simbolismo ng tabing ng templo

Sa panahon ng pagkamatay ni Jesus, nagkaroon ng lindol at iba pang pisikal na pagpapatunay, kabilang na ang pinsala sa templo. Basahin ang Mateo 27:50–51 at markahan ang detalye tungkol sa templo na itinala ni Mateo.

Simpleng drowing ng istruktura ng templo na may tabing

Ang sinaunang templo ay may dalawang silid na pinaghihiwalay ng tabing, o kurtina. Minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay dumadaan sa tabing ng templo mula sa Banal na Dako at pumapasok sa Kabanal-banalang Dako. Ang silid na ito ay kumakatawan sa presensya ng Diyos. Sa silid na ito, iniwiwisik ng mataas na saserdote ang dugo ng handog para sa kasalanan sa dambana upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng Israel (tingnan sa Levitico 16).

  • Ano kaya ang isinisimbolo ng pagkahati ng tabing sa Kabanal-banalang Dako?

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang simbolikong kahulugan ng pangyayaring ito:

Elder Bruce R. McConkie

Ang Kabanal-banalang Dako ay bukas na ngayon sa lahat, at lahat, sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ng Kordero, ay maaari na ngayong makapasok sa pinakamataas at pinakabanal sa lahat ng dako, ang kahariang iyon kung saan matatagpuan ang buhay na walang hanggan. … [Lahat ng tao] ay maaaring dumaan sa tabing patungo sa kinaroroonan ng Panginoon upang magmana ng ganap na kadakilaan.

(Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 vols. [1965–73], 1:830)

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa nangyari sa Mateo 27:51 ay ginawang posible ni Jesucristo na makabalik tayong lahat sa piling ng Ama sa Langit at maging katulad Niya. Itinuro din ni Apostol Pablo na ang paghati sa tabing ay naglalarawan ng katotohanang ito (tingnan sa Mga Hebreo 10:19–20).

Pagnilayan ang ibinayad ng iyong Tagapagligtas para mahati ang tabing at gawing posible para sa iyo na makabalik sa kaharian ng Kanyang Ama.

icon ng pagsusulat sa journal 1. Isulat sa iyong study journal ang sumusunod:

Isulat ang ilang paraan na tinulungan ka ng Tagapagligtas na personal na umunlad at humusay at maging higit na katulad ng iyong Ama sa Langit upang makabalik ka kalaunan sa Kanyang kinaroroonan.

Si Jesus ay iginagalang ng Kanyang mga disipulo

Nang mamatay si Jesus, hinangad ng Kanyang mga disipulo na alalahanin at igalang Siya. Basahin kung paano ipinakita ng ilan sa mga disipulo ang kanilang pagmamahal kay Jesus.

  • Mateo 27:57–60: Si Jose ng Arimatea, isang mayamang disipulo at miyembro ng Sanhedrin, ang pinakamataas na namamahalang kapulungan ng mga Judio

  • Juan 19:39–40: Si Nicodemo, isang Fariseo at miyembro ng Sanhedrin

  • Lucas 23:55–56: Si Maria Magdalena at ang iba pang kababaihan

Maaaring makatulong sa iyo ang sumusunod na impormasyon upang mas maunawaan ang mga ginawa ng mga disipulong ito.

Libingan sa halamanan, Jerusalem, Israel

Si Jose ng Arimatea, bagama’t hindi hayagang tagasunod ni Cristo, ay nagpakita ng pagkahabag at katapangan sa pamamagitan ng paghingi sa katawan ni Jesus. Ang puntod, o libingan, na inilaan ni Jose para sa katawan ng Tagapagligtas ay hinukay mula sa bato, at malamang na malaki ang nagastos para dito.

mira

Ang mira ay isang mabangong pinatuyong likido na ginagamit upang ihanda ang katawan ng pumanaw. Ang halaga ng mira at aloe na dinala ni Nicodemo upang pahiran ang katawan ng Tagapagligtas ay katulad sa ginagamit sa paglilibing ng mga maharlika.

Ang katawan ni Cristo ay inihimlay sa libingan

Ang mga kababaihan ay naghanda ng mga pabango at mga unguento para matapos ang paghahanda ng katawan ni Jesus dahil madaliang ginawa ang paglilibing sa Kanya.

  • Ano ang ipinapakita ng mga ginawa ng mga taong ito tungkol sa kanilang nadarama sa Tagapagligtas?

Pagpapakita ng iyong pagmamahal sa iyong Tagapagligtas

Bagama’t hindi natin pisikal na nakakasama ang Tagapagligtas, makahahanap pa rin tayo ng mga paraan upang maipakita ang ating pagmamahal sa Kanya.

icon ng pagsusulat sa journal 2. Gawin ang sumusunod sa iyong study journal:

Sumulat o magdrowing ng isa o mahigit pang mga bagay na sa palagay mo ay dapat mong gawin para maigalang at maipakita ang iyong pagmamahal sa Tagapagligtas. Tulad rin kina Jose ng Arimatea, Nicodemo, at Maria Magdalena at sa iba pang kababaihan, maaaring mangailangan ito ng sakripisyo.

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa akin?

Ibinuod ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang ilan sa nagawa ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin:

Pangulong Dallin H. Oaks

Sa ilalim ng plano ng ating Ama sa Langit, Kanyang “[nilikha ang] mga kalangitan at [ang] lupa” (Doktrina at mga Tipan 14:9) upang bawat isa sa atin ay magkaroon ng mortal na karanasang kailangan upang makamtan ang ating banal na tadhana. Bilang bahagi ng plano ng Ama, nadaig ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang kamatayan para tiyakin ang kawalang-kamatayan ng bawat isa sa atin. Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng pagkakataong pagsisihan ang ating mga kasalanan at makabalik nang malinis sa ating tahanan sa langit. Ipinapakita sa atin ng Kanyang mga kautusan at tipan ang daan, at ibinibigay ng Kanyang priesthood ang awtoridad na isagawa ang mga ordenansang mahalaga para marating ang tadhanang iyon. At kusang-loob na dinanas ng ating Tagapagligtas ang lahat ng mortal na pasakit at kahinaan upang malaman Niya kung paano tayo palalakasin sa ating mga paghihirap.

(Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 77)

Ano ang ilang paraan na maipapakita ko ang aking pagmamahal sa Tagapagligtas?

Sinabi ni Sister Becky Craven ng Young Women General Presidency:

Sister Rebecca L. Craven

Kung mahal natin Siya tulad ng sinasabi natin, hindi ba natin maipapakita ang pagmamahal na iyan sa pagiging mas maingat nang kaunti sa pagsunod sa Kanyang mga utos?

Ang pag-iingat sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay hindi nangangahulugan ng pagiging pormal o makaluma. Ang ibig sabihin nito ay gawing angkop ang ating mga iniisip at ginagawa bilang mga disipulo ni Jesucristo. Habang pinagninilayan natin ang kaibhan ng maingat sa kaswal sa ating pamumuhay ayon sa ebanghelyo, narito ang ilang ideyang dapat isaalang-alang:

Maingat ba tayo sa ating pagsamba sa araw ng Sabbath at sa paghahandang tumanggap ng sakramento bawat linggo?

Maaari ba tayong maging mas maingat sa ating mga panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan o maging mas aktibo sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya?

Maingat ba tayo sa pagsamba sa templo at maingat at sadya ba nating tinutupad ang mga tipan na ginawa natin kapwa sa binyag at sa templo? Maingat ba tayo sa ating anyo at disente sa ating pananamit, lalo na sa mga sagradong lugar at sitwasyon? Maingat ba tayo sa pagsusuot natin ng mga sagradong temple garment? O nagdidikta ba ng mas kaswal na saloobin ang mga uso sa mundo?

Maingat ba tayo sa pagmiminister sa iba at sa pagtupad natin sa tungkulin sa Simbahan, o balewala sa atin o kaswal tayo sa ating tawag na maglingkod?

Maingat ba tayo o kaswal sa binabasa at pinanonood natin sa TV at sa ating mga mobile device? Maingat ba tayo sa ating pananalita? O kaswal nating tinatanggap ang magaspang at mahalay?

Ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan ay naglalaman ng mga pamantayan na kapag maingat na sinunod ay maghahatid ng saganang mga pagpapala at tutulungan tayong manatili sa landas ng tipan.

(Becky Craven, “Maingat Laban sa Kaswal,” Liahona, Mayo 2019, 10)