Mateo 13:24–30, 36–43
Ang Talinghaga tungkol sa Trigo at mga Damo sa Triguhan
Gumamit ang Tagapagligtas ng talinghaga tungkol sa bukid ng trigo at mga damo sa triguhan (mga damong nakalalason) upang ituro ang tungkol sa pagtitipon ng mabubuti at paglipol sa masasama bago ang Kanyang pagbabalik. Layunin ng lesson na ito na mas hangarin mong makibahagi sa pagtitipon ng Israel.
Ang talinghaga tungkol sa trigo at mga damo sa triguhan
Isipin ang mga sumusunod na tanong. Kung may makakausap na magulang o kamag-anak, maaari mong talakayin ang mga tanong sa kanya.
-
Sino ang unang tao sa iyong pamilya na sumapi sa Simbahan?
-
Sino ang tumulong na anyayahan siya sa Simbahan?
-
Paano nakaapekto sa iyong buhay ang pagiging miyembro ng kapamilyang ito sa Simbahan?
-
Paano makaiimpluwensya sa iba ang desisyon mong tuparin ang iyong mga tipan sa Diyos?
Sa Mateo 13, ginamit ng Panginoon ang talinghaga tungkol sa trigo at mga damo sa triguhan upang ituro ang pagtitipon ng mga tao sa Kanyang Simbahan. Habang nag-aaral ka, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu upang tulungan kang maunawaan kung bakit tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao at kung paano ka makikibahagi.
Pag-aralan ang talinghaga sa Mateo 13:24–30. Maaaring makatulong na malaman na ang damo sa triguhan ay “damo o nakalalasong sukal na damo na katulad sa anyo ng trigo. Hindi [matutukoy ang kaibhan nito] sa trigo hangga’t hindi pa ito lubusang lumalaki” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Agingay, Mga,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl).
Upang matulungan kang mag-aral, gamitin ang pattern na ito na may apat na hakbang:
-
Hanapin ang mahahalagang detalye.
-
Gumawa ng mga espirituwal na paghahambing.
-
Tuklasin ang mahahalagang aral.
-
Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.
1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
-
Anong mga detalye sa talinghagang ito ang mahalaga para sa iyo?
-
Anong mga espirituwal na paghahambing ang ginawa mo?
-
Anong mahahalagang aral ang natukoy mo?
-
Paano mo maipamumuhay ang mga aral mula sa talinghagang ito?
Ang interpretasyon ng Panginoon sa talinghaga
Basahin ang Mateo 13:36–43, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa talinghagang ito.
-
Ano ang idinaragdag ng paliwanag ng Tagapagligtas sa pagkaunawa mo sa talinghaga?
Sa ating dispensasyon, ibinahagi ng Panginoon ang isang paraan kung paano matutupad ang talinghagang ito. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:64–65, at alamin ang ipinangako ng Panginoon na gagawin bago ang Ikalawang Pagparito. Maaaring makatulong na malaman na ang bangan ay isang kamalig o imbakan kung saan itinatabi ang mga butil.
-
Ano ang nalaman mo sa mga talatang ito tungkol sa Panginoon?
Ang pagtitipon ng Israel
Itinuro ni Pangulong Nelson ang tungkol sa mga pagsisikap ng Panginoon na tipunin ang Kanyang mga tao sa mga huling araw. Panoorin ang “Hayaang Manaig ang Diyos” mula sa time code na 4:07 hanggang 5:48, o basahin ang sumusunod na teksto. Maaari ka ring maghanap ng mga banal na kasulatan o iba pang pahayag nang mag-isa upang mapalalim ang iyong pag-unawa tungkol sa pagtitipon ng Israel.
Ang ginagampanan mo sa pagtitipon ng Israel
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin kung paano nauugnay sa iyo ang pagtitipon ng Israel:
Mga mahal kong mahuhusay na kabataan, ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo, upang tumulong na tipunin ang Israel. Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa riyan. Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga.
Ang pagtitipon na ito ay dapat maging napakahalaga sa inyo. Ito ang misyon ninyo dito sa lupa.
Kaya ang tanong ko sa inyo ay “Handa ba kayong maging bahagi ng hukbo ng kabataan ng Panginoon upang tumulong na tipunin ang Israel?”
(Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Ensign, 12, ChurchofJesusChrist.org)
3. Gawin ang sumusunod sa iyong study journal:
Sumulat ng isa o higit pang talata tungkol sa iyong mga naisip at impresyon tungkol sa pagtitipon ng Israel at sa talinghaga tungkol sa trigo at mga damo sa triguhan. Anyayahan ang Espiritu Santo na bigyang-inspirasyon ang iyong isipan at nadarama habang nagsusulat ka. Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo na magpasiya kung ano ang isusulat ngunit gabay lang ang mga ito.
-
Ano ang mga tanong mo tungkol sa pagtitipon ng Israel na masasagot mo na ngayon?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng pagtitipon ng Israel tungkol sa pagtitiwala ng Tagapagligtas sa iyo at sa Kanyang pagmamahal para sa lahat?
-
Paano mo matutulungan ang iyong sarili at ang iba na matipon kasama ng mga tao ng Panginoon?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit nais ng Panginoon na tipunin ang Kanyang mga tao?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao kapag Siya ay tinatanggap nila at sinusunod nila ang Kanyang mga kautusan. …
… Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang sila ay sumamba, magtayo ng Simbahan, mapangalagaan, at tumanggap ng payo at tagubilin. …
Sinabi ni Propetang Joseph Smith na sa lahat ng panahon, ang banal na layunin ng pagtitipon ay magtayo ng mga templo upang matanggap ng mga anak ng Panginoon ang pinakamatataas na ordenansa at sa gayon ay magtamo sila ng buhay na walang hanggan.
(David A. Bednar, “The Spirit and Purposes of Gathering” [Brigham Young University–Idaho devotional, Okt. 31, 2006], byui.edu)
Ano ang mga bangan kung saan titipunin ang mabubuti para maligtas?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mahalagang ugnayang ito sa pagitan ng alituntunin ng pagtitipon at ng pagtatayo ng mga templo ay binigyang-diin sa Aklat ni Mormon:
“Masdan, ang bukid ay hinog na, at kayo ay pinagpala, sapagkat ikinampay ninyo ang karit, at nanggapas nang buong lakas ninyo, oo, kayo ay buong araw na gumawa; at masdan ang bilang ng inyong mga bigkis! At sila ay titipunin sa mga bangan, upang hindi sila masayang” (Alma 26:5).
Ang bigkis sa paghahalintulad na ito ay kumakatawan sa mga bagong binyag na miyembro ng Simbahan. Ang bangan ay ang mga banal na templo.
(David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 97)
Ano ang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa pagtitipon ng Israel?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang Aklat ni Mormon ang sentro ng gawaing ito. Ipinahahayag nito ang doktrina ng pagtitipon. Dahil dito nalalaman ng mga tao ang tungkol kay Jesucristo, naniniwala sa Kanyang ebanghelyo, at sumasapi sa Kanyang Simbahan. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap.
(Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 80)