Seminary
Mateo 13:3–8, 18–23


Mateo 13:3–8, 18–23

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik

Tomato seedlings growing in the soil

Itinuro ni Jesus ang isang talinghaga tungkol sa isang lalaking naghahasik ng mga binhi. Ang mga binhing ito ay nahulog sa iba’t ibang uri ng lupa, na nagbunga ng magkakaibang resulta. Gayundin, ang salita ng Diyos ay tinatanggap sa iba’t ibang paraan ng mga taong nakaririnig nito. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maihanda mo ang iyong puso na tanggapin at pangalagaan ang salita ng Diyos.

Ihanda ang iyong sarili na pakinggan ang salita ng Diyos

  • Sa iyong palagay, bakit mas handang tanggapin at ipamuhay ng ilang tao ang salita ng Diyos kaysa sa iba?

Maglaan ng oras na suriin ang sarili kung gaano ka kahandang tanggapin ang salita ng Diyos. Gamitin ang scale na ito sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag:

Madalas—Minsan—Bihira

Pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan nang may layuning matuto at umunlad.

Sinisikap kong pansinin ang impluwensya ng Espiritu sa aking buhay at sundin ang mga tagubilin na ibinigay sa akin.

Pinakikinggan at sinusunod ko ang payong ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol.

Sinisikap kong patibayin ang aking personal na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ngayong nasuri mo na ang iyong saloobin tungkol sa salita ng Diyos, handa ka nang pag-aralan ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Sa talinghagang ito, nagbalangkas ang Panginoon ng ilang problema na maaaring makahadlang sa pagsibol, paglaki ng ugat, at pagbunga ng mga binhi. Tulad ng lahat ng Kanyang talinghaga, gumamit ang Panginoon ng mga pamilyar na elemento upang magturo ng mga espirituwal na aral.

Gamitin ang sumusunod na pattern na may apat na hakbang upang pag-aralan ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Anuman ang sagot mo sa mga pahayag sa itaas, layunin ng lesson na ito na tulungan kang ihanda ang iyong puso na tanggapin ang mga pagpapalang nais ibigay sa iyo ng Panginoon. Habang nag-aaral ka, maghanap ng mga paraan upang magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng salita ng Diyos.

  1. Hanapin ang mahahalagang detalye.

  2. Gumawa ng mga espirituwal na paghahambing.

  3. Tuklasin ang mahahalagang aral.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.

Hanapin ang mahahalagang detalye

Ang isang paraan upang mailarawan sa isipan ang mahahalagang detalye ay idrowing ang bawat bahagi ng talinghaga. Hatiin ang isang pahina sa iyong study journal sa apat na bahagi. Basahin ang mga scripture verse at gumawa ng simpleng drowing tungkol sa inilalarawan.

  1. Mateo 13:3–4

  2. Mateo 13:5–6

  3. Mateo 13:7

  4. Mateo 13:8

Gumawa ng mga espirituwal na paghahambing

Basahin ang mga paliwanag ni Jesus tungkol sa talinghaga sa mga sumusunod na mga scripture verse. Isulat ang anumang paghahambing na ginawa Niya sa tabi ng iyong mga drowing.

  1. Mateo 13:19

  2. Mateo 13:20–21

  3. Mateo 13:22

  4. Mateo 13:23

Tuklasin ang mahahalagang aral

Upang matuklasan ang mahahalagang aral, makatutulong na magtanong ng mga bagay na nagtutulot sa Espiritu Santo na personal na magturo sa iyo. Bukod pa sa mga sumusunod na tanong, mag-isip ng iba pa na maaari mong itanong.

  • Ano kaya ang nais ng Panginoon na matutuhan ko mula sa talinghagang ito?

  • Bakit nais ng Tagapagligtas na malaman ko kung saan natutulad ang puso ko?

Maaari mo ring isipin kung paano maipamumuhay ang talinghaga sa tunay na buhay. Halimbawa, subukang ilarawan kung paano naiiba ang mga pag-uugali ng isang tao na ang puso ay tulad ng mabato o matinik na lupa sa mga pag-uugali ng isang tao na ang puso ay tulad ng mabuting lupa. Habang iniisip mo ang mga pag-uugali na ito, maaari mong isulat ang ilan sa mga ito sa tabi ng bawat drowing mo.

  • Anong mga payo ang maibibigay mo sa isang tao na ang puso ay matigas, mabato, o matinik?

Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral

Isipin ang kalagayan ng sarili mong puso at kung alin sa apat na uri ng lupa ang pinakamainam na naglalarawan sa iyo. Kung ang espirituwal na kalagayan ng iyong puso ay kasalukuyang wala sa kalagayang gusto mo, dapat mong malaman na maaari kang magbago.

Batay sa natutuhan mo ngayon, pagnilayan sandali kung ano ang magagawa mo upang mapabuti ang kalagayan ng iyong puso.

Writing on a piece of paper with a pen or pencil. 1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Ano ang gagawin mo upang maanyayahan ang salita ng Diyos sa iyong puso?

  • Anong mga hakbang ang gagawin mo upang mapabuti ang kalagayan ng iyong puso?

  • Anong mga balakid ang hihilingin mo sa Panginoon na tulungan kang malampasan?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ay nagbigay ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga sumusunod na tanong ay masasagot gamit ang kanyang mga paliwanag.

Ano ang mga binhing “nahulog sa tabing daan”? (tingnan sa Mateo 13:4, 19)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Ang mga binhing “nangahulog sa tabi ng daan” (Marcos 4:4) ay hindi umabot sa lupa kung saan maaaring tumubo ang mga ito. Para itong mga turo na nahulog sa isang pusong matigas o hindi handa.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 32)

Ano ang maaaring dahilan upang mapunta ang puso ng isang tao sa “batuhan”? (tingnan sa Mateo 13:5, 20–21)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Mga kabataan, … narito ang partikular na halimbawa. Kung ang mga simbolo ng sakramento ay ipinapasa at kayo ay nagte-text o bumubulong o naglalaro ng video games o may iba pang ginagawa na nagkakait sa inyong sarili ng mahalagang espirituwal na pagkain, pinuputol ninyo ang inyong mga espirituwal na ugat at lumilipat kayo sa mabatong lupa.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 33)

Paano natin matutukoy ang “mga tinik” ng buhay? (tingnan sa Mateo 13:7, 22)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Sumusuko tayo sa “mga kalayawan sa buhay na ito” [Lucas 8:14] (1) kapag tayo ay nalulong, na nagpapahina sa mahalagang kaloob ng Diyos na kalayaan; (2) kapag nadaya tayo ng mga munting gambala, na naglalayo sa atin sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan; at (3) kapag inisip natin na karapatan nating matanggap ang isang bagay, na hadlang sa personal na paglagong kailangan para maging marapat tayo sa ating walang-hanggang tadhana.

Nadaraig tayo ng “mga alalahanin … ng buhay na ito” [Lucas 8:14] kapag hindi tayo makakilos dahil sa takot sa hinaharap, na humahadlang sa pagsulong natin nang may pananampalataya, pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang mga pangako.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 34–35)

Ano ang kailangan upang magbunga sa “mabuting lupa”? (tingnan sa Mateo 13:8, 23)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Nasa atin ang binhi ng salita ng ebanghelyo. Tayo na ang magtatakda ng mga prayoridad at gagawa ng mga bagay para maging mabuti ang ating lupa at umani tayo nang sagana. Kailangan nating hangaring maging matibay na nakaugat at nananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Colosas 2:6–7). Nakakamtan natin ang pagbabagong-loob na ito sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at regular na pakikibahagi ng sakramento para mapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 35)