Mateo 13
Nagturo si Jesucristo Gamit ang mga Talinghaga
Ang mga manghahasik at manggagapas, mga binhi ng mustasa at pampaalsa, mga kayamanan at perlas—ang mga ito ang ilan sa mga simbolong ginamit ni Jesucristo nang magturo Siya gamit ang mga talinghaga. “Ang mga may pandinig ay makinig” (Mateo 13:9, 43), ang paanyaya ng Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay magbibigay sa iyo ng mga pagkakataong pag-aralan ang mga talinghaga, matuklasan ang espirituwal na kahulugan ng mga ito, at maghanap ng mga paraan upang maipamuhay ang natutuhan mo.
Paghahanap ng kahulugan
Maglaan ng ilang sandali upang mahanap ang mga nakatagong bagay sa sumusunod na larawan.
-
Anong mga bagay ang madali mong nahanap? Alin sa mga ito ang nangailangan ng higit na pagsisikap?
Tulad ng paghahanap ng mga bagay sa larawang ito, ang paghahanap ng kahulugan sa mga banal na kasulatan ay kadalasang nangangailangan ng pagsisikap natin na matutuhan kung paano saliksikin at pag-aralan ang mga ito. Kapag inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na tulungan tayong pag-aralan ang binabasa natin, makahahanap tayo ng karagdagang kahulugan na maaaring nakatago noong una.
-
Kailan ka nakahanap ng kahulugan sa mga banal na kasulatan na hindi mo nakita noong una?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na magtagumpay sa paghahanap ng mga espirituwal na aral o kahulugan mula sa mga banal na kasulatan?
Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong magsanay na maghanap ng mas malalim na kahulugan sa mga banal na kasulatan, lalo na sa mga talinghaga ng Panginoon. Sikaping tumuklas at gumamit ng mga bagong paraang tutulong sa iyong pag-aralan ang mga banal na kasulatan.
Nagturo si Jesucristo gamit ang mga talinghaga
Madalas magturo si Jesucristo sa pamamagitan ng paggamit ng mga simpleng kuwento na kilala bilang mga talinghaga. Sa mga talinghagang ito, inihambing ni Jesus ang mga pamilyar na bagay o sitwasyon sa mga espirituwal na katotohanan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Talinghaga,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl). Minsa’y tinanong si Jesus ng Kanyang mga disipulo kung bakit Siya nagtuturo gamit ang mga talinghaga (tingnan sa Mateo 13:10).
Basahin ang Mateo 13:11–13, 16, at alamin ang dahilang sinabi ng Tagapagligtas kung bakit Siya nagtuturo gamit ang mga talinghaga.
-
Ano ang naitulong ng mga talatang ito upang maunawaan mo ang dahilan kung bakit nagturo ang Tagapagligtas gamit ang mga talinghaga?
-
Sa iyong palagay, bakit may mga taong nakakakita, nakaririnig, at nakauunawa sa mga mensahe ng Panginoon at may ibang taong hindi?
Ang sumusunod na proseso ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga talinghaga ng Tagapagligtas at matutuhan ang mahahalagang espirituwal na aral mula sa mga ito. Isulat ang mga hakbang na ito sa iyong study journal.
-
Hanapin ang mahahalagang detalye.
-
Gumawa ng mga espirituwal na paghahambing.
-
Tuklasin ang mahahalagang aral.
-
Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.
Isagawa ang bawat isa sa mga hakbang na ito habang pinag-aaralan ang isang maikling talinghaga.
Hanapin ang mahahalagang detalyeGawin ang unang hakbang sa prosesong ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng Mateo 13:44 at paghahanap ng mahahalagang detalye. Maaaring kabilang sa mga detalyeng ito ang mga tao, lugar, bagay, kilos, o pangyayari. Maaari mo ring markahan ang natuklasan mo sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Anong mahahalagang detalye ang nakita mo?
Kasama sa mga detalye na maaaring napansin mo ay ang kayamanan, ang lalaking nakahanap nito, at ang katotohanan na ipinagbili niya ang lahat ng mayroon siya upang makuha ito.Gumawa ng mga espirituwal na paghahambingMaaaring magawa kaagad ang mga espirituwal na paghahambing kapag natuklasan mo ang mahahalagang detalye, ngunit maaari din itong mangailangan ng higit na pagsisikap. Huwag matakot na pagnilayan ang mga detalye at maghanap ng mga clue, gamit ang mga tulong sa banal na kasulatan na makukuha mo.
Upang sanayin ang kasanayang ito, maglaan ng ilang sandali upang maghambing ng ilang bagay na pisikal sa mga bagay na espirituwal. Halimbawa, maaari mong ihambing ang isang pambura sa doktrina ng pagsisisi.
-
Anong mga paghahambing ang naisip mo?
Sa talinghaga sa Mateo 13:44, tinulungan tayo ng Tagapagligtas na gumawa ng kahit isang paghahambing nang sabihin Niyang, “ang kaharian ng langit ay tulad sa kayamanan” (Mateo 13:44).
-
Anong mga espirituwal na paghahambing ang magagawa mo gamit ang iba pang detalye ng talinghagang ito?
Tuklasin ang mahahalagang aralUpang matuklasan ang mahahalagang aral, makatutulong na magtanong tungkol sa mga detalyeng napansin mo at sa mga espirituwal na paghahambing na ginawa mo.
-
Kung alam natin na “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa mundo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl), anong mga aral kaya ang nais ng Tagapagligtas na maunawaan natin mula sa Kanyang talinghaga?
Ang isang aral na maaari nating matutuhan mula sa talinghagang ito ay kapag natagpuan natin ang Simbahan ng Tagapagligtas at natanto natin ang kahalagahan nito, dapat nating masayang isuko ang lahat ng iba pang bagay upang matanggap ang mga pagpapala ng pagiging bahagi ng kaharian ng Diyos. Maaari mong itala ang mahahalagang aral na natutuhan mo sa iyong Notes sa ChurchofJesusChrist.org o sa iyong mga banal na kasulatan.Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aralTukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyong sarili kung ano ang kailangan mong gawin sa sarili mong buhay upang maipamuhay ang mga aral na natuklasan mo.
Kabilang sa maraming paraan upang maipamuhay ang katotohanang ito ay maaari tayong mangako na maglingkod nang mas tapat sa tungkulin sa Simbahan o talikuran ang mga bagay sa ating buhay na humahadlang sa atin na lubos na matamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa pattern na ito sa pag-aaral na makahanap ng kahulugan sa maikling talinghagang ito?
Pumili ng isa sa mga sumusunod na reperensyang banal na kasulatan, at sundin ang bawat isa sa apat na hakbang na inilarawan sa itaas. (Kapag tapos ka na, maaari mong subukan ang isa o mahigit pa sa iba pang reperensya.)
Mateo 13:31–32Mateo 13:33Mateo 13:45–46Mateo 13:47–48
1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Ano ang natuklasan mo nang pag-aralan mo ang talinghaga gamit ang apat na hakbang?
-
Ano sa palagay mo ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa pasiya Niyang gumamit ng mga talinghaga upang magturo ng mahahalagang aral?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit nagturo si Jesus gamit ang mga talinghaga?
“Ipinararating ng talinghaga sa tagapakinig ang espirituwal na katotohanan batay sa kanyang pananampalataya at katalinuhan; sa nananamlay at walang nadaramang inspirasyon ito ay isang simpleng kuwento, sila ay ‘nagsisitingin ngunit hindi nangakakakita,’ samantalang sa mga naturuan at espirituwal ay inihahayag ang mga hiwaga o lihim ng kaharian ng langit. Kaya nga ipinapakita ng talinghaga ang kundisyon ng lahat ng tunay na kaalaman. Siya na naghahanap ay makasusumpong” (Bible Dictionary, “Parables”).
Bakit mahalagang maghanap ng kahulugan sa mga talinghaga at sa ating mga karanasan?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Dapat nating alamin ang mga aral at babala na makikita sa simpleng mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay. Habang naghahangad tayo ng isipan at puso na bukas sa pagtanggap ng patnubay mula sa langit sa [pamamagitan ng] kapangyarihan ng Espiritu Santo, ilan sa pinakamagagandang tagubilin na matatanggap natin at marami sa mga pinakamatinding babala na magpoprotekta sa atin ay manggagaling sa ating sariling pangkaraniwang mga karanasan. Napapaloob sa mga banal na kasulatan at sa ating pang-araw-araw na buhay ang mabibisang parabula.
(David A. Bednar, “Maging Alisto at Patuloy na Manalangin,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 34)
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talinghaga mula sa Mateo 13 tungkol sa mga huling araw?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44) na ang mga talinghaga ng Tagapagligtas sa Mateo 13 ay tumutulong sa atin na maunawaan ang pagtitipon ng mga tao sa Simbahan noong panahon ng Bagong Tipan at gayon din sa mga huling araw: “Ang mga salita ng Tagapagligtas na nakatala sa ika-13 kabanata ng Kanyang Ebanghelyo ayon kay Mateo, … sa aking palagay, ay binibigyan tayo ng malinaw na kaalaman tungkol sa mahalagang paksa ng pagtitipon tulad ng anumang bagay na nakatala sa Biblia” (“To the Elders of the Church of the Latter Day Saints,” Latter Day Saints’ Messenger and Advocate, Dis. 1835, 2:225; ang pagbabaybay, pagsulat sa malaking titik, at pagbabantas ay ginawang makabago).