Mateo 23
Kinondena ng Tagapagligtas ang Pagpapaimbabaw
Sa huling linggo ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang pagpapaimbabaw at maging mapagpakumbabang tagasunod ni Jesucristo.
Ano ang pagpapaimbabaw?
Ipagpalagay na may tatlong baso kang maaaring pagpilian na gamitin sa pag-inom. Ang unang baso ay marumi sa labas, ang pangalawang baso ay marumi sa loob, at ang pangatlong baso ay malinis.
-
Sa paanong mga paraan maaaring kumatawan ang maruruming baso sa mga mapagpaimbabaw?
Ang salitang mapagpaimbabaw ay isinalin mula sa isang salitang Griyego na nangangahulugang “aktor” at ito ay tumutukoy sa isang taong nagkukunwari, nagpapalabis ng isang bahagi, o mapanlinlang at pabagu-bago sa kanyang mga kilos. Ito ay “karaniwang tumutukoy sa isang taong nagkukunwaring relihiyoso kahit hindi siya relihiyoso” (Bible Dictionary, “Hypocrite”). Maaari din itong tumukoy sa isang tao na nagkukunwaring hindi relihiyoso kahit ang totoo ay relihiyoso siya.
Habang pinag-aaralan mo ang Mateo 23, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na maiwasan ang pagpapaimbabaw at maging higit na katulad ni Jesucristo.
Bilang bahagi ng huling mensahe ng Tagapagligtas sa publiko na ibinigay Niya sa huling linggo ng Kanyang ministeryo sa mundo, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo. Binigyang-diin Niya na ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay “umuupo sa upuan ni Moises” (Mateo 23:2), na nangangahulugang sila ay may katungkulan na may awtoridad na magturo ng doktrina at bigyang-kahulugan at pangasiwaan ang batas. Itinuring nila ang kanilang sarili na mas karapat-dapat kaysa sinuman sa sinagoga.
Basahin ang Mateo 23:3–7, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano naging mapagpaimbabaw o mapagkunwari ang mga eskriba at ang mga Fariseo. Bago ka magbasa, maaaring makatulong na malaman na ang “mga pilakteria” (talata 5) ay maliliit na kahon na yari sa balat na itinatali ng mga Judio sa noo at kaliwang bisig. Sa loob ng mga pilakteria ay may maliliit na bilot ng papel na may mga partikular na talata ng banal na kasulatan mula sa Lumang Tipan. Ang mga Judio ay nagsusuot ng mga pilakteria upang matulungan sila na maalalang sundin ang mga utos ng Diyos.
-
Ayon sa talata 5, bakit pinalalapad ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang kanilang mga pilakteria, at “ang mga laylayan ng kanilang mga damit”?
Hindi kinondena ng Panginoon ang mga nagsusuot ng mga pilakteria, ngunit kinondena Niya ang mga nagsusuot ng mga ito nang may pagpapaimbabaw o nagpapalapad ng mga ito upang mapansin sila ng iba o magmukha silang mas mahalagang tao.
1. Sagutin sa iyong study journal ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang panganib na dulot ng pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng mga nakikitang kilos dahil gusto mong mapansin ka ng iba?
-
Sa iyong palagay, bakit gusto ng Diyos na sambahin mo Siya nang tapat at nang may mabuting layunin?
Bukod pa sa pagbibigay ng babala sa mga tao na huwag sundin ang pag-uugali ng mga eskriba at Fariseo, direkta ring kinausap ng Tagapagligtas ang mga eskriba at Fariseo. Ibinalita Niya ang ilang kahabag-habag na sasapit sa kanila dahil sa kanilang pagpapaimbabaw (tingnan sa Mateo 23:13–33). Ang ibig sabihin ng kahabag-habag ay paghihirap, pagdurusa, at kalungkutan.
Basahin ang Mateo 23:23–28, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas sa mga eskriba at Fariseo.
2. Sagutin sa iyong study journal ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano nakadaragdag ang mga talatang ito sa nauunawaan mo tungkol sa pagpapaimbabaw?
-
Ano ang masasabi mo sa isang taong nag-aalala tungkol sa pagiging mapagpaimbabaw kapag nagkakamali siya habang sinisikap niyang ipamuhay ang ebanghelyo?
Paano natin maiiwasan at madadaig ang pagpapaimbabaw
Kumpara sa mga eskriba at Fariseo, hindi kailanman naging mapagpaimbabaw ang Tagapagligtas. Itinuro Niya sa mga tao na huwag ituring ang kanilang sarili na mas mabuti kaysa sa iba, dahil silang lahat ay mga anak ng Diyos, at pantay-pantay sa Kanyang paningin. Pinatotohanan Niya na ang Ama sa Langit ang Lumikha sa atin at na Siya, si Cristo, ay isinugo ng Ama at ang ating tunay na Panginoon na nagbibigay ng buhay (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 23:6; Mateo 23:8–10).
Basahin ang Mateo 23:11–12, at maghanap ng mga turo na makatutulong sa atin na madaig at maiwasan ang pagpapaimbabaw.  
-
Sa iyong palagay, anong alituntunin ang itinuturo sa atin ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?
Itinuro ng Tagapagligtas na kung magiging mapagpakumbaba tayo at maglilingkod sa iba, itataas tayo ng Panginoon. Tutulungan Niya tayong maging higit na katulad Niya, at sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at tunay na pagsisisi ay ipagkakaloob sa atin ng Diyos ang kadakilaan sa kahariang selestiyal.
3. Sagutin sa iyong study journal ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano naging halimbawa si Jesucristo ng pagiging mapagpakumbaba, paglilingkod sa iba, at pag-iwas sa pagpapaimbabaw?
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagiging mapagpakumbaba at paglilingkod sa iba upang maiwasan ang pagpapaimbabaw at maging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Basahin at pagnilayan ang mga sumusunod na pahayag. Tukuyin ang isa o dalawang pahayag na pinakamadalas na tumutukoy sa iyo.
-
Nagkukunwari ako bilang isang taong hindi ako.
-
Gumagawa ako ng mabuti upang mapansin ako ng iba.
-
Madalas kong isiping mas mabuti ako kaysa sa iba.
-
Bagama’t nagkakamali ako, tapat kong sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo.
-
Sinusubukan kong paglingkuran ang iba at gumawa ng mabuti nang hindi naghahangad ng pagkilala.
-
Sinusubukan kong magpakumbaba at huwag tingnan ang sarili ko na mas mabuti kaysa sa iba.
Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang tinutukoy mo ang anumang bagay na maaari mo pang pagbutihin. Tandaan na mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nalalaman Nila ang anumang taos-pusong pagsisikap mo na ipamuhay ang ebanghelyo. Kapag humingi ka ng tulong sa Ama sa Langit, tutulungan ka Niyang madaig ang anumang kahinaan o pagpapaimbabaw.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano tiningnan ng Tagapagligtas ang mga mapagpaimbabaw na eskriba at Fariseo?
Sa kanyang mensahe na “Ang Tinig ng Babala,” itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano kinondena ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo (Ensign o Liahona, Mayo 2017, 108–11).
Mapagpaimbabaw ba ako kung nagkakamali ako habang sinisikap kong ipamuhay ang ebanghelyo?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Mga kapatid, bawat isa sa atin ay naghahangad ng buhay na mas katulad ng kay Cristo kaysa sa pamumuhay natin ngayon. Kung tapat nating aaminin iyan, at nagsisikap na mas bumuti pa, hindi tayo mga mapagkunwari; tayo ay tao.
(Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 42)