Seminary
Apocalipsis 8–11


Apocalipsis 8–11

Ang Pagbubukas ng Ikapitong Tatak

A Girl/Young Woman lying on a bed reading scriptures.

Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng maraming pagkakataon na matutuhan ang mahahalagang aral mula sa mga taong nabuhay noon. Itinuturo din ng mga ito sa atin ang mga ipinropesiyang pangyayari na magaganap sa hinaharap. Sa Apocalipsis 8–11, isinulat ni Juan ang mga propesiya tungkol sa mahahalaga at nakababagabag na pangyayari na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang madama ang kapangyarihan ng Panginoon at ang Kanyang kakayahan na protektahan tayo mula sa mga kalamidad at kasamaan sa mga huling araw.

Mga mahimalang pangyayari sa mga huling araw

  • Ano ang ilan sa mga pinakadakilang gawain na ginawa ng Panginoon noon, para sa iba o para sa sarili mong buhay?

Nagbahagi si Pangulong Russell M. Nelson ng mahalagang kaalaman tungkol sa mga pangyayaring magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang mga palatandaan na ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mamumuno sa daigdig na ito sa karingalan at kaluwalhatian.

(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96) 

  • Ano ang mga naisip o nadama mo habang binabasa mo ang pahayag na ito?

  • Ano ang ilan sa mga pinakadakilang gawain na alam mong gagawin ng Panginoon bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito?

Mula sa pahayag ni Pangulong Nelson, nalaman natin na isasagawa ng Panginoon ang ilan sa Kanyang mga pinakadakilang gawain bago Siya muling pumarito. Pag-aaralan mo sa lesson na ito ang ilan sa mga pinakadakilang gawaing ito. Bigyang-pansin ang matututuhan mo tungkol sa Diyos, sa Kanyang kapangyarihan, at sa pagmamahal Niya sa atin habang nag-aaral ka.

Nakita ni Juan ang pagbubukas ng ikapitong tatak

Maaaring natatandaan mo na sa kanyang pangitain na nakatala sa aklat ng Apocalipsis, nakita ni Juan ang isang aklat na may pitong tatak. Ang bawat tatak ay kumakatawan sa 1,000 taon sa mundo (tingnan sa Apocalipsis 5 ; Doktrina at mga Tipan 77:6–7). Ang sumusunod na larawan ay makatutulong sa iyo na mailarawan sa isipan ang pagbibigay-diin ni Juan sa bawat isa sa mga panahong ito.

A diagram of John’s vision of the 7 seals in the book of revelation including scripture verse reference
  • Bakit maaaring makatulong para sa iyo na malaman na itinuon ni Juan ang karamihan ng kanyang mga isinulat sa mga pangyayaring may kaugnayan sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, sa halip na sa mga pangyayaring may kaugnayan sa mga naunang tatak?

Sa Apocalipsis 11 , nakita ni Juan ang panahon kung saan ang isang makapangyarihang hukbo na binubuo ng maraming “mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa” ( Apocalipsis 11:9) ay magtatangkang wasakin ang Jerusalem (tingnan din sa Ezekiel 38:4–6, 14–16 ; Joel 2:1–9 ; Apocalipsis 9:16–17 ; 11:2). Ngunit nakasaad sa mga sulat ni Juan na may dalawang saksing isinugo mula sa Diyos na hahadlang sa hukbong ito sa pagsasakatuparan ng layunin nito sa loob ng 42 buwan (tingnan sa Apocalipsis 11:2–3).

Basahin ang Apocalipsis 11:3–6 at Doktrina at mga Tipan 77:15 , at alamin ang mga detalye tungkol sa dalawang saksing ito.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa dalawang saksing ito?

  • Anong katibayan ang nakikita mo na mapapasakanila ang kapangyarihan ng Diyos?

Basahin ang Apocalipsis 11:7–10 , at alamin ang ipinropesiya ni Juan na mangyayari sa dalawang propetang ito pagkatapos nilang magministeryo sa mga Judio.

  • Ano ang ipinahihiwatig ng mga talatang ito tungkol sa espirituwal na kalagayan ng marami na mabubuhay sa mundo sa panahong iyon?

Nakasaad sa mga banal na kasulatan na sa loob ng “tatlong araw at kalahati” ( Apocalipsis 11:9) kapag ang mga propetang ito ay papatayin at hahandusay sa lansangan, muling pagtutuunan ng makapangyarihang hukbo ang pagsakop sa Jerusalem (tingnan sa Zacarias 14:2).

Photo of the Mount of Olives

Ito ay larawan ng Bundok ng mga Olibo sa Jerusalem. Sa bundok na ito, nagdusa ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Lucas 22:39–44). Ang Bundok ng mga Olibo ay ang lugar din kung saan ang Tagapagligtas ay “lalabas … at makikipaglaban sa mga bansang iyon” ( Zacarias 14:3–4) na naghahangad na wasakin ang mga Judio bago Siya magpakita sa buong mundo.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin ang mga detalye tungkol sa mga pinakadakilang gawain na gagawin ng Panginoon sa Jerusalem at sa Bundok ng mga Olibo bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito.

Apocalipsis 11:11–13

Zacarias 14:3–5

Doktrina at mga Tipan 45:48–53

Writing on a piece of paper with a pen or pencil. 1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Ano ang magiging epekto ng mga pangyayaring nakatala sa mga scripture passage na ito sa mga taong nakararanas ng mga ito?

  • Ano ang ipinauunawa o ipinadarama sa iyo ng mga ipinropesiyang pangyayaring ito tungkol sa Tagapagligtas?

  • Bakit mahalagang maunawaan at madama mo ang mga bagay na ito tungkol sa Tagapagligtas ngayon mismo sa iyong buhay?

Proteksyon para sa mga Banal ng Diyos

Bagama’t ang kasamaan, digmaan, at pagkawasak ay magaganap bago ang Ikalawang Pagparito, mahalaga ring alalahanin na nangako ang Panginoon ng tulong at espirituwal na proteksyon sa mga taong pinipiling sumunod sa Kanya (tingnan sa Apocalipsis 17:14 ; 1 Nephi 22:16–17). Ang isang lugar ng kapayapaan, kanlungan, at kaligtasan ay ang Sion, ang Bagong Jerusalem, na matatagpuan sa kontinente ng Amerika (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:66 ; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Hindi pa naghahayag ang Panginoon ng maraming detalye hinggil sa lungsod na ito sa hinaharap, ngunit itinuro Niya ang tungkol sa proteksyong makukuha roon.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:66–71 , at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang lungsod ng Sion.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Sion, tingnan sa “Ano ang Sion?” sa bahaging “Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” ng lesson na ito.

  • Anong mga salita o parirala ang naging makabuluhan para sa iyo mula sa mga talatang ito?

  • Saan magmumula ang mabubuting tao ng Sion?

  • Ano ang ginagawa ngayon ng Panginoon upang ihanda tayo para sa panahong ito sa hinaharap at protektahan tayo laban sa mga kasamaan at panganib sa ating panahon?

Pag-isipan ang natutuhan mo

Sumangguni sa pahayag ni Pangulong Nelson sa simula ng lesson, at isipin kung ano ang napag-aralan mo ngayon tungkol sa mga pinakadakilang gawaing gagawin ng Panginoon.

Writing on a piece of paper with a pen or pencil. 2. Kumpletuhin sa iyong study journal ang kahit dalawa sa mga sumusunod na pahayag:

Ang ilang bagay na pinakamahalaga para sa akin mula sa pag-aaral ko ngayon ay …

Ngayon ay natutuhan o nadama ko na ang Panginoon ay …

Dahil sa natutuhan o nadama ko ngayon, gusto kong …

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Ano ang alam natin tungkol sa dalawang propeta na nasa Jerusalem sa hinaharap?

Ibinigay ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga sumusunod na kaalaman:

Head and shoulders portrait of Elder Bruce R. McConkie.

Sino ang mga saksing ito? Hindi natin alam, maliban sa mga tagasunod sila ni Joseph Smith; tataglayin nila ang banal na Melchizedek Priesthood; sila ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Makatwirang ipalagay natin, nalalaman kung paano laging nakikipag-ugnayan ang Panginoon sa kanyang mga tao sa lahat ng panahon, na sila ay dalawang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa o ng Unang Panguluhan ng Simbahan.

(Bruce R. McConkie, The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 390)

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa dalawang propetang ito, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:15 .

Ano kaya ang mangyayari kapag muling pumarito si Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Babalik [si Jesucristo] sa Banal na Lunsod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:46–48). Doon at sa ibang lugar, “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao” ( Isaias 40:5 ; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:23). Ang Kanyang “pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” ( Isaias 9:6). …

Sa araw na iyon tataglayin Niya ang mga bagong katawagan at paliligiran Siya ng natatanging mga Banal. Kikilalanin Siya bilang “Panginoon ng mga panginoon, at Hari ng mga hari; at [ang mga makakasama] niya [ay ang mga taong] tinawag at mga pili at mga tapat” ( Apocalipsis 17:14) sa ipinagkatiwala sa kanila dito sa mortalidad. Pagkatapos, Siya’y “maghahari magpakailan kailan man at walang katapusan” ( Apocalipsis 11:15).

(Russell M. Nelson, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2020, 16–17)

Ano ang Sion?

Ang salitang Sion ay ginagamit sa mga banal na kasulatan nang may iba’t ibang kahulugan. Kung minsan tumutukoy ang salita sa mga tao ng Sion at inilalarawan sila bilang “ang may dalisay na puso” ( Doktrina at mga Tipan 97:21). Maaari din tumukoy ang Sion sa buong Simbahan at sa lahat ng stake nito sa buong mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:14). Ang salitang Sion ay maaari ding tumukoy sa partikular na heograpikong lokasyon, tulad ng lunsod ni Enoc (tingnan sa Moises 7:18–21), sinaunang Jerusalem (tingnan sa 2 Samuel 5:7 ; 1 Mga Hari 8:1), at ang Bagong Jerusalem sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:66–67 ; 57:1–3 ; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Sion,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/zion?lang=tgl).

Paano ako makadarama ng kapayapaan sa gitna ng mga kalamidad sa mga huling araw?

3:26

Ang Puso ng mga Tao ay Magsisipanlupaypay

Nagbahagi si Elder Russell M. Nelson ng isang personal na kuwento para palakasin ang loob natin kapag tayo ay “pinanghihinaan ng loob.”