Roma 8:18–39
“Pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo”
Natukso ka na bang isipin kung nagmamalasakit sa iyo ang Diyos sa mga sitwasyong nakapanlulumo, hindi patas, o mahirap? Nakapaloob sa sulat ni Pablo sa mga Banal sa Roma, kung saan ang ilan ay nagtiis sa matitinding pagsubok, ang isang nakapapanatag na mensahe para sa sinumang nagdurusa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng pag-asa at kapanatagan sa pamamagitan ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo habang nahaharap ka sa mga pagsubok at kawalang-katiyakan.
Ano ang ipapayo mo?
Isipin kung ano ang maaaring ipayo ng isang doktor upang makatulong sa mga sumusunod na kalagayan:
-
Pananakit ng tiyan dahil sa bacteria o virus (Stomach flu)
-
Nabaling daliri ng paa
-
Matinding pananakit ng ulo
-
Sipon
Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong partikular na payo ang maaaring ibigay sa bawat isa sa mga karamdamang iyon?
-
Anong pangkalahatang payo ang maaaring makatulong para magamot ang lahat ng karamdamang iyon?
Siyempre, hindi lahat ng pagsubok ay sa pisikal na aspeto. Maraming tao ang nagdurusa sa mga hamong may kinalaman sa mental, emosyonal, at espirituwal. Alam ng Tagapagligtas kung paano tulungan at palakasin ang bawat isa sa atin, anuman ang nagpapahirap sa atin. Bagama’t magkakaiba ang mga pagsubok ng bawat tao, tinuruan tayo ng Diyos ng mga walang hanggang katotohanan na makatutulong at makapagpapanatag sa atin sa anumang mahirap na sitwasyon. Sa iyong study journal, gumawa ng maikling listahan ng mga pagsubok na gusto mo o ng iyong mga mahal sa buhay ng tulong para makayanan ang mga ito.
-
Ano ang nalalaman mo na tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano ng kaligtasan na nakatutulong sa iyo sa mga pagsubok na ito? Paano ka natulungan ng kaalamang iyon?
Bagama’t hindi nababawasan ng iyong patotoo ang realidad, sakit, o hirap ng mga pagsubok na nararanasan mo at ng mga mahal mo sa buhay, makapagbibigay ito ng pag-asa, kapanatagan, at walang hanggang pananaw sa mga sandaling nararanasan mo ang mga pagsubok na iyon.
Ilang taon lang matapos ipadala ni Pablo ang mga sulat sa mga taga Roma, dumanas ang mga Banal sa Roma ng malalagim na pag-uusig. Basahin ang Roma 8:18, 24–25, 28, 31–39, at markahan ang bawat pariralang pinaniniwalaan mong makatutulong o makapagpapanatag sa isang tao, anuman ang mga partikular niyang paghihirap.
Ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo
Ang isa sa mga pariralang maaaring namarkahan mo sa mga talatang ito ay nagtuturo ng katotohanan na “[walang] makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos” (Roma 8:39).
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malaman mong mahal ka Nila. Ipinapakita nila ang pagmamahal na iyon sa gawa at sa salita.
-
Ayon sa Roma 8:32, ano ang ginawa ng Ama sa Langit upang ipakita na mahal ka Niya?
Basahin ang doctrinal mastery passage na matatagpuan sa Juan 3:16, at pansinin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa dahilan ng Ama sa Langit sa pagsusugo ng Kanyang anak sa lupa. Maaari mong i-cross reference o iugnay ang talatang na ito sa Roma 8:32.
Ang kahandaan ng Tagapagligtas na magbayad-sala para sa ating mga kasalanan ay patunay rin ng Kanyang pagmamahal sa atin (tingnan sa Roma 8:34–35; Doktrina at mga Tipan 34:1–3).
-
Kailan mo nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa iyong buhay? Paano ka natulungan ng Kanilang pagmamahal na makayanan ang mga paghihirap?
Sa iyong study journal, isulat ang natutuhan mo ngayon tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na gusto mong maalala. Maaari ka ring magsulat ng mensahe at ibigay ito sa isang kapamilya o kaibigan na maaaring makinabang sa isang bagay na natutuhan o nadama mo ngayon.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang ibig sabihin ng ang pagdurusang pinagdaraanan natin sa lupa ay “hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin”? (Roma 8:18)
Itinuro ni Sister Linda S. Reeves, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:
Hindi ko alam kung bakit marami tayong pagsubok, ngunit para sa akin ang gantimpala ay napakalaki, walang hanggan at walang katapusan, sobrang masaya at higit pa sa ating pang-unawa, kaya sa araw na iyon ng gantimpala, maaari nating sabihin sa ating maawain at mapagmahal na Ama na, “Iyon na po ba ang lahat ng kailangan naming gawin?” Naniniwala ako na kung araw-araw nating aalalahanin at kikilalanin ang lalim ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas para sa atin, magiging handa tayong gawin ang lahat para makabalik sa Kanilang piling, napaliligiran ng walang-hanggan Nilang pagmamahal. Malaking bagay ba … kung magdusa man tayo rito, kung sa bandang huli ay ang mga pagsubok na iyon ang mismong kailangan natin para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang-hanggan at kadakilaan sa kaharian ng Diyos sa piling ng Ama at ng Tagapagligtas?
(Linda S. Reeves, “Karapat-dapat sa mga Pagpapalang Ipinangako sa Atin,” Liahona, Nob. 2015, 11)
Paano “gumagawa sa ikabubuti [natin]” ang ating mga pagsubok? (Roma 8:28)
Sinabi ni Elder James B. Martino ng Pitumpu:
Ang ating Ama sa Langit, na lubos at ganap na nagmamahal sa atin, ay hinahayaang magkaroon tayo ng mga karanasang huhubog sa mga pag-uugali at katangiang kailangan natin para mas lalo tayong maging katulad ni Cristo. Maraming anyo ang mga pagsubok [sa atin], ngunit bawat isa ay nagtutulot na maging higit na katulad tayo ng Tagapagligtas habang natututuhan nating kilalanin ang kabutihang nagmumula sa bawat karanasan. Kapag naunawaan natin ang doktrinang ito, lalo nating matitiyak ang pagmamahal ng ating Ama. Maaaring hindi natin malaman sa buhay na ito kung bakit natin dinaranas ito, ngunit makapagtitiwala tayo na maaaring umunlad ang ating pagkatao mula sa karanasang ito.
(James B. Martino, “Lahat ng mga Bagay ay Nagkakalakip na Gumagawa sa Ikabubuti,” Liahona, Mayo 2010, 101)
Ano ang ibig sabihin ng walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos”? (Roma 8:39)
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):
Mahal kayo ng inyong Ama sa Langit—bawat isa sa inyo. Ang pagmamahal na iyan ay hindi nagbabago. Hindi ito naiimpluwensyahan ng inyong hitsura, ng inyong mga ari-arian, o ng pera ninyo sa bangko. Hindi ito nababago ng inyong mga talento at kakayahan. Basta nariyan lang ito. Nariyan ito para sa inyo kapag malungkot kayo o masaya, nawawalan ng pag-asa o umaasa. Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi.
(Thomas S. Monson, “Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2013, 123–24)
Dahil lubos na mapagmahal ang Diyos, ililigtas ba Niya ang lahat ng tao, anuman ang kanilang mga pinili?
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagmamahal ng Diyos:
Ang pag-ibig [ng Diyos] ay inilarawan sa banal na kasulatan bilang “dakila at kahanga-hangang pag-ibig,” “ganap na pag-ibig,” “mapagtubos na pag-ibig,” at “walang hanggang pag-ibig.” Mas mabubuting kataga ang mga ito dahil ang salitang walang kundisyon ay maaaring maghatid ng mga maling ideya tungkol sa banal na pag-ibig, tulad ng, pinalalampas at binibigyang-katwiran ng Diyos ang anumang ginagawa natin dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o hindi tayo pagagawin ng Diyos ng anuman dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o lahat ay maliligtas sa kaharian ng Diyos sa langit dahil ang pag-ibig ng Diyos ay walang kundisyon. Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman, ngunit ang kahulugan nito para sa bawat isa sa atin ay depende sa kung paano tayo tumutugon sa Kanyang pag-ibig.
(D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 48)