Seminary
Roma 8:1–17


Roma 8:1–17

“Mga Kasamang Tagapagmana ni Cristo” 

Niyakap ng isang lalaking Hispanic ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Nakasuot si Cristo ng puting bata.

Noong panahong walang pagkakaisa at hindi magkasundo sa maraming mahahalagang isyu ang mga miyembro ng Simbahan sa Roma, sumulat si Pablo sa kanila tungkol sa kung paano nila masusunod ang Espiritu upang magamit ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang madaig ang kanilang nahulog na kalagayan. Ipinangako ni Pablo na kung gagawin nila ito, sila ay magiging mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo ng lahat ng mayroon ang Ama sa Langit. Habang nag-aaral ka, pag-ibayuhin ang iyong hangaring sundin ang Espiritu at tanggapin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.

Ano ang gusto mong manahin?

  • Kung makapipili ka ng sinumang taong pamamanahan ka ng isang bagay, sino ang pipiliin mo? Bakit?

  • Ano ang gusto mong manahin mula sa taong ito?

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Roma tungkol sa pamanang ibibigay ng Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Basahin ang Roma 8:16–17, 32, at markahan kung ano ang ibibigay sa atin ng Ama sa Langit. Maaaring makatulong na malaman na ang isang tagapagmana ay “isang taong may karapatang magmana ng mga kaloob na pisikal o espirituwal” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagapagmana,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Anong mga salita o parirala ang minarkahan mo?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging kasamang tagapagmana ni Jesucristo?

Ang isa sa mga katotohanang tinutulungan tayong maunawaan ng mga talatang ito ay nais ng Ama sa Langit na ibigay sa atin ang lahat ng mayroon Siya (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:55; 84:38).

Tinutukoy ang pamanang nais ng Ama sa Langit na ibigay sa atin, itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan:

Opisyal na larawan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, 2006. Tinawag bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, Pebrero 3, 2008. Kinunan ng opisyal na larawan noong 2008 na ipinalit sa larawang kuha noong 2004.

Hindi ko kayang wariin ang lahat ng ipinahihiwatig ng pangakong ito. Ngunit alam kong ito ay napakaganda, napakasagrado, walang hanggan, at karapat-dapat sa lahat ng pagsisikap natin sa buhay.

(Dieter F. Uchtdorf, “Apat na Titulo,” Liahona, Mayo 2013, 60)

Pag-isipan sandali kung ano ang maaaring ibig sabihin ng manahin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit, at isipin ang mga tanong na maaaring mayroon ka tungkol sa katotohanang ito. Isipin kung anong mga katangian, ugali, at iba pang mga pagpapala ang gusto mong manahin mula sa Ama sa Langit. Habang patuloy kang nag-aaral ngayon, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang pamanang nais ng Ama sa Langit na ibigay sa iyo at kung ano ang magagawa mo upang maging karapat-dapat para dito.

Matuto pa tungkol sa pamana ng Ama sa Langit

Gawin ang sumusunod na chart sa iyong study journal:

Mga pagpapalang nais ng Ama sa Langit na manahin natin

Ang magagawa natin upang maging karapat-dapat para sa pamanang ito

Sa ating dispensasyon, nagpahayag pa ang Panginoon tungkol sa pamanang nais ng Ama sa Langit na ibigay sa atin. Bilang bahagi ng paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith at nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 76, inilarawan ng Panginoon ang mga taong magmamana ng kahariang selestiyal balang-araw.

Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 76:50–70 pati na rin ang marami pang turo ni Pablo sa Roma 8:1, 5–9, 13–14, kabilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith para sa Roma 8:8, na matatagpuan sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Habang nag-aaral ka, idagdag sa iyong chart ang mga pangakong mababasa mo at kung ano ang sinasabi ng mga talata na magagawa mo upang maging karapat-dapat para sa mga pangakong iyon. Tandaan na bagama’t gumagamit ang ilan sa mga talatang ito ng mga salitang katulad ng “mga anak na lalaki,” pantay-pantay ang mga pangako ng Diyos para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 25:1). Maaari ding makatulong na malaman na ang salitang “laman,” na binanggit sa Roma 8, ay tumutukoy sa isang taong nakatuon sa makamundo o temporal na mga bagay. Maaari din itong tumukoy sa mga pagnanasa ng laman (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Makamundo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Aling mga talata mula sa iyong pag-aaral ang pinakamakabuluhan para sa iyo? Bakit?

  • Ano ang lalo mo pang naunawaan tungkol sa pamanang nais ibigay sa iyo ng Diyos sa tulong ng mga talatang ito? Ano ang magagawa mo upang maging karapat-dapat para sa pamanang iyon?

Sa chart na ginawa mo sa iyong study journal, rebyuhin ang isinulat mo, pati ang mga pagpapalang nais ng Ama sa Langit na manahin mo.

  • Ano ang nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng mga ipinangakong pagpapalang ito?

  • Ano ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong sa atin na matanggap ang pamanang ito? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:69).

Paano ito makakaapekto sa iyong buhay?

Pag-isipan sandali kung paano makaaapekto sa iyong buhay at sa mga pagpiling ginagawa mo ang pag-unawa sa pamanang nais ng Ama sa Langit na ibigay sa iyo.

Pag-isipan ngayon kung paano maaaring makaapekto ang mga katotohanang pinag-aralan mo sa araw na ito sa mga tinedyer sa mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Nakaranas si Estelle ng maraming paghihirap sa kanyang buhay at pinanghihinaan na siya ng loob. Iniisip niya kung mahalaga pa rin ang patuloy na pagdalo sa simbahan at pagsunod sa mga kautusan.

  2. Gustong-gusto ni Calvin ang kamangha-manghang teknolohiya na naibibigay ng mundo. Halos nauubos ang kanyang oras sa paglalaro ng mga video game, paggamit ng social media, o panonood ng mga video.

  3. Madalas na nahihirapan si Liz sa nadaramang mababang pagpapahalaga sa kanyang sarili at iniisip niya kung talagang may nagmamalasakit sa kanya.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Gawin sa iyong study journal ang sumusunod:

Pumili ng isa sa mga naunang sitwasyon (o mag-isip ng ibang sitwasyon). Magsulat ng maikling mensahe para sa tao sa sitwasyong pinili mo, na nagbabahagi ng mga katotohanan at banal na kasulatan na pinag-aralan mo sa lesson na ito na makatutulong sa taong iyon sa kanyang sitwasyon. Maaaring makatulong na isaalang-alang mo ang mga sumusunod na tanong habang isinusulat mo ang iyong mensahe:

  • Ano ang ibig sabihin sa iyo ng matatanggap natin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

  • Paano makatutulong sa tao sa sitwasyon na pinili mo ang pag-unawa sa pamanang ito?

  • Ano ang ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo upang matanggap natin ang mga pagpapalang ito?

  • Ano ang ilang simpleng bagay na masisimulang gawin ng tao sa iyong sitwasyon na makatutulong sa kanya sa kanyang sitwasyon?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa ating pamana?

Si Pangulong Elaine S. Dalton, dating Young Women General President, ay nagkuwento tungkol sa isang hari na naglalarawan sa aral na ito:

14:28

Remember Who You Are!

There is no more beautiful sight than a young woman who glows with the light of the Spirit, who is confident and courageous because she is virtuous.

Huling opisyal na larawan ni Sister Elaine S. Dalton, Young Women general presidency, 2008. Na-release bilang pangalawang tagapayo at sinang-ayunan bilang unang tagapayo sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2007. Sinang-ayunan bilang pangulo sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008. Na-release bilang pangulo sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2013.

Matibay ang kaalaman [ng hari] tungkol sa kanyang pagkatao. Noong binatilyo pa siya, kinidnap siya ng masasamang kalalakihan na nag-alis sa kanyang amang hari sa trono. Alam ng mga taong ito na kung masisira nila ang kanyang pagkatao, hindi na siya magiging tagapagmana ng trono. Sa loob ng anim na buwan inilantad nila ang binatilyo sa lahat ng uri ng kasamaan sa mundo, subalit hindi ito kailanman nagpadaig sa mga pamimilit na ito. Ipinagtaka ito ng mga kumidnap sa kanya, at matapos gawin ang lahat ng maisip nila, tinanong nila ang binatilyo kung bakit ganoon katatag ang kanyang pagkatao. Simple lang ang kanyang sagot. Sabi niya, “Hindi ko magagawa ang ipinagagawa ninyo, sapagka’t isinilang ako na maging isang hari” [tingnan sa Vaughn J. Featherstone, “The King’s Son,” New Era, Nob. 1975, 35].

Tulad ng anak ng hari, namana ng bawat isa sa inyo ang banal na pagkapanganay. Bawat isa sa inyo ay may banal na pamana.

(Elaine S. Dalton, “Alalahanin Kung Sino Kayo!,” Liahona, Mayo 2010, 121)

Anong klaseng pagsisikap ang kinakailangan upang patuloy na masunod ang Espiritu at matanggap ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit?

Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, ipinaliwanag ni Elder Bruce C. Hafen:

Huling opisyal na larawan ni Elder Bruce C. Hafen ng Unang Korum ng Pitumpu, 2007. Tinawag bilang pangulo ng St. George Utah Temple simula noong Nobyembre 2010. Binigyan ng emeritus status sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010.

Kung nais natin ng “lahat ng mayroon [ang] Ama” [Doktrina at mga Tipan 84:38], hinihingi ng Diyos ang lahat ng ating tinatangkilik. Para maging marapat sa katangi-tanging kayamanang iyon, sa anumang paraang mapapasaatin iyon, ibigay natin ang lahat gaya ni Cristo—lahat ng mayroon Siya: “Kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman” [Doktrina at mga Tipan 19:15]. Sabi ni Pablo, “Kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya,” tayo’y mga “kasamang tagapagmana ni Cristo” [Roma 8:17; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Buong puso Siyang nagbigay, dapat ay tayo rin.

(Bruce C. Hafen, “Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Liahona, Mayo 2004, 98)

Bakit itinuro ni Pablo na kailangan nating maging mga anak ng Diyos gayong tayong lahat ay mga anak Niya?

Bagama’t ang bawat tao ay literal na espiritung anak ng mga magulang sa langit, ang mga turo ni Pablo tungkol sa “espiritu ng pagkukupkop” at pagiging “mga anak [na lalaki at babae] ng Diyos” (tingnan sa Roma 8:14–15) ay tumutulong sa atin na maunawaan na tayo ay maaaring espirituwal na maisilang na muli o makupkop, bilang mga anak na lalaki at mga anak na babae ni Cristo sa tipan ng ebanghelyo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin ang ganitong uri ng espirituwal na pagsilang na muli, kaya sinabi ni Benjamin, “At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang” (Mosias 5:7). Ang pagiging mga anak na lalaki at mga anak na babae ni Jesucristo sa pamamagitan ng espirituwal na pagsilang na muli ay mahalaga upang maging karapat-dapat para sa lahat ng mayroon ang Ama sa Langit (tingnan sa Mosias 27:25–26).