Seminary
1 Pedro 1–5


1 Pedro 1–5

“Mas Mahalaga kaysa Ginto”

After being beaten, Peter and John continue to preach in Christ’s name to the people.

Maaaring naalala mo ang nalaman mo ang tungkol sa pananampalataya at pagiging masigasig ni Apostol Pedro nang pag-aralan mo ang unang kalahati ng Bagong Tipan. Ang unang sulat ni Pedro ay isinulat sa nalalapit na pagwawakas ng buhay ni Pedro, maraming taon matapos niyang makasama at makausap si Jesucristo noong ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa. Sa kanyang unang sulat, si Pedro, na punong Apostol, ay nakatuon sa mga paraan na mapapalakas ang mga Banal sa gitna ng matitinding pagsubok na nararanasan nila sa mga kamay ng mga Romano. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa pagtutulot sa iyo na makaranas ng mga pagsubok at mapatibay ang determinasyon mo na tiisin nang tapat ang mga pagsubok.

Pagtugon sa mga natatanging pangangailangan ng mga estudyante sa pag-aaral. Isipin ang iba’t ibang pangangailangan sa pag-aaral ng mga estudyante. Gamitin ang mga posibleng aktibidad sa pag-aaral na iminungkahi sa lesson na ito bilang gabay, hindi isang script, at iakma ang mga aktibidad upang matulungan ang mga estudyante. Maaaring kabilang sa mga pag-aangkop ang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagbabasa ng mga talata sa banal na kasulatan o paggawa ng iba’t ibang aktibidad upang maunawaan ang mga alituntunin o doktrina. Huwag matakot na maging malikhain at sumubok ng mga bagong pamamaraan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila sasagutin ang sumusunod na tanong: Bakit tayo nakararanas ng mga pagsubok, paghihirap, at kawalan ng katarungan sa buhay?

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit tayo nakararanas ng mga paghihirap sa buhay?

Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayong lahat magkakaroon ng mga karanasan na tila hindi makatarungan. Panoorin ang video na “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 3:19 hanggang 4:12, o basahin ang sumusunod na pahayag:

14:51
Official portrait of Elder Dale G. Renlund of the Quorum of the Twelve Apostles, January 2016.

Hindi maipaliliwanag ang ilang kawalang-katarungan; nakagagalit ang kawalang-katarungang hindi maipaliwanag. Ang kawalang-katarungan ay nagmumula sa pamumuhay sa mga katawang hindi perpekto, nasaktan, o maysakit. Ang mortal na buhay ay likas na hindi makatarungan. Ang ilang tao ay isinilang na mayaman; ang iba ay hindi. Ang ilan ay may mapagmahal na mga magulang; ang iba ay wala. Ang ilan ay mahaba ang buhay; ang ilan ay maikli. At kung anu-ano pa. Ang ilang indibiduwal ay nakagagawa ng nakapipinsalang mga pagkakamali kahit nagsisikap silang gumawa ng mabuti. Ang ilan ay pinipiling hindi bawasan ang kawalang-katarungan samantalang kaya naman nila. Ang nakalulungkot, ginagamit ng ilang indibiduwal ang kalayaang bigay sa kanila ng Diyos para saktan ang iba samantalang hindi nila dapat gawin iyon kailanman.

(Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 42)

  • Sa iyong palagay, bakit ginamit ni Elder Renlund ang salitang “nakagagalit” upang ilarawan ang ilan sa mga bagay na hindi makatarungan na nararanasan natin sa buhay?

  • Sino ang kakilala mo na nakararanas o nakaranas ng pagsubok na tila nakagagalit na kawalang-katarungan? Sa iyong palagay, bakit tinutulutan ng Panginoon na mangyari ito?

Noong AD 64, malalaking bahagi ng lungsod ng Roma ang natupok ng apoy. Pinaratangan ng mga kilalang Romano ang mga miyembro ng Simbahan na nagpasimula ng apoy, na humantong sa matinding pag-uusig sa mga Kristiyano sa buong Imperyong Romano. Malamang na isinulat ni Pedro ang kanyang unang sulat pagkatapos ng pangyayaring ito upang palakasin ang pananampalataya ng mga Banal at ipaalala sa kanila ang kanilang walang-hanggang gantimpala sa pagtitiis nang tapat sa mga pagsubok. Habang nag-aaral ka, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makatutulong sa iyo na maunawaan ang ilan sa mga dahilan kung bakit ka sinusubok at kung paano ka makakaasa na tutulungan ka ni Jesucristo na tiisin nang tapat ang mga ito.

Ang apoy ng tagapagdalisay

Basahin ang 1 Pedro 1:3–9 , at alamin ang itinuro ni Apostol Pedro tungkol sa mga pagpapalang naghihintay sa mga taong tapat na nagtitiis sa kanilang mga pagsubok.

  • Anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang sa palagay mo ay makatutulong na alalahanin kapag nakararanas ka o ang iba ng mga pagsubok? Bakit?

  • Sa iyong palagay, bakit inihambing ni Pedro ang pagsubok sa pananampalataya ng mga Banal sa ginto na pinadalisay ng apoy?

Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang isang larawan o drowing ng isang tunawan ng metal, tulad ng sumusunod.

Ang sumusunod ay larawan ng tunawan ng metal. Ang tunawan ng metal ay isang lalagyan kung saan dinadalisay ang mga metal tulad ng ginto. Kapag dinadalisay ang mga metal, papainitin at tutunawin ang mga ito upang maalis ang mga karumihan at mas maganda ang kalabasan ng produkto.

Illustration of a crucible with molten metal pouring into a mold
  • Sa paanong paraan maaaring maging “mas mahalaga kaysa ginto” ang sinubok, o nasubok, na pananampalataya? ( 1 Pedro 1:7).

Ang isang katotohanan na maaaring matukoy mula sa mga talatang katatapos mo lang pag-aralan ay kapag tapat nating tinitiis ang mga pagsubok, ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay pinadadalisay at pinalalakas. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan o study journal.

  • Ano ang mayroon sa pagdanas ng mahihirap na pagsubok na makapagpapalakas ng ating pananampalataya kay Jesucristo?

Maaari ninyong basahin nang sabay-sabay bilang isang klase ang Alma 62:41 bago ibahagi ang sumusunod na paliwanag at tanong.

Bagama’t ang pagdanas ng paghihirap ay maaaring espirituwal na nagpapadalisay para sa maraming tao, may iba naman na nagdaramdam o nagiging matigas ang kanilang puso matapos ang mahirap na pagsubok (tingnan sa Alma 62:41).

  • Sa iyong palagay, ano ang makatutulong sa atin na gawing mga pagpapala ang ating mga pagsubok sa halip na mga karanasang nagpapahina sa ating pananampalataya?

  • Ano ang mga naranasan mo, o anong mga karanasan ang nalalaman mo, nang lumakas ang pananampalataya mo o ng ibang tao sa pamamagitan ng tapat na pagtitiis sa mahihirap na pagsubok?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga karanasang ito tungkol sa Panginoon?

5:2

Pinayuhan ni Pedro ang mga Banal

Ang tema na matatagpuan sa buong unang sulat ni Pedro ay kung paano tapat na makapagtitiis sa mga pagdurusa at pag-uusig ang mga disipulo ni Jesucristo. Ang payo ni Pedro ay maaaring magbigay ng pag-asa, panghihikayat, at lakas sa sinumang nakararanas ng pagsubok sa mortalidad.

Magdrowing ng isang simpleng larawan ng tunawan ng metal, tulad ng nakita mo kanina sa lesson. Sa loob ng tunawan ng metal, ilista ang ilan sa mga pagsubok at paghihirap na naranasan o kasalukuyang nararanasan mo.

Habang pinag-aaralan mo ang iba pang salita ni Pedro, alamin ang mga turo na makatutulong sa iyo sa mga pagsubok na inilista mo sa iyong larawan. Isulat ang mga turong ito sa labas ng iyong larawan ng tunawan ng metal.

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sumusunod na reperensyang banal na kasulatan at ang mga buod ng mga ito. Alamin ang pinakamainam na paraan upang mapag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito. Ang isang opsiyon ay hatiin ang klase sa mga grupo, kung saan nakatalaga sa bawat grupo ang isang hanay ng mga talatang pag-aaralan. Pagkatapos ng sapat na oras, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral sa klase. Pagkatapos ay maaaring sabihin sa mga estudyante na magdagdag sa kanilang drowing ng natutuhan pa nila batay sa inilahad ng kanilang mga kaklase.

Ang isa pang opsiyon na pag-iisipan ay sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang bawat hanay ng mga talata nang may kapartner. Matapos pag-aralan at talakayin ng mga estudyante ang mga talatang ito kasama ang kanilang kapartner, maaaring sabihin sa mga estudyante na magpalitan ng kapartner. Ang prosesong ito ay maaaring ulitin upang mapag-aralan ng bawat estudyante ang tatlong hanay ng mga talata nang may ibang kapartner.

1 Pedro 2:20–25 —Ang halimbawa ni Jesucristo ng pagtitiis sa mga pagsubok

1 Pedro 4:12–19 —Ang mga dahilan upang magalak sa ating mga pagsubok

1 Pedro 5:6–11 —Pagtanggap ng lakas ng Panginoon upang matiis ang ating mga pagsubok

Matapos ang sapat na oras na makapag-aral ang mga estudyante, sabihin sa mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga nalaman. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga partikular na talata na nakita nilang pinakamakabuluhan at ipaliwanag kung bakit. Hikayatin silang pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang natutuhan nila ngayon sa kanilang kasalukuyang sitwasyon at isulat ang kanilang mga ideya at impresyon sa kanilang study journal.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

1 Pedro 2:20 . Bakit itinuro ni Pedro na dapat nating matiyagang tiisin ang ating mga pagsubok?

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:

Last official portrait of Elder Neal A. Maxwell, 1992.

Ang pagtitiyaga ay nauugnay nang lubos sa pananampalataya sa ating Ama sa Langit. Ang totoo, kapag hindi tayo matiyaga, ipinahihiwatig natin na alam natin ang pinakamabuti—mas mabuti kaysa sa nalalaman ng Diyos. O, ipinapalagay natin na mas mabuti ang ating plano kaysa sa Kanyang plano. … Sa gayon, tulad ng nabanggit, ang pagiging matiyaga ay mahalagang katangian na dapat taglayin sa mortal na buhay na ito na nauugnay sa ating pananampalataya, kalayaang pumili, pananaw sa buhay, pagpapakumbaba, at pagdurusa. … Wala nang ibang paraan upang mangyari ang tunay na pag-unlad.

(Neal A. Maxwell, “Patience” [Brigham Young University devotional, Nob. 27, 1979], 1, 4, speeches.byu.edu)

Paano ko makakayanan ang mga pagsubok na kinakaharap ko?

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:

Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.

Sa matitinding pagsubok sa lupa, habang matiyaga tayong nagpapakatatag, ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay maghahatid sa inyo ng liwanag, pang-unawa, kapayapaan, at pag-asa. Manalangin nang buong puso. Palakasin ang inyong pananampalataya kay Jesucristo, sa Kanyang realidad, sa Kanyang biyaya. … Isipin ninyo ang hinaharap. Totoong-totoo ang inyong mga problema at kalungkutan, ngunit hindi magtatagal ang mga ito magpakailanman. Ang iyong madilim na gabi ay lilipas, dahil ang Anak ay bumangon nang may kagalingan sa Kanyang mga pakpak.

(Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 85)

Paano ako makasusumpong ng kaligayahan habang dumaranas ng mga pagsubok?

Nagsalita si Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa paghahanap ng kaligayahan sa oras ng paghihirap at pag-alala sa payo ng kanyang ina na sabihing, “Anuman ang mangyari, gustuhin ito.”

Last official portrait of Elder Joseph B. Wirthlin of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004. Died December 1, 2008.

Paano natin gugustuhin ang mga araw na puno ng kalungkutan? Hindi natin kaya—hindi sa sandaling iyon. Palagay ko hindi sinabi ng nanay ko na huwag tayong mawalan ng pag-asa o huwag nating isiping nasaktan tayo. Palagay ko hindi niya sinabing magkunwari tayong masaya kahit hindi maganda ang nangyayari. Ngunit naniniwala ako na ang paraan ng pagharap natin sa paghihirap ay maaaring magkaroon ng malaking bahagi sa kaligayahan at tagumpay natin sa buhay. Kung matalino nating haharapin ang mga paghihirap, ang pinakamahihirap na panahon natin ay maaaring maging panahon ng pinakamalaking pag-unlad, na maaaring humantong sa mga panahon ng pinakamatinding kaligayahan. …

Sa paghahanap natin ng katatawanan, paghahangad ng mga bagay na walang hanggan, pag-unawa sa alituntunin ng pagganti, at paglapit sa ating Ama sa Langit, kakayanin natin ang hirap at pagsubok. Masasabi natin, tulad ng aking ina, “Anuman ang mangyari, gustuhin ito.”

(Joseph B. Wirthlin, “Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Liahona, Nob. 2008, 26–28)

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

1 Pedro 5:1–5 . “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos”

Maaari mong basahin ang 1 Pedro 5:1–5 kasama ng mga estudyante, at ipaliwanag na sa mga talatang ito, itinuro ni Pedro sa mga elder ng Simbahan ang kanilang mga responsibilidad bilang mga lider sa kaharian ng Diyos. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang mga lider ng Simbahan ay may responsibilidad na pangalagaan at bantayan ang kawan ng Diyos nang may pagmamahal at sa pamamagitan ng halimbawa. Maaaring sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga halimbawa kung paano naglingkod sa kanila at sa kanilang pamilya ang kanilang mga lider nang may pagmamahal. Maaari mo ring tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaari silang maging mga halimbawa sa kanilang korum at klase sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ng “punong Pastol” ( 1 Pedro 5:4).