Mga Gawa 10, Bahagi 1
“Walang Kinikilingan ang Diyos”
Nang magpakita si Jesus sa Kanyang mga disipulo matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, iniutos Niya sa kanila na ipalaganap ang ebanghelyo sa buong mundo (tingnan sa Mateo 28:19–20). Ang ebanghelyo ay karaniwang ibinabahagi noon sa mga Judio, at patuloy na itinuon ni Pedro at ng iba pang mga disipulo ang kanilang gawaing-misyonero sa kanila. Si Cornelio, isang Gentil na nagmahal sa Diyos at humingi ng Kanyang patnubay, ay inutusan sa pamamagitan ng isang sugo ng langit na hanapin si Apostol Pedro. Kasabay nito, nagkaroon ng pangitain si Pedro na nakatulong sa kanya na mas maunawaan kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang anak. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas makita ang ibang tao sa paraan kung paano sila nakikita ng Ama sa Langit at ni Jesus.
Ano ang nakikita mo?
Tingnan ang mga ulap (sa labas o sa larawang ito) at ilarawan ang nakikita mo.
-
Bakit maaaring iisang ulap ang tinitingnan ng dalawang tao ngunit magkaibang bagay ang nakikita nila?
-
Bakit maaaring tingnan ng dalawang tao ang ibang tao at magkaiba ang tingin nila sa taong iyon?
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa kung paano tinitingnan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa atin?
Habang nag-aaral ka, tandaan na kung paano mo tinitingnan ang mga tao ay maaaring iba sa kung paano sila tinitingnan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Tulutan ang Espiritu Santo na gabayan ka sa maaaring kailangan mong gawin upang mas lubos na maiayon ang iyong mga pananaw sa pananaw ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Tinuruan ni Pedro si Cornelio, isang Gentil
Hanggang sa panahong iyon sa Bagong Tipan, ang ebanghelyo ay ipinangaral, maliban sa ilang eksepsyon, sa mga Judio lamang, ayon sa utos ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 10:5–6). May ilang miyembro ng Simbahan ni Cristo na mga Gentil (hindi mga Judio) nang ipinanganak, ngunit nagbalik-loob na sila sa Judaismo bago sumunod kay Cristo. Gayunpaman, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na matapos mapasakanila ang Espiritu Santo ay ipangangaral nila ang ebanghelyo “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa” ( Mga Gawa 1:8). Nabasa natin sa Mga Gawa 10 ang tungkol sa malaking pagbabago sa pamamahala ng Simbahan na magpapabilis sa paggawa nito.
Basahin ang Mga Gawa 10:1–8 upang malaman ang tungkol kay Cornelio. Maghanap ng mga indikasyon kung paano siya tiningnan ng Ama sa Langit.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol kay Cornelio mula sa mga talatang ito?
-
Ano ang nakita mo na nagsasaad ng nadama ng Ama sa Langit para kay Cornelio?
Habang naglalakbay ang mga tauhan ni Cornelio upang hanapin si Apostol Pedro, itinuro ng Panginoon kay Pedro kung paano Niya tinitingnan ang lahat ng tao.Basahin ang Mga Gawa 10:9–16 at idrowing kung ano sa palagay mo ang hitsura ng pangitain ni Pedro.
-
Bakit nag-alala si Pedro tungkol sa ipinagagawa sa kanya sa pangitain?
Si Pedro ay lumaking isang Judio, at sumusunod sa mga utos at mga tradisyon ng batas ni Moises. Ang batas na ito ay naglalaman ng mahihigpit na utos tungkol sa maaari at hindi maaaring kainin ng mga tao (tingnan sa Levitico 11). Ang mga hayop na pinahintulutang kainin ng mga Judio ay tinatawag na “malinis,” samantalang ang mga hayop na ipinagbawal ng Diyos na kainin ng mga Judio ay tinatawag na “marumi.”
Noong una ay hindi naunawaan ni Pedro ang buong kahulugan ng pangitain. Habang pinagninilayan niya ito, dumating ang mga tauhang ipinadala ni Cornelio. Sinabi ng Espiritu kay Pedro na sumama sa mga lalaking ito sa tahanan ni Cornelio (tingnan sa Mga Gawa 10:17–20).
Basahin ang Mga Gawa 10:25–29, 34–35 , at hanapin ang nalaman ni Pedro tungkol sa kahulugan ng pangitaing natanggap niya.
Hanapin sa talata 34 ang katotohanang nalaman ni Pedro tungkol sa kung paano tinitingnan ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak. Maaari mong markahan ang katotohanang nahanap mo.
Maaari mong ibahagi ang mga pahayag mula sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” kung kinakailangan sa talakayang ito.
Isulat sa iyong study journal ang ibig sabihin para sa iyo ng “walang kinikilingan ang Diyos.”
-
Sa iyong palagay, paano binago ng paghahayag ng Ama sa Langit ang puso at pananaw ni Pedro? Paano mababago ng pag-unawa sa paghahayag na ito ang puso ng mga tao sa kasalukuyang panahon?
Nang maunawaan ni Pedro na nais ng Diyos na ituro ang ebanghelyo sa lahat ng tao, ipinangaral niya ang mensahe ni Jesucristo kay Cornelio at sa kanyang pamilya at mga kaibigan (tingnan sa Mga Gawa 10:36–43).
-
Sa iyong palagay, paano ipinapakita ng buhay at misyon ni Jesucristo ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng tao?
-
Paano nakakaimpluwensya ang pag-alaala sa kung paano pinahahalagahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat ng tao sa kung paano mo tinitingnan at pinakikitunguhan ang iba?
-
Ano ang magagawa mo para makahingi ng tulong sa Ama sa Langit na makita ang iba tulad sa paraan kung paano Niya nakikita ang iba?
Habang nagpapatotoo si Pedro tungkol kay Jesucristo, naparoon ang Espiritu Santo kay Cornelio at sa kanyang sambahayan. Pagkatapos ay inanyayahan sila ni Pedro na magpabinyag (tingnan sa Mga Gawa 10:44–48). Binago ng paghahayag ng Diyos kay Pedro ang mga kaugalian sa Simbahan, at nagsimulang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao.
Isipin kung paano maiiba ang mundo o ang iyong bansa, komunidad, paaralan, o pamilya kung tinitingnan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit ang bawat isa sa paraan kung paano Niya tayo tinitingnan.
Pumili ng isa sa mga lugar na ito. Ipaliwanag kung anong mga pagkakaiba ang maaari mong makita kung tinitingnan ng mga tao sa lugar na ito ang iba sa paraan kung paano sila tinitingnan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Sino ang tatanggapin ni Jesucristo sa Kanyang Simbahan at kaharian?
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Bawat isa sa atin ay may banal na potensiyal dahil bawat isa ay anak ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Malawak ang implikasyon ng katotohanang ito. Mga kapatid, sana’y makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Pantay-pantay ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng lahi. Malinaw ang Kanyang doktrina ukol sa bagay na ito. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae.” [ 2 Nephi 26:33 ].
Tinitiyak ko sa inyo na ang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi batay sa kulay ng inyong balat. Ang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng Diyos ay batay sa inyong katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga utos at hindi sa kulay ng inyong balat.
(Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 94)
Mga Gawa 10:45 . Ano ang ibig sabihin ng “kaloob ng Espiritu Santo”?
Sa Mga Gawa 10:45 , ang pariralang “ang kaloob ng Espiritu Santo” ay tumutukoy sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na bumaba sa mga Gentil na ito. Naiiba ito sa kaloob ng Espiritu Santo na natatanggap natin sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon pagkatapos ng binyag (tingnan sa Mga Gawa 8:14–17 ; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 113).
Paano binago ng pangitain ni Pedro ang kaugalian sa Simbahan?
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa karanasang ito at paghahayag kay Pedro, binago ng Panginoon ang kaugalian sa Simbahan at higit na ipinaunawa ang doktrina sa Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng paghahayag. Kaya nga ang pangangaral ng ebanghelyo ay lumaganap sa buong sangkatauhan.
(D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88)
Ano ang mga pagkakatulad ng pangitain ni Pedro at ng paghahayag na ipagkaloob ang priesthood sa lahat ng karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan?
Ang mga sumusunod na resource ay maaaring makatulong kung nais mong mas maunawaan pa ang paghahayag noong 1978 kung saan ipinagkaloob ng Ama sa Langit ang ordenasyon sa priesthood sa lahat ng karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan: