Mga Gawa 10, Bahagi 2
Mga Alituntunin ng Pagtanggap ng Paghahayag
Biniyayaan ng mapagmahal na Ama sa Langit sina Cornelio at Pedro ng paghahayag upang matulungan silang mas maunawaan ang Kanyang kalooban. Dahil kumilos sila ayon sa paghahayag na natanggap nila, biniyayaan sila ng karagdagang liwanag at kaalaman. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung paano maihahayag ng Ama sa Langit ang Kanyang kalooban sa iyo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagpapadala ng mahalagang mensahe
Ipagpalagay na kailangan mong magbigay ng mahalagang mensahe sa isang taong hindi mo kasama.
-
Ano ang ilang paraan kung paano mo maipararating ang mensahe sa kanila?
-
Ano ang ilang paraan kung paano maipararating ng Ama sa Langit ang mahahalagang mensahe sa iyo?
Ang Ama sa Langit ay maraming mahalagang mensaheng ibabahagi sa Kanyang mga anak. Ang ilang mensahe ay para sa lahat, samantalang ang iba ay para lang sa iyo. Nakikipag-ugnayan ang Ama sa Langit sa mga indibiduwal sa pamamagitan ng personal na paghahayag. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, alamin ang mga paraan kung paano maihahayag ng Diyos ang Kanyang mahahalagang mensahe upang makilala mo ang paghahayag kapag dumating ito.
Inihayag ng Ama sa Langit ang Kanyang kalooban kina Pedro at Cornelio
Rebyuhin ang kuwento tungkol kina Cornelio at Pedro sa Mga Gawa 10:1–28, 44–48 (tingnan din sa lesson na “Mga Gawa 10, Bahagi 1”). Habang nagrerebyu ka, alamin kung paano nila naunawaan kung ano ang inihahayag sa kanila ng Ama sa Langit.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa paghahayag mula sa salaysay na ito?
-
Ano ang matututuhan mo tungkol sa Ama sa Langit mula sa mga katotohanan tungkol sa paghahayag na natukoy mo?
-
Anong mga pagpapala at katotohanan ang maaaring hindi natamo nina Pedro at Cornelio kung hindi sila kumilos ayon sa natanggap nila?
Taludtod sa taludtod
Ang katotohanan tungkol sa paghahayag na nakalahad sa salaysay na ito ay inihahayag ng Ama sa Langit ang Kanyang katotohanan nang taludtod sa taludtod (tingnan sa 2 Nephi 28:30).
Tandaan na hindi kaagad natanggap ni Cornelio o ni Pedro ang lahat ng impormasyong inilaan ng Diyos para sa kanya. Sinabi ng anghel kay Cornelio na hanapin si Pedro, at “ipatawag mo” ( Mga Gawa 10:5–6). Pagkatapos matanggap ni Pedro ang kanyang pangitain, “naguguluhan [siya] sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita” ( Mga Gawa 10:17). Hindi niya lubos na naunawaan ang kahulugan ng pangitain hanggang sa makausap niya si Cornelio.
Inilarawan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang maaaring mangyari sa atin sa ganitong sitwasyon. Basahin ang sumusunod na pahayag.
Ang unti-unting pagliliwanag na nagmumula sa papasikat na araw ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” ( 2 Nephi 28:30). Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. … Mas karaniwan kaysa bihira ang ganitong paraan ng paghahayag.
(David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88)
-
Paano maituturing na pagpapala ang paunti-unting pagbibigay sa atin ng paghahayag ng Ama sa Langit sa halip na minsanan lang?
-
Anong mga katangiang tulad ng kay Cristo ang matataglay natin sa tulong ng paraan na ito?
Pagkilos ayon sa paghahayag
Dahil kumilos sina Cornelio at Pedro ayon sa mga paghahayag na una nilang natanggap, biniyayaan sila ng mas lubos na pag-unawa. Ipinakikita nito ang isa pang katotohanang matatagpuan sa Mga Gawa 10 : Bibiyayaan tayo ng Ama sa Langit ng karagdagang paghahayag kapag sinusunod natin ang paghahayag na natatanggap natin.
Ipinaliwanag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagkilos ayon sa paghahayag na mula sa Ama sa Langit. Panoorin ang video na “Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 14:41 hanggang 15:19, o basahin ang sumusunod na pahayag.
Kung bibigyang-pansin natin ang mga pahiwatig na darating sa atin, darami ang mga paghahayag sa atin at tatanggap ng mas maraming kaalaman at patnubay mula sa Espiritu. Sinabi ng Panginoon, “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” [ Doktrina at mga Tipan 11:12 ].
Nawa’y lubos nating pagtuunan ng pansin ang pagtawag ng Panginoon na “magalak, sapagkat akin kayong aakayin” [ Doktrina at mga Tipan 78:18 ]. Inaakay Niya tayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nawa’y mamuhay tayo nang malapit sa Espiritu, mabilis na kumikilos ayon sa mga unang pahiwatig sa atin, dahil alam nating nagmula ang mga ito sa Diyos.
(Ronald A. Rasband, “Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 96)
-
Paano mo maihahanda ang iyong sarili sa pagtanggap ng paghahayag?
Paghahayag para sa iyong buhay
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa paghahayag na makatutulong sa iyo sa iyong mga personal na sitwasyon?
-
Anong paghahayag ang ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit na kailangan mong gawin, at paano ka kikilos ayon dito?
-
Ano ang natutuhan mo na makatutulong sa iyo na makita ang pagmamahal sa iyo ng iyong Ama sa Langit?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ko makikilala ang paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Ano ang dapat kong gawin kung nadarama kong hindi ako nakatatanggap ng paghahayag mula sa Ama sa Langit, kahit na hinahangad ko ito?
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa maraming kawalang-katiyakan at pagsubok natin sa buhay, inuutusan tayo ng Diyos na gawin ang lahat ng ating makakaya, kumilos tayo at huwag tayong pakilusin ng iba (tingnan sa 2 Nephi 2:26), at magtiwala sa Kanya. Maaaring hindi tayo makakita ng mga anghel, makarinig ng mga tinig mula sa langit, o makadama ng kagila-gilalas na mga espirituwal na karanasan. Maaaring patuloy tayong sumusulong na umaasa at nagdarasal—ngunit walang ganap na katiyakan—na tayo ay kumikilos ayon sa nais ng Diyos. Ngunit kung igagalang natin ang ating mga tipan at susundin ang mga utos, habang nagsisikap pa tayong gumawa ng mabuti at maging mas mabuti, mabubuhay tayo nang may tiwala na gagabayan ng Diyos ang ating mga hakbang.
(David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 90)
Anong mga gawi o gawain ang makahahadlang sa akin sa pagtatamo ng paghahayag?
Ipinahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa mga banal na kasulatan, ang impluwensya ng Espiritu Santo ay madalas ilarawan bilang “marahan at banayad na tinig” ( 1 Mga Hari 19:12 ; 1 Nephi 17:45 ; tingnan din sa 3 Nephi 11:3) at isang “tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan” ( Helaman 5:30). Dahil ang Espiritu ay bumubulong sa atin nang marahan at banayad, madaling maunawaan kung bakit dapat nating iwasan ang di-angkop na media, pornograpiya, at nakapipinsala at nakalululong na mga bagay at pag-uugali. Ang mga kasangkapang ito ng kaaway ay makapipinsala at lubusang sisira sa ating kakayahang kumilala at tumugon sa mga mensahe mula sa Diyos na inihatid sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu.
(David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88)
Ano ang maaari kong gawin upang mapalakas ang aking kakayahang makatanggap ng paghahayag?
Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang pagsulong sa ating paglilingkod at paggawa ay mahalagang paraan para maging karapat-dapat sa paghahayag. Sa aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan napansin ko na karamihan sa paghahayag sa mga anak ng Diyos ay dumarating kapag sila ay kumilos, hindi habang sila ay nagpapahinga sa kanilang tirahan at naghihintay na sabihin sa kanila ng Panginoon ang unang hakbang na gagawin. …
Makatatanggap tayo ng mga pahiwatig ng Espiritu kapag nagawa na natin ang lahat ng makakaya natin, kapag nagtatrabaho tayo sa ilalim ng init ng araw sa halip na nagpapahinga sa lilim at nananalangin na humihiling ng patnubay tungkol sa unang hakbang na ating gagawin. Ang paghahayag ay dumarating kapag kumikilos ang mga anak ng Diyos.
Kaya gagawin natin ang lahat ng makakaya natin. Pagkatapos ay hihintayin natin ang paghahayag mula sa Panginoon. May sarili Siyang takdang panahon.
(Dallin H. Oaks, ”Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago. 2013, 22, 24)