Mga Gawa 11, 15
Pinamamahalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Paghahayag
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na ipangangaral ang ebanghelyo sa lahat ng bansa. Gayunpaman, ang paggawa nito ay mangangailangan ng mahihirap na pagbabago sa matagal nang tradisyon ng mga Judio. Sa Pag-akyat ni Jesus sa langit, ang mga pagbabagong ito ay kailangang gawin sa pamamagitan ng paghahayag. Layunin ng lesson na ito na mapalalim ang iyong pag-unawa sa kung paano pinamamahalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang propeta at mga apostol.
Tanong ng isang kaibigan
Ipagpalagay na nalaman ng kaibigan mo na hindi miyembro ng simbahan ang tungkol sa mga makabagong propeta at apostol. Bagama’t naniniwala ang iyong kaibigan sa mga propeta at apostol ng Biblia, nahihirapan siyang tanggapin ang ideya na kumikilos ang Diyos sa pamamagitan nila sa panahong ito. Itinanong niya sa iyo, “Paano nakikipag-usap si Jesus sa propeta at mga apostol?”
-
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa iyong kakayahang masagot ang tanong na ito?
-
Ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan?
Bagama’t may ilang paraan upang sumagot, inilarawan sa Mga Gawa11 at 15 ang dalawang paraan kung paano pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag.
Paghahayag sa propeta
Pagkatapos ng pangitain at karanasan ni Pedro na may kaugnayan kay Cornelio (tingnan sa Mga Gawa10), naglakbay siya patungo sa Jerusalem at itinuro niya ang bagong inihayag na mga katotohanang ito sa iba pang mga lider ng Simbahan.
Pagdating sa Jerusalem, isinalaysay ni Pedro ang kanyang pangitain at karanasan na may kaugnay kay Cornelio (tingnan sa Mga Gawa 11:1–18).
Basahin ang Mga Gawa 11:4–18 , at alamin kung paano ginagabayan ng Diyos ang Simbahan.
-
Ano ang matututuhan mo mula sa mga salaysay na ito tungkol sa kung paano pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan?
Mula sa karanasan ni Pedro, nalaman natin na pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang propeta, ang senior na Apostol.
-
Paano makatutulong ang kaalaman sa katotohanang ito para mapalakas ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang propeta?
-
Bakit ka naniniwala na ginagabayan ang Simbahan ngayon sa pamamagitan ng paghahayag sa propeta ng Panginoon?
Paghahayag sa pamamagitan ng mga kapulungan o council
Ang isa pang halimbawa ng kung paano nagbibigay ang Tagapagligtas ng paghahayag sa Kanyang mga propeta at apostol ay nakalarawan sa Mga Gawa15 .
Tinuruan at bininyagan ng mga misyonero na sina Pablo at Bernabe ang maraming Gentil. Dumating ang ilang Kristiyanong Judio sa Antioquia at itinuro nila na kailangang sundin ng mga nagbalik-loob na lalaking Gentil ang batas ni Moises sa pamamagitan ng pagtutuli bukod pa sa pagsasabuhay ng ebanghelyo na itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol (tingnan sa Mga Gawa 15:1,5 ; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pagtutuli ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Basahin ang Mga Gawa 15:2 upang malaman kung paano sinikap nina Pablo at Bernabe na lutasin ang problema.
-
Sa iyong palagay, bakit nakipagsanggunian sina Pablo at Bernabe mula sa mga lider ng Simbahan sa Jerusalem?
Ang isang katotohanan na inilarawan sa Mga Gawa15 ay na sa pamamagitan ng pagsasanggunian at paghingi ng paghahayag mula sa Diyos, nakatatanggap ang mga lider ng Simbahan ng inspirasyon tungkol sa mahihirap na problema. Habang nagsasanggunian si Pedro at ang iba pang lider ng Simbahan, nakatanggap sila ng paggabay mula sa Diyos. Nagpadala sila ng mga sulat na ipinababatid sa mga miyembro ng Simbahan ang tungkol sa kanilang inspiradong desisyon na huwag ipagawa ang pagtutuli sa mga nagbalik-loob na Gentil, at isinama nila ang paanyaya na sundin ang iba pang mga kautusan.
Ang kapulungan o council ay isang grupo ng mga taong nagsama-sama upang talakayin ang mahahalagang bagay at kung paano tutugon sa mga ito. Upang maunawaan pa kung paano kumikilos ang isang kapulungan sa Simbahan, basahin ang sumusunod mula sa General Handbook:
Hinihikayat ng lider [ng isang kapulungan o council] ang mga miyembro na magsalita nang hayagan at tapat. Ang iba’t ibang pinagmulan, edad, karanasan, at pananaw ng mga miyembro ng kapulungan o council ang nagpapahusay rito. Ang mga miyembro ay nagbabahagi ng mga mungkahi at nakikinig nang may paggalang sa isa’t isa. Habang hinahangad nilang malaman ang kalooban ng Panginoon, mananaig ang diwa ng inspirasyon at pagkakaisa.
(General Handbook: Serving in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 4.4.3, ChurchofJesusChrist.org)
-
Paano mo ibubuod kung ano ang isang kapulungan o council sa Simbahan?
Ang Kapulungan ng Jerusalem
Basahin ang Mga Gawa 15:6–15, 22–28 , at maghanap ng katibayan ng iba’t ibang bahagi ng isang kapulungan o council. Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong study journal. Sa kanang column, isulat ang mga salita o parirala mula sa mga talatang tumutugma sa mga parirala sa kaliwang column.
Kumikilos sa ilalim ng mga susi ng priesthood | |
Nakatuon sa kabutihan ng mga indibiduwal at pamilya | |
Binibigyan ng pagkakataon na magsalita ang mga miyembro ng kapulungan o council | |
Humahantong sa pagkakaisa |
Ginagamit din ng mga lider sa makabagong panahon ang mga kapulungan o council upang anyayahan ang paggabay ng Panginoon sa mga usapin sa Simbahan. Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod:
Nang magtipon kami bilang Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, ang mga silid na aming pinagpupulungan ay naging mga silid ng paghahayag. Damang-dama na naroon ang Espiritu. Kapag nahihirapan kaming lutasin ang mga kumplikadong bagay, isang kasiya-siyang proseso ang nagaganap habang malayang ipinapahayag ng bawat Apostol ang kanyang nasasaisip at mga pananaw. Bagama’t sa una ay magkakaiba ang aming mga pananaw, ang pagmamahal namin sa isa’t isa ay nananatili. Ang aming pagkakaisa ay tumutulong sa amin na mahiwatigan ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang Simbahan.
Sa aming mga pulong, hindi batayan sa pagpapasiya ang pananaw ng nakakarami! Pinakikingan namin ang isa’t isa nang may panalangin hanggang sa magkaisa kami. At kapag ganap nang sumang-ayon ang lahat, nadarama naming pinag-iisa kami ng Espiritu Santo na lubos na nagpapasaya sa amin! Nararanasan namin ang nalaman ni Joseph Smith nang ituro niya, “Sa pagkakaisa ng damdamin nagtatamo tayo ng kapangyarihan sa Diyos” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 462]. Walang miyembro ng Unang Panguluhan o Korum ng Labindalawang Apostol ang magdedesisyon para sa Simbahan ng Panginoon nang ayon sa sarili niyang palagay!
(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95)
-
Paano ka tutugon sa sitwasyon sa simula ng lesson kung saan nagtanong ang isang kaibigan kung paano nangungusap si Jesucristo sa propeta at mga apostol?
-
Paano nakakaimpluwensya sa nadarama mo tungkol sa propeta at iba pang mga lider ng Simbahan ang nalaman mo sa mga katotohanang natukoy sa mga banal na kasulatang ito?
-
Paano nakakaimpluwensya ang kaalamang pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa mga paraang ito sa pananaw mo tungkol sa mga desisyong ginagawa ng propeta at mga apostol ngayon?
-
Anong mga kapulungan o council ang maaari mong salihan sa buong buhay mo?
-
Ano ang magagawa mo upang matulungan ang isang kapulungan o council na makatanggap ng paghahayag?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paghahayag sa mga lider ng Simbahan
Sa kanyang mensahe na “Ang Doktrina ni Cristo,” ginamit ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga salaysay na nakatala sa Mga Gawa 11 at 15 upang ituro ang tungkol sa paghahayag sa mga lider ng Simbahan. Maaari mong pag-aralan ang buong mensahe.
Ano ang ilang halimbawa ng patuloy na paghahayag?
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa paghahayag na natatanggap para sa Simbahan. Panoorin ang “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay” mula sa time code na 4:55 hanggang 6:42, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.
Itinuro din ni Elder Cook na nakatatanggap ang propeta at mga apostol ng inspirasyon mula sa Espiritu at direktang paghahayag mula sa Tagapagligtas. Panoorin ang “Maghandang Humarap sa Diyos” mula sa time code na 13:37 hanggang 14:15.
Paano nakakaapekto ang mga council sa pamilya?
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa mga family council sa kanyang mensahe na “Mga Family Council” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 63–65).