Seminary
Mga Gawa 8


Mga Gawa 8

Nagturo si Felipe sa Isang Lalaking Taga-Etiopia

Larawan
Philip (New Testament figure) teaching the gospel to an Ethiopian as they ride in a chariot. Another man is pictured driving the horses and chariot. A lake or river can be seen beside of the road they are riding on. Scriptural Reference: Acts 8:26-39

Si Felipe ay isang masigasig at tapat na missionary na nagtungo sa ilang sa utos ng Panginoon. Pinatnubayan ng Espiritu si Felipe sa isang lalaking taga-Etiopia na nagbabasa ng mga banal na kasulatan sa kanyang karwahe. Nang tanungin ni Felipe kung nauunawaan ng lalaki ang binabasa niya, sumagot siya, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” (Mga Gawa 8:31). Dahil nauunawaan at mahal ni Felipe ang mga banal na kasulatan, naturuan niya ang taga-Etiopia tungkol kay Jesucristo sa paraang naghikayat sa kanya na maniwala at magpabinyag. Habang pinag-aaralan mo ang Mga Gawa 8:26–40, pagnilayan kung paano mo magagamit ang mga banal na kasulatan upang tulungan ang iba na maniwala at lumapit kay Jesucristo.

Paggamit ng mga salita ng mga makabagong propeta. Madalas gumamit ang mga makabagong propeta ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan upang magturo ng mga alituntunin at doktrina na matututuhan mula sa mga salaysay na ito. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga salaysay ng mga makabagong propeta upang matukoy at maunawaan ang doktrina at mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan, at matutuhan kung paano ipamuhay ang mga katotohanang ito.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga espirituwal na kasangkapan o kasanayan na nakatulong sa kanila na mas mapaunlad ang kanilang kaalaman sa ebanghelyo. Magkakaroon sila ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga ideya sa oras ng lesson.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paggamit ng mga tamang kasangkapan

Maaari kang magdala ng martilyo o screwdriver sa klase o ipakita ang mga larawang ito. Sabihin sa isang estudyante na ipakita ang wastong paggamit ng kasangkapan. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante kung ano ang maaaring mangyari kung susubukan nilang pukpukin ang pako o higpitan ang turnilyo nang hindi ginagamit ang mga kasangkapan.

Ang paggamit ng tamang kasangkapan ay makatutulong sa iyo na bumuo o magkumpuni ng mga bagay sa mas mabilis at madaling paraan. Isipin kung gaano kahirap bumuo o magkumpuni ng mga bagay nang walang mga tamang kasangkapan. Isipin kung para saan ginagamit ang mga sumusunod na kasangkapan.

Larawan
Hammer
Larawan
Saw
Larawan
Combination Wrench (english)
  • Kailan nagiging kapaki-pakinabang ang mga kasangkapang ito?

  • Paano mo epektibong magagamit ang mga ito?

Sa ganito ring paraan, magagamit ang ilang partikular na kasangkapan at kasanayan upang magkaroon at mapag-ibayo ang ating hangaring sundin ang Tagapagligtas at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.

Habang sinasagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong, hikayatin sila na alalahanin ang mga ideya mula sa kanilang paghahanda para sa lesson. Siguraduhing hindi masyadong matagal ang pagbabahagi.

  • Ano ang ilang espirituwal na kasangkapan o kasanayan na nakatulong na mapaunlad mo ang iyong kaalaman sa ebanghelyo?

  • Paano mo magagamit ang mga kasangkapang ito upang maanyayahan ang ibang tao na lumapit sa Tagapagligtas?

Isa sa mga kasangkapang ito ang kakayahan nating unawain at gamitin ang mga banal na kasulatan, lalo na kapag nagtuturo at nagpapatotoo ang mga ito tungkol kay Jesucristo. Pag-isipan sandali kung gaano ka kakomportable sa paggamit ng mga banal na kasulatan upang anyayahan ang iba na lumapit kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, humingi ng patnubay sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang malaman kung paano mo mas mahusay na magagamit ang mga banal na kasulatan upang makatulong na ilapit ang iba sa Tagapagligtas.

Si Felipe ay tinawag sa ilang

Nakatala sa Mga Gawa 8 ang ilang karanasan ni Felipe, isa sa pitong kalalakihan na tinawag sa ministeryo sa pamamagitan ng mga Apostol (tingnan sa Mga Gawa 6:3–6). Upang matakasan ang tumitinding pag-uusig sa Jerusalem, naglakbay si Felipe patungong Samaria upang magpatuloy sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng priesthood, siya ay gumawa ng mga himala, nagpagaling ng maraming tao, at “ipinangaral sa kanila ang Cristo” (tingnan sa Mga Gawa 8:5–8). Habang pinag-aaralan mo ang sumusunod na salaysay, alamin ang mga kasangkapang ginamit ni Felipe upang magtagumpay sa hindi inaasahang utos na natanggap niya mula sa Panginoon.

Kung nahihirapan ang ilang estudyante na magbasa ng mahahabang talata ng banal na kasulatan, maaari mong ipabasa nang malakas ang mga sumusunod na talata bilang isang klase o nang magkakapartner.

Basahin ang Mga Gawa 8:26–39, at isalarawan sa isipan ang mga pangyayaring inilarawan sa salaysay na ito. Maaari mong markahan ang mga salita at pariralang mahalaga sa iyo. (Tandaan na ang eunuko ay isang pinagkakatiwalaang tagapaglingkod.)

Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng mga salita at parirala na minarkahan nila at kung paano sila natutulungan ng mga ito na matukoy ang mga aral sa salaysay. Maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod upang makatulong na mapalalim ang kanilang pag-unawa.

Maaari mong isulat (o ipasulat sa mga estudyante) sa pisara ang mga aral na natukoy nila.

  • Sa paanong paraan ginabayan ng Panginoon si Felipe? Bakit mahalagang sundin ang mga pahiwatig ng Panginoon habang nagsisikap tayong tulungan ang iba na lumapit sa Kanya?

  • Paano nagamit ni Felipe ang kanyang kaalaman tungkol sa mga banal na kasulatan upang turuan ang taga-Etiopia tungkol kay Jesucristo?

  • Anong mga aral ang namukod-tangi sa iyo sa salaysay na ito?

Sa maraming katotohanan sa salaysay na ito, maaaring may natukoy kang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag nauunawaan natin ang mga banal na kasulatan at nagtuturo tayo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga ito, matutulungan natin ang iba na lumapit sa Kanya.

Batay sa mga pangangailangan ng mga estudyante, maaaring palitan ang sumusunod na aktibidad ng karagdagang aktibidad sa pag-aaral tungkol sa kung paano tumugon si Felipe sa mga pahiwatig ng Espiritu.

Paggamit ng mga banal na kasulatan upang magturo tungkol kay Jesucristo

Nang tanungin ng taga-Etiopia kung tungkol sa propetang si Isaias o “sa iba” ang banal na kasulatang binabasa niya, pansinin na ang kaalaman ni Felipe tungkol sa mga banal na kasulatan ay nagbigay-kakayahan sa kanya na agad na magsimula “sa kasulatang ito [at] ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus” ( Mga Gawa 8:34–35).

Ang scripture passage na binasa ng taga-Etiopia ay matatagpuan sa Isaias 53 , isang magandang propesiya tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Maaari mong i-cross reference o iugnay ang Mga Gawa 8:32–33 sa Isaias 53:7–8 .

Maging sensitibo na maaaring hindi madama ng ilang estudyante na may kakayahan silang maunawaan ang mga banal na kasulatan o ipaliwanag ang mga ito sa ibang tao. Tiyakin sa mga estudyante na lalawak ang kanilang pag-unawa sa paglipas ng panahon at sa tulong ng pagsisikap. Ipaalala sa kanila na kung minsan ang pinakamabisang pagtuturo ay ang simpleng pagbabahagi lamang ng nadarama nila tungkol sa isang scripture passage, dahil papatotohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng kanilang mga sinabi.

Ipagpalagay na nasa katayuan ka ni Felipe at may pagkakataon kang ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo sa isang kaibigan. Basahin ang Isaias 53:3–9 , at bigyang-pansin ang naiisip at nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas habang nagbabasa ka.

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante upang mapag-isipan nang mabuti ang isasagot sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isadula ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanilang kaibigan, o maaari mong anyayahan ang mga estudyanteng gustong magbahagi sa klase ng isinulat nila.

  • Ano ang gusto mong malaman, madama, o maunawaan ng iyong kaibigan tungkol kay Jesucristo mula sa scripture passage na ito? Bakit?

  • Paano mo magagamit ang nalalaman at nadarama mo tungkol kay Jesucristo upang hikayatin ang iyong kaibigan na mas sumunod sa Kanya?

Pinalakas sa pamamagitan ng paghahanda

Dahil sa mga pagsisikap ni Felipe, nagbalik-loob at nabinyagan ang taga-Etiopia (tingnan sa Mga Gawa 8:36–38). Tulad ni Felipe, mabibigyang-inspirasyon at mahihikayat natin ang iba na sumunod kay Jesucristo at maging katulad Niya. Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating personal na paghahanda ay makatutulong sa atin na mahikayat ang iba na mas lumapit sa Diyos:

Larawan
Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Mahal kong mga kasamahan sa ebanghelyo, pinatototohanan ko sa inyo na kapag masigasig, taos-puso, matibay, at taimtim na hinangad nating matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo at itinuro ito sa isa’t isa nang may tunay na layunin at sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, ang mga turong ito ay maaaring baguhin ang mga puso at maghikayat ng hangaring mamuhay ayon sa mga katotohanan ng Diyos.

(Ulisses Soares, “Paano Ako Makauunawa?,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 8)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Kung may oras pa, anyayahan ang mga estudyante na gustong magbahagi sa klase ng kanilang mga ideya.

  • Anong mga pagbabago ang magagawa mo sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maghahanda sa iyo na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo? Sa anong mga paraan mapapatibay ng pagbabagong ito ang iyong tiwala sa paggamit ng mga banal na kasulatan?

  • Aling bahagi ng pag-aaral ng banal na kasulatan ngayon ang nakatulong sa iyo na mas lumapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Sa iyong palagay, bakit mas lubos kang naimpluwensyahan ng bahaging iyon kaysa sa iba?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 8:27 . Ano ang eunuko?

Ang mga eunuko ay mga lalaking kinapon na naglingkod sa maraming sinaunang lipunan sa Near at Middle Eastern. Naglingkod sila bilang mga kawal, binantayan nila ang mga maharlikang harem, at madalas silang manungkulan sa mga pinagkakatiwalaang puwesto sa hukuman. Ang eunukong taga-Etiopia sa Mga Gawa 8:26–39 ang responsable sa kabang-yaman ng hukuman ng Etiopia. (Tingnan sa Bible Dictionary, “ Eunuch. ”)

Ang isang tapat na mag-aaral ay maaaring maging inspiradong guro

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Sa konteksto ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, tayo kung minsan ay tulad ng mga taga-Etiopia—kailangan natin ang tulong ng isang tapat at inspiradong guro; at kung minsan ay tulad din tayo ni Felipe—kailangan nating turuan at palakasin ang iba sa kanilang pagbabalik-loob.

(Ulisses Soares, “Paano Ako Makauunawa?,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 6)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Tumugon si Felipe sa mga pahiwatig ng Espiritu

Rebyuhin ang Mga Gawa 8:26–35 , at sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng mga parirala na nagsasaad kung paano nalaman ni Felipe ang nais ipagawa sa kanya ng Panginoon at kung paano tumugon si Felipe. Ibahagi ang sumusunod na pahayag, at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung bakit napakahalaga ng pagtugon sa mga espirituwal na pahiwatig.

Isinalaysay ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang kuwento tungkol sa pagsunod sa isang espirituwal na pahiwatig habang naglilingkod sa misyon:

Larawan
Official Portrait (as of June 2016) of Elder Ronald A. Rasband of the Quorum of the Twelve Apostles.

Isang mainit na umaga ng Hulyo, nadama ko at ng aking kompanyon na hanapin ang isang Temple Square referral. Kumatok kami sa pintuan ng tahanan ni Elwood Schaffer. Mahinahon kaming hindi tinanggap ni Gng. Schaffer.

Nang isasara na niya ang pintuan, nadama kong gawin ang isang bagay na hindi ko pa nagawa ni ginawang muli magmula noon! Inilagay ko ang aking paa sa pintuan at nagtanong, “Mayroon pa kayang iba na maaaring maging interesado sa aming mensahe?” Ang kanyang 16 na taong gulang na anak na babaeng si Marti ay interesado, at taimtim na nanalangin na patnubayan siya isang araw pa lang ang nakararaan. Hinarap kami ni Marti, at kalaunan, nakibahagi ang kanyang ina sa mga talakayan. Silang dalawa ay sumapi sa Simbahan.

Bunga ng pagkakabinyag ni Marti, 136 katao, kabilang ang marami sa kanyang sariling pamilya, ang nabinyagan at gumawa ng mga tipan ayon sa ebanghelyo. Lubos ang pasasalamat ko na nakinig ako sa Espiritu at inilagay ang aking paa sa pintuan noong mainit na araw ng Hulyong iyon.

(Ronald A. Rasband, “Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 94)

  • Paano tumugon si Elder Rasband sa pahiwatig ng Espiritu? Ano ang nangyari dahil dito?

  • Kailan ka tumugon sa mga pahiwatig ng Espiritu? Ano ang nangyari?

  • Paano mo mas mabibigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu?

  • Paano makatutulong sa iyo ang paggawa ng pagbabagong iyon upang maibahagi mo sa iba ang ebanghelyo nang mas may kumpiyansa?

Pagnilayan kung sino ang nais ng Panginoon na iyong makilala, kaibiganin, o pagbahagian ng ebanghelyo.

Isang Alternatibong Ideya sa Lesson

Kung makikinabang ang mga estudyante sa pag-aaral tungkol sa hangarin ni Simon na bilhin ang priesthood sa Mga Gawa 8:5–24 , maaari mong ibahagi ang mga ideyang matatagpuan sa “Ang ating puso ay kailangang maging ‘matuwid sa harapan ng Diyos’” sa “Hulyo 10–16. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?’” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023.

Print