Mga Gawa 9:10–31
“Siya’y Isang Kasangkapang Pinili Ko Upang Dalhin ang Aking Pangalan”
Nang iutos ng Panginoon kay Ananias sa isang pangitain na hanapin at basbasan si Saulo, nag-alinlangan si Ananias noong una dahil narinig niya “kung gaano katindi ang kasamaang ginawa [ni Saulo]” (Mga Gawa 9:13). Tinulungan ni Jesucristo si Ananias na makita si Saulo sa paraan kung paano Niya nakita ito. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang makita ang potensyal na nakikita ng Panginoon sa iba sa kabila ng kanilang mga kahinaan at pagkakamali noon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga bilanggo at leopardo
Isang prison warden na Amerikano na nagsisikap na pagbaguhin ang mga kalalakihan sa kanyang bilangguan ang sinabihan na, “Dapat alam mo na hindi mababago ng mga leopardo ang mga batik sa kanilang katawan!” (tingnan sa Thomas S. Monson, “Tingnan ang Kapwa sa Maaaring Kahinatnan Nila,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 69).
-
Ano sa palagay mo ang gustong sabihin ng taong ito?
-
Nakakita o nakaranas ka na ba ng pag-uugaling katulad nito?
Sumagot ang prison warden, “Dapat alam mong hindi ako nagtatrabaho para sa mga leopardo. Ang tinutulungan ko ay tao, at nagbabago ang tao araw-araw” (“Tingnan ang Kapwa sa Maaaring Kahinatnan Nila,” 69).
-
Bakit mahalagang maniwala na maaaring magbago ang mga tao? Ano ang maaaring maging mahirap tungkol sa paniniwala rito?
Sa lesson ngayon, ihahambing natin kung paano tiningnan ng mga tao si Saulo sa kung paano siya tiningnan ng Tagapagligtas. Masidhing inuusig ni Saulo ang mga kalalakihan at kababaihan na mga tagasunod ni Jesucristo. Alamin kung ano ang matututuhan mo mula sa Tagapagligtas tungkol sa kung paano mo nakikita ang iyong sarili at ang iba.
Sinagot ni Jesucristo ang mga panalangin ni Saulo
Nagpakita ang Tagapagligtas kay Saulo noong patungo siya sa Damasco upang dakpin ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Nabulag si Saulo dahil sa karanasang ito. Hindi siya kumain o uminom nang tatlong araw, at nanalangin siya sa Diyos para humingi ng tulong (tingnan sa Mga Gawa 9:1–9, 11).
Basahin ang Mga Gawa 9:10–12 , at alamin kung paano pinili ng Diyos na sagutin ang panalangin ni Saulo.
-
Ano ang napansin mo sa mga talatang ito na sa tingin mo ay mahalaga sa iyo?
-
Sa iyong palagay, bakit nagsugo ang Diyos ng isang tao upang tulungan si Saulo sa halip na Siya mismo ang mag-alis ng pagkabulag ni Saulo?
Basahin ang Mga Gawa 9:13–15 upang malaman kung paano magkaiba ang tingin ni Ananias at ng Panginoon kay Saulo. (Mahalagang maunawaan na tama ang narinig ni Ananias tungkol kay Saulo [tingnan sa Mga Gawa 8:3 ; 9:1–2 ].)
Sa iyong study journal, magdrowing ng isang simpleng larawan na kakatawan kay Saulo. Sa isang bahagi ng iyong drowing, sumulat ng isang parirala na nagbubuod sa kung ano ang maaaring naging tingin ni Ananias at ng iba pa kay Saulo noong panahon niya. Sa kabilang bahagi, sumulat ng isang parirala na nagbubuod sa pananaw ng Panginoon sa kanya.
Nagtiwala si Ananias sa pananaw ng Panginoon kay Saulo. Basahin ang Mga Gawa 9:17–20 upang malaman ang sumunod na nangyari.
-
Ano sa palagay mo ang mahalaga tungkol sa paraan kung paano tiningnan ni Jesus si Saulo? Bakit?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa salaysay na ito?
Matutulungan tayo ni Jesucristo na makita ang iba sa paraan kung paano Niya sila nakikita
Pag-isipan sandali kung paano mo nakikita ang mga taong regular mong nakakasalamuha. Tingnan ang listahan ng mga tao sa ibaba, at gumamit ng dalawang salita upang ilarawan kung paano mo nakikita ang bawat isa.
Isang magulang
Isang kapatid
Isang titser
Isang kaibigan
Iyong sarili
Ang iba pang mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta ay makatutulong sa atin na mas maunawaan kung paano nakikita ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ang bawat indibiduwal. Basahin ang 1 Samuel 16:7 , Doktrina at mga Tipan 18:10–13 , at ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“Pumarito ka bilang ikaw,” ang sabi ng isang mapagmahal na Ama sa bawat isa sa atin, subalit idinagdag Niya, “Huwag kang manatiling ganyan.” Ngumingiti tayo at naaalala na determinado ang Diyos na gawin tayong higit pa sa inaakala natin na kahihinatnan natin.
(Jeffrey R. Holland, “Mga Awiting Naawit at Hindi Naawit,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 51)
Batay sa natutuhan mo, balikan ang listahan ng mga tao at ngayon ay gumamit ng dalawang salita upang ilarawan ang bawat isa ayon sa kung paano sila maaaring nakikita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
-
Ano ang magagawa mo upang makita ang mga tao sa paraang mas natutulad sa kung paano sila nakikita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
-
Bakit maaaring maging mahirap na palaging makita ang iba sa paraan kung paano sila nakikita ng Tagapagligtas?
-
Bakit makabuluhang subukang tingnan ang iba sa ganitong paraan?
Kahit nagbago na ang isang tao sa pamamagitan ng pagpiling sundin si Jesucristo, kung minsan ay mahirap paniwalaan na talagang nagbago na siya. Nahirapan ang ilang tao na maniwala nang naging disipulo ni Jesucristo si Saulo mula sa pagiging taga-usig ng mga Kristiyano.
Basahin ang Mga Gawa 9:20–22, 26–27 , at alamin ang reaksyon ng mga tao kay Saulo nang ipinangangaral na niya ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ano ang napansin mo sa reaksyon ng mga tao?
-
Ano ang matututuhan mo mula kay Bernabe sa halimbawang ito?
Isulat kung ano ang gusto mong gawin o tandaan dahil sa iyong pag-aaral ngayon. Maaaring kabilang dito ang mga bagay na gagawin mo upang mas makita ang iba sa paraan kung paano sila nakikita ng Panginoon.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Mga Gawa 9:15–17 . Paano tayo nagiging mas mapagpakumbaba kapag nakita natin ang ating sarili at ang iba sa paraan kung paano tayo nakikita ng Ama sa Langit?
Ibinahagi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na kuwento upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito:
Ilang taon na ang nakararaan isang mabait na binatang nagngangalang Curtis ang tinawag na magmisyon. Siya ang klase ng missionary na inaasam ng lahat ng mission president. Nakatuon siya sa pagmimisyon at masipag. Minsa’y nagkaroon siya ng missionary companion na batang-isip, hindi sanay humarap sa tao, at di-gaanong interesadong tapusin ang trabaho.
Isang araw, habang nagbibisikleta sila, lumingon si Curtis at nakita niyang biglang bumaba ng bisikleta ang companion niya at naglakad. Tahimik na inihinga ni Curtis sa Diyos ang kanyang sama ng loob; kayhirap palang magkaroon ng companion na kailangan pa niyang hatakin para may matapos na gawain. Pagkaraan ng ilang sandali, may matinding nadama si Curtis, na para bang sinasabi sa kanya ng Diyos na, “Alam mo, Curtis, kumpara sa akin, hindi nagkakalayo ang ugali ninyong dalawa.”
(Dale G. Renlund, “Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 58)
Mga Gawa 9:26–27 . Paano ko matutulungan ang isang taong gustong magbago?
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hayaang magsisi ang mga tao. Hayaang umunlad ang mga tao. Maniwalang kayang magbago at magpakabuti ang mga tao. Iyan ba ay pananampalataya? Oo! Iyan ba ay pag-asa? Oo! Iyan ba ay pag-ibig sa kapwa? Oo! Higit sa lahat, ito ay pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kapag ang isang bagay ay ibinaon na sa limot, hayaan na itong nakabaon. Huwag na itong balikan na bitbit ang inyong timba at pala para hukayin pa, ipangalandakan, at pagkatapos ay sabihin sa isang tao, “Hoy! Naaalala mo pa ba ito?” Splat!
Alam ninyo kung anong mangyayari? Baka humantong iyan sa isang nakakakilabot na pagkakamaling mahuhukay mula sa inyong kaban at ang isasagot ay, “Oo, naaalala ko. Naaalala mo pa ba ito?” Splat.
At mayamaya pa sa pag-uusap na iyon lahat ay lalabas na marumi at malungkot at nasaktan, samantalang ang isinasamo ng ating Ama sa Langit ay kalinisan at kabaitan at kaligayahan at paghilom.
Ang pagtuon sa nakaraang buhay, pati na sa nakaraang mga pagkakamali, ay sadyang hindi tama! Hindi ito ang ebanghelyo ni Jesucristo.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Pinakamainam ay Mangyayari Pa Lang,” Ensign, Ene. 2010, 26–27)