Seminary
Doctrinal Mastery: Santiago 2:17–18


Doctrinal Mastery: Santiago 2:17–18

“Ang Pananampalataya … , Kung Ito ay Walang mga Gawa ay Patay”

two young men sharing Book of Mormon

Sa nakaraang lesson, natutuhan mo na nagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Santiago 2:17–18, maipaliwanag ang doktrina, at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa totoong buhay.

Ipinababatid sa mga estudyante na ang kanilang mga kontribusyon ay pinahahalagahan at mahalaga. Humanap ng mga paraan upang tulungan ang bawat estudyante na madama na pinahahalagahan at tinatanggap sila at napagpapala ng kanilang mga kontribusyon ang klase. Tandaan na pasalamatan ang mga estudyante sa kanilang pakikilahok at ipaalam sa kanila na pinahahalagahan mo ang kanilang kahandaang mag-ambag.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang alituntunin ng ebanghelyo na pinaniniwalaan nila ngunit maaaring nahihirapan silang kumilos ayon dito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring nakahahadlang sa kanila na kumilos ayon sa alituntuning iyon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ituturo pagkatapos ng lesson na “Santiago 2,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Santiago 2:17–18 . Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggo ring iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Tulungan ang mga estudyante na maisaulo at maipaliwanag ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Santiago 2:17–18 . Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang magawa ito.

Isulat ang Santiago 2:17–18, Ang pananampalataya … , kung ito ay walang mga gawa ay patay sa isang piraso ng papel na may ilang puwang sa pagitan ng bawat salita. Sabihin nang malakas ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Pagkatapos ay gupitin ang bawat salita at numero nang magkakahiwalay, paghaluin ang mga ito, at muling ayusin ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito. Sabihin muli ang banal na kasulatan at reperensya. Ulitin ang proseso hanggang sa masabi mo ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang walang kopya at walang tulong ng alinman sa mga piraso ng papel.

Kung mas epektibo ito para sa iyong klase, maaari mong gupitin ang ilang set ng mga papel na ito bago magklase at ilagay ang bawat set sa isang sobre na magagamit ng mga estudyante nang mag-isa, sa mga grupo, o nang magkakapartner.

Habang binabasa mo ang Santiago 2:17–18 , alalahanin mula sa nakaraang lesson ang alituntunin na ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nangangailangan ng mabubuting gawa.

  • Paano mo maipapaliwanag ang katotohanang ito sa paraang makahihikayat sa isang tao na kumilos ayon sa kanyang pananampalataya?

Pagsasanay para sa pagsasabuhay

Tingnan ang sumusunod na tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Pagkatapos ay sumulat para sa bawat alituntunin ng isang pangungusap na nagbubuod ng kahulugan nito gamit ang sarili mong mga salita. Kung kinakailangan, rebyuhin ang talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022).

  1. Kumilos nang may pananampalataya.

  2. Suriin ang mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw.

  3. Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.

Maaaring mahirap ang paggawa nang ayon sa ating mga paniniwala. Ipinahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang alam natin ay hindi laging nakikita sa ating ginagawa” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 17). Habang binabasa mo ang mga sumusunod na sitwasyon, isipin ang mga dahilan kung bakit hindi natin palaging ginagawa ang ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo na alam natin.

  • Gusto ng isang dalagita na basahin ang kanyang mga banal na kasulatan araw-araw. Kung minsan ay nawawalan siya ng gana kapag hindi niya nauunawaan o nahahanap ang kahulugan ng binabasa niya.

  • Isang dalagita ang tapat na nagbayad ng ikapu noong bata pa siya. Ngayong mas matanda na siya at may regular na trabaho, ang halaga ng ikapung inaasahan sa kanya ay higit pa sa ibinigay niya noon at mas mahirap itong bayaran.

  • Natutuhan ng isang binatilyo ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa loob ng maraming taon. Naniniwala siya na nagdusa si Jesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan at mapapatawad ang kanyang mga kasalanan. Nagkaroon siya ng makabuluhang karanasan sa pagsisisi noon. Gayunpaman, nasumpungan niya ang kanyang sarili na mahabang panahon na rin na hindi iniisip ang tungkol sa pagsisisi.

Pumili ng isa sa mga sitwasyon sa itaas, o mag-isip ng isa pang alituntunin ng ebanghelyo na pinaniniwalaan mo ngunit nahihirapan kang gawin ito. Isulat kung paano mo magagamit o ng tao sa iyong piniling sitwasyon ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang matugunan ang sitwasyon.

Kung gusto mo ng tulong para magamit ang mga alituntuning ito sa sitwasyong pinili mo, maaari mong sagutin ang ilan o lahat ng sumusunod na tanong.

Alituntunin 1: Kumilos nang may pananampalataya

  • Noon, anong alituntunin ng ebanghelyo ang nagawa mo nang may pananampalataya?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa karanasang iyon na maaaring makatulong sa iyo sa sitwasyong ito?

Alituntunin 2: Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Sa iyong palagay, paano nakikita ng Ama sa Langit ang sitwasyong ito? Sa paanong mga paraan Siya makatutulong?

  • Paano humahantong ang pagkilos ayon sa alituntuning ito sa mga pagpapala ngayon at sa kawalang-hanggan?

Alituntunin 3: Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Paano makatutulong ang Santiago 2:17–18 sa sitwasyong ito? Ano ang iba pang banal na kasulatan o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na makatutulong sa iyo na mas maunawaan at mahikayat kang ipamuhay ang alituntuning ito? (Halimbawa, tingnan sa Alma 32:27–28 .)

  • Madalas ay makatutulong na talakayin ang mga bagay na ito sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan, kapamilya, o lider ng Simbahan. Kanino nais ng Panginoon na talakayin mo ang sitwasyong ito?

Sikaping maipadama sa mga estudyante na matatalakay nila sa loob ng klase ang kanilang mga saloobin at alalahanin nang hindi hinuhusgahan. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng isa o mahigit pang paraan na magagamit nila ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang makatulong sa kanilang sitwasyon nang hindi nagbabahagi ng anumang bagay na masyadong personal. Kung kinakailangan, magtanong ng mga follow-up na tanong tulad ng “Bakit makatutulong ang alituntuning iyon?” at “May iba pa ba sa klase na may mga ideya o karanasan na maaaring makatulong sa sitwasyong ito?”

Isipin sandali ang natutuhan mo sa lesson na ito. Kung natukoy mo ang isang katotohanan ng ebanghelyo na personal kang nahihirapang gawin, tapat na suriin kung plano mong gawin ito ngayon. Kung hindi mo planong gawin ito ngayon, isipin ang mga hadlang na nasa iyong daan at kung paano ka matutulungan ng Panginoon.

Maaaring makatulong na talakayin ang mga tanong sa talata sa itaas bilang isang klase. Patotohanan ang kahandaan ng Panginoon na tumulong at ang mga pagpapalang darating kapag kumilos tayo nang may pananampalataya kay Jesucristo.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa isang lesson sa hinaharap, tulungan ang mga estudyante na rebyuhin ang doctrinal mastery passage na ito at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Maaari mong pagpartnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na tingnan sandali ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan: “Santiago 2:17–18, Ang pananampalataya … , kung ito ay walang mga gawa ay patay.” Pagkatapos ay sabihin sa kanila na magsalitan sa pagsasabi ng isang salita o numero. Halimbawa, sasabihin ng unang estudyante ang “Santiago,” sasabihin ng pangalawang estudyante ang “dalawa,” at iba pa. Patuloy silang magsasalitan hanggang sa masabi nila ang lahat ng reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Pagkatapos ay maaaring ang isa naman ang magsasabi ng unang salita at ulitin ang aktibidad.

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral 

Bukod pa sa dalawang tanong na kasunod ng “Alituntunin 3: Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos,” maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto na hanapin ang mga paksa sa Gospel Library sa SimbahanniJesucristo.org (tulad ng pag-aaral ng banal na kasulatan, ikapu, o pagsisisi) na nauugnay sa sitwasyong pinili nilang tugunan. Magagamit ng mga estudyante ang natutuhan nila sa pagtugon sa pinili nilang sitwasyon.