Santiago 3
Ang mga Salitang Sinasabi Natin
May kapangyarihan ang mga salitang sinasabi natin. May naiisip ka bang mga karanasan sa iyong buhay kung saan nadama mo ang kapangyarihan ng mga salita, sa kabutihan man o sa kasamaan? Sa kanyang sulat, itinuro ni Santiago ang kahalagahan ng pagkontrol sa ating mga sinasabi. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga salitang sinasabi mo at kung paano nakakaapekto ang iyong mga salita sa iyong mga pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang kapangyarihan ng mga salita
Tingnan ang mga larawan sa ibaba at isipin kung ano kaya ang pinag-uusapan ng mga indibiduwal. Isipin ang maaaring maging epekto ng mga salitang naririnig at ginagamit natin.
-
Ano ang huling bagay na naaalala mong sinabi sa iyo ng isang tao na nakatulong o nakasakit sa iyo?
-
Ano ang huling bagay na sinabi mo sa isang tao na nagpalakas o nanghikayat sa kanila?
Isipin kung may sinabi kang anumang bagay kamakailan na maaaring nagkaroon ng negatibong epekto sa isang tao. Habang pinag-aaralan mo ang mga turo ni Santiago, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang kapangyarihan ng mga salita. Bigyang-pansin ang mga damdamin, saloobin, at impresyon na nanghihikayat sa iyo na magsalita nang higit na katulad ng Tagapagligtas.
Ang dila ay katulad ng …
Binigyang-diin ni Santiago ang kapangyarihan ng mga salitang naririnig at sinasabi natin at inihambing niya ang dila sa maraming iba’t ibang bagay. Basahin ang Santiago 3:2–12 , at alamin kung saan ito inihambing ni Santiago. Magdrowing ng isang simpleng bersiyon ng isa o dalawa sa mga paghahambing ni Santiago sa iyong study journal, at pagnilayan kung paano natutulad ang ating mga salita sa idinrowing mo.
Basahin ang sumusunod na listahan upang makita kung natukoy mo ang gayon ding mga paghahambing.
-
Isang preno. Santiago 3:2–3, 5 .Ang preno (tingnan sa talata 3) ay isang maliit na piraso ng bakal na inilalagay sa bibig ng isang kabayo na nakakonekta sa mga renda, na nagtutulot sa nakasakay sa kabayo na makontrol ang takbo ng kabayo.
-
Isang timon. Santiago 3:4–5 .Ang timon (tingnan sa talata 4) ay kumokontrol sa tibay ng barko, na nagpapagalaw o nagpapaliko sa barko.
-
Isang apoy. Santiago 3:5–6 .Ang “malalaking gubat” ay tumutukoy sa kagubatan (tingnan sa talata 5).
-
Isang hayop na hindi napapaamo. Santiago 3:7–8 .
-
Lason. Santiago 3:8 .
-
Isang bukal at puno ng igos. Santiago 3:10–12 .
-
Paano tayo matutulungan ng mga paghahambing na ito na mas maunawaan ang kapangyarihan ng mga salitang naririnig at sinasabi natin?
-
Anong iba pang paghahambing ang maaari mong idagdag upang ilarawan ang epekto ng mga salitang sinasabi natin?
Tungkol sa makapangyarihang mga turo ni Santiago, ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:
Maliwanag na hindi naman sinasabi ni Santiago na laging masama ang sinasabi natin, o lahat ng sinasabi natin ay “puno ng lasong nakamamatay.” Ngunit malinaw niyang ipinahiwatig na may mga sinasabi tayo na nakakasakit, at nakalalason pa kung minsan—at nakababahala ang bagay na iyan para sa isang Banal sa mga Huling Araw! Ang tinig na taimtim na nagpapatotoo, umuusal ng mga dalangin, at umaawit ng mga himno ng Sion ay maaaring ang tinig ding iyon na nambubulyaw at namimintas, nanghihiya at nanlalait, nananakit at dahil dito ay sumisira sa espiritu mismo ng isang tao at ng iba. …
… Nawa’y sikapin nating maging “sakdal” na kalalakihan at kababaihan kahit man lang sa paraang ito ngayon—sa pamamagitan ng hindi paggamit ng masakit na salita, o sa mas positibong paraan, sa pagsasalita gamit ang bagong wika, ang wika ng mga anghel. Ang ating mga salita, tulad ng ating mga gawa, ay dapat puno ng pananampalataya at pag-asa at pag-ibig sa kapwa, … na lubhang kailangan sa daigdig ngayon. Sa gayong mga salita, na binibigkas sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, mapapahid ang mga luha, mapagagaling ang mga puso, mapasisigla ang buhay, maibabalik ang pag-asa, mapananatili ang tiwala.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Wika ng mga Anghel,” Liahona, Mayo 2007, 16, 18)
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga paghahambing ni Santiago at sa pahayag ni Elder Holland?
Ang isang katotohanang matututuhan natin ay nagsisikap ang mga tagasunod ng Diyos na gamitin ang kanilang pananalita para sa mabubuting layunin, hindi upang magpalaganap ng kasamaan.
Pagnilayan sandali kung paano mo nakitang ginamit ang pananalita kapwa sa kabutihan at sa kasamaan sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
sa pagte-text o social media
-
sa simbahan tuwing Linggo
-
sa paaralan kasama ang iyong mga kaibigan
-
sa isang team o sa isang samahan
-
sa tahanan sa iyong pamilya
-
Ano ang mga naging karanasan mo na naglalarawan sa matitinding epekto ng mga salita sa mga tao, para sa kabutihan o para sa kasamaan?
Si Jesucristo ay “isang taong sakdal” ( Santiago 3:2) at ang huwaran natin sa lahat ng bagay, kabilang na ang mga salitang Kanyang sinabi. Sa paggunita sa nalalaman mo tungkol sa Kanya, isipin kung paano maaaring gamitin ng Tagapagligtas ang Kanyang mga salita kung Siya ang nasa mga sitwasyong nakalista sa unahan.
-
Anong mga pagkakaiba ang maaari mong mapansin sa kung paano mo naiisip na gagamitin ng Tagapagligtas ang mga salita at kung ano ang karaniwang nakikita at naririnig mo sa ganitong mga sitwasyon ngayon?
Ang pananalitang naririnig at ginagamit natin
Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, itinuro sa atin ng Panginoon kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin natin.
Pagnilayan ang iyong pakikipag-ugnayan (sa anumang anyo: pagte-text, social media, pakikipag-usap sa iba, at iba pa) habang binabasa mo ang sumusunod na 10 pahayag na hango sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ([buklet, 2011], 20–21). Suriin ang iyong pananalita gamit ang scale na mula 1 hanggang 5, ang ibig sabihin ng 1 ay “Kailangan ko ng maraming tulong” at ang ibig sabihin ng 5 ay “Nagagawa ko nang mabuti.”
1. Sinisikap kong gumamit ng malinis at matalinong pananalita.
2. Gumagamit ako ng nakasisigla, nakahihikayat, at mapagpuring pananalita.
3. Nagsasalita ako nang mabuti at positibo tungkol sa iba.
4. Hindi ko iniinsulto o hinahamak ang iba, kahit sa pagbibiro.
5. Sinisikap kong iwasan ang anumang uri ng tsismis at iniiwasan kong magsalita nang galit.
6. Kapag natutukso akong magsabi ng malulupit o masasakit na bagay, hindi ko na sinasabi ang mga ito.
7. Ginagamit ko ang mga pangalan ng Diyos at ni Jesucristo nang may pagpipitagan at paggalang.
8. Kinakausap ko ang Ama sa Langit gamit ang mapitagan at magalang na pananalita.
9. Hindi ako gumagamit ng walang pitagan, bastos, o magaspang na pananalita o kilos.
10. Hindi ako nagbibiro o nagkukuwento tungkol sa mga imoral na gawain.
Isipin ang pananalitang pinipili mong gamitin, at pagnilayan kung ano ang mas mapagbubuti mo pa.
-
Ano ang isa o dalawang bagay na makatutulong sa iyo na mas maingat na piliin ang mga salitang sinasabi at naririnig mo?
-
Sa anong mga sitwasyon gusto mong lalo pang pagbutihin ang iyong pananalita?
-
Anong mga estratehiya ang maaaring makatulong?
-
Paano ka matutulungan ng iyong mga pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano nakikita sa ating mga salita kung sino tayo bilang mga indibiduwal?
Itinuro ni Elder Robert S. Wood ng Pitumpu ang sumusunod:
May epekto ang ating mga sinasabi at ipinapahayag, dahil kapwa nito ipinapakita kung sino tayo at ano ang maaari nating kahinatnan. …
Ang sinasabi natin at ang paraan ng pagpapahayag natin sa ating sarili ay hindi lamang nagpapakita ng ating saloobin kundi iniimpluwensyahan din tayo nito, ang mga taong nakapaligid sa atin, at sa huli ang buong lipunang ginagalawan natin. Araw-araw ang bawat isa sa atin ay maaaring sangkot sa pagpapadilim ng liwanag o sa pagtataboy ng kadiliman. Tinawag tayo upang anyayahan ang liwanag at maging liwanag, upang pabanalin ang ating sarili at patatagin ang iba. …
Kapag nagsasalita at kumikilos tayo, itanong natin kung ang sinasabi at ipinapahayag ba natin ay makapag-aanyaya ng kapangyarihan ng langit sa buhay natin at makapag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo. Dapat nating tratuhin nang may pagpipitagan ang mga sagradong bagay. Kailangan nating alisin sa ating pag-uusap ang mga bagay na mahalay at malaswa, marahas at mapagbanta, mapanlait at walang katotohanan. Tulad ng isinulat ni Apostol Pedro, “Sa halip, yamang banal ang sa inyo’y tumawag, maging banal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay” [ 1 Pedro 1:15 ]. Ang pamumuhay na tinutukoy rito ay hindi lang sa pananalita kundi maging sa ating buong pag-uugali.
(Robert S. Wood, “The Tongue of Angels,” Ensign, Nob. 1999, 83–84)