Santiago 1
“Humingi … sa Diyos”
Nadarama mo ba na maaari kang humingi ng tulong sa Diyos kapag may mga tanong ka na hindi pa nasasagot o nangangailangan ka ng Kanyang karunungan sa paggawa ng mahahalagang desisyon? Ipinahayag ni Santiago na ang sinumang nagkukulang ng karunungan ay maaaring “humingi siya sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat … at iyon ay ibibigay sa kanya” (Santiago 1:5). Layunin ng lesson na ito na palakasin ang iyong patotoo na bibigyan ka ng Ama sa Langit ng karunungan bilang sagot sa iyong mga panalangin.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mahahalagang sagot
Tingnan ang bawat isa sa mga sumusunod na tanong at isipin ang mga bagay na ito para sa bawat isa: (1) Nakatanggap na ba ako ng sagot mula sa Diyos? (2) Naghahanap ba ako ng sagot mula sa Diyos na hindi ko pa natatanggap? (3) Hindi ba ako interesadong maghanap ng sagot?
-
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ba ang tunay na Simbahan?
-
Si Jesucristo ba talaga ang aking Tagapagligtas?
-
Ano ang dapat kong pagtuunan upang maging mas mabuting tagasunod ni Jesucristo?
Habang pinag-aaralan mo ang mga salita ni Apostol Santiago sa Santiago 1 , alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa iyo na makahanap ng mga sagot sa mahahalagang tanong sa iyong buhay.
Basahin ang sumusunod na impormasyon tungkol kay Santiago. Pag-isipan ang mga tanong na maaaring hinanapan niya ng mga sagot sa buong buhay niya.
-
Malamang na kapatid siya ni Jesucristo sa ina (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Santiago, Kapatid ng Panginoon ,” SimbahanniJesucristo.org).
-
Tulad ng iba pang kapatid sa ina ng Panginoon, maaaring hindi siya naniwala noong una na si Jesus ang Cristo (tingnan sa Juan 7:3–5).
-
Kalaunan, naging Apostol siya at, ayon sa mga naunang Kristiyanong manunulat, siya rin ang unang bishop ng Simbahan sa Jerusalem (tingnan sa Mga Gawa 12:16–17 ; 21:17–18 ; Galacia 1:18–19 ; 2:9).
Basahin ang Santiago 1:1 upang matukoy kung kanino sumulat si Santiago.
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “nagsalita si Santiago … sa mga taong titipunin pa lamang, sa mga tatanggap pa lamang ng ebanghelyo, sa mga papasok pa lamang sa kawan ni Cristo” (Doctrinal New Testament Commentary [1973], 3:243).
-
Ano ang ilang tanong na maaaring mayroon ang mga taong hindi pa nakatatanggap ng ebanghelyo?
Basahin ang Santiago 1:5–6 , at alamin ang mga katotohanang itinuro ni Santiago na makatutulong sa atin kapag may mahahalagang tanong tayo at makatutulong sa mga naghahanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo. (Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng nanunumbat ay naghahanap ng mali o pinagagalitan.)
-
Ano ang nalaman mo?
-
Ano ang nalaman mo tungkol sa Ama sa Langit mula sa scripture passage na ito?
Ang isang katotohanan na matatagpuan sa scripture passage na ito ay bibigyan tayo ng Diyos ng karunungan kung hihingi tayo sa Kanya nang may pananampalataya.
-
Ano ang ibig sabihin ng “humingi siyang may pananampalataya, na walang pag-aalinlangan”? ( Santiago 1:6).
-
Sa iyong palagay, bakit nais ng Ama sa Langit na humingi kayo sa Kanya ng mga sagot?
Habang ipinagpapatuloy mo ang iyong pag-aaral, pag-isipan ang mga saloobin, damdamin, at karanasan mo noong humingi ka ng karunungan, o ang mga sagot sa iyong mga tanong, mula sa Diyos.
Halimbawa ni Joseph Smith
Makatutulong na isipin ang isang halimbawa ng alituntunin na bibigyan tayo ng Diyos ng karunungan kung hihingi tayo sa Kanya nang may pananampalataya. Ang paghingi ng karunungan mula sa Diyos ay may matinding epekto kay Joseph Smith.
-
Ano ang partikular na nakaantig sa iyo sa karanasan ni Joseph Smith?
-
Paano nakaapekto sa buhay ni Joseph ang sagot ng Diyos, na dumating sa Unang Pangitain? Paano ito nakaapekto sa mundo? Paano ito nakaapekto sa iyo?
Ang iyong karanasan
Isulat ang mga saloobin, damdamin, at karanasan mo habang humihingi ka ng karunungan sa Diyos. Maaari mong isama ang ilan sa mga sumusunod:
-
Ang iyong mga saloobin at damdamin tungkol sa kahandaan ng Diyos na sagutin ang iyong mga tanong (tingnan sa Santiago 1:5–6).
-
Ang mga saloobin at damdamin mo tungkol sa karanasan ni Joseph Smith sa paghingi ng karunungan sa Diyos.
-
Ang mga naranasan mo o ang mga nararanasan mo ngayon sa paghingi ng karunungan sa Diyos at pagtanggap ng mga sagot. (Maaaring kabilang sa mga karanasang ito ang paghahanap ng mga sagot sa mga tanong sa simula ng lesson.)
-
Ang mga paraan na gusto mong humingi ng karunungan sa Diyos ngayon o sa hinaharap.
-
Ang mga impresyong natanggap mo mula sa Espiritu Santo sa lesson na ito na maaaring makatulong sa iyo.
Isipin ang iyong sariling mga gawi sa pagdarasal at paghingi ng karunungan at mga sagot mula sa Diyos. Kailan ka huling humingi sa Ama sa Langit ng karunungan o mga sagot sa iyong mga tanong? Ano ang magagawa mo ngayon upang magsimulang magtanong nang mas tapat at mas madalas? Isulat sa iyong journal kung ano sa iyong palagay ang nais ng Ama sa Langit na gawin mo dahil sa napag-aralan mo ngayon.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Bakit mahalagang makatanggap ng karunungan mula sa Diyos at magkaroon ng sarili kong patotoo mula sa Kanya?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! …
Hindi na ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo [tingnan sa Moroni 10:5]. Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon. Anuman ang sabihin o gawin ng ibang tao, walang makapag-aalis ng patotoo na ikinintal sa inyong puso’t isipan sa kung ano ang totoo. …
Tayo ay mga tagasunod ni Jesucristo. Ang pinakamahalagang katotohanan na pagtitibayin sa inyo ng Espiritu Santo ay si Jesus ay ang Cristo, ang anak ng buhay na Diyos. Siya ay buhay!
(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95–96)
Santiago 1:6 . Ano ang Ibig sabihin ng “humingi [nang] may pananampalataya”?
Binanggit ni Elder David A. Bednar Korum ng Labindalawang Apostol ang Santiago 1:5–6 at ipinaliwanag niya:
Pansinin ang kinakailangan sa paghingi nang may pananampalataya, na sa palagay ko ay nangangahulugan ng pangangailangang hindi lamang sabihin kundi gawin, ang dalawang obligasyong kapwa humiling at magsagawa, ang pangangailangang makiusap at kumilos. …
Ang mga tanong ni Joseph ay nakatuon hindi lamang sa kung ano ang kailangan niyang malaman kundi pati na kung ano ang dapat gawin! Ang panalangin niya ay hindi lang simpleng, “Aling simbahan ang tama?” Ang tanong niya ay, “Aling simbahan ang sasapian ko?” Nagpunta si Joseph sa kakahuyan para humingi nang may pananampalataya, at determinado siyang kumilos.
Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos. … Sumusulong tayo at nagtitiyaga sa sagradong gawaing manalangin, pagkatapos nating sambitin ang “amen,” kung kikilos tayo ayon sa mga bagay na ipinahayag natin sa Ama sa Langit.
Ang paghingi nang may pananampalataya ay nangangailangan ng katapatan, pagsisikap, pangako, at tiyaga.
(David A. Bednar, “Humingi nang May Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 94–95)