Seminary
Doctrinal Mastery: Juan 7:17


Doctrinal Mastery: Juan 7:17

“Kung ang Sinuman ay Nagnanais Gumawa ng Kalooban ng Diyos ay Makikilala Niya Kung ang Turo ay Mula sa Diyos.”

Young adult woman ponders scriptures near lake.

Sa iyong pag-aaral ng Juan 7, natutuhan mo na inanyayahan tayo ni Jesus na gawin ang kalooban ng Ama sa Langit upang malaman natin na totoo ang Kanyang turo (tingnan sa talata 17). Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference na ito at ang mahalagang parirala nito, maipaliwanag ang doktrina, at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon sa totoong buhay.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang maraming kautusan, turo, o doktrina ng Tagapagligtas na dapat pagsikapang sundin ng mga tinedyer upang magkaroon ng patotoo tungkol dito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang ituro pagkatapos ng “Juan 7,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Juan 7:17 . Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggo ring iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maisaulo ang reperensya para sa Juan 7:17 kasama ng mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Ang isang paraan ng pagsasaulo ng buong klase ay ang pagsusulat sa pisara ng reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala nito bilang tatlong magkakahiwalay na bahagi. Hatiin ang klase sa tatlong grupo at bigyan ng magkakaibang bahagi ang bawat grupo. Sabihin sa mga grupo na bigkasin ang kanilang mga bahagi ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito at nang sabay-sabay. Maaari mong bigyan ng iba’t ibang bahagi ang mga estudyante hanggang sa maisaulo nila ang reperensya at mahalagang parirala nito. Ang Doctrinal Mastery app, na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org, ay maaari ding gamitin upang matulungan ang mga estudyante sa pagsasaulo.

Juan 7:17

Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos,

ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan.

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Dapat nating tandaan na ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi bagay na basta lang darating sa atin kundi isang proseso na inaasahan ang pagkilos natin.

(Dallin H. Oaks, “Patotoo,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 27)

  • Sa iyong palagay, paano nauugnay ang pahayag ni Pangulong Oaks sa itinuro ng Tagapagligtas sa Juan 7:17 ?

Pagsasanay para sa pagsasabuhay

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat estudyante na pumili ng isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman (tingnan sa Doctrinal Mastery Core Document [2022], “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” mga talata 5–12). Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang alituntunin sa kanilang grupo pagkatapos rebyuhin sandali ang alituntunin.

Maglaan ng ilang minuto na rebyuhin ang mga alituntunin sa mga talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022). Pumili ng isa sa mga alituntunin na pag-aaralan nang mas mabuti.

  • Paano mo maipaliliwanag nang maikli ang alituntuning pinili mo sa isang taong maaaring hindi pamilyar dito?

Kapag naunawaan mo ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, matutulungan mo ang iyong sarili at ang iba na magkaroon ng patotoo o harapin ang kawalang-katiyakan. Gamitin ang sumusunod na sitwasyon bilang pagsasanay sa pagtulong sa isang kaibigan.Habang nakikipag-usap ka sa kaibigan mong si Luis, sinabi niya sa iyo na wala siyang patotoo tungkol sa [pumili ng doktrina]. Naalala mo ang natutuhan mo sa Juan 7:17 , at nang may kumpiyansa, ipinaliwanag mo na makatatanggap siya ng patotoo tungkol sa doktrinang ito sa pamamagitan ng [ipaliwanag kung ano ang maaaring gawin ni Luis upang makatanggap ng patotoo tungkol sa doktrinang ito]. Kapansin-pansin ang pagkadismayado ni Luis nang sabihin niya sa iyong, “Ilang beses ko nang sinubukang gawin iyan, ngunit hindi ko pa rin maramdamang totoo iyon.”

  • Ano ang ilang posibleng dahilan kung bakit maaaring hindi madama ni Luis na mayroon siyang patotoo?

Gamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, tulungan si Luis na maunawaan kung anong mga balakid ang maaaring kinakailangan niyang madaig upang magkaroon ng patotoo. Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na tanong o iba pang maiisip mo upang makapaghanda ng sagot para matulungan si Luis.

Kumilos nang may pananampalataya

  • Sa iyong palagay, bakit mahalagang patuloy na ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas kahit hindi dumarating ang patotoo sa oras kung kailan natin ito gusto?

  • Anong karanasan ang maibabahagi mo kay Luis tungkol sa pagsisikap na kailangang gawin upang magkaroon ng patotoo?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Ano sa palagay mo ang nais ng Ama sa Langit na malaman ng isang taong katulad ni Luis tungkol sa pagkakaroon ng patotoo?

  • Paano maaaring makatulong kay Luis ang pag-unawa na ang patotoo ay nagmumula sa Ama sa Langit at hindi lamang natatamo sa paglipas ng panahon? (tingnan sa Mateo 16:13–17).

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos

  • Ano ang ilan sa mga sources na itinalaga ng Diyos na maaaring makatulong kay Luis na humingi ng tulong sa Panginoon upang magkaroon siya ng patotoo?

Isang halimbawa ng paggamit ng isang source na itinalaga ng Diyos ay ang pagbabasa sa mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Patotoo,” na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org, at pagbabahagi ng maikling pahayag mula rito na maaaring makatulong kay Luis.

Gamit ang mga nalaman mo habang pinagninilayan mo ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, sumulat ng sagot kay Luis. Maaari kang magsama ng personal na karanasan, patotoo, at paanyaya kay Luis na kumilos nang may pananampalataya.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga plano sa kanilang mga kaklase o sa klase. Maaaring makatulong na magbahagi ng personal na karanasan sa pagkakaroon ng patotoo tungkol sa alinman sa mga turo ng Tagapagligtas.

Rebyuhin

Tulungan ang mga estudyante na rebyuhin ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Juan 7:17 . Dapat gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu sa isang lesson na ituturo sa hinaharap.

Isulat sa pisara ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala nito sa tatlong linya, tulad ng ipinaliwanag sa bahaging “Isaulo at ipaliwanag” sa naunang bahagi ng lesson. Matapos ipabigkas sa mga estudyante ang bawat parirala, burahin ang isa sa mga linya at ipabigkas muli sa mga estudyante ang bawat parirala. Pagkatapos ng ilang beses, magbura ng isa pang parirala. Ulitin ang proseso hanggang sa mabura ang lahat ng tatlong linya at kaya na ng mga estudyante na bigkasin ang lahat ng tatlong linya nang walang kopya.