Seminary
Juan 10


Juan 10

“Ang Mabuting Pastol”

Jesus Christ depicted as the Good Shepherd. Christ is portrayed with a small herd of sheep. He is carrying a sheep (or lamb) over His shoulders. Christ is also carrying a staff in His hands.

Itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol. Ginamit Niya ang metaporang ito upang matulungan ang mga nakikinig sa Kanya na mas maunawaan ang tungkol sa Kanya at ang kaugnayan nila sa Kanya. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang magkaroon ng mas malaking tiwala kay Jesucristo bilang iyong Pastol, at madagdagan ang iyong hangaring pakinggan ang Kanyang tinig at sumunod sa Kanya.

Paggamit ng mga larawan. Maaaring makatulong ang mga larawan upang maisalarawan ng mga estudyante sa kanilang isipan ang mga tao, lugar, pangyayari, bagay, at simbolo sa mga banal na kasulatan. Kasama ng mga salita sa mga banal na kasulatan, makatutulong ang mga larawan para mas maunawaan ang mga katotohanan at mas mapaganda ang karanasan sa pag-aaral ng mga estudyante.

Paghahanda ng estudyante: Ipabasa sa mga estudyante ang tala na “ Mabuting Pastol ” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa kanila na maghandang sagutin ang tanong na “Bakit magandang paglalarawan kay Jesucristo ang titulong ‘Mabuting Pastol’?”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Si Jesucristo ang Mabuting Pastol

Upang matulungan ang mga estudyante na maisalarawan sa kanilang isipan at mapagnilayan ang tungkol kay Jesucristo bilang Mabuting Pastol, maaari kang magdispley ng larawan ng Tagapagligtas na may kasamang tupa.

Tingnan nang mabuti ang larawan na nakadispley sa simula ng lesson na ito, at pag-isipan kung ano ang posibleng itinuturo nito. Makatutulong ang mga sumusunod na tanong: Bakit kaya dala-dala ng Pastol ang tupa? Ano ang napansin mo sa posisyon ng Pastol kumpara sa ibang mga tupa?

Pag-aaralan mo ngayon ang talinghaga tungkol sa mabuting pastol. Sa talinghagang ito, inihambing ni Jesucristo ang Kanyang sarili sa isang pastol na namumuno at nagpoprotekta sa kanyang kawan ng mga tupa. Sa iyong pag-aaral, pagtuunan ng pansin ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.

Sa Juan 10 , itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol (tingnan sa mga talata 11, 14).

Maaaring sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral para sa paghahanda ng estudyante. Kung may listahan ang mga estudyante ng iba’t ibang titulo ni Jesucristo sa kanilang study journal, maaari silang magdagdag dito.

Sa itaas ng isang pahina sa iyong study journal, isulat ang titulong “Mabuting Pastol.” Maaari mong ilista rito ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo, ang Mabuting Pastol, at sa ginagawa Niya para sa Kanyang mga tupa. Kung gusto mo, maaari kang magdrowing ng isang simpleng tupa sa iyong papel tulad sa ipinakita sa ibaba at isulat sa loob ng drowing ang natutuhan o nadama mo.

sheep

Kung nanaisin, maaaring gawin ang listahan sa pisara ng buong klase sa halip na sa journal ng mga estudyante.

Maaaring gumawa ang mga estudyante nang mag-isa o sa maliliit na grupo o nang may kapartner. Maaari mong ipakita ang mga talata sa ibaba upang matingnang muli ng mga estudyante ang mga ito.

Basahin ang Juan 10:1–5 , at alamin ang talinghaga na itinuro ni Jesus tungkol sa Kanyang gawain bilang Mabuting Pastol.

Maaaring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman. Maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na magtanong tungkol sa kahulugan ng mga talatang ito.

sheep

Idagdag sa iyong listahan ang anumang kaalamang nakuha mo tungkol sa Mabuting Pastol.

  • Ano ang nakaantig sa iyo tungkol sa ugnayan ng mga pastol at tupa gaya ng inilarawan dito?

Hindi naunawaan ng ilan sa mga nakikinig ang talinghagang itinuro ni Jesus (tingnan sa Juan 10:6). Ipinaliwanag ni Jesus kung paano nagtuturo ang talinghaga ng tungkol sa Kanya. Basahin ang Juan 10:7–18, 27–28 , at maghanap ng mga karagdagang kaalaman tungkol kay Jesus bilang Mabuting Pastol. Idagdag ang mga nahanap mo sa iyong listahan. (Paalala: Ang isang upahang tao ay isang taong ang pangunahing motibo sa pagtatrabaho ay mabayaran.)

Maaari mong ibahagi ang ilan sa mga sumusunod na banal na kasulatan upang matulungan ang mga estudyante na matutuhan pa ang tungkol sa Mabuting Pastol: Mga Awit 23 ; Ezekiel 34:11–16 ; Alma 5:57–60 .

  • Habang tinitingnan mo ang iyong listahan, ano ang ipinauunawa sa iyo ng talinghaga ng Mabuting Pastol tungkol kay Jesucristo?

  • Ano ang natutuhan mo sa mga talatang ito tungkol sa kung bakit nanaisin mong sumunod sa Kanya?

Isulat sa pisara ang hindi kumpletong pangungusap at ipakumpleto ito sa mga estudyante. Maaaring makasulat ang mga estudyante ng mga ideyang tulad ng “masaganang buhay,” “proteksyon mula sa mga lobo at magnanakaw,” o “buhay na walang hanggan.” Maaari mong talakayin nang mas lubusan ang alinman sa mga sagot na ito. Bigyang-pansin ang pagsagot ng mga estudyante, at maging handang makinig sa Espiritu habang pinag-iisipan mo ang mga posibleng follow-up na tanong.

Kung susundin ko ang Mabuting Pastol, makatatanggap ako ng …

  • Anong mga karanasan ang naiisip mo kung saan nadama mong pinangangalagaan ka ng Tagapagligtas bilang isang pastol?

Paano mo maririnig ang tinig ng Mabuting Pastol?

Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na makilala ang tinig ng Mabuting Pastol at madagdagan ang kanilang hangaring pakinggan Siya at sumunod sa Kanya. Maaari mong sabihin sa kanila na pag isipan ang ilan o ang lahat ng mga sumusunod na tanong.

Isipin ang mga sumusunod na tanong:

  • Saan mo kailangan ang tulong o patnubay ng Tagapagligtas?

  • Alin sa mga pagpapalang ibinibigay ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tupa ang ninanais mo?

  • Bakit mo gustong madagdagan ang kakayahan mong marinig ang tinig ng Mabuting Pastol?

Sa talinghagang ito, ang mga tupa ng Mabuting Pastol ay ang mga taong nakikinig sa Kanyang tinig at sumusunod sa Kanya (tingnan sa Juan 10:3–5, 27).

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga sumusunod na kaalaman tungkol sa pakikinig sa tinig ni Jesucristo:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Alam ng ating Ama na kapag napalilibutan tayo ng kawalang-katiyakan at takot, ang lubos na makatutulong sa atin ay pakinggan ang Kanyang Anak.

Sapagka’t kapag hinangad nating pakinggan—tunay na pakinggan—ang Kanyang Anak, gagabayan tayong malaman ang gagawin sa anumang kalagayan.

… Sa dalawang salitang [ito]—“Pakinggan Siya”—binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito. Dapat nating pakinggan ang mga salita ng Panginoon, makinig sa mga ito, at bigyang-pansin ang sinabi Niya sa atin!

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.

(Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 89)

Maaari kang gumawa ng listahan batay sa mga sagot ng mga estudyante sa sumusunod na tanong. Maaaring gamitin ang Doktrina at mga Tipan 1:38 at Doktrina at mga Tipan 18:31–32, 34–36 upang matukoy na dumarating ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, mga banal na kasulatan, at ng Espiritu Santo.

  • Sa paanong mga paraan maririnig ang tinig ng Mabuting Pastol?

Maaari mong ipanood ang isa o higit pa sa mga sumusunod na video ng mga lider ng Simbahan na nagbahagi kung paano nila naririnig ang tinig ng Tagapagligtas.

Kung maaari, panoorin ang mga video na pinamagatang “Paano Ko Ginagawa na #Pakinggan Siya: Elder David A. Bednar” (1:15) at “Paano Ko Ginagawa na #Pakinggan Siya: Sister Joy D. Jones” (2:45) upang makarinig ng mga halimbawa kung paano naririnig ng mga lider ng Simbahan ang tinig ng Tagapagligtas. Mapapanood ang mga video na ito, kasama ang mga karagdagang halimbawa, sa ChurchofJesusChrist.org.

1:15
1:15
  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyong mga pangangailangan ang pakikinig sa tinig ni Jesucristo?

  • Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo sa pag-aaral mo ng tungkol sa Kanyang gawain bilang Mabuting Pastol?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 10:7 . Bakit sinabi ni Jesus na, “Ako ang pintuan ng mga tupa”?

Ang mga pastol sa Israel ay tumatayo sa pasukan ng kulungan ng mga tupa at sinusuri ang bawat tupa habang pumapasok ang mga ito, at ginagamot ang mga sugat kung kinakailangan. Pagkatapos matipon ang mga tupa sa kulungan sa gabi, hihiga sa pasukan ang pastol upang matulog, nang nakaharang sa daan upang hindi masaktan ng mababangis na hayop o magnanakaw ang mga tupa. Malinaw sa pahayag ng Tagapagligtas na, “Ako ang pintuan,” na handa Niyang “[ibigay] ang [Kanyang] buhay para sa mga tupa” ( Juan 10:7, 15), at na Siya ang magpapasiya kung sino ang papasok sa kaharian ng langit. Gamit ang paglalarawang katulad sa isang pinto, ipinahayag ng propetang si Jacob ng Aklat ni Mormon na “ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan” at “wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon” ( 2 Nephi 9:41).

Ano ang pagkakaiba ng Mabuting Pastol at ng isang upahang tao?

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Photograph of President Ezra Taft Benson. He is seated in a leather chair in front of a fireplace. His hands are clasped in front of him and he is wearing a large turquoise ring on one finger. Official portrait. 1986

Gayunman, kung minsan ay may mabangis na hayop na dahil sa gutom ay lumulundag sa mga pader papunta sa mga tupa, na sumisindak at tumatakot sa mga ito. Sa gayong sitwasyon nakikilala ang kaibhan ng tunay na pastol—isang taong nagmamahal sa kanyang mga tupa—sa upahang tao na nagtatrabaho lamang para sa suweldo at dahil trabaho niya ito.

Ang tunay na pastol ay handang ibigay ang kanyang buhay para sa mga tupa. Paroroon siya sa mga tupa at makikipaglaban para sa kanilang kapakanan. Ang upahang tao, sa kabilang dako, ay pinahahalagahan ang sarili niyang kaligtasan kaysa kaligtasan ng mga tupa at karaniwang tumatakas kapag may panganib.

Ginamit ni Jesus ang karaniwang paglalarawang ito sa Kanyang panahon upang ipahayag na Siya ang Mabuting Pastol, ang Tunay na Pastol. Dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang mga kapatid, Siya ay nakahanda at kusang ibibigay ang Kanyang buhay para sa kanila. (Tingnan sa Juan 10:17–18 .)

(Ezra Taft Benson, “A Call to the Priesthood: ‘Feed My Sheep,’” Ensign, Mayo 1983, 43)

Juan 10:30 . Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Ako at ang Ama ay iisa”?

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland. Photographed January 2018.

Ang una at pinakamahalagang saligan ng ating pananampalataya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” [ Saligan ng Pananampalataya 1:1 ]. Naniniwala tayo na ang tatlong banal na personang ito na bumubuo sa isang Panguluhang Diyos ay nagkakaisa sa layunin, sa pag-uugali, sa patotoo, sa misyon. Naniniwala tayo na Sila ay kapwa puspos ng makadiyos na habag at pagmamahal, katarungan at awa, pagtitiyaga, pagpapatawad, at pagtubos. Sa palagay ko tumpak na sabihing naniniwala tayo na Sila ay iisa sa bawat mahalaga at walang hanggang aspekto ngunit hindi tayo naniniwala na Sila ay tatlong [persona] sa iisang katawan, na ideya ng mga Trinitarian na hindi kailanman itinuro sa mga banal na kasulatan dahil hindi ito totoo.

(Jeffrey R. Holland, “Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, Sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 40)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Paano mo maririnig ang tinig ng Mabuting Pastol?

Maaari mong gamitin ang sumusunod na aktibidad bilang opsiyon para masimulan ang bahagi na may ganito ring pamagat sa lesson.

Piringan ang isang estudyante o sabihin sa kanila na ipikit ang kanilang mga mata. Kung mas malaki ang klase, maaari ding magpiring ng mas maraming estudyante. Pagkatapos ay tahimik na pumili ng ilan sa mga natitirang estudyante at anyayahan sila, nang paisa-isa, na basahin nang malakas ang Juan 10:27 . Tingnan kung matutukoy ng mga nakapiring na estudyante ang mga tinig ng mga estudyanteng nagbabasa ng talata.  

Maaari mong itanong ang “Ano ang kinakailangan upang makilala nang husto ang tinig ng isang tao para matukoy mo ito mula sa iba pang mga tinig?” 

Ibang mga tupa

Sa Juan 10:16 , itinuro ng Tagapagligtas sa mga Judio sa Jerusalem na pupuntahan Niya ang mga anak ng Diyos sa ibang mga lupain, tuturuan Niya sila ng Kanyang ebanghelyo, at dadalhin sila sa Kanyang kawan (ang Kanyang Simbahan). Tinulungan tayo ng Aklat ni Mormon na mas maunawaan ang talatang ito.

Maaaring basahin ng mga estudyante ang 3 Nephi 15:13–17, 21 ; 16:1–3 , at hanapin ang isang paraan kung paano natupad ang propesiyang ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross reference ang mga talatang ito sa Juan 10:16 . Maaaring ipatalakay sa mga estudyante kung ano ang itinuturo sa atin ng mga kaalamang ito tungkol sa katangian at misyon ni Jesucristo.