Seminary
Doctrinal Mastery: Lucas 2:10–12


Doctrinal Mastery: Lucas 2:10–12

Si Jesucristo ay Isinilang bilang Tagapagligtas at Panginoon

Actors depicting the Nativity.

Sa nakaraang lesson, pinag-aralan mo ang patotoo ng isang anghel sa mga pastol na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan (tingnan sa Lucas 2:10–12). Ang lesson na ito ay magbibigay sa iyo ng pagkakataon na maipakita ang iyong naunawaan sa doktrinang ito sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon sa totoong buhay.

Ang doctrinal mastery lesson na ito ay iituro pagkatapos ng Lucas 2:1–14 , na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Lucas 2:10–12 . Kung kailangang ilipat ang lesson na ito sa ibang linggo upang maiakma sa mga schedule ng paaralan, tiyaking ilipat din ang kontekstuwal na lesson.

Pagtuturo sa mga estudyante ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Mas maisasakatuparan ng mga estudyante ang mga layunin ng doctrinal mastery kung nauunawaan nila ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at nabigyan ng mga pagkakataong ipamuhay ang mga ito. Maaari mong rebyuhin sandali ang mga alituntuning ito sa bawat doctrinal mastery lesson. Makatutulong ang pagbibigay ng mga halimbawa kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin sa simula ng taon at pagkatapos ay hayaang magbigay ang mga estudyante ng sarili nilang mga halimbawa habang humuhusay sila sa kanilang mga kakayahan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na simulang isaulo ang reperensya at mahahalagang parirala sa banal na kasulatan, Lucas 2:10–12 : “Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isaulo at ipaliwanag

Gamitin ang larawan ng pagsilang ng Tagapagligtas at ang mahalagang parirala sa banal na kasulatan para sa Lucas 2:10–12 . Ang pag-uugnay ng isang larawan sa reperensya at mahalagang parirala sa banal na kasulatan ay makatutulong sa pagsasaulo.

Sabihin sa mga estudyante na bigkasin ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala sa banal na kasulatan nang maraming beses. Maaari itong ipabigkas sa bawat estudyante o sa buong klase.

Tingnan ang larawan ng pagsilang ng Tagapagligtas at bigkasin ang reperensya at mahalagang parirala sa banal na kasulatan para sa Lucas 2:10–12 : “Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.” Ulitin hanggang sa magkaroon ka ng kumpiyansa na mabibigkas mo ito nang walang kopya.

Ang sumusunod na aktibidad ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na ipaliwanag sa sarili nilang salita ang doktrina na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, tulad ng itinuro sa Lucas 2:10–12 .

Tingnan ang larawan ng pagsilang ng Tagapagligtas. Magsulat ng dalawa o tatlong pangungusap na nagpapaliwanag kung bakit ang pangyayaring ipinapakita rito ay nagdulot ng “magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan” ( Lucas 2:10).

Ipabahagi sa mga nakahandang estudyante ang kanilang isinulat. Pakinggang mabuti ang mga tugon ng mga estudyante, at rebyuhin ang materyal mula sa lesson na Lucas 2:1–14 kung kinakailangan.

Pagsasanay sa pagpapamuhay

Maglaan ng ilang minuto para rebyuhin ang mga alituntunin sa talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022). Para sa bawat alituntunin, markahan ang kahit isang pangungusap na sa palagay mo ay nagpapaliwanag ng konsepto.

Ipabahagi sa ilang nakahandang estudyante ang mga pangungusap na minarkahan nila. Maaari kang magbigay ng mga follow-up na tanong na makatutulong sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit nila pinili ang partikular na pangungusap at kung ano ang personal na kahulugan nito sa kanila.

Isipin ang sumusunod na sitwasyon:

Isa sa mga kaibigan mo na hindi relihiyoso ay nakakita kamakailan ng isang magkompanyon na missionary na nakikipag-usap sa ilang tao sa parke. Tinanong ka ng kaibigan mo, “Bakit lumalabas at nangangaral tungkol kay Jesus ang mga missionary mula sa simbahan ninyo? Mukhang gusto ninyong ipilit ang inyong mga paniniwala sa ibang tao. Bakit hindi na lang ninyo sila hayaan kung saan sila masaya?”

Habang iniisip ang sitwasyong ito, pag-aralan ang mga sumusunod na alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at pagnilayan kung paano ito makatutulong sa iyo na masagot ang tanong ng iyong kaibigan.

Maaaring pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante upang talakayin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at kung paano nila magagamit ang mga alituntuning ito sa pagtugon sa sitwasyong ito.

Maaari kang gumamit ng three-part rotation kung saan ang tatlong bahagi o alituntunin ay sali’t salitang tatalakayin ng magkakaibang grupo. I-print at gupitin ang mga sumusunod na bahagi upang may magamit ang bawat magkapartner o grupo sa bawat pagkakataon. Bigyan ng oras ang mga estudyante para matalakay ang kanilang bahagi bago sabihin sa kanila na makipagpalitan ng papel sa katabing grupo o magkapartner. Kapag natalakay na ng lahat ng grupo o magkakapartner ang lahat ng tatlong bahagi, sabihin sa mga estudyante na magbigay ng sarili nilang tugon sa sitwasyon.

Kumilos nang may pananampalataya

“Kumikilos tayo nang may pananampalataya kapag pinipili nating magtiwala sa Diyos at lumapit sa Kanya” (Doctrinal Mastery Core Document, “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” talata 5).

  • Anong mga parirala ang nakita mo sa talata 5–7 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” na makatutulong sa iyo sa sitwasyong ito?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagkilos nang may pananampalataya habang naghahanap ka ng sagot para sa iyong kaibigan?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

“Para masuri ang mga konsepto [at mga] tanong nang may walang-hanggang pananaw, [isinasaalang-alang] natin ang mga ito sa konteksto ng plano ng kaligtasan at sa mga turo ng Tagapagligtas” (Doctrinal Mastery Core Document, “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” talata 8).

Balikan ang Lucas 2:10–12 . Isipin kung ano ang itinuturo ng scripture passage na ito kasabay ng nalalaman mo na tungkol kay Jesucristo.

  • Ano ang mga ginagampanan ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan?

  • Bakit mahalaga para sa mga taong hindi pa nakikilala si Jesucristo na makilala Siya?

  • Bakit napakahalagang ibahagi natin ang mensahe ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa lahat, kabilang ang iba pang Kristiyano na tumanggap na sa Kanya?

  • Paano mo magagamit ang mga sagot sa mga naunang tanong sa pagtugon sa iyong kaibigan?

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos

Upang matulungan tayong magtamo ng espirituwal na kaalaman, ang Panginoon ay “naglaan ng mga tulong o sources kung saan naghahayag Siya ng katotohanan at patnubay sa Kanyang mga anak” (Doctrinal Mastery Core Document, “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” talata 11).

Rebyuhin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na inspiradong source, at maghanap ng impormasyon na makatutulong sa iyo na masagot ang tanong ng iyong kaibigan.

Isipin kung ano ang itinuturo ng mga source na ito tungkol sa kung paano makapagdudulot ng kagalakan sa mga tao ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo na makapagdudulot ng kagalakan sa mga tao sa buhay na ito at sa buhay na darating?

  • Anong mga personal na karanasan sa Tagapagligtas o sa Kanyang mga turo ang nagdulot sa iyo ng kagalakan?

  • Paano makatutulong sa iyo ang iyong mga sagot sa mga tanong na ito sa pagsagot ng tanong ng iyong kaibigan?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong isadula ang sitwasyong ito matapos talakayin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery

Sa simula o huling bahagi ng susunod na lesson, maglaan ng 3 hanggang 5 minuto lamang sa pagrerebyu ng doctrinal mastery passage. Ipakita ang larawan ng pagsilang ng Tagapagligtas na ginamit noong isinaulo ng mga estudyante ang Lucas 2:10–12 , at sabihin sa mga estudyante na ulitin ang reperensya at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan hanggang sa maisaulo nila ang mga ito.

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Alternatibong sitwasyon para sa pagsasanay sa pagpapamuhay

Isipin na nag-post ka ng larawan ng Pagsilang ni Cristo sa social media na may mensahe na nagsasabing nagpapasalamat ka sa kapayapaan at kagalakan na hatid sa iyo ng kaalaman mo tungkol sa isang Tagapagligtas. Isa sa mga kaibigan mo na hindi relihiyoso ay nagsabing, “Hindi ba maaaring magkaroon ng kapayapaan at kagalakan ang mga tao kahit wala si Jesus?”