Lucas 2:1–39; Mateo 2:1–12
Saksi ng Tagapagligtas
Ang mga pastol, ang mga Pantas na Lalaki, si Simeon, at si Ana ay mga naunang saksi ng Tagapagligtas. Habang pinag-aaralan mo ang kanilang mga karanasan, maaari kang magkaroon ng hangaring maghangad at umunlad at magalak sa sarili mong patotoo tungkol kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang patotoo?
-
Ano ang maaari mong gawin upang magkaroon ka ng patotoo at mapalakas ito?
-
Natatanto mo na kung minsan matutulungan ka ng iba na magkaroon ng patotoo, bakit hindi ka maaaring bigyan ng patotoo ng iyong mga magulang, kapatid, o kaibigan?
Dumarating ang patotoo kapag pinagtitibay ng Espiritu Santo ang katotohanan sa masigasig na naghahanap. Huwag panghinaan ng loob kung matagal bago ka magkaroon ng sarili mong patotoo. Kapag patuloy kang tapat na naghahangad ng patotoo, sasagutin ka ng Panginoon sa Kanyang sariling panahon at paraan.
Basahin ang Juan 15:26 at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at hanapin ang itinuturo ng mga ito tungkol sa patotoo tungkol kay Jesucristo.
Ang pinakamahalagang katotohanan na [patototohanan] sa inyo ng Espiritu Santo ay si Jesus ay ang Cristo, ang anak ng buhay na Diyos.
(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 96)
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong, at isulat ang mga sagot mo sa iyong study journal:
-
Sa iyong palagay, bakit ito ang pinakamahalagang katotohanan na patototohanan sa iyo ng Espiritu?
-
Paano mo mapapalakas ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas?
Sa lesson na ito, malalaman mo ang tungkol sa mga saksi sa pagsilang ng Tagapagligtas. Sa pag-aaral mo ng kanilang mga salaysay, alamin kung paano nakilala ng mga saksing ito ang Tagapagligtas at kung ano ang ginawa nila sa mga patotoong natanggap nila. Isaisip ang katotohanang ito habang nag-aaral ka: Ang sarili kong patotoo tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo.
Simeon at Ana
Walong araw matapos isilang si Jesus, dinala nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus sa templo alinsunod sa batas ng mga Judio (tingnan sa Exodo 13:2). Sina Simeon at Ana, na nasa templo, ay nakilala ang sanggol na si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas.
Basahin ang Lucas 2:25–33, 36–38 , at maghanap ng katibayan na tinulungan ng Espiritu Santo sina Simeon at Ana na makatanggap ng patotoo tungkol kay Jesucristo. Ang katagang “naghihintay sa kaaliwan ng Israel” sa talata 25 ay tumutukoy sa paghihintay sa pagdating ng Mesiyas.
-
Paano tinulungan ng Espiritu Santo si Simeon na magkaroon ng patotoo tungkol kay Cristo?
-
Ano ang ginawa ni Ana na nakatulong sa kanya na makatanggap ng patotoo tungkol sa Panginoon?
-
Ano ang matututuhan mo mula kina Simeon at Ana na makatutulong sa iyo na maghangad, umunlad, at magalak sa sarili mong patotoo tungkol kay Jesucristo?
Bukod kina Simeon at Ana, tila nagkaroon din ng patotoo tungkol kay Jesucristo ang mga pastol at mga Pantas na Lalaki. Matututuhan natin mula sa kanilang mga halimbawa kung paano makaiimpluwensya sa atin ang pagtanggap ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kung gusto mong malaman pa ang tungkol sa pagbabahagi ng iyong patotoo, pag-aralan ang mga pastol sa Aktibidad A. Kung nais mong pataimtimin pa ang iyong pagsamba at isaalang-alang ang mga kaloob o regalo na maibibigay mo sa Panginoon, pag-aralan ang mga Pantas na Lalaki sa Aktibidad B.
Aktibidad A: Ang Mga Pastol (Lucas 2:15–20)—Pagbabahagi ng iyong patotoo
Noong gabi ng pagsilang ng Tagapagligtas sa Bethlehem, binabantayan ng mga pastol ang kanilang mga kawan sa mga bukirin sa palibot ng bayan. Isang anghel ang nagpakita sa kanila at ibinalita ang pagsilang ni Jesucristo, na nagdadala ng “magandang balita ng malaking kagalakan” para sa “buong bayan” ( Lucas 2:10).
Basahin ang Lucas 2:15–20 , at hanapin kung paano tumugon ang mga pastol sa mensahe ng anghel.
-
Sa iyong palagay, bakit ibinahagi ng mga pastol ang kanilang patotoo tungkol sa Panginoon sa iba pang mga tao?
-
Ano ang matututuhan mo sa salaysay na ito tungkol sa mangyayari kapag natanggap mo ang sarili mong patotoo tungkol kay Jesucristo?
-
Kailan mo ninais na ibahagi sa ibang tao ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Magbahagi ng isang karanasan mo sa pagbabahagi ng iyong patotoo.
Aktibidad B: Ang Mga Pantas na Lalaki (Mateo 2:1–12)—Pataimtimin ang iyong pagsamba
Hinanap ng mga Pantas na Lalaki ang Tagapagligtas mula sa panahon ng Kanyang pagsilang hanggang sa noong bata Siya (tingnan sa Mateo 2:1–2).
Basahin ang Mateo 2:9–11 , at hanapin ang ginawa ng mga Pantas na Lalaki nang matagpuan nila ang Tagapagligtas.
-
Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ng mga Pantas na Lalaki?
-
Paano nakaiimpluwensya ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo sa pagnanais mong sambahin Siya?
-
Ang mga Pantas na Lalaki ay nagbigay ng mga kaloob o regalo upang sambahin ang batang si Jesus. Ano ang ilang paraan para masamba mo ang Tagapagligtas?
Ang iyong sariling patotoo
Pagnilayan ang mga impresyon at damdaming natanggap mo mula sa Espiritu Santo sa lesson na ito. Habang patuloy mong pinag-aaralan ang buhay ng Tagapagligtas na nakatala sa Bagong Tipan, bigyang-pansin kung paano nagpapatotoo sa iyo ang Espiritu Santo tungkol kay Jesucristo.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo o ang nalalaman mo tungkol sa Kanya. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Panginoon sa maraming paraan. Halimbawa, maaari mong i-post ang iyong patotoo at larawan ng Tagapagligtas sa social media, ibahagi ang iyong patotoo sa isang pulong sa pagpapatotoo, o isulat ang iyong patotoo sa isang kopya ng Aklat ni Mormon at ibigay ito sa isang kaibigan o kapamilya.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang patotoo?
Ang patotoo ay isang espirituwal na patunay na ibinibigay ng Espiritu Santo. Ang pundasyon ng patotoo ay ang kaalaman na buhay ang Ama sa Langit at mahal Niya ang Kanyang mga anak; na si Jesucristo ay buhay, na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang nagsakatuparan ng walang hanggang Pagbabayad-sala; na si Joseph Smith ang propeta ng Diyos na tinawag upang ipanumbalik ang ebanghelyo; na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong Simbahan ng Tagapagligtas sa lupa; at na ang Simbahan ay pinamumunuan ng isang buhay na propeta ngayon. Sa pundasyong ito, lumalakas ang patotoo pati na sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo.
(Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Patotoo,” topics.ChurchofJesusChrist.org)
Paano nakaiimpluwensya sa atin ang patotoo tungkol kay Jesucristo?
Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung paano nagpapatotoo ang Espiritu Santo tungkol kay Cristo:
Ang Espiritu Santo ang siyang nagpapatotoo na si Jesucristo ang Pinakamamahal na Anak ng Ama sa Langit na nagmamahal sa atin at nagnanais na magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan kasama Niya nang sama-sama bilang mga pamilya. Kahit nagsisimula pa lamang tayong magkaroon ng patotoo tungkol dito, tayo ay nakadarama ng paghahangad na paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan. Kapag nagpatuloy tayo sa paggawa nito, matatanggap natin ang mga kaloob ng Espiritu Santo para mabigyan tayo ng kapangyarihan sa ating paglilingkod. Nakikita natin ang kamay ng Diyos nang mas malinaw, napakalinaw kaya sa paglipas ng panahon ay hindi lamang natin Siya inaalala, kundi minamahal natin Siya at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, tayo ay nagiging higit na katulad Niya.
(Henry B. Eyring, “O Pakatandaan, Pakatandaan,” Ensign o Liahona,Nob. 2007, 68-69)
Anong mga regalo ang maibibigay mo kay Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang pinakadakilang regalo na maaari ninyong ibigay sa Panginoon ay ang manatili kayong walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, na karapat-dapat na pumasok sa Kanyang banal na bahay. Ang ipagkakaloob Niya sa inyo ay kapayapaan at katiwasayan sa pagkaalam na karapat-dapat kayong humarap sa Kanya, kailan man dumating ang pagkakataong iyon.
(Russell M. Nelson, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” Ensign o Liahona, Abril 2020, 15)
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Tulad ng mga Pantas na Lalaki noon, dapat nating hanapin si Cristo at ialay sa Kanya ang pinakanatatangi sa mga regalo: isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. Dapat nating ialay sa Kanya ang ating pagmamahal. Dapat nating ibigay sa Kanya ang kahandaan nating taglayin ang Kanyang pangalan at tahakin ang landas ng pagiging disipulo. Dapat tayong mangako na aalalahanin Siya palagi, tutularan ang Kanyang halimbawa, at maglilibot na gagawa ng mabuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79 ; Mga Gawa 10:38).Hindi natin maiaalay sa Kanya ang regalong pagiging perpekto sa lahat ng bagay dahil ito ay regalong hindi natin kayang ibigay—sa ngayon. Ngunit hinihingi Niya na ibigay natin bilang mga regalo ang lahat ng ating makakaya na lumakad sa mga daang inihanda at itinuro Niya.
(Dieter F. Uchtdorf, “True Gifts of Christmas,” New Era, Dis. 2018, 3)
Bakit naghandog si Maria ng mga batu-bato [turtledove] o kalapati sa templo?
Nakasaad sa batas ni Moises na ang mga babaeng katatapos lang manganak ay hindi malinis. Upang maging malinis, ang bagong kakapanganak na ina ay dapat magdala ng isang kordero sa templo para sa handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato [turtledove] bilang handog para sa kasalanan (tingnan sa Levitico 12:5–6). “[At] Kung hindi niya kayang bumili ng kordero, siya ay kukuha ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati” (Levitico 12:8). Ang pagdadala ni Maria ng mga batu-bato o kalapati sa halip na isang kordero ay nagpapatunay na si Jesucristo ay isinilang sa isang ina na salat sa materyal na bagay.