Seminary
Galacia 6


Galacia 6

“Ang Anumang Ihasik ng Tao, ay Siya Rin Niyang Aanihin”

Woman and girl harvest and garden in Ecuador.

Iniisip mo ba kung ang mga pagsisikap mong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hahantong sa iyong mga walang-hanggang mithiin? Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia upang tulungan sila na maunawaan na nakakaimpluwensya ang paraan ng pamumuhay natin sa bawat araw sa pagkakaloob ng Tagapagligtas sa atin ng “buhay na walang hanggan” ( Galacia 6:8). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga kailangan mong gawin upang makamit ang iyong mga walang-hanggang mithiin.

Naghihikayat ng pagsasabuhay. Ang layunin ng pagtuturo ng ebanghelyo ay tulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang doktrina at mga alituntunin na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Ang mga tanong at aktibidad na naghihikayat ng pagsasabuhay ay makatutulong sa mga estudyante na makita kung paano ipamumuhay ang mga doktrina at alituntunin sa sarili nilang buhay.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Galacia 6:7–9 at pumasok na handang ibahagi kung ano sa palagay nila ang maaaring maging epekto ng mga turo sa mga talatang ito sa kanilang mga desisyon sa araw-araw.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga walang-hanggang mithiin

Ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ay magagamit upang matulungan ang mga estudyante na simulang pag-isipan ang epekto ng ating mga desisyon araw-araw sa mga bunga o resulta na matatanggap natin. Ang isang alternatibong ideya kung paano simulan ang lesson ay matatagpuan sa aktibidad na “Galacia 6:7–8. Pagtatanim at pag-aani ng mga binhi,” na matatagpuan sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.”

Ibinahagi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang hindi malilimutang pakikipag-usap niya sa isang binata.

Panoorin ang video na “Pumili nang May Katalinuhan,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 3:03 hanggang 4:52, o basahin ang sumusunod na pahayag. Alamin kung ano ang mga mithiin ng binatilyong ito at kung ano ang mga maaaring naging mali niyang pagkaunawa tungkol sa pagkakamit ng mga ito.

15:19
Official portrait of Elder Quentin L. Cook. Called to the Quorum of the Twelve Apostles on 6 October 2007.

Kamakailan ay may nakilala akong isang mabait na binatilyo. Ang kanyang mga mithiin ay makapagmisyon, makapag-aral, makasal sa templo, at magkaroon ng tapat at maligayang pamilya. Tuwang-tuwa ako sa kanyang mga mithiin. Ngunit habang nag-uusap kami, naging malinaw sa akin na ang kanyang pag-uugali at mga pasiya ay hindi nakaayon sa kanyang mga mithiin. Nadama ko na talagang gusto niyang magmisyon at umiiwas siyang magkasala nang mabigat na hahadlang sa kanya na magmisyon, ngunit ang ginagawa niya araw-araw ay hindi naghahanda sa kanya sa pisikal, emosyonal, sosyal, intelektuwal, at espirituwal na mga hamon na haharapin niya. Hindi siya natutong magsikap. Hindi siya seryoso sa pag-aaral o sa seminary. Nagsisimba siya, pero hindi nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Nag-uukol siya ng maraming oras sa video games at social media. Akala niya ay sapat na ang makapagmisyon siya.

(Quentin L. Cook, “Pumili nang May Katalinuhan,” Liahona, Nob. 2014, 47)

  • Ano kaya ang maling pagkaunawa ng binatilyong ito tungkol sa pagkamit ng kanyang mga mithiin?

Sa iyong study journal, gumawa ng maikling listahan ng iyong mga mithiin na itinuturing mo na walang hanggan ang kahalagahan. Isipin kung bakit gusto mong makamit ang mga mithiing ito. Isipin kung paano ka inaakay ng iyong pag-uugali araw-araw patungo o palayo sa mga mithiing ito na may walang hanggang kahalagahan. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mas maiayon ang iyong mga ikinikilos araw-araw sa hinahangad mo na mahahalagang resulta na pangwalang-hanggan.

Ang batas ng pag-ani

Ang mga Banal sa Galacia ay nalantad sa mga maling turo na naging dahilan upang maligaw ng landas ang marami (tingnan sa Galacia 1:6–9). Ang ilan ay pinaniwalaan at itinuro ang maling doktrina na kailangang ipatuli ang mga nagbalik-loob na Gentil (tingnan sa Galacia 6:12 ; Mga Gawa 15:1). Ang iba ay naniwala na ang biyaya ni Cristo ay nagbigay sa kanila ng kalayaang magkasala (tingnan sa Galacia 5:13). Matapos ituwid ang mga maling paniniwalang ito at hikayatin ang mga Banal na tulungan ang mga taong espirituwal na nalihis ng landas, itinuro ni Pablo ang isang mahalagang katotohanan upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang epekto ng kanilang mga ginawa.

Basahin ang Galacia 6:7–8 . Alamin ang katotohanang itinuro ni Pablo na makakaimpluwensya sa mga ginagawa natin sa araw-araw. Tandaan na ang paghahasik ay tumutukoy sa pagtatanim.

  • Paano mo ipaliliwanag ang mga turo ni Pablo gamit ang iyong sariling mga salita?

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa Galacia 6:7 ay anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin. Tinatawag kung minsan ang ideyang ito na batas ng pag-aani.

  • Anong mga halimbawa ng katotohanang ito ang nakita mo sa iyong buhay o sa buhay ng iba?

  • Paano makakaapekto ang pag-unawa sa katotohanang ito sa mga desisyong ginagawa mo sa iyong buhay?

Bilang alternatibo sa pag-aaral ng mga sumusunod na talata, maaari mong ipanood ang video na “Tinuruan ni Alma si Corianton tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at Kahatulan| Alma 39–41” mula sa time code na 1:27 hanggang 2:35. Ang video na ito ay mapapanood sa SimbahanniJesucristo.org.

Ang mga turo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton sa Aklat ni Mormon ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mga walang hanggang implikasyon ng batas ng pag-aani, o ang tinukoy ni Alma bilang “plano ng panunumbalik.” Basahin ang Alma 41:3–6, 10–15 , at alamin ang mga katotohanang mas nagpaunawa sa iyo sa mga turo ni Pablo.

  • Anong mga salita o parirala ang naging makabuluhan para sa iyo mula sa mga talatang ito? Bakit?

  • Matapos rebyuhin ang itinuro ni Alma kay Corianton, paano naaangkop ang turong ito sa mga salita ni Pablo na “ang anumang ihasik ng [lalaki o babae] ay siya rin niyang aanihin”? ( Galacia 6:7).

  • Ano ang ipinaunawa sa iyo ng mga turong napag-aralan mo na ngayon tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ang paanyaya ni Pablo sa mga taga Galacia

Tinapos ni Pablo ang kanyang mga turo tungkol sa batas ng pag-aani nang may paanyaya. Basahin ang Galacia 6:9–10 , at alamin kung ano ang paanyaya ni Pablo na gawin ng mga Banal.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Pagkatapos ay tumawag ng ilang boluntaryo upang ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti”? ( Galacia 6:9).

  • Paano naging perpektong halimbawa nito si Jesucristo?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na tayo ay aani “sa takdang panahon” ( Galacia 6:9) kapag nagsikap tayong gumawa ng mabuti para sa iba? Bakit mahalagang maunawaan ito?

Pagpapamuhay ng natutuhan mo

Hinikayat tayo ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na pag-isipan kung saan tayo dadalhin ng bawat isa sa mga pinipili natin (tingnan sa “Saan Ito Hahantong?,” Liahona, Mayo 2019, 60–62).

Para masunod ang payo na ito ni Pangulong Oaks, gawin ang sumusunod na aktibidad.

Gumawa ng isang chart na katulad ng sumusunod:

Ang inihasik mo (mga kilos na regular mong ginagawa)

Ano ang aanihin mo o inaasahan mong aanihin sa hinaharap (kahahantungan ng mga ginagawa mo)

Sa kaliwang bahagi, ilista ang ilan sa mga bagay na pinaglalaanan mo ng oras o gusto mong simulang gawin nang regular.

Sa kanang bahagi, isulat kung ano sa palagay mo ang mga magiging resulta ng regular na paggawa ng mga bagay na iyon. Isipin ang mga resultang maaari mong matanggap kung regular mong inuulit ang mga bagay na ito sa loob ng isang linggo, isang buwan, isang taon, limang taon, o maging sa buong buhay mo.

Isipin ang anumang pahiwatig na natanggap mo mula sa Espiritu Santo sa pag-aaral mo ngayon. Sa ibaba ng iyong chart, isulat ang anumang pagbabago na nadama mong dapat mong gawin sa iyong buhay na tutulong sa iyo na maging mas karapat-dapat na matanggap ang mga pagpapalang nais mo. Tutulungan ka ng Diyos kapag ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:17).

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Galacia 6:8 . Ano ang ibig sabihin ng kung ang isang tao ay “naghahasik sa Espiritu” o “naghahasik para sa kanyang sariling laman”?

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

9:5
Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Ang ibig sabihin ng maghasik ng sa Espiritu ay na lahat ng ating iniisip, sinasabi, at ginagawa ay dapat mag-angat sa atin sa antas ng kabanalan ng ating mga magulang sa langit. Gayunman, tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang laman bilang pisikal o makamundong katangian ng likas na tao, na nagtutulot sa mga tao na maimpluwensyahan ng silakbo ng damdamin, paghahangad, pagnanasa, at udyok ng laman sa halip na maghanap ng inspirasyong mula sa Espiritu Santo. Kung hindi tayo mag-iingat, ang mga impluwensyang iyon pati na ang pag-uudyok ng kasamaan sa mundo ay maaaring magtulak sa atin sa magaspang at masamang pag-uugaling maaaring maging bahagi ng ating pagkatao. Para maiwasan ang masasamang impluwensyang iyon, kailangan nating sundin ang bilin ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na patuloy na maghasik ng sa Espiritu: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” ( Doktrina at mga Tipan 64:33).

(Ulisses Soares, “Manatili sa Teritoryo ng Panginoon!,” Liahona, Mayo 2012, 39)

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Kung malululong tayo sa droga o pornograpiya o iba pang kasamaang tinatawag [ni] Apostol [Pablo] na pagpapalayaw sa laman, nakasaad sa walang hanggang batas na aani tayo ng kasamaan sa halip na buhay na walang hanggan. Iyan ang katarungan ng Diyos, at hindi maaagaw ng awa ang katarungan. Kung masuway ang isang walang hanggang batas, may parusang kaakibat ang batas na iyon na kailangang pagdusahan. Maaaring sakupin ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ilan dito, ngunit ang maawaing paglilinis ng isang makasalanan ay nangyayari lang matapos ang pagsisisi (tingnan sa Alma 42:22–25), na sa ilang kasalanan ay pinahaba at masakit na proseso.

(Dallin H. Oaks, “Huwag Palinlang,” Liahona, Nob. 2004, 45)

Paano mababago ng maliliit na pagsisikap ang buhay ko at ang buhay ng iba?

16:50

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Galacia 6:1–2 . Ipanumbalik ang iba kay Cristo

Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa mga taong nabubuhay sa kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Galacia 6:1–2 at alamin kung paano tayo inanyayahan ni Pablo na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtugon natin sa mga makasalanan. Maaari mong ibigay ang mga sumusunod na kahulugan para sa mga estudyante habang nag-aaral sila:

  • “Natagpuan sa anumang pagsuway”: ang ibig sabihin nito ay nahuli sa kasalanan.

  • “Panunumbalikin”: ang orihinal na salitang Griyego na katartizete “ay nangangahulugang ibalik sa pagkakaayos, tulad ng isang nalinsad na buto; alinsunod dito, dapat nating sikaping muling ipagkabit ang mga ito,” o sa madaling salita, “ibabalik [sila] sa kanilang tungkulin” (Matthew Henry‘s Commentary on the Whole Bible: Volume VI–II—First Corinthians–Second Timothy [2018], 168).

  • “Tingnan ang iyong sarili”: ang ibig sabihin nito ay obserbahan at bantayan ang iyong sarili.

Ipabahagi sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang nais ni Pablo na maunawaan ng mga taga Galacia. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano natin maipanunumbalik ang iba kay Cristo nang hindi natutukso kasama nila?

  • Paano makatutulong ang pagpasan ng mga pasanin ng iba upang maipanumbalik sila kay Cristo?

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa payo ni Pablo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas? (tingnan sa Mosias 18:8–10).

Galacia 6:7–8 . Pagtatanim at pag-aani ng mga binhi

Magpakita ng ilang mga buto ng prutas o gulay sa mga estudyante na madali nilang makikilala. Ipatukoy sa kanila kung anong uri ng buto ang mga iyon.

Ano ang inyong aasahan kung itatanim ninyo ang mga buto? Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Galacia 6:7–8 . Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo na maaari nating asahan kapag nagtanim tayo ng mga binhi o buto.