Efeso 1
“Tipunin ang Lahat ng mga Bagay kay Cristo”
Naisip mo na ba kung ano ang magiging buhay mo kung wala ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo? Bilang bahagi ng kanyang sulat sa mga taga Efeso, itinuro ni Pablo na mangyayari ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang matukoy ang mga pagpapalang matatamo dahil ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo sa mundo sa mga huling araw.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagpapalakas sa mga bagong miyembro
Ipagpalagay na may kaibigan kang kakasapi lang sa Simbahan.
-
Ano kaya ang ilan sa mga naiisip at inaalala mo para sa kanya?
-
Ano ang magagawa mo upang matulungan ang kaibigan mo na umunlad sa kanyang kaalaman sa ebanghelyo at manatiling tapat sa kanyang mga tipan?
Sa kanyang sulat sa mga taga Efeso, kinausap ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Efeso at sa mga karatig na lugar. Ang mithiin niya ay palakasin ang mga dati nang miyembro ng Simbahan at tulungan ang mga bagong miyembro na umunlad sa kanilang espirituwal na kaalaman at manatiling tapat sa kanilang mga tipan. Kabilang sa ilan sa doktrinang itinuro niya sa sulat na ito ang pag-oorden noon pa man (tingnan sa Efeso 1:4–6); ang kapangyarihang magbuklod ng Espiritu Santo (tingnan sa Efeso 1:13–14); ang kahalagahan ng mga propeta at apostol (tingnan sa Efeso 2:19–22); ang ideya ng isang tunay at nagkakaisang Simbahan (tingnan sa Efeso 4:1–7); at ang iba’t ibang katungkulan, tungkulin, at gawain sa loob ng organisasyon ng Simbahan (tingnan sa Efeso 4:11–14).
Ang isa pang doktrinang itinuro ni Pablo upang palakasin ang mga miyembro sa kanyang panahon ay ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.
-
Sa iyong palagay, bakit mapapalakas ng pag-aaral tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw ang mga Banal noong panahon ni Pablo?
Habang pinag-aaralan mo sa buong lesson na ito ang itinuro ni Pablo at ng iba pa tungkol sa Pagpapanumbalik, pag-isipan kung paano mapalalakas ng doktrinang ito ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.
Ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon
Ang dispensasyon ay panahon kung kailan inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga katotohanan, awtoridad ng priesthood, at mga ordenansa sa mga tao sa lupa. Nagkaroon ng maraming dispensasyon ng ebanghelyo sa buong kasaysayan ng mundo.
Sa sulat ni Pablo sa mga taga Efeso, nagpropesiya si Pablo tungkol sa isang partikular na dispensasyon. Basahin ang Efeso 1:10, at alamin ang partikular na dispensasyong ipinropesiya ni Pablo at ang mga kaganapang mangyayari sa panahong ito.
-
Anong panahon sa hinaharap ang tinutukoy ni Pablo sa Efeso 1:10?
-
Ano ang ipinropesiya ni Pablo na magaganap sa “[dispensasyon] ng kaganapan ng panahon”?
Pamumuhay sa kaganapan ng mga panahon
Sa mga naunang dispensasyon, naghayag ang Panginoon sa Kanyang mga propeta ng maraming katotohanan, banal na kasulatan, tipan, at kapangyarihan. Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa Efeso 1:10 ay sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, ipanunumbalik ang lahat ng bagay mula sa mga naunang dispensasyon.
Ipagpalagay na ang bawat ilog sa sumusunod na larawan ay kumakatawan sa isang dispensasyon ng ebanghelyo.
-
Paano maihahalintulad ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon sa isang malawak na katubigang may mga ilog na dumadaloy patungo rito?
Pinatotohanan ni Elder B.H. Roberts (1857–1933) ng Pitumpu ang mangyayari bilang bahagi ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Ito ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, at nakita natin, tulad ng mga sapa na dumadaloy patungo sa dagat, na tayo at ang lahat ng tao sa mga naunang dispensasyon ay nauugnay sa isa’t isa; at nakita natin na ang Diyos ay may iisang dakilang layunin mula sa simula, at iyan ay ang kaligtasan ng Kanyang mga anak. At ngayon ay dumating na ang huling araw, ang huling dispensasyon, na ang katotohanan at liwanag at kabutihan ay pupuno sa mundo.
(B. H. Roberts, sa Conference Report, Okt. 1904, 73)
-
Anong mga katotohanan, banal na kasulatan, tipan, at kapangyarihan mula sa mga naunang dispensasyon ang ipinanumbalik o dinala sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon?
Ang proklamasyon tungkol sa Pagpapanumbalik
Sa makasaysayang pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020 na ipinagdiwang ang ika-200 anibersaryo ng simula ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw, ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ang “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo” (SimbahanniJesucristo.org). Maglaan ng ilang minuto para basahin ang proklamasyong ito, at mag-isip ng mga paraan kung paano napagpala ang iyong buhay dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Anong mga bahagi ng proklamasyon tungkol sa Pagpapanumbalik ang mahalaga para sa iyo?
-
Ano ang maaari mong ibahagi sa isang miyembro ng Simbahan na hindi sigurado kung naniniwala siya sa Pagpapanumbalik o hindi nadaramang mahalaga ito sa kanya?
Isipin sandali ang lahat ng paraan na napagpala ni Jesucristo ang iyong buhay sa pamamagitan ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
-
Anong mga partikular na aspeto ng Pagpapanumbalik ang lubos mong pinasasalamatan? Paano nakaimpluwesya ang mga ito sa buhay mo?
-
Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na gawin mo para makibahagi ka sa Kanyang patuloy na Pagpapanumbalik upang makatulong sa pagtitipon ng mga tao sa Kanya?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Bakit napakamakabuluhan ng gawain ng Pagpapanumbalik?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–1844):
Narito ito [sa mga huling araw]; upang ating makita ito, maging bahagi nito, at tulungang maisulong ang kaluwalhatian sa mga Huling araw, ang ‘dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung kailan titipunin ng Diyos ang lahat ng bagay na nasa langit, at lahat ng bagay na nasa lupa, at pag-iisahin’ [tingnan sa Efeso 1:10]. … [Ito ay] gawaing kinaluguran ng Diyos at ng mga anghel [sa] nakalipas na henerasyon; na nagbigay-inspirasyon sa mga kaluluwa ng sinaunang mga patriarch at propeta; gawaing nakatakdang isakatuparan ang pagwasak sa kapangyarihan ng kadiliman, ang pagpapanibagong muli ng mundo, ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang kaligtasan ng sangkatauhan.”
(Joseph Smith, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 601)
Ano ang dispensasyon?
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga dispensasyon ng ebanghelyo at kung bakit ang huling dispensasyong ito ay natatangi.
Ano ba talaga ang Pagpapanumbalik?
Isang paliwanag tungkol sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
Paano makakaapekto sa buhay ko ang pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik?
Bahagi 2: Ibinahagi ng mga kabataan ang kanilang patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik at kung paano ito nakaimpluwensya sa kanilang buhay. Batay sa mensaheng ibinigay ni Elder Craig C. Christensen noong Oktubre 2016.
Ibinahagi ng mga kabataang lalaki at babae kung paano lubos na nakaimpluwensya sa kanilang buhay sa araw-araw ang mga kaganapang nangyari sa Pagpapanumbalik.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2019, ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga tanong sa interbyu para sa temple recommend, na kinabibilangan ng tanong na “May patotoo ka ba sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?” (tingnan sa “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 121).
Isipin kung bakit isasama ang tanong na ito sa mga kinakailangan upang makapasok sa bahay ng Panginoon. Paano nakakaimpluwensya sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang pag-unawa, paniniwala, at pakikibahagi mo sa patuloy na Pagpapanumbalik?
Ano ang ibig sabihin ng patuloy pa ring nangyayari ang Pagpapanumbalik?
Nagsalita si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, tungkol sa patuloy na Pagpapanumbalik.
Kung minsan iniisip natin na ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay isang bagay na kumpleto, na tapos na—isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, tinanggap niya ang mga susi ng priesthood, inorganisa ang Simbahan. Ang totoo, ang Panunumbalik ay tuluy-tuloy na proseso; nabubuhay tayo rito ngayon mismo. Kasama rito ang “lahat ng [inihayag] ng Diyos, [at] lahat ng Kanyang [inihahayag] ngayon,” at ang “maraming dakila at mahahalagang bagay” na “ihahayag pa Niya” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Mga kapatid, ang kapana-panabik na mga nangyayari ngayon ay bahagi ng matagal nang ipinropesiyang panahon ng paghahanda na magwawakas sa maluwalhating Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
(Dieter F. Uchtdorf, “Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?” Liahona, Mayo 2014, 59)