Galacia 1
“Hindi Ko Ito Tinanggap mula sa Tao ... kundi sa pamamagitan ng Pahayag ni Jesucristo”
Nalito ka na ba sa lahat ng iba’t ibang opinyon at pilosopiya sa mundo? Nakaranas din ang mga Banal sa Galacia ng mga katulad na hamon nang ilahad sa kanila ang mga turo na naglayo sa kanila sa tunay na ebanghelyo ni Cristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong matutuhan kung paano maiiwasan ang panlilinlang at pagkalito sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ni Jesucristo na ibinigay sa mga sinauna at makabagong propeta.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Naharap sa mga maling ideya
Isipin kung paano ka tutugon sa mga sumusunod na sitwasyon:
a. May nakita kang sikat na video o post na ibinabahagi ng marami sa mga kaibigan mo sa social media. Naglalaman ito ng mga ideya na salungat sa itinuro sa iyo sa tahanan at sa Simbahan.
b. Sa paaralan, nagbibigay ang ilang kaibigan mo na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng mga opinyon na salungat sa mga turo ng Simbahan.
-
Gaano kadalas kang nahaharap sa mga ganitong sitwasyon?
-
Ano sa palagay mo ang dapat mong gawin sa mga sitwasyong tulad nito? Bakit?
Naharap din ang mga Banal sa Galacia sa mga turo ng mga taong naghangad na “baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo” ( Galacia 1:7). Halimbawa, may ilang Kristiyanong Judio ang sumira sa mga turo ng ebanghelyo at nagpasimula ng mga pagdududa tungkol sa turo ni Pablo na ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo.
Nagbabala si Pablo sa mga Banal sa Galacia laban sa mga maling ideya
Sumulat si Pablo ng isang liham upang labanan ang mga maling turo na kumakalat sa mga Banal sa Galacia.
Basahin ang Galacia 1:6–9 . Alamin ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga nangaral ng “ebanghelyo” na salungat sa ipinangaral niya bilang Apostol ni Jesucristo.
-
Ano ang nakita ninyong mahalaga sa mga talatang ito? Bakit?
Binalaan ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na tanggihan ang “ebanghelyo na iba” ( Galacia 1:9) sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga maling ideya sa ating panahon na maaaring maglayo sa mga tao sa tunay na ebanghelyo ni Jesucristo?
-
Anong mga tunay na alituntunin ang hindi naunawaan o nabaluktot ng sanlibutan?
-
Ano ang ilan sa mga posibleng ibubunga ng pakikinig o pagsunod sa ibang mga ideya o turong ito? Kailan mo nakita ang ilan sa mga ibinungang ito?
Kung maaari, panoorin ang video na “Sources na Itinalaga ng Diyos” mula sa time code na 3:14 hanggang 4:43 upang makakita ng ilang halimbawa ng mga ibinunga. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
Maaari tayong bumaling sa mga propeta at apostol para sa katotohanan
Sa kanyang sulat, ipinaalala ni Pablo sa mga Banal sa Galacia ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo at ang pinagmumulan ng kanyang awtoridad at mga turo.
Basahin ang Galacia 1:1–5, 10–12 , at alamin ang ibinahagi ni Pablo na makatutulong sa mga Banal na hindi malinlang ng mga maling turo.
-
Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang ipinaalala ni Pablo sa mga taga Galacia?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa atin ang pagtuon sa mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa talata 3–5 upang hindi tayo malinlang?
-
Ano ang itinuro ni Pablo sa mga taga Galacia sa talata 1, 11–12 tungkol sa dahilan kung bakit dapat nilang paniwalaan ang itinuro niya?
Ipinaalala ni Pablo sa mga taga Galacia na siya ay isang Apostol, na tinawag “hindi . . . sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesucristo” ( Galacia 1:1), at tinanggap niya ang ebanghelyo “sa pamamagitan ng pahayag ni Jesucristo” ( Galacia 1:12). Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga salita ni Pablo ay inihahayag ni Jesucristo ang tunay na doktrina sa Kanyang mga propeta at apostol.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng mga salita ng mga propeta noon at ngayon:
Ang gabay na bakal ay ang salita ng Diyos. Ganito ko ito gustong isipin: Ang salita ng Diyos ay naglalaman ng tatlong napakatibay na elemento na nauugnay at sumusuporta sa isa’t isa upang makabuo ng di-natitinag na bakal. Kabilang sa tatlong elementong ito, una, ang mga banal na kasulatan, o ang mga salita ng mga sinaunang propeta. …
Ang pangalawang elemento ng salita ng Diyos ay ang personal na paghahayag at inspirasyon na dumarating sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. …
… Ang pangatlong elemento, na isang napakahalagang karagdagan na nauugnay sa dalawang elemento[,] … ay kumakatawan sa mga salita ng mga buhay na propeta.
(Neil L. Andersen, “Hold Fast to the Words of the Prophets” [Brigham Young University devotional, Mar. 4, 2007], speeches.byu.edu)
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga pagsisikap ng Diyos na ibigay sa atin ang sources na ito tungkol sa Kanya?
-
Paano makatutulong sa iyo ang pakikinig sa mga salita ni Cristo mula sa sinauna at makabagong propeta upang hindi ka malinlang?
-
Paano makatutulong ang personal na paghahayag upang hindi ka malinlang?
Kung maaari, panoorin ang video na “Sources na Itinalaga ng Diyos” mula sa time code na 4:44 hanggang 9:11 upang malaman kung paano nakatulong sa ilang kabataan ang mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta, gayundin ang personal na paghahayag, upang mahanap nila ang katotohanan at makaiwas sa panlilinlang.
-
Ano ang tila pinakamahalaga sa iyo tungkol sa kung paano tinulungan ng Panginoon ang mga taong ito na tumugon sa kanilang mahihirap na sitwasyon?
-
Habang pinanonood mo ang video, ano ang mga naging saloobin o damdamin mo na nauugnay sa sarili mong mga sitwasyon sa buhay?
Ang iyong personal na sitwasyon
Isipin ang natutuhan at nadama mo ngayon. Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo at tumukoy ng mga paraan na maaaring madali kang malinlang sa kasalukuyan. Anong mga maling turo o makamundong ideya ang maaaring makasira sa iyong patotoo tungkol kay Jesucristo? Nagbabasa, nanonood, o nakikinig ka ba ng anumang bagay na maaaring makalinlang sa iyo?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa lesson na ito na pinakanakatulong sa iyo? Bakit?
-
Anong mga pagbabago ang gusto mong gawin sa iyong buhay na magpoprotekta sa iyo laban sa panlilinlang?
-
Paano mo mas lubos na pakikinggan ang mga salita ni Jesucristo mula sa mga sinauna at makabagong propeta? Anong kaibahan ang magagawa nito para sa iyo kung gagawin mo ito?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Itinuro ba ni Pablo na hindi tayo dapat makinig sa mga mensahe mula sa mga anghel sa langit?
Kung minsan ang mga turo ni Pablo sa Galacia 1:8–10 ay ginagamit sa maling paraan upang salungatin ang mga pangitain tungkol sa mga anghel na nangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Gayunpaman, hindi itinuro ni Pablo na dapat tanggihan ang lahat ng anghel, dahil ipinapakita sa mga banal na kasulatan na talagang darating ang mga anghel sa mga huling araw upang muling ipangaral ang ebanghelyo (tingnan sa Apocalipsis 14:6). Sa halip, itinuro ni Pablo na kung sinuman—maging ang isang anghel—ang dumating upang ilayo ang mga tao sa tunay na ebanghelyo, dapat siyang tanggihan (tingnan din sa Alma 30:53).
Bakit dapat kong gamitin ang sources na itinalaga ng Diyos sa paghahanap ko ng katotohanan?
Panoorin ang video na “Pagtuklas ng Katotohanan” (4:48), mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org. Sa video na ito, si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na nasa Unang Panguluhan noon, ay gumamit ng analohiya upang ipaliwanag ang kahalagahan ng paghahanap ng katotohanan mula sa sources na ibinigay ng Diyos sa halip na magtiwala sa karunungan ng mga tao.
Paano naaangkop ang mga babala ni Pablo sa panahon ngayon?
Nagpaalala si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Nabubuhay tayo sa panahon ng labis na pinalawak at pinalaganap na impormasyon. Ngunit hindi lahat ng impormasyon na ito ay totoo. Kailangan tayong maging maingat kapag naghahanap ng katotohanan at namimili ng mga sanggunian para sa paghahanap na iyon. Hindi natin dapat ituring ang sekular na kasikatan o awtoridad bilang angkop na sanggunian ng katotohanan. Dapat tayong maging maingat sa pagtitiwala sa impormasyon o payo na ibinibigay ng mga artista, sikat na mga atleta, o hindi kilala na mga sanggunian sa internet. Ang kahusayan sa isang larangan ay hindi dapat ituring na kahusayan sa katotohanan sa iba pang larangan.
(Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano,” Liahona, Nob. 2018, 25)