Galacia 5
“Lumakad Kayo Ayon sa Espiritu”
Nahirapan ka na bang pumili kung hahangarin mong magpadaig sa tukso o hahangarin mong sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na mamuhay nang matwid? Inilarawan ni Apostol Pablo ang labanang maaaring mangyari sa pagitan ng mga hangarin sa ating mortal at di-perpektong katawan at ng Espiritu ng Diyos, na humihikayat sa ating gumawa ng mabuti. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang maging higit na katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng mga pagkakataong tumukoy ng mga paraan kung paano ka mas lubos na “[makalalakad] ayon sa Espiritu” ( Galacia 5:16).
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Tug-of-war
-
Sa anong mga paraan natutulad ang inyong buhay sa tug-of-war?
Sa kanyang sulat sa mga taga Galacia, inilarawan ni Apostol Pablo ang dalawang magkalabang puwersa na makahihila sa atin sa iba’t ibang direksyon. Basahin ang Galacia 5:16–17 , at alamin ang ipinayo ni Pablo tungkol sa mga puwersang ito.
-
Anong magkakalabang puwersa ang matutukoy ninyo mula sa mga talatang ito?
Ang “mga pagnanasa ng laman” ( talata 16) ay mga tuksong nararanasan natin.
-
Ano ang ilan sa mga pisikal na tukso (mga pagnanasa ng laman) na nararanasan ng mga kabataan?
Ihambing ang inyong mga sagot sa listahan ni Pablo sa Galacia 5:19–21 .
-
Anong mga salita, kung mayroon man, ang hindi pamilyar sa inyo?
Maglaan ng ilang sandali upang tahimik na pag-isipan kung paano maaaring nangyayari sa inyong buhay ang tug-of war na ito ng Espiritu laban sa mga pagnanasa ng laman. Sa anong mga paraan mahihirapan kayo na labanan ang mga pagnanasa ng laman? Paano kayo napagpapala kapag sinusunod ninyo ang patnubay ng Espiritu? Habang patuloy kayong nag-aaral, bigyang-pansin ang mga espirituwal na pahiwatig na makatutulong sa inyo na malaman ang anumang pagbabagong magagawa ninyo na makatutulong sa inyo na madaig ang mga tuksong kinakaharap ninyo.
Pag-iwas sa mga gawa ng laman
Basahin ang Galacia 5:21 , at alamin kung bakit mahalagang iwasan ang mga pagnanasa ng laman.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa dahilan kung bakit dapat nating iwasan ang mga gawaing ito?
-
Ano ang maaaring mga dahilan kung bakit mahirap iwasan ang mga pagnanasa ng laman, kahit na alam nating mali ang mga ito?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Bilang mga anak ng Diyos, nagmana tayo ng mga banal na katangian mula sa Kanya. Ngunit sa ngayon ay nakatira tayo sa makasalanang daigdig. Ang mismong mga elemento kung saan nalikha ang ating katawan ay likas na mahina at madaling matangay ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Dahil dito, ang Pagkahulog ni Adan at ang espirituwal at temporal na mga bunga nito ay may epekto sa ating pisikal na katawan. …
Dahil napakahalaga ng pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama at sa ating espirituwal na pag-unlad, hangad ni Lucifer na hadlangan ang ating pag-unlad sa pamamagitan ng pagtukso sa atin na gamitin sa mali ang ating katawan. Isa sa mga kabalintunaan ng kawalang-hanggan ay tayo ay inaakit ng kaaway, na miserable dahil wala siyang pisikal na katawan, upang danasin din ang kanyang abang katayuan sa pamamagitan ng maling paggamit ng ating katawan. Samakatuwid, ang kasangkapang wala sa kanya ang mismong puntirya ng mga pagtatangka niya na akitin tayo tungo sa espirituwal na kapahamakan.
(David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42–43)
-
Anong mga salita o mga parirala ang tila pinakamahalaga sa inyo mula sa pahayag na ito? Bakit?
Pagpiling lumakad ayon sa Espiritu
Basahing muli ang Galacia 5:16 at alamin ang mga turo ni Pablo tungkol sa kung paano natin madaraig ang mga tukso ng laman.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa Galacia 5:16 ay habang lumalakad tayo ayon sa Espiritu, mas madaraig natin ang mga tukso ng laman.
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “lumakad kayo ayon sa Espiritu”?
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa inyo ang paglakad ayon sa Espiritu upang madaig ang mga tukso ng laman?
Basahin ang Mosias 3:19 at Doktrina at mga Tipan 11:12 , at alamin ang mga turo na makatutulong sa inyo na mas maunawaan ang kahalagahan ng lumakad ayon sa Espiritu.
-
Ano ang mga saloobin o impresyon mo habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung paano ka matutulungan ni Jesucristo na madaig ang mga tuksong kinakaharap mo?
-
Ano ang ilang partikular na bagay na magagawa mo upang matiyak na mas lubos mong makakasama ang Espiritu?
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo kung saan nakatulong sa inyo ang pagsunod sa Espiritu upang madaig ninyo ang tukso? (Tiyaking huwag magbahagi ng mga detalyeng masyadong personal.)
Mga Bunga ng Espiritu
Tinukoy ni Pablo ang marami sa mga pagpapalang maaaring mangyari sa ating buhay kapag pinapakinggan at sinusunod natin ang Espiritu Santo. Tinukoy niya ang mga pagpapalang ito bilang “bunga ng Espiritu” ( Galacia 5:22).
Basahin ang Galacia 5:22–23 , at alamin ang bunga ng Espiritu na tinukoy ni Pablo.
-
Alin sa mga pagpapala o damdaming ito mula sa Espiritu ang naranasan mo sa iyong buhay?
-
Ano ang nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng mga pagpapalang ito? (Kung kinakailangan, tingnan sa Mga Awit 25:8–10 ; Mosias 2:41 .)
Ipamuhay ng natutuhan mo
Si Jesucristo, na palaging sumusunod sa kalooban ng Ama sa Langit (tingnan sa 3 Nephi 27:13), ang perpektong halimbawa sa pagdaig sa tuksong magkasala. Bagama’t dinanas Niya ang lahat ng uri ng tukso ng laman (tingnan sa Mga Hebreo 4:15 ; Alma 7:11), “hindi siya nagpadaig sa mga ito” ( Doktrina at mga Tipan 20:22).
Isipin sandali kung paano mo sisikaping tularan ang halimbawa ni Jesucristo at ipamuhay ang mga katotohanang napag-aralan mo ngayon. Pag-isipan ang anumang pahiwatig na natanggap mo na, at gumawa ng plano tungkol sa gagawin mo upang mas lubos na makalakad ayon sa Espiritu at madaig ang tukso. Isulat ang plano mo sa iyong study journal.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ako matutulungan ng pagsunod sa Espiritu Santo na mapaglabanan at madaig ang tukso?
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hindi inaasahang hindi kayo magkakamali sa buhay, ngunit hindi kayo makagagawa ng malaking kasalanan nang hindi muna nababalaan ng mga paramdam ng Espiritu. Ang pangakong ito ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan. …
Kung nakagawa kayo ng mga bagay na hindi ninyo dapat ginawa, o kung nakikisama kayo sa mga taong humihila sa inyo sa maling direksyon, panahon na para gamitin ang inyong kalayaang pumili. Makinig sa tinig ng Espiritu, at hindi kayo maliligaw ng landas.
Inuulit ko na ang mga kabataan ngayon ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway na may pababang pamantayan sa moralidad. Ngunit bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na kayo ay poprotektahan at ipagsasanggalang sa pagsalakay ng kaaway kung pakikinggan ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.
(Boyd K. Packer, “Payo sa Kabataan,” Liahona, Nob. 2011, 18)