Seminary
Juan 1:1–51


Juan 1:1–51

Mga Titulo at mga Ginagampanan ni Jesucristo

Frontal head and shoulders portrait of Jesus Christ. Christ is depicted wearing red and white robes. In 1989, a correlation review committee evaluated the painting with regard to its suitability for Church use. The painting was rated a “5” on a scale of 1-5 (with “5” as the high).

Tinukoy ni Apostol Juan ang marami sa mga ginagampanan at mga titulo ng Tagapagligtas sa pambungad na kabanata ng kanyang salaysay. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na lalo pang makilala si Jesucristo kapag natukoy at nalaman mo ang ilan sa Kanyang mga titulo at mga ginagampanan.

Pagtutuon ng pansin sa mga titulo at mga ginagampanan ni Jesucristo. Turuan ang mga estudyante na tukuyin ang iba’t ibang titulo ni Jesucristo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Tulungan silang suriin ang kahulugan ng titulo, kung bakit ito ginamit sa partikular na sitwasyong iyon, at kung ano ang itinuturo sa atin ng titulo tungkol kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihan ang mga estudyante na itanong sa kanilang mga kaibigan at kapamilya kung alin sa mga titulo o ginagampanan ni Jesucristo ang pinakamakabuluhan sa kanila at bakit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga titulo at mga ginagampanan

Sa loob ng 60 segundo, isulat ang lahat ng alam mong titulo o ginagampanan mo (halimbawa, pinsan, estudyante, secretary sa inyong Young Women class, at iba pa).

Pumili ng isang titulo o ginagampanan mula sa iyong listahan, at ipagpalagay na ito lang ang alam ng isang tao tungkol sa iyo.

  • Anong iba pang mahahalagang impormasyon ang hindi nila malalaman kung ito lang ang alam nila tungkol sa iyo?

  • Paano mag-iiba ang iyong ugnayan sa isang tao kung nauunawaan niya ang bawat isa sa iba’t ibang titulo at ginagampanan mo?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na isumite ang kanilang listahan. Pumili ng isang listahan, at basahin nang malakas ang isang ginagampanan o titulo mula sa listahang ito. Tingnan kung mahuhulaan ng mga estudyante kung sinong estudyante ang inilalarawan nito. Pagkatapos ay basahin nang malakas ang buong listahan. Tingnan kung papalitan ng mga estudyante ang kanilang sagot pagkatapos malaman ang iba pang titulo at ginagampanan ng taong ito.

Alam ni Jesucristo ang lahat ng tungkol sa iyo at mahal ka Niya. Dahil matatanggap lamang ng bawat isa sa atin ang kaloob na buhay na walang hanggan kapag nakilala natin Siya (tingnan sa Juan 17:3), inaanyayahan ka rin Niyang matuto sa Kanya. Ang bawat titulo at ginagampanan ni Jesucristo sa mga banal na kasulatan ay nagtuturo ng isang bagay na natatangi at mahalaga tungkol sa Kanya. Sinimulan ni Juan ang kanyang Ebanghelyo sa pagbabahagi ng maraming mahahalagang titulo na makatutulong sa atin na lalo pang makilala ang Tagapagligtas.

Basahin ang Juan 1:29 , at hanapin ang titulong ginamit upang ilarawan ang Tagapagligtas sa talatang ito.

Maaari kang magsimula sa isang pahina sa iyong study journal at lagyan ito ng pamagat na “Mga Titulo at mga Ginagampanan ni Jesucristo” at isulat ang “ang Kordero ng Diyos.” (Kung nakapaglaan ka na ng mga pahina sa journal sa nakaraang lesson para sa mga natutuhan mo tungkol kay Jesucristo ngayong taon, maaari mong simulan ang listahang ito sa isa sa mga pahinang iyon.)

Maaari kang magsimula sa paglista sa pisara ng mga titulo at mga ginagampanan ng Tagapagligtas, na katulad sa ginagawa ng mga estudyante sa kanilang journal. Magdagdag sa listahan sa pisara habang nadaragdagan ang mga titulo at mga ginagampanan na natutukoy sa pag-usad ng lesson.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng titulong ito tungkol kay Jesucristo? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Ama sa Langit?

Ang isang paraan para madagdagan ang nauunawaan natin tungkol sa mga titulo at mga ginagampanan ng Tagapagligtas ay ang pag-aralan ang iba pang mga banal na kasulatan o mensahe sa pangkalahatang kumperensya na nagpapaliwanag pa sa Kanyang mga titulo at mga ginagampanan. Makatutulong sa iyong pag-aaral ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at mga search function sa ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app.

Hanapin ang mga salitang “Jesucristo,” “Kordero ng Diyos” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at magbasa ng iba pang mga talata ng banal na kasulatan na nagtuturo sa iyo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon sa pamamagitan ng sagradong titulong ito na ginamit ni Juan.

  • Ano ang mga nalaman mo tungkol kay Jesucristo bilang Kordero ng Diyos?

Pagkatapos mapakinggan ang mga sagot sa naunang tanong, pagpasiyahan kung makatutulong sa mga estudyante ang paliwanag ni Pangulong Nelson tungkol sa titulong ito, na makikita sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” ng lesson na ito.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na gawin ang sumusunod na paghahanap ng banal na kasulatan kasama ang isang kapartner.

Basahin ang Juan 1:1–14, 41, 49 , at patuloy na idagdag sa pahina ng iyong journal ang mga titulo at mga ginagampanan ni Jesucristo na mahahanap mo sa mga talatang ito. Maaari mo ring basahin ang Juan 1:1–14 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia).

Mag-anyaya ng mga boluntaryo na magbabahagi sa klase ng nahanap nila, at hikayatin ang mga estudyante na idagdag sa kanilang listahan ang anumang mga titulo o ginagampanan na hindi nila nahanap.

  • Ano pang mga titulo o ginagampanan ng Tagapagligtas ang alam mo na hindi matatagpuan sa Juan 1?

  • Alin sa mga ito ang may espesyal na kahulugan sa iyo? Bakit?

Matuto tungkol kay Cristo

Makatutulong ang pagpapaliwanag ng isang konsepto sa sarili mong salita para mas maunawaan mo ito at maramdaman ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo sa mga katotohanang ipinapaliwanag mo.

Sabihin sa mga estudyante na gawin ang sumusunod na aktibidad sa kanilang study journal. Maaari mong idispley ang sumusunod na tatlong tanong para makita ng mga estudyante.

Mula sa listahan sa iyong study journal, pumili ng titulo o ginagampanan ni Jesucristo na pinakamahalaga sa iyo, o pumili ng isa pa na gusto mong pag-aralan pa. Kunwari ay gusto mong ipaliwanag sa isang tao ang isang bagay tungkol kay Jesucristo gamit ang titulo o ginagampanan na napili mo. Ihanda ang sasabihin mo sa kanya sa isang talata na binubuo ng kahit limang pangungusap lamang. Magsama ng kahit dalawang reperensyang banal na kasulatan na nakatulong sa iyong pag-aaral. Maaari mong gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at iba pang resources pati na rin ang mga sumusunod na tanong para matulungan ka sa iyong sagot.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng titulo o ginagampanan na ito tungkol kay Jesucristo?

  • Bakit mahalaga sa iyo na mas maunawaan ang Tagapagligtas sa ginagampanan Niyang ito?

  • Kailan mo nakitang gumawa ang Tagapagligtas ayon sa titulo o ginagampanan Niya na ito sa iyong buhay o sa buhay ng ibang tao?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang titulo o ginagampanan na pinag-aralan nila para ituro sa kapartner ang tungkol kay Jesucristo. Maglakad-lakad sa silid at pakinggan ang mga estudyante habang nagbabahagi sila sa kanilang mga kaklase.

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na matuto tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga titulo at mga ginagampanan at pagbabahagi sa klase ng mga bagong natutuhan nila tungkol sa Kanya sa buong taon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ano ang ibig sabihin ng pahayag na si Jesucristo ang Salita?

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Sa ilalim ng pamamatnubay ng Ama, tinupad ni Jesus ang responsibilidad ng Lumikha. Ang Kanyang titulo ay “ang Salita.” … Sa wikang Griyego ng Bagong Tipan, ang Salita ay Logos, o “pahayag.” Ito ay isa pang pangalan para sa Panginoon. Ang terminolohiyang iyan ay tila kakaiba, ngunit angkop ito. Gumagamit tayo ng mga salita upang maipahayag natin sa iba ang gusto nating sabihin. Kaya si Jesus ang Salita, o pahayag, ng Kanyang Ama sa mundo.

(Russell M. Nelson, “Jesus the Christ: Our Master and More,” Ensign, Abr. 2000, 4)

Bakit tatawagin si Jesucristo na Kordero ng Diyos?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Sa Lumang Tipan, maraming pagtukoy sa pagbabayad-sala, na nangangailangan ng pag-aalay ng hayop. Hindi lahat ng hayop ay angkop na ialay. Dapat isaalang-alang ang mga sumusunod:

  • ang pagpili ng panganay ng kawan, na walang kapintasan [tingnan sa Levitico 5:18 ; 27:26 ],

  • ang pag-aalay ng buhay ng hayop sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo nito [tingnan sa Levitico 9:18 ],

  • pagpatay sa hayop nang wala ni isa mang butong mababali [tingnan sa Exodo 12:46 ; Mga Bilang 9:12 ], at

  • ang isang hayop ay maaaring ialay para sa kapakanan ng iba [tingnan sa Levitico 16:10 ].

Tinupad ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang mga paghahalintulad na ito ng Lumang Tipan. Siya ang panganay na Kordero ng Diyos, na walang kapintasan. Ang Kanyang sakripisyo ay naganap sa pamamagitan ng pagtigis ng Kanyang dugo. Wala ni isang buto sa Kanyang katawan ang nabali—na mahalagang pansinin dahil ang dalawang salarin na kasabay ng Panginoon na ipinako ay binalian ng mga buto sa kanilang mga binti [tingnan sa Juan 19:31–33 ]. At ang Kanyang sakripisyo ay para sa kapakanan ng iba.

(Russell M. Nelson, “The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 34–35)

Juan 1:14 . Dahil tayong lahat ay anak ng Diyos, paano itinuturing si Jesus na Bugtong na Anak ng Ama?

Bagama’t ang bawat espiritu ay literal na anak na lalaki o anak na babae ng Diyos, si Jesucristo lamang ang anak ng Diyos na isinilang sa laman, ibig sabihin, sa mortalidad. Itinuro ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Portrait of James E. Talmage.

Ang Batang isisilang ni Maria ay bugtong na Anak ni Elohim, ang Amang Walang Hanggan. … Mamanahin ng Batang Jesus ang pisikal, mental at espirituwal na pag-uugali, gawi, at kapangyarihan na siyang katangian ng Kanyang mga magulang—ang isa ay imortal at niluluwalhati—Diyos, at ang isa ay mortal—babae.

(James E. Talmage, Jesus the Christ [1916], 81)

Juan 1:18 . Ang ibig bang sabihin ng pahayag sa talatang ito ay imposibleng makita ang Diyos?

Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 1:18 (tingnan sa Juan 1:19 sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia) na kapag nagpapakita ang Ama sa Langit sa Kanyang mga anak, pinatototohanan Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Makikita ang isang halimbawa nito sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17 .

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Iba pang mga titulo at mga ginagampanan ni Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang salitang “Jesucristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at maghanap ng iba pang mga titulo at mga ginagampanan ni Jesucristo. Kung unang matutukoy ng mga estudyante ang mga partikular na bagay sa kanilang buhay kung saan nila kailangan ang tulong ng Tagapagligtas, maaari silang hikayating hanapin ang Kanyang mga titulo at mga ginagampanan na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihang matugunan ang kanilang mga partikular na pangangailangan. Halimbawa, kung nahihirapan ang isang estudyante na malaman kung paano siya mapapatawad sa kanyang mga kasalanan, makatutulong ang pag-unawa sa ginagampanan ni Cristo bilang Kordero ng Diyos para makita niya na posible ang pagpapatawad.