Seminary
Juan 11:1–46, Bahagi 1


Juan 11:1–46, Bahagi 1

Muling Binuhay ni Jesus si Lazaro

Christ at the tomb of Lazarus. He has His hand extended to the entry of the tomb as He commands Lazarus to rise from the dead. Lazarus (in burial robes) is visible standing inside the entry to the tomb. A man is moving the stone door of the tomb away from the tomb entry. Several people (men and women) are watching the miracle in amazement.

Hiniling nina Maria at Marta kay Jesus na puntahan at tulungan ang kanilang may sakit na kapatid na si Lazaro. Ipinagpaliban ni Jesus ang Kanyang paglalakbay at dumating apat na araw matapos pumanaw si Lazaro. Ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagkahabag at nanangis kasama ng magkapatid. Pagkatapos ay muling binuhay ni Jesus si Lazaro. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at ang mga alituntunin na maaaring gumabay sa iyo sa mga hamon ng buhay.

Ipatukoy sa mga estudyante ang iba’t ibang katotohanan at alituntunin ng doktrina. Nangangailangan ng matinding praktis ang pagkatutong tumukoy ng doktrina at mga alituntunin na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Dapat masigasig na tulungan ng mga titser ang mga estudyante na magkaroon ng kakayahang matukoy at maipahayag nang mag-isa ang mga doktrina at alituntunin.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Juan 11 at alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila na matanggap ang tulong ng Tagapagligtas sa kanilang mga pagsubok. Maaari nila itong gawin nang mag-isa o kasama ang kanilang pamilya. Hikayatin sila na pumasok sa klase na handang ibahagi ang nalaman nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Tandaan na ito ang una sa dalawang lesson sa Juan 11 . Tinutulungan ng lesson na ito ang mga estudyante na matukoy ang mga alituntunin sa kabanata. Ang pangalawang lesson ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na maituro ang isa sa mga alituntuning ito. Maging sensitibo sa mga estudyante na maaaring dumaranas ng mahihirap na hamon. Kung kinakailangan, iakma ang sumusunod na sitwasyon o gumawa ng isa pang sitwasyon na maaaring mas makatulong sa mga estudyante.

Mag-isip ng isang tao sa pamilya mo. Kunwari ay nagkasakit siya nang malubha at nanganib ang kanyang buhay.

  • Ano kaya ang mararamdaman mo?

  • Ano ang maaari mong gawin?

  • Anong mga tanong ang maaaring pumasok sa iyong isipan?

Sa Juan 11 , naranasan nina Maria, Marta, at Lazaro ang ganitong sitwasyon. Bagama’t ang kanilang naranasan ay may kaugnayan sa karamdaman at kamatayan, maipamumuhay natin ang mga alituntuning matututuhan natin mula sa kanilang karanasan sa anumang hamon na maaari nating kaharapin.

Malapit sa itaas ng iyong papel, isulat ang “Ang kailangan mong malaman kapag nahaharap sa mga hamon ng buhay.” Sa buong lesson, isipin ang mga hamong kinakaharap mo o maaaring kaharapin mo. Hangaring makatukoy ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo na sa palagay mo ay gagabay sa iyo at magbibigay sa iyo ng pag-asa sa panahong nahaharap ka sa mga hamong iyon. Isulat sa papel ang iyong mga ideya. Pag-isipang mabuti kung paano makatutulong sa iyo ang bawat isa sa mga katotohanang natukoy mo upang makadama ka ng pagmamahal sa Tagapagligtas at madama mo ang Kanyang pagmamahal.

Paghahanap ng mga katotohanan

Alamin kung alin sa mga sumusunod na aktibidad ang lubos na makatutulong sa mga estudyante. Kung kaya na ng mga estudyante na tumukoy ng mga alituntunin nang mag-isa, maaari mong sabihin sa kanila na pag-aralan at tukuyin nang mag-isa ang mga alituntunin nang hindi mo tinutukoy para sa kanila ang alinman sa mga ito. Ipaalala sa kanila ang aktibidad sa paghahanda ng estudyante, at sabihin sa kanila na gamitin ang mga natutuhan nila mula sa aktibidad na iyon sa natitirang bahagi ng lesson.

Ang isang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na makatutulong sa pagtukoy ng mga alituntunin ay ang paghinto sandali kapag nakapansin ka ng mahahalagang detalye na magagawan ng mga simpleng tanong, tulad nito:

  • Ano kaya ang gusto ng Ama sa Langit na matutuhan ko mula sa mga talatang ito?

  • Ano ang itinuturo sa akin ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo?

Basahin ang Juan 11:1–7 , at itanong sa iyong sarili ang mga nabanggit na tanong.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ibabahagi nila. Kung nahihirapan ang mga estudyante sa pagtukoy ng mga alituntunin o kung makapagdaragdag ito ng kapaki-pakinabang na kaalaman, maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na alituntunin at itanong ang mga kasunod na tanong.

May iba’t ibang alituntunin na maaari mong matukoy mula sa mga talatang ito. Narito ang ilang halimbawa. Para sa bawat halimbawang alituntunin, maaari mong markahan ang mga parirala o detalye mula sa mga talatang nabasa mo na sumusuporta sa alituntunin.

Bagama’t mahal tayo ni Jesucristo, makararanas tayo ng mga pagsubok.

Kahit na tapat tayong sumusunod kay Jesucristo, makararanas pa rin tayo ng mga pagsubok.

Kapag nahaharap tayo sa mga hamon ng buhay, maaari nating hingin ang tulong ng Panginoon, at tutugon Siya sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan.

Maaari mong isulat sa iyong papel ang mga alituntuning ito.

  • Paano nakatutulong sa iyo na alam mo ang mga katotohanang ito?

Dalawang araw matapos mabalitaan ng Tagapagligtas ang tungkol sa karamdaman ni Lazaro, naglakbay ang Tagapagligtas patungo sa tahanan ni Lazaro. Nang dumating Siya ay naratnan Niya na apat na araw nang nakalibing si Lazaro (tingnan sa Juan 11:17).

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaluhugan ng apat na araw.

Head and shoulders portrait of Elder Bruce R. McConkie.

“Nagsimula na ang pagka-agnas; natiyak na nang walang alinlangan ang kamatayan. … Para sa mga Judio, may espesyal na kahulugan ang apat na araw; naniniwala sila na sa ika-apat na araw, tuluyan nang nilisan ng espiritu ang katawan nito.

(Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 vols. [1965–73], 1:533)

Patuloy na magsanay sa pagtukoy ng mga alituntunin habang binabasa mo ang Juan 11:18–46 . Tumigil sandali paminsan-minsan, at tanungin ang iyong sarili kapag nakakita ka ng mahahalagang detalye, tulad ng ginawa nina Maria at Marta upang ipakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo o kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa bawat sitwasyon. Idagdag sa iyong papel ang mga alituntuning makikita mo, at maaari mong markahan ang mahahalagang detalye at maaari ka ring gumawa ng iba pang tala sa iyong mga banal na kasulatan.

7:51

Lazarus Is Raised from the Dead

Jesus testifies that He is the Resurrection and the Life. He raises Lazarus from the dead that His disciples may believe. John 11:1–44

  • Ano kaya ang nais ng Ama sa Langit na matutuhan mo mula sa kuwentong ito?

Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at isulat ang alituntuning natukoy nila. Maaari nilang matukoy ang mga katotohanang tulad nito:

  • Mapipili nating manampalataya kay Jesucristo sa panahon ng ating mga pagsubok. (tingnan sa Juan 11:20–27).

  • Ang Tagapagligtas ay makagagawa ng mga himala sa ating buhay kapag kumilos tayo nang may pananampalataya sa Kanya (tingnan sa Juan 11:20–27, 38–44).

  • Si Jesucristo ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay (tingnan sa Juan 11:25).

  • Ang mga himala ng Diyos sa ating buhay ay dumarating ayon sa Kanyang kalooban at takdang panahon (tingnan sa Juan 11:1–7, 11–17, 39–45).

  • Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagkahabag sa iba (tingnan sa Juan 11:32–36).

  • Si Jesucristo ay may kapangyarihan sa buhay at kamatayan (tingnan sa Juan 11:20–27, 39–45).

  • Makikita natin ang pagmamahal at kapangyarihan ng Diyos sa ating mga paghihirap (tingnan sa Juan 11:11–15, 40–42).

Maaari mong itanong sa mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod kung kailangan nila ng tulong sa pagtukoy ng mga karagdagang katotohanan.

  • Ano ang ginawa nina Maria at Marta upang maipakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa panahon ng kanilang pagsubok?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng itinugon sa kanila ng Tagapagligtas tungkol sa Kanya?

  • Anong mga bahagi sa salaysay na ito ang nagtuturo sa iyo na mas magtiwala pa sa Tagapagligtas?

  • Paano nakatulong sa pag-aaral mo ang paghinto sandali kapag nakakakita ka ng mahahalagang detalye at ang pagtatanong?

Maaari mong pagpartnerin ang mga estudyante para isadula ang sumusunod na sitwasyon.

Kunwari ay nagkaroon ka ng pagkakataong kausapin ang isang taong dumaranas ng mahirap na pagsubok. Pumili ng isa sa mga alituntuning natukoy mo mula sa Juan 11:1–46, at ibahagi kung paano makatutulong sa kanya ang alituntuning iyon. Isama ang iyong mga ideya tungkol sa kung ano ang maitutulong ng alituntuning ito upang maunawaan ng taong ito ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanilang mga ninanais para sa atin.

Basahin ang mga alituntuning isinulat mo sa iyong papel na “Ang kailangan mong malaman kapag nahaharap sa mga hamon ng buhay.” Sa ilalim ng papel, idagdag ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong.

  • Aling alituntunin ang pinakakailangan mong pagtuunan ngayon sa sarili mong buhay? Bakit?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na tumutulong sa iyo na makadama ng pagmamahal para sa Kanila at mula sa Kanila?

Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na sagutin ang mga naunang tanong. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maghanap ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanila. Maaari mo ring ibahagi ang sarili mong saloobin at patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Ano ang nahihikayat kang gawin batay sa natutuhan at nadama mo ngayon? Paano mo ito gagawin?

Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na pagtukoy ng mga alituntunin sa sarili nilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan at patuloy na gawin ang mga impresyong matatanggap nila. Maaari mong patotohanan ang kahalagahan ng kasanayan sa pag-aaral na ito. Ang isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng personal na karanasan sa paghahanap ng patnubay sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan para sa hamong nararanasan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit ako nagdurusa kapag sinisikap kong maging mabuti?

Itinuro ni Elder Matthew S. Holland ng Pitumpu:

Matthew S. Holland Official Portrait.

Ngunit dapat ninyong malaman ito: may Isang [Nilalang na] lubos na nakauunawa sa inyong pinagdaraanan, na “higit na makapangyarihan kaysa lahat ng sangkatauhan,” [1 Nephi 4:1], at “makagagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng [inyong] hinihingi o iniisip.” [Mga Taga Efeso 3:20]. Ang proseso ay mangyayari ayon sa Kanyang paraan at sa Kanyang panahon, gayunman laging nakahanda si Cristo na pagalingin ang bawat kaliit-liitan at aspeto ng inyong pagdurusa.

Kapag tinulutan ninyong gawin Niya ito, malalaman ninyo na ang inyong pagdurusa ay may kabuluhan. … Alam ninyo, ang tunay na katangian ng Diyos at layunin ng buhay natin sa mundo ay kaligayahan, ngunit hindi tayo magiging mga perpektong nilalang na dakila ang kagalakan nang walang mga karanasang susubok sa atin, kung minsan sa buong pagkatao natin. Sinabi ni Pablo na maging ang mismong Tagapagligtas ay ginawang “sakdal [o ganap],” magpakailanman, “sa pamamagitan ng mga pagdurusa.” [Mga Hebreo 2:10]. Kaya maging maingat laban sa ibinubulong ni satanas na kung ikaw ay mas mabuting tao, makaiiwas ka sa mga gayong pagsubok.

Kailangan din ninyong paglabanan ang kaugnay nitong kasinungalingan na ang mga pagdurusa ninyo ay nagpapahiwatig na hindi kayo kabilang sa mga pinili ng Diyos, na mga taong tila nakakaranas lamang ng mga pagpapala. …

Mga kapatid, ang pagdurusa sa pagkamatwid ay nakatutulong sa inyo na maging karapat-dapat, sa halip na gawin kayong naiiba, sa mga hinirang ng Diyos.

(Matthew S. Holland, “Ang Walang Katulad na Kaloob ng Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 46–47)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Alternatibong pagtutuunan ng lesson

Maaari mong gamitin ang kuwento nina Maria, Marta, at Lazaro upang mailarawan ang alituntunin na maaari tayong magtiwala sa Diyos, nang nababatid na ang Kanyang mga himala sa ating buhay ay dumarating ayon sa Kanyang kalooban at takdang panahon. Magagawa ito sa pamamagitan ng paghahambing at pagkukumpara sa kuwento ni Nephi sa 3 Nephi 1:4–20 , o sa pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan.

3:30

Trust in the Lord

Are you wishing your life felt more balanced? Try placing more trust in Heavenly Father and His Son, Jesus Christ. They love you. Turn to Them in prayer, read about Them, and keep Them in your thoughts.

Matthew S. Holland Official Portrait.

Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala—pagtitiwala sa kalooban ng Diyos, pagtitiwala sa paraan Niya ng paggawa ng mga bagay-bagay, at pagtitiwala sa Kanyang itinakdang panahon. Hindi natin dapat ipilit sa Kanya ang ating itinakdang panahon. Tulad ng sinabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang isyu sa atin ay ang magtiwala sa Diyos nang sapat para magtiwala rin sa Kanyang tiyempo. Kung tunay tayong maniniwala na iniisip Niya ang ating kapakanan, hindi ba natin tutulutang mangyari ang Kanyang plano ayon sa alam Niyang pinakamainam na paraan? Totoo rin ito sa ikalawang pagparito at sa lahat ng bagay kung saan kailangang kasama sa ating pananampalataya ang pananampalataya sa takdang panahon ng Panginoon para sa ating personal na buhay, hindi lang para sa Kanyang mga pangkalahatang plano at layunin” (Even As I Am [1982], 93).

(Dallin H. Oaks, “Timing,” Ensign, Okt. 2003, 12)

Alternatibong pagsisimula sa lesson

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang mga himalang ginawa ni Jesus at kung anong kapangyarihan Niya ang ipinakita sa mga himalang iyon. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang kapangyarihang daigin ang kamatayan (tingnan sa Lucas 7:11–18), kapangyarihang mapagaling ang mga karamdaman sa pag-iisip (tingnan sa Lucas 8:27–35), at kapangyarihang tumulong sa pang-araw-araw na buhay (tingnan sa Mateo 17:24–27 ; Lucas 5:1–6).

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay kung saan nila kailangan ang tulong ng Tagapagligtas at maghanap ng mga alituntunin na makatutulong sa kanila na malaman kung paano matatanggap ang Kanyang tulong.