Seminary
Juan 2


Juan 2

Ginawang Alak ni Jesus ang Tubig

Jesus talking to Mary at a wedding feast.

Ginawang alak ni Jesus ang tubig sa kasalan sa unang nakatalang himalang ginawa Niya sa Kanyang ministeryo sa lupa. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang himalang ito at matukoy ang mga katotohanan tungkol sa kapangyarihan at katangian ng Tagapagligtas.

Pagtatanong na makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan. Ang mga tanong na makatutulong sa mga estudyante na masuri ang mga banal na kasulatan ay makatutulong sa kanila na mas malalim na maunawaan ang mga katotohanang itinuturo. Maghanap ng mga pagkakataon na matanong ang mga estudyante na makatutulong sa kanila na mapag-isipan nang mabuti ang mahahalagang salita o parirala at kung paano nila maiuugnay sa kanilang sarili ang isang partikular na scripture passage.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay hiniling sa kanila na magbigay ng mensahe sa sacrament meeting tungkol sa kapangyarihan ni Jesucristo. Sabihin sa kanila na pumasok sa klase na handang magbahagi ng isa o dalawang salaysay sa banal na kasulatan na magagamit nila upang maipakita ang Kanyang kapangyarihan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Sino ang pinagkakatiwalaan mo?

Maaari kang magdala ng masarap na pagkain sa klase at ibigay ito sa isang estudyante na handang kainin ito bago malaman kung ano ang pagkaing ito. Pumili ng boluntaryo. Bago ipakita ang pagkain sa estudyante, itanong kung bakit lubos siyang nagtitiwala sa iyo kung kaya’t tinanggap niya ito bago malaman kung ano ito.

  • Posible bang lubos na magtiwala sa isang tao kung kaya’t mangangako kang gagawin mo ang anumang ipagagawa niya sa iyo?

  • Ano ang kailangan mong malaman tungkol sa taong iyon para maging handa kang gawin ang ganoong pangako?

Pagnilayan sandali kung sa palagay mo ay kilala mo nang husto ang Tagapagligtas kung kaya’t magtitiwala ka sa Kanya sa anumang ipagagawa Niya sa iyo. Habang pinag-aaralan mo ang Juan 2 , maghanap ng katibayan ng Kanyang kapangyarihan at katangian na magpapaibayo sa iyong pagtitiwala sa Kanya at sa kahandaan mong sundin ang anumang ipagagawa Niya sa iyo.

Ang unang nakatalang himala ng ministeryo ni Jesus

Ang unang nakatalang himala sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa ay matatagpuan sa Juan 2 . Bago mo pag-aralan ang salaysay na ito, maaaring makatulong na malaman na karaniwang mas sumasarap ang alak habang pinatatagal ang pag-imbak dito at na nakakahiyang maubusan ng alak ang mga punong abala ng kasalan.

2:26

Basahin nang dahan-dahan at nang mabuti ang Juan 2:1–11 , at maaari mong markahan ang anumang bagay na pinakanapansin mo. Habang nag-aaral ka, maaari mong pagnilayan ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Ano sa palagay mo ang alam ni Maria tungkol sa kanyang Anak? Ano sa palagay mo ang nalaman ng mga tagapagsilbi tungkol kay Jesus?

Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Juan 2:1–11 sa maliliit na grupo. Hikayatin silang tumigil nang madalas upang talakayin sa kanilang grupo ang mga katotohanang natututuhan nila tungkol kay Jesucristo.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga grupo na ibahagi sa klase ang mga natutuhan nila.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas at sa Kanyang katangian?

  • May naiisip ka bang mga sitwasyon kung saan makatutulong ang mga katotohanang ito na nalaman mo sa isang tao ngayon?

  • Paano nagdulot ng pagpapala sa iyong buhay ang mga katotohanang ito na nalaman mo tungkol kay Jesucristo?

Alamin kung aling mga natukoy na katotohanan ang lubos na makatutulong sa mga estudyante na pag-ukulan ng mas maraming oras sa pag-aaral. Ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay nakatuon sa isa lang sa maraming mahalagang katotohanan na matutukoy ng mga estudyante mula sa scripture passage na ito.

“Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Tulad sa maraming pagkakataon sa Bagong Tipan, ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 2:4 ay nakatutulong sa atin na magkaroon ng mga karagdagang kaalaman tungkol sa Tagapagligtas. Nakasaad rito na tinanong ni Jesus si Maria kung ano ang gusto nito na ipagawa sa Kanya at Kanyang gagawin; sapagkat ang Kanyang oras ay hindi pa dumarating (ihambing sa Juan 2:4 .

  • Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa ugnayan ng Tagapagligtas sa Kanyang ina?

Maaari mong markahan ang sinabi ni Maria sa mga tagapagsilbi, na nakatala sa talata 5 .

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga tagubilin ni Maria sa mga tagapagsilbi tungkol sa kanyang pananampalataya kay Jesus?

Ipinaliwanag ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu ang ilang bagay na alam ni Maria tungkol kay Jesus na nagpalakas ng kanyang pananampalataya sa Kanya.Maaari mong panoorin ang video na “Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin” (mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org) mula sa time code na 1:40 hanggang 2:29, o basahin ang sumusunod na pahayag.

12:46
Official Portrait of Elder L. Whitney Clayton. Photographed March 2017.

Walang sinuman sa mundo ang mas nakakakilala kay [Jesucristo] kaysa [kay Maria]. Alam niya ang katotohanan tungkol sa Kanyang mahimalang pagsilang. Alam niyang walang bahid ng anumang kasalanan si Jesus at “hindi siya nangungusap nang tulad ng ibang tao, ni kailangan siyang turuan; sapagkat hindi siya kinakailangang turuan pa ng sinumang tao.” [ Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:25 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia)]. Alam ni Maria ang Kanyang pambihirang kakayahang lumutas ng mga problema, kabilang ang paglalaan ng alak para sa piging ng kasal. Di-matitinag ang tiwala niya sa Kanya at sa Kanyang banal na kapangyarihan. Ang kanyang simple at direktang utos sa mga alila ay walang kundisyon, walang alinlangan, walang limitasyon: “Gawin ninyo ang anomang sa inyo’y kaniyang sabihin.”

(L. Whitney Clayton, “Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 97)

  • Ano ang nalaman ni Maria tungkol kay Jesus na mahalagang malaman natin tungkol sa Kanya?

Kunwari ay isa ka sa mga tagapagsilbi na nakarinig sa mga tagubilin ni Maria. Basahing muli ang Juan 2:6–8 , at alamin ang ipinagawa ni Jesus sa mga tagapagsilbi. Bago magbasa, maaaring makatulong na malaman na “ang mga tapayang ito ay hindi ginagamit na imbakan ng inuming tubig kundi ginagamit para sa seremonyal na mga paghuhugas” (L. Whitney Clayton, “Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin,” 97).

  • Ano kaya ang maiisip o mararamdaman mo habang dinadala mo ang kopa sa pinuno ng kasalan?

  • Ano ang ilang tagubiling ibinigay ni Jesucristo ngayon na nangangailangan ng pagtitiwala mo sa Kanya upang masunod mo ito?

Mag-isip ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na mapaibayo ang kanilang kakayahang magtiwala kay Jesucristo at gawin ang ipinagagawa Niya sa kanila. Halimbawa, sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila sa pagsunod sa mga salita ng Tagapagligtas, magbahagi ng isang kuwento mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, o gawin ang sumusunod na aktibidad.

Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 2:11, hindi lamang natin nalaman na inihayag ng himalang ito ang kaluwalhatian ng Tagapagligtas, nalaman din nating napalakas Niya ang pananampalataya ng Kanyang mga disipulo. Hindi nagbabalik-loob ang mga tao dahil sa mga himala, ngunit napapalakas ng mga ito ang pananampalataya ng mga taong may pananampalataya kay Jesucristo.

Maglaan ng ilang minuto upang maghanap ng ibang tao sa mga banal na kasulatan na may malakas na pananampalataya kay Jesucristo, tulad ni Maria, at matuto mula sa kanila. Alamin ang mga dahilan kung bakit pinili ng bawat isa sa kanila na magtiwala sa anumang sinabi ni Jesus at sundin ito. Kabilang sa mga halimbawa si Nephi ( 2 Nephi 4:34–35), Jacob ( Jacob 4:10), at ang kapatid ni Jared ( Eter 3:9–12).

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng oras na isulat ang mga nalaman nila sa kanilang study journal. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring gumabay sa kanila habang nagsusulat sila. Kapag tapos na ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa mga nagboluntaryo na ibahagi ang ilan sa mga isinulat nila.

  • Ano ang alam mo tungkol kay Jesucristo na naghihikayat sa iyo na sundin ang “anumang sabihin niya sa [iyo]”? ( Juan 2:5).

  • Bakit maaaring magtiwala ang isang tao kay Jesucristo kahit hindi niya lubos na nauunawaan ang sinasabi Niya?

  • Ano ang magagawa mo para mas makilala si Jesucristo upang mapalakas ang iyong pananampalataya sa Kanya?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Labag ba ang pag-inom ng alak sa mga kautusan noong kapanahunan ng Biblia?

Maraming mababasa sa Biblia na tumutukoy sa kasamaang dulot ng paglalasing at matatapang na inumin (halimbawa, tingnan sa Mga Kawikaan 23:20–21 ; Isaias 5:11–12 ; Efeso 5:18). Hindi partikular na binanggit sa mga scripture verse na ito ang pagbabawal sa pag-inom ng alak, kundi ang pagkundena sa pagpapakasasa sa alak at paglalasing. Sa ating panahon, inihayag ng Panginoon ang Word of Wisdom, na nagbabawal sa pag-inom ng alak [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:4–7 ]. Iwasan nating husgahan ang mga tao ng mga naunang dispensasyon batay sa mga kautusang ibinigay sa atin ng Panginoon sa ating panahon.

(New Testament Student Manual [2018], ChurchofJesusChrist.org)

Bakit tinawag ni Jesus ang Kanyang ina na “Babae”?

Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Portrait of James E. Talmage.

Ang pagtawag ng, “Babae,” ng isang anak sa kanyang ina ay tila masakit pakinggan, kung hindi man kawalang-paggalang, ngunit ang paggamit ng salitang ito ay tunay na nagpapakita ng paggalang. … Sa huli at malagim na pangyayari sa Kanyang buhay sa mundo, noong si Cristo ay naghihingalo sa krus, tiningnan Niya ang umiiyak na si Maria, ang Kanyang ina, at inihabilin ito sa pangangalaga ng Kanyang minamahal na apostol na si Juan, sa ganitong mga salita: “Babae, narito ang iyong anak!” [ Juan 19:26 ]. Hindi ba nararapat lang na isipin na sa pinakahuling sandaling ito, ang pagmamalasakit ng Panginoon sa ina na iiwan Niya dahil sa Kanyang kamatayan ay bunsod ng paggalang, pagkahabag at pagmamahal?

(James E. Talmage, Jesus the Christ [1916], 144–45).

Juan 2:6.

Ano ang isang banga?

Ang isang banga ay humigit-kumulang siyam na US gallon (34 na litro), kaya ang anim na tapayan ay nalalagyan ng humigit-kumulang 100 hanggang 160 galon (humigit-kumulang 380 hanggang 600 litro).

Juan 2:5.

Bakit mahalagang gawin ang “anumang sabihin [ng Diyos] sa [iyo]”?

Itinuro ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu:

Official Portrait of Elder L. Whitney Clayton. Photographed March 2017.

Kapag nagpasiya tayong gawin ang “anomang sabihin ng [Diyos]” sa atin, nangangako tayo nang buong katapatan na iaayon sa kalooban ng Diyos ang pag-uugali natin sa araw-araw. Ang mga simpleng gawa ng pananampalataya tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, regular na pag-aayuno, at pananalangin nang may tunay na layunin ay nagpapalakas sa ating espirituwal na kakayahan upang matugunan ang mga pangangailangan ng buhay. Sa paglipas ng panahon, ang mga simpleng gawa ng pananampalataya ay nagbubunga ng mga himala. Ang maliit nating pananampalataya ay lumalaki para sa ikabubuti ng ating buhay. …

… Kapag nagtitiwala at sumusunod tayo sa Kanya, nagbabago ang ating buhay, tulad ng tubig na naging alak. Nagiging higit pa tayo sa kung ano sana ang kinahinatnan na natin. Magtiwala sa Panginoon, at “gawin ninyo ang anomang sa inyo’y kaniyang sabihin.”

(L. Whitney Clayton, “Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 97–99)

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Mababago ako ni Jesucristo

Nang gawin niyang alak ang tubig, gumawa ng himala si Jesus. Makagagawa Siya ng gayon ding mga himala sa ating sariling buhay, at papanibaguhin tayo mula sa kung sino tayo patungo sa dapat na maging tayo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tingnan kung paano maiuugnay ang sarili nilang buhay sa tubig sa himalang ito. Maaaring makatulong sa mga estudyante na isipin ang uri ng mga tapayang ginamit para sa himala gayundin ang ginawa ng mga tagapagsilbi upang makatulong na maisakatuparan ang himala. Tulungan ang mga estudyante na manatiling nakatuon sa Tagapagligtas at maunawaan na dahil may kapangyarihan Siya sa lahat ng bagay, talagang makapagdudulot Siya ng mahimalang pagbabago sa ating buhay.