Seminary
Juan 4, Bahagi 1


Juan 4, Bahagi 1

Ang Babae sa May Balon

Jesus sitting at the well with a Samaritan woman. John 4:13-14. A wellspring is a continually flowing well. We can only realize it’s saving benefits if we come and drink deeply of its waters. The living water that Jesus spoke of is available to all if we will but drink

Sa Kanyang paglalakbay patungong Galilea, itinuro ni Jesus sa isang babaeng Samaritana sa may balon ang tungkol sa “tubig na buhay” na ibinibigay Niya. Nalaman niya mismo na si Jesus ang Cristo. Ang lesson na ito ay naglalayong matulungan ka na maunawaang kailangan mo ang Tagapagligtas at maramdaman ang Kanyang pagmamahal sa iyo.

Magbigay ng mga follow-up na tanong. Ang mga follow-up na tanong ay nagtutulot sa mga estudyante na maipahayag ang natutuhan nila, mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo, at mapag-isipan kung paano nauugnay ang mga katotohanang iyon sa kanilang buhay. Huwag magmadali na matapos ang mahabang listahan ng mga follow-up na tanong. Karaniwang mas makabubuti na ilan lang ang itanong at bigyan ng oras ang mga estudyante na makasagot nang mabuti.

Paghahanda ng estudyante: Ipagawa sa mga estudyante ang aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para sa Juan 2–4 na nag-aanyaya sa kanilang maghanap ng mga bagay na karaniwang nasa kanilang tahanan na maaaring magamit sa pagtuturo ng mga espirituwal na katotohanan. Sabihin sa mga estudyante na dalhin sa klase ang mga bagay na nahanap nila, kung posible, at maghandang ipaliwanag ang mga espirituwal na katotohanang maaaring ituro gamit ang mga ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Matutuhan ang tungkol kay Jesucristo

Kung nagdala ang mga estudyante ng mga bagay mula sa aktibidad sa paghahanda ng estudyante, maaari mo silang anyayahang magbahagi bago tingnan ang mga sumusunod na larawan.

Sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaaring napagtanto mo na madalas ituro ng Tagapagligtas ang mga espirituwal na katotohanan gamit ang mga karanasan at bagay na pamilyar sa mga tao. Tingnang mabuti ang mga sumusunod na larawan, at pag-isipan ang mga espirituwal na katotohanang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagkukumpara ng tubig sa Kanya.

Jesus kneels beside Martha who is grieving. Outtakes include Jesus standing with a crowd standing behind him, and just photos of Martha.
8 of 9 Glass being filled with water
  • Sa iyong palagay, sa paanong mga paraan mauugnay ang tubig kay Jesucristo at magtuturo sa iyo ng tungkol sa Kanya?

Kung kinakailangan, maaari kang magtanong sa mga estudyante na makatutulong sa kanila na maikumpara ang tubig at si Jesucristo, tulad ng “Bakit parehong mahalaga si Jesucristo at ang tubig?” “Gaano natin kadalas sila kailangan?” “Kailan ka nauhaw nang husto? Kailan mo pinakakinailangan si Jesucristo?”

Pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong para mapagnilayan ang pangangailangan mo kay Jesucristo.

  • Nadarama mo bang kailangan mo si Jesucristo tulad sa o higit pa sa pangangailangan mo ng tubig sa iyong buhay? Bakit oo o bakit hindi?

Sa lesson na ito, pag-aaralan mo ang isang salaysay kung saan tinulungan ng Tagapagligtas ang isang babae na maunawaan na ang kanyang espirituwal na pangangailangan sa Tagapagligtas ay mas malaki kaysa sa kanyang pisikal na pangangailangan para sa tubig na kanyang sinalok. Habang nag-aaral ka, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na tutulong sa iyong malaman na kailangan mo ang Tagapagligtas at nais Niyang matanggap mo ang mga pagpapalang Siya lamang ang makapagbibigay.

Ang babae sa may balon

Habang naglalakbay mula Judea patungong Galilea, dumaan si Jesus sa Samaria (tingnan sa Juan 4:3–4). Makatutulong na matukoy ang mga lugar na ito gamit ang mapa 1 ng Biblia, “ Pisikal na Mapa ng Banal na Lupain ,” sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia na matatagpuan sa Mga Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library.

Noong panahon ng Tagapagligtas, ang mga Judio na naglalakbay sa pagitan ng Judea at Galilea ay madalas na dumadaan sa mas mahabang ruta upang maiwasan ang pagdaan sa Samaria dahil sa pagkapoot na umiiral sa pagitan ng mga Judio at Samaritano. Malamang na pagod at nauuhaw na si Jesus mula sa Kanyang paglalakbay nang umupo Siya sa isang balon sa katindihan ng init ng araw (tingnan sa Juan 4:6). Habang naroon Siya, isang babaeng Samaritana ang dumating din doon upang umigib ng tubig.

Maaari mong ipakita ang larawan ng babae sa may balon mula sa simula ng lesson. Maaaring napag-aralan na ng mga estudyante ang salaysay na ito bilang bahagi ng kanilang pag-aaral ng ebanghelyo para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Bigyan sila ng mga pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila bago ituro ang sumusunod na nilalaman.

Pag-aralan ang mga turo ni Jesus sa babaeng Samaritana sa Juan 4:5–14 , at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.

8 of 9 Glass being filled with water
  • Paano mo ilalarawan ang pagtugon ng babae sa Tagapagligtas sa mga talatang ito? Sa palagay mo, bakit ganito ang naging pagtugon niya?

  • Ano sa palagay mo ang itinuturo ni Jesus nang sabihin Niya na makapagbibigay Siya ng tubig na buhay sa babaeng ito?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang tubig na buhay ay kumakatawan kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Tatalakayin pa nang mas malalim sa susunod na lesson ang paksa tungkol sa tubig na buhay.

Basahin ang Juan 4:15–26 , at tunghayan ang pagmamahal at pagkahabag na ipinakita ni Jesus sa babaeng ito habang patuloy silang nag-uusap. Pag-isipan kung paano nauugnay sa iyo ang mga turo ng Tagapagligtas.

8 of 9 Glass being filled with water
  • Sa palagay mo, paano natulungan ng Tagapaglitas ang babae na maunawaan na kailangan niya ang tubig na buhay na ibinibigay Niya?

Maaaring makatulong na ipaliwanag na alam ng Tagapagligtas ang mga kasalanan ng babae ngunit hindi Niya ito nilait dahil sa mga kasalanan nito. Tinulungan din Niya ang babae na maunawaan ang tunay na kahulugan ng pagsamba at na ang lahat ng sumasamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan ay tinatanggap Niya, anuman ang kanilang lahi o kultura.

  • Ano ang matututuhan mo mula sa hangarin ng Tagapagligtas na tulungan ang babaeng ito sa kabila ng mga kakulangan nito?

  • Paano nakatutulong sa atin ang salaysay na ito na maunawaan ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa bawat isa sa atin—sa kabila ng sarili nating mga kakulangan?

Basahin ang Juan 4:28–30 , at alamin ang reaksyon ng babaeng Samaritana matapos sabihin sa kanya ni Jesus na Siya ang Mesiyas.Ikumpara ang kababasa mo lang sa unang reaksyon ng babae kay Jesus nang magsimula silang mag-usap.

  • Sa palagay mo, ano ang mayroon sa pakikipag-usap niya kay Jesus na naging dahilan para magbago siya?

  • Paano nabago o naimpluwensyahan ni Jesucristo ang iyong pag-iisip?

  • Anong mga pagpili ang magagawa mo ngayon na makatutulong sa iyong mas mapalapit kay Jesucristo?

Ibinahagi ni Elder Robert C. Gay ng Panguluhan ng Pitumpu ang ilan sa mga katotohanang matututuhan natin mula sa salaysay na ito. Maaari mong panoorin ang video na “Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo” mula sa time code na 7:41 hanggang 9:23. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

2:3
Former Official Portrait of Elder Robert C. Gay. Photographed in March 2017. Replaced February 2021.

Isa sa mga paborito kong banal na kasulatan ay Juan 4:4 , at mababasa rito, “At kinakailangang magdaan siya sa Samaria.”

Bakit paborito ko ang banal na kasulatang ito? Dahil hindi kinakailangang dumaan si Jesus sa Samaria. Ang mga Judio sa Kanyang panahon ay namumuhi sa mga Samaritano at naglalakbay sa daan na nakapalibot sa Samaria. Ngunit pinili ni Jesus na pumunta roon upang ipahayag sa buong mundo sa unang pagkakataon na Siya ang ipinangakong Mesiyas. Sa mensaheng ito, pinili Niya hindi lamang ang mga taong itinaboy, kundi ang isa ring babae—at hindi lamang basta babae kundi isang babaeng nabubuhay sa kasalanan—na isang taong itinuturing noon na pinakamababa sa lahat. Naniniwala ako na ginawa ito ni Jesus upang maunawaan ng bawat isa sa atin na ang Kanyang pagmamahal ay higit kaysa sa nadarama nating takot, sugat, adiksyon, pag-aalinlangan, mga tukso, mga kasalanan, ating wasak [na] mga pamilya, depresyon at pagkabalisa, paulit-ulit na sakit, kahirapan, pang-aabuso, kawalan ng pag-asa, at kalungkutan. Nais Niyang malaman ng lahat na walang sinuman ang hindi Niya mapapagaling at mapagkakalooban ng walang hanggang kagalakan.

Ang Kanyang biyaya ay sapat. Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay. Ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay kapangyarihang daraig sa anumang pasanin sa ating buhay. Ang mensahe ng tala tungkol sa babae sa may balon ay na alam ng Panginoon ang mga sitwasyon natin sa buhay at lagi tayong makakalakad kasama Niya anuman ang kalagayan natin. Sa babae at sa bawat isa sa atin, sinasabi Niya, “Datapuwa’t ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t [magkakaroon ng] isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan” [ Juan 4:14 ].

(Robert C. Gay, “Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 99)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Maaaring makatulong na talakayin ang mga sagot ng mga estudyante bilang isang klase kapag natapos na sila.

  • Ano ang natutuhan o naramdaman mo tungkol kay Jesucristo sa pag-aaral na ito?

  • Ano ang mga nadama mong gawin sa pag-aaral mo ngayon?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 4:4 . Bakit mahalaga na dumaan si Jesus sa Samaria?

Map 11 - The Holy Land in New Testament Times

Ang mga Judio ay karaniwang naglalakbay paikot ng Samaria sa halip na dumaan dito dahil sa pagkapoot na nadarama ng mga Judio at mga Samaritano sa isa’t isa. Nagkaroon ng labis na pagkapoot sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano “dahil ang mga Samaritano ay tumalikod mula sa relihiyon ng mga Israelita” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan “ Samaritano, Mga ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Gayunpaman, napansin ni Juan na si Jesucristo ay “kailangang dumaan sa Samaria” ( Juan 4:4), na malinaw na nagbibigay-diin sa layunin ng Tagapagligtas para sa gawaing gagawin Niya roon.

Juan 4:24 . Ang Diyos ba ay espiritu?

Maaaring malito ang ilan sa sinabi ni Jesus sa Juan 4:24 na ang Diyos ay espiritu. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ay nagbibigay ng mahalagang paglilinaw: “Sapagkat sa mga [tunay na sumasampalataya ay] ipinangako ng Diyos ang kanyang Espiritu” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:26 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]). Itinuturo din ng makabagong paghahayag na ang Diyos ay may katawang may laman at mga buto (tingnan sa Doktrina at Mga Tipan 130:22–23 ; tingnan din sa Genesis 5:1–3 ; Mga Hebreo 1:1–3).

Paano nakaapekto sa babae sa may balon ang pakikipag-usap niya kay Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Bonnie H. Cordon, Young Women General President:

Former Official Portrait of Sister Bonnie H. Cordon, Photographed October 2016. Replaced October 2018.

Si Cristo ay nahabag sa [babae sa may balon] at alam ang kanyang mga pangangailangan. Kinausap Niya ang babae sa paraang mauunawaan nito at nagsimula Siya sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa isang bagay na pamilyar at pangkaraniwan. Kung itinigil Niya ang pag-uusap sa puntong ito, malamang na positibo pa rin ang kahihinatnan ng tagpong iyon. Ngunit hindi iyon magbubunga sa pagpunta ng babae sa bayan upang magpahayag, “Magsiparito kayo, tingnan ninyo … : mangyayari kayang ito ang Cristo?” [Juan 4:29]. Unti-unti, sa pamamagitan ng pag-uusap na iyon, nakilala niya si Jesucristo, at sa kabila ng kanyang nakaraan, nagsilbi siyang ilaw na nagbibigay-liwanag sa daan upang makita ito ng iba.

(Bonnie H. Cordon, “Upang Makita Nila,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 79)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Ang nabagong pananaw ng babae

Anyayahan ang mga estudyante na pansinin ang mga salitang ginamit ng babaeng Samaritana sa pagtukoy sa Tagapagligtas sa Juan 4:9, 11, 19, 29 . Batay sa mga katagang ito, talakayin kung paano nagbago ang pagkaunawa ng babae tungkol sa Kanya.

Juan 4:34 . “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin”

Ang mga Apostol ay nasa lungsod at bumibili ng pagkain sa mga oras na nakikipag-usap ang Tagapagligtas sa babae sa may balon. Pagbalik nila, inalok nila si Jesus ng kaunting pagkain (tingnan sa Juan 4:31).Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Juan 4:32–34 , at alamin kung ano ang pinagtuunan ng pansin ng Tagapagligtas sa halip na kumain. Maaari mong talakayin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang pagmamahal sa lahat ng anak ng Ama sa Langit, at sa Kanyang pagtuon sa pagtulong sa bawat isa sa atin na umunlad.

Juan 4:35 . Ang mga bukid ay “mapuputi na upang anihin”

Ang halimbawa ng babaeng Samaritana sa Juan 4:28–29, 39–42 at ang mga salita ni Jesucristo sa Juan 4:35 ay magagamit upang masimulan ang isang talakayan tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo.Maaari kang magpakita ng larawan ng trigo na handa nang anihin at ipaliwanag na kapag handa na ang butil para sa pag-aani, madalas itong ilarawan bilang “mapuputi.” Magagamit ang mga sumusunod na tanong bilang bahagi ng talakayan:

  • Ano sa palagay mo ang naghikayat sa babaeng ito na masigasig na ibahagi ang kanyang patotoo sa iba? Paano mo matutularan ang kanyang halimbawa?

  • Ano sa palagay mo ang itinuturo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol nang sabihin Niya na ang mga bukid ay “mapuputi na upang anihin”? ( Juan 4:35).

  • Sa paanong mga paraan handa nang anihin ang mga bukid sa paligid mo?