“Sapagkat Gayon na Lamang ang Pag-ibig ng Diyos sa Sanlibutan”
Tulad ng nakatala sa Juan 3, itinuro ni Jesus kay Nicodemo ang tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo nang sabihin Niyang “[itataas] ang Anak ng Tao: upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:14–15). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kapag naglaan tayo ng oras sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mahihikayat tayong makilahok sa isa pang mahalagang sangkap sa paghugot ng lakas sa Kanya: pinipili nating sumampalataya sa Kanya at tularan Siya” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 40). Bibigyan ka ng lesson na ito ng mga pagkakataon na palakasin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo habang mas marami ka pang natututuhan tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Tingnan ang mga larawan ni Jesus sa Getsemani at sa krus at isipin kung ano ang nalalaman mo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Kumpletuhin ang mga sumusunod na pahayag sa iyong study journal.
Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo sa mundo upang magbayad-sala para sa atin para …
Kabilang sa ilang bagay na naranasan ni Jesus sa Getsemani ang …
Si Jesus ay namatay sa krus dahil …
Kung hindi nagdusa si Jesus sa Getsemani at namatay sa krus, …
Sa lesson na ito, marami ka pang malalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa pagmamahal na ipinakita ng Ama sa Langit nang isugo Niya ang Kanyang Anak sa mundo. Habang nag-aaral ka, pagtuunan ng pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makatutulong sa iyo na mas mapahalagahan ang sakripisyo ni Jesucristo para sa iyo at mapalakas ang iyong pananampalataya sa Kanya.
Ano ang naramdaman o nalaman mo habang pinag-aaralan mo ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?
Paano naipakita ang pagmamahal ng Ama sa pagsusugo ng Kanyang Anak?
Isa sa mga katotohanang binigyang-diin ng Tagapagligtas nang ituro Niya kay Nicodemo ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Juan 3:14–17) ay ang katotohanang mahal na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang magbayad-sala para sa atin.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan kung paano nakikita ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas:
Wala nang hihigit na katibayan sa walang-katapusang kapangyarihan at kaganapan ng pag-ibig ng Diyos na ipinahayag ni Apostol Juan: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak” ( Juan 3:16). Isa pang Apostol ang sumulat na ang Diyos ay “hindi pinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat” ( Mga Taga Roma 8:32). Isipin na lamang kung gaano ang pighati ng ating Ama sa Langit sa pagsusugo ng Kanyang Anak upang tiisin ang di-maarok na pagdurusa para sa ating mga kasalanan. Iyan ang pinakamalaking katibayan ng Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin!
(Dallin H. Oaks, “Pag-ibig at Batas,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 26)
Ano ang natutuhan mo mula sa pahayag na ito?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano ko matatamo ang lakas na ibinibigay sa akin ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa paghugot ng lakas kay Jesucristo sa ating buhay:
Tinutukoy nating mga Banal sa mga Huling Araw ang Kanyang misyon bilang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kaya naging totoo ang pagkabuhay na mag-uli para sa lahat at naging posible ang buhay na walang hanggan para sa mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at tumatanggap at tumutupad ng mga kinakailangang ordenansa at tipan. …
… Ang ating mga tipan ang nagbubuklod sa atin sa Kanya at nagbibigay sa atin ng lakas mula sa Diyos. Bilang matatapat na disipulo, tayo ay nagsisisi at sumusunod sa Kanya sa mga tubig ng binyag. Tinatahak natin ang landas ng pakikipagtipan tungo sa pagtanggap ng iba pang mga kinakailangang ordenansa. …
Ang mga lalaki at babaeng tumutupad sa tipan ay naghahanap ng mga paraan para mapanatiling walang bahid-dungis ang kanilang sarili mula sa sanlibutan para walang makahadlang sa paghugot nila ng lakas sa Tagapagligtas.
Paano ko malalaman kung nagkakaroon ng epekto si Jesucristo at ang Kanyang kapangyarihan sa buhay ko?
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Kung nadarama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo ngayon, maituturing ninyong katibayan ito na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] sa iyong buhay. Sa kadahilanang iyan at sa marami pang iba, makabubuting ilagay ninyo ang inyong sarili sa mga lugar at mga gawain na nag-aanyaya ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
(Henry B. Eyring, “Gifts of the Spirit for Hard Times,” Ensign, Hunyo 2007, 23)
Saan ako maaaring may matutuhan pa tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Maaari mong palalimin ang iyong naunawaan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng paggamit ng mga tulong sa pag-aaral ng banal na kasulatan gaya ng entry sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na pinamagatang “Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (ChurchofJesusChrist.org) o sa pamamagitan ng paghahanap sa “ Bayad-sala, Pagbabayad-sala ” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ang mga tulong sa pag-aaral na ito ng banal na kasulatan ay naglalaman ng mahahalagang kabatiran, banal na kasulatan, mensahe, video, at iba pang resources na nagtuturo tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.