Juan 3:1–8
“Kailangang Kayo’y Ipanganak na Muli”
Si Nicodemo ay isang Fariseo at isang “pinuno ng mga Judio” (Juan 3:1). Nang gabi na, lumapit siya sa Tagapagligtas upang magtanong ng mahahalagang bagay tungkol sa kaligtasan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at madama ang kahalagahan ng pagiging ipinanganak na muli “ng tubig at ng Espiritu” (Juan 3:5) upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang hangaring magbago
Mag-isip ng isang sitwasyon tungkol sa isang tinedyer na gustong magbago, mas mapalapit sa Tagapagligtas, at makadama ng higit na kapayapaan ngunit hindi siya sigurado kung paano ito gagawin. Mag-isip ng mga partikular na bagay na maaaring nais baguhin ng taong ito at ilang paghihirap na malamang na maranasan niya sa pagbabago. Maaari mo ring isipin ang mga karanasan mo o ng iba sa paggawa ng magagandang pagbabago na makapagbibigay sa tinedyer na ito ng pag-asa na maaari siyang magbago.
-
Sa iyong palagay, bakit hinihiling ng Ama sa Langit ang pagbabago sa mga nagnanais na pumasok sa Kanyang kaharian?
Sa iyong study journal, magsulat ng ilang paraan kung saan naramdaman mong dapat kang magbago at maging higit na katulad ni Jesucristo. Sa pag-usad ng lesson na ito, anyayahan ang inspirasyon ng Espiritu Santo habang natututuhan mo kung paano hingin ang tulong ng Tagapagligtas sa paggawa ng mga pagbabagong nais Niyang gawin mo.
Itinuro ni Jesus kay Nicodemo ang tungkol sa pagiging ipinanganak na muli
Nang gabi na, may isang lalaking nagngangalang Nicodemo ang lumapit kay Jesus. Si Nicodemo ay isang Fariseo at pinuno ng mga Judio. Kalaunan ay ipinagtanggol niya si Cristo sa harap ng mga Fariseo (tingnan sa Juan 7:50–53) at sumama sa mga nagsisisampalataya sa libing ni Jesus (tingnan sa Juan 19:39–40). Lumapit si Nicodemo sa Tagapagligtas nang gabing ito at kinilala niya na si Jesus ay “isang guro na mula sa Diyos” ( Juan 3:2).
Basahin ang Juan 3:1–5 , at hanapin ang itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo na kailangan niyang gawin upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
-
Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “ipanganak na muli”? ( Juan 3:3).
-
Sa iyong palagay, bakit kailangan nating ipanganak na muli upang makita natin ang kaharian ng Diyos?
-
Nang hindi maunawaan ni Nicodemo kung paano maipanganak na muli, ano ang itinuro ng Tagapagligtas (tulad ng nakatala sa talata 5)?
Ang isa sa mga alituntuning natutuhan natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas kay Nicodemo ay kailangan tayong ipanganak ng tubig at ng Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
-
Ano sa palagay mo ang kahulugan ng ipanganak ng tubig at ng Espiritu?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong ang pagpapabinyag at pagpapakumpirma upang maipanganak tayong muli at makapasok sa kaharian ng Diyos?
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo na nais mong maunawaan ng tao sa sitwasyong ginawa mo?
Ang binyag at kumpirmasyon ay dalawa sa mga kinakailangang ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na kailangang matanggap ng bawat tao upang mamana ang kahariang selestiyal. Ang mga ordenansang ito ang pasukan kung saan tayo papasok upang makarating sa landas ng tipan na patungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:17–20). Habang tinatahak natin ang landas na ito at tinutupad natin ang ating mga tipan, nakararanas tayo ng pagbabago at espirituwal na pagsilang na muli.Ipinaliwanag ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagbibigay-kakayahan sa atin na maipanganak na muli. Basahin ang Alma 7:14 , at alamin kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na maipanganak na muli.
-
Ano ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong sa atin na maipanganak na muli?
Mula sa 2 Nephi 31:17 , nalaman din natin ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagtulong sa atin na maipanganak na muli: “At pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.”
-
Ano ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagtulong sa atin na maipanganak na muli?
Panoorin ang video na “A Change of Heart” (4:39), mula sa time code na 0:40 hanggang 4:09 upang makita ang karanasan ng isang binatilyong nagngangalang Ever. Maghanap ng mga partikular na bagay na ginawa niya na nagtulot sa Tagapagligtas na tulungan siyang magbago. (Ang video na ito ay mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org.)
-
Ano ang hinangaan mo sa mga pagbabagong ginawa ng binatilyo?
-
Ano ang ilang pagbabagong ginawa mo o ng isang taong kilala mo upang maging higit na katulad ni Jesucristo?
-
Ano ang papel na ginampanan ng mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon sa mga pagbabagong ito?
Kung minsan, iniisip natin kung ano ang kalagayan ng sarili nating espirituwal na pagsilang na muli. Itinuro ng Tagapagligtas sa Juan 3:8 na nararamdaman at naririnig natin ang ugong ng hangin ngunit hindi natin nalalaman kung saan ito nagmumula o saan ito pupunta. Gayundin, hindi natin palaging mauunawaan kung kailan nagsisimula ang pagiging ipinanganak na muli, ni kung paano nangyayari ang mga pagbabago sa ating kalooban. Gayunpaman, makikita natin ang mga epekto nito habang nagbabago ang ating mga hangarin at kilos (tingnan sa Mosias 5:1–2).Isulat sa iyong study journal ang tungkol sa nakikita mong katibayan ng pagtulong sa iyo ng Tagapagligtas na magbago. Bigyang-pansin ang anumang pahiwatig, ideya, at impresyong matatanggap mo mula sa Espiritu.
Pagtulong sa kapwa
Isipin ang sitwasyong ginawa mo sa simula ng lesson. Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo ngayon. Sumulat ng maikling liham sa tinedyer mula sa iyong sitwasyon at ipaliwanag kung paano siya matutulungan ng Tagapagligtas na magbago. Matutulungan ka ng mga sumusunod na tanong habang ginagawa mo ito:
-
Ano sa palagay mo ang magagawa ng taong ito upang makahingi ng tulong sa Tagapagligtas para sa kanyang pagbabago? Sa iyong palagay, bakit makatutulong ang mga gagawin niyang iyon?
-
Paano matutulungan ng mga ordenansa ng binyag, kumpirmasyon, at pagtanggap ng mga sagisag ng sacrament ang taong ito na magbago at maipanganak na muli?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo nang maranasan mo ang proseso ng pagiging ipinanganak na muli o nang makita mo ang prosesong ito sa iba?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang ibig sabihin ng ipinanganak na muli?
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Paulit-ulit na itinuturo ng mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon na isa sa mga pangunahing layunin ng ating buhay sa lupa ay espirituwal na magbago at mapanibago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …
Tinagubilinan tayong “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang [ating sarili] ng lahat ng kasamaan” ( Moroni 10:32), upang maging “[mga] bagong nilalang” kay Cristo (tingnan sa 2 Corinto 5:17), na hubarin ang “likas na tao” ( Mosias 3:19), at danasin ang “malaking pagbabago sa atin, o sa ating mga puso, na wala na tayong hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” ( Mosias 5:2). Pansinin na ang pagbabalik-loob na inilarawan sa mga talatang ito ay malaki, hindi maliit—isang espirituwal na pagsilang na muli at mahalagang pagbabago sa nadarama at hangarin natin, sa iniisip at ginagawa natin, at kung ano tayo. Sa katunayan, kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” ( 2 Nephi 2:8). Sa pagpili nating sundin ang Panginoon, pinipili nating magbago—na espirituwal na isilang na muli.
(David A. Bednar, “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 19–20)
Paano ako maipapanganak na muli?
Si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng mensahe na pinamagatang “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 59–62) na naglalaman ng mga kabatiran tungkol sa tanong na ito.
Bakit mahirap matukoy kung ako ay ipinanganak na muli?
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? … Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang muli … ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pangunahing] layunin ng mortalidad.
At kasabay nito, huwag tayong mangatwiran na pangkaraniwang pagsisikap lamang ang gagawin natin. Huwag tayong masiyahan na magtira pa ng kaunting hangarin na gumawa ng masama. Mamuhay tayo nang marapat upang makibahagi sa sacrament bawat linggo at patuloy na lumapit sa Banal na Espiritu upang matanggal ang anumang natitirang karumihan sa atin. Pinatototohanan ko na habang patuloy kayo sa landas ng espirituwal na pagsilang na muli, tatanggalin ng nagbabayad-salang biyaya ni Jesucristo ang inyong mga kasalanan at ang mga mantsa ng kasalanang iyon sa inyo, hindi na magiging kaakit-akit ang mga tukso, at sa pamamagitan ni Cristo kayo ay magiging banal, tulad Niya at ng Ama na banal.
(D. Todd Christofferson, “Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 78)
Ano ang pagkakaiba ng “makikita” ang kaharian ng Diyos at “makakapasok” sa kaharian ng Diyos?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44) ang tungkol sa mga salita ng Tagapagligtas sa [ Juan 3:3, 5 ], na tumutukoy sa “makikita” ang kaharian ng Diyos at “makakapasok” sa kaharian ng Diyos: “Isang bagay ang makita ang kaharian ng Diyos, at isa pang bagay ang makapasok dito. Dapat tayong magkaroon ng pagbabago ng puso upang makita ang kaharian ng Diyos, at lubos na tanggapin ang lahat ng kinakailangang ordenansa upang makapasok doon” (sa Journal, Disyembre 1842–Hunyo 1844; Book 3, 15 Hulyo 1843–29 Pebrero 1844, 130, josephsmithpapers.org]. Kapag “nakikita” ng isang tao ang kaharian ng Diyos, pinapangyari ng Espiritu Santo na magkaroon ang taong iyon ng malaking “pagbabago ng puso” (tingnan sa Alma 5:14). Pagkatapos ay dapat tanggapin ng tao ang mga ordenansa ng ebanghelyo upang “makapasok” sa kaharian ng Diyos.
(“Juan 2–4,” sa New Testament Student Manual [2018], ChurchofJesusChrist.org)