Lucas 5:1–11
Pagsunod sa Panginoon at Pagkamit ng Ating mga Banal na Layunin
Nang mahimalang nakahuli sina Simon Pedro, Andres, Santiago, at Juan ng “napakaraming isda” matapos sabihin sa kanila ng Tagapagligtas na “ihulog ang [kanilang] mga lambat” (Lucas 5:4, 6), nahiwatigan nila ang maaari nilang magawa sa tulong ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay pinili ng mga mangingisdang ito na iwan ang lahat upang sumunod kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang magkaroon ng hangaring sumunod kay Jesucristo upang matulungan ka Niya na magawa ang higit pa sa magagawa mo nang wala Siya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagkamit ng mas dakilang layunin
Pag-isipan sandali ang ilang taong nakagawa ng mga dakilang bagay dahil tinulungan sila ng Diyos na maunawaan ang kanilang layunin.
-
Bakit maaaring mahalaga para sa isang tao na maunawaan ang kanyang pinakadakilang layunin?
-
Anong mga pagkakaiba ang napansin mo sa buhay ng mga taong nakauunawa sa layunin ng Diyos para sa kanila at sa mga taong hindi nakauunawa?
Ang lesson na ito ay magtutuon sa kung paano tinulungan ni Jesucristo si Simon Pedro (na kilala rin bilang Pedro) na matuklasan na mayroon Siyang mas dakilang layunin para sa kanya. Habang nag-aaral ka, maghanap ng katibayan ng alituntunin na kapag pinili nating sumunod kay Jesucristo, matutulungan Niya tayong maunawaan at makamit ang mas dakilang layunin para sa ating buhay.
Tinawag ni Jesucristo si Simon Pedro upang sumunod sa Kanya
Matapos magsagawa ng ilang himala ang Tagapagligtas sa Judea, kabilang na ang pagpapagaling sa biyenang babae ni Simon Pedro (tingnan sa Lucas 4:38–39), nagpunta Siya sa pampang ng Lawa ng Genesaret (isa pang pangalan para sa Dagat ng Galilea). Siya ay sumakay sa bangkang gamit sa pangingisda ni Simon Pedro at umupo upang turuan ang malaking grupo ng mga tao sa pampang (tingnan sa Lucas 5:1–3). Nang matapos magturo si Jesus, inanyayahan Niya si Simon Pedro.
Basahin ang Lucas 5:4–11 . Habang nagbabasa ka, subukang isipin na ikaw si Simon Pedro, isang bihasang mangingisda. Maaaring makatulong na maunawaan na ang salitang huli ay nangangahulugang nahuli o nahangong isda (tingnan sa talata 4).
-
Ano ang ilang detalye na sa palagay mo ay mahalaga sa salaysay na ito? Bakit?
-
Ano sa palagay mo ang iniisip o nadarama ni Pedro?
Maglaan ng ilang sandali para maghanap ng anumang katibayan sa salaysay na ito tungkol sa pagtulong ni Jesucristo kay Pedro na maunawaan na may mas dakilang layunin ang Panginoon para sa kanya.
-
Ano kaya ang natutuhan ni Pedro tungkol sa kanyang sarili mula sa karanasang ito sa Tagapagligtas?
-
Sa iyong palagay, bakit nais ng Panginoon na palawakin ang ating pananaw tungkol sa kung sino tayo at kung ano ang magagawa natin?
Paghahalintulad ng mga karanasan ni Simon Pedro sa ating mga karanasan
Mas matututo pa tayo sa salaysay na ito sa pamamagitan ng paghahambing ng mga karanasan ni Simon Pedro sa mga karanasan natin. Ang kasanayang ito sa pag-aaral ng banal na kasulatan ay ang tinukoy ni Nephi sa Aklat ni Mormon nang sabihin niyang “[inihalintulad niya] ang lahat ng banal na kasulatan sa [kanyang sarili]” ( 1 Nephi 19:23). Ang paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa ating mga personal na sitwasyon ay makatutulong sa atin na “lubos [na] mahikayat … na maniwala sa Panginoon [na ating] Manunubos” at maaaring “maging para sa ating kapakinabangan at kaalaman” ( 1 Nephi 19:23).Maglaan ng ilang sandali para ihambing ang iyong karanasan sa karanasan ni Pedro sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:Hatiin ang isang pahina sa iyong study journal upang makapaglista ka ng mga detalye tungkol sa karanasan ni Pedro sa isang panig at sa kabilang panig naman ay maaari mong suriin ang sarili mong sitwasyon. Kung kinakailangan, bumaling sa mga banal na kasulatan at anumang magagamit na tool sa banal na kasulatan (halimbawa, tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pedro ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org) upang matulungan kang sagutin ang mga sumusunod na tanong.
Paghahalintulad ng mga Karanasan ni Pedro sa Sarili Nating Buhay | |
Paano kaya inilarawan ni Pedro ang kanyang sarili bago niya nakilala si Jesus? |
Paano ko inilalarawan ang sarili ko? |
Si Pedro ay handang sumunod kay Jesucristo at talikuran ang kanyang buhay bilang mangingisda (tingnan sa Lucas 5:11). Sa tingin mo, ano kaya ang mangyayari sa buhay ni Pedro kung hindi niya piniling sumunod sa Tagapagligtas? |
Ano ang maaaring iutos sa akin na talikuran ko upang sumunod kay Jesucristo? Paano maaapektuhan ang buhay ko kung pinili kong hindi sumunod kay Jesucristo? |
Paano tinupad ni Pedro ang mga mas dakilang layunin ng Panginoon para sa kanya sa kanyang buhay? |
Isipin ang mga banal na kasulatan, ang plano ng kaligtasan, mga basbas ng priesthood, at, kung naaangkop, ang iyong patriarchal blessing. Ano ang alam ko tungkol sa mga mas dakilang layunin ng Panginoon para sa akin? Ano ang mga tanong ko tungkol sa layunin ko? |
-
Paano nakatulong sa iyo ang paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa iyong sarili na matuto o mas maniwala pa kay Jesucristo?
-
Anong katibayan ang nakita mo na makakamit natin ang mas dakilang layunin para sa ating buhay kapag pinili nating sumunod kay Jesucristo?
-
Kailan ka nakakita ng isang tao na naimpluwensiyahan nang mabuti nang maunawaan niya ang kanyang layunin?
-
Ano ang gagawin mo dahil sa nadama o natutuhan mo ngayon?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Lucas 5:8 . Bakit tinawag ni Pedro ang kanyang sarili na “taong makasalanan”?
Nang unang makita ni Pedro ang Tagapagligtas at nasaksihan ang Kanyang mapaghimalang kapangyarihan, natanto ni Pedro na siya ay “taong makasalanan” na lubos na nangangailangan ng nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas ( Lucas 5:8). Makikita sa mga salita ni Pedro na kapag lumapit tayo sa Diyos, natatanto natin ang ating pagiging makasalanan at pagiging hindi karapat-dapat at hihingi tayo sa Kanya ng tulong na maging higit na katulad Niya.
(New Testament Student Manual [2018], ChurchofJesusChrist.org)
Ano ang magagawa ng Panginoon para sa atin kapag sumunod tayo sa Kanya?
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Matutuklasan ng [mga tao] na isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa sa makakaya nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang-hanggan.
(Ezra Taft Benson, “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4)