Juan 6:60–71
“Kanino Kami Pupunta?”
Pagkatapos ituro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay (tingnan sa Juan 6:35), marami ang hindi nakaunawa nito at pinili nilang tumigil sa pagsunod sa Kanya. Nang tanungin ni Jesus ang Labindalawang Apostol kung magsisialis din sila, sumagot si Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong pagtibayin ang iyong pangako na sundin si Jesucristo at manatiling tapat dito, kahit posibleng hindi piliin ng iba na sumunod sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga reaksyon sa mga turo ng Tagapagligtas
Gumawa ng isang sitwasyon, batay sa tunay na buhay o gawa-gawa lamang, kung saan nagpasya ang isang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na hindi na sumunod sa mga turo ng Tagapagligtas. Maaaring makatulong na punan ang mga patlang sa sumusunod na sitwasyon:
Napagpasyahan ni [pangalan at kaugnayan niya sa iyo] na tumigil sa pakikibahagi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang tanungin mo siya kung bakit hindi na siya nakikibahagi, sinabi niyang, “[Dahilan kung bakit hindi na siya nakikibahagi sa Simbahan].” Habang pinag-iisipan mo ang kanyang sagot, pakiramdam mo [ilarawan ang iyong nararamdaman].
Ang mga katotohanang itinampok sa lesson na ito ay makatutulong sa iyo na manatiling tapat kahit na umalis sa Simbahan ng Tagapaligtas ang mga mahal mo sa buhay. Makatutulong din sa iyo ang mga katotohanang ito kung sinusubukan mong magpasya kung gaano mo kagustong makibahagi sa Simbahan. Buksan ang iyong puso sa inspirasyong gustong ipagkaloob sa iyo ng Panginoon.
Maglaan ng ilang sandali upang pag-isipan kung alin sa mga sumusunod na pahayag, kung mayroon man, ang nauukol sa iyo:
-
Kapag nakikita kong nawawalan ng pananampalataya ang ibang tao kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan, naaapektuhan nito ang aking pananampalataya.
-
Bagama’t nalulungkot ako, nananatiling matibay ang aking pananampalataya sa kabila ng pagkawala ng pananampalataya ng ibang tao sa paligid ko kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan.
-
Hindi ako nababahala kapag may umaalis sa Simbahan kung ito ang ikasisiya nila.
-
Napagpasyahan kong mananatili akong tapat na miyembro ng Simbahan.
-
Pinag-iisipan ko pa rin kung gusto kong maging tapat na miyembro ng Simbahan.
Sa Juan 6:26–58 , itinuro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay na bumaba galing sa langit, at ang mga kakain ng Kanyang laman at iinom ng Kanyang dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Basahin ang Juan 6:60-66 , at alamin kung paano tumugon ang ilang tao sa mga turo ng Panginoon.
-
Sa iyong palagay, bakit nahirapan ang mga tao na tanggapin ang mga bagong turong ito mula kay Jesus?
-
Ano ang ilan sa mga turo ng Tagapagligtas sa ating panahon na mahirap para sa ilan na tanggapin?
-
Ano sa palagay mo ang ilang dahilan kung bakit pinipili ng ilang tao sa ating panahon na ilayo ang kanilang sarili sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
Tandaan na mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat—kabilang ang mga taong nagpasyang umalis sa Simbahan. Maaari nating patuloy na mahalin at sikaping unawain ang mga taong umalis. Hindi dahil nagpasyang umalis ang isang tao ay nangangahulugan na masama siyang tao o palagi siyang magiging miserable dahil umalis siya. Hindi rin ito nangangahulugang hindi na niya pipiliing bumalik sa Simbahan sa hinaharap. Mabibigyang-inspirasyon ka ng Panginoon sa kung ano ang sasabihin at gagawin para sa mga taong umalis.
“Ibig din ba ninyong umalis?”
Basahin ang Juan 6:67 , at pansinin ang itinanong ni Jesus sa Kanyang mga Apostol.
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nauukol sa atin ang tanong ng Tagapagligtas.
Sa huli, kailangan nating sagutin ang tanong ng Tagapagligtas: “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” [ Juan 6:67 ]. Kailangan nating lahat na saliksikin ang sarili nating sagot sa tanong na iyan. Para sa ilan, madali ang sagot; para sa iba, mahirap ito.
(M. Russell Ballard, “Kanino Kami Magsisiparoon?,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 92)
Basahin ang Juan 6:68–69 , at hanapin ang sagot ni Pedro sa tanong ng Tagapagligtas.
-
Sa iyong palagay, bakit ganoon ang naging tugon ni Pedro?
-
Ano ang magagawa natin upang matularan ang halimbawa ni Pedro?
Tungkol sa pagpiling ginawa ng Labindalawang Apostol, itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard:
Sa sandaling iyon, nang ang iba ay nagtuon sa hindi nila matanggap, pinili ng mga Apostol na magtuon sa talagang pinaniniwalaan at nalalaman nila, at bilang bunga, sila ay nanatiling kasama ni Cristo.
(M. Russell Ballard, “Kanino Kami Magsisiparoon?,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 90)
-
Ipinahayag ni Pedro na ang Tagapagligtas ay may “mga salita ng buhay na walang hanggan” ( Juan 6:68). Ano ang ilang turo ni Jesucristo na alam mong totoo?
-
Ano ang ilang pagpapalang naibigay sa iyo dahil sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
Nangusap si Pangulong M. Russell Ballard sa mga taong maaaring nag-iisip na umalis sa Simbahan ng Tagapagligtas. Panoorin ang “Kanino Kami Magsisiparoon?,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 5:35 hanggang 8:16. Habang nakikinig ka kay Pangulong Ballard, pagtuunan ng pansin ang mga itinatanong niya.
-
Ano ang mga naisip mo nang mapakinggan mo si Pangulong Ballard?
-
Anong mga karanasan mo ang nakatulong sa iyong maniwala kay Jesucristo at sumapi o manatili sa Kanyang Simbahan?
-
Paano makatutulong sa iyo ang pag-alala sa mga karanasang ito kapag sinusubok ang iyong pananampalataya?
Kung nahihirapan ka sa iyong pananampalataya, alalahanin na mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Maaari kang manalangin sa iyong Ama sa Langit na tulungan ka. Maaari mo ring kausapin ang iyong mga magulang, lider ng Simbahan, o seminary teacher tungkol sa mga tanong at alalahanin mo.
-
Ano ang isasagot mo kung tatanungin ka ng Panginoon, “Ibig din ba ninyong umalis?” ( Juan 6:67).
-
Ano ang magagawa mo upang matamo at mapalakas ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan?
-
Ano ang gusto mong alalahanin kapag nagpasyang umalis sa Simbahan ng Tagapagligtas ang isang taong mahal mo?
-
Ano ang sasabihin mo sa isang taong nasasaktan dahil nagpasyang umalis sa Simbahan ng Tagapagligtas ang mga taong pinahahalagahan niya?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Juan 6:67–69 . Ano ang naunawaan ni Pedro at ng Labindalawa na nakatulong sa kanila na manatiling matatapat na tagasunod ni Jesucristo?
Isinulat ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hindi ko alam, sa sandaling iyon, kung mas naunawaan ni Pedro at ng kanyang mga kapatid ang itinuro ng Panginoon kaysa sa mga disipulo na sa sandaling iyon ay nagsitalikod sa Panginoon, ngunit alam ni Pedro sa pamamagitan ng matibay na patotoo ng Espiritu na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos (tingnan din sa Mateo 16:15–17), at hindi matatagpuan saan pa man ang kaligtasan. Kaya nga lubos ang determinasyon niya na sundin si Jesus anuman ang mangyari. Kung may mga tanong man siya, masasagot din ang mga ito kalaunan, ngunit hindi niya tatalikuran ang katapatan niya sa Anak ng Diyos—isang napakagandang halimbawa para sa ating lahat.
(D. Todd Christofferson, “Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 39 tala 8)
Ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa mga taong umaalis?
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Bago nilikha ang mundo, minahal at pinagtuunan ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang mga tao na alam Nilang malilihis ng landas. Mamahalin sila ng Diyos magpakailanman.
(Henry B. Eyring, “Sa Aking mga Apo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 72)
Ano ang magagawa ko para sa mga taong hindi gaanong aktibo o umalis na sa Simbahan?
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang sagot ko ay huwag sana kayong mangaral sa kanila! Alam na ng inyong mga kapamilya o kaibigan ang mga turo ng Simbahan. Hindi nila kailangan ng isa pang sermon! Ang kailangan nila—ang kailangan nating lahat—ay pagmamahal at pag-unawa, hindi panghuhusga. Ibahagi ang inyong magagandang karanasan sa pagsasabuhay ng ebanghelyo. Ang pinakamabisang bagay na magagawa ninyo ay ibahagi ang inyong mga espirituwal na karanasan sa mga kapamilya at mga kaibigan mo. Gayundin, maging tunay na interesado sa kanilang mga buhay, sa kanilang mga tagumpay, at sa kanilang mga hamon. Palaging maging masigla, magiliw, mapagmahal, at mabait.
(M. Russell Ballard, “Questions and Answers” [Brigham Young University devotional, Nob. 14, 2017], 5, speeches.byu.edu)