Mateo 14:13–21; Juan 6:5–14
Pinakain ni Jesus ang 5,000
Pagkatapos malaman ni Jesucristo na pinugutan ng ulo si Juan na Tagapagbautismo, naglakbay Siya kasama ng Kanyang mga Apostol papunta sa isang liblib na lugar. Sinundan sila ng maraming tao. Kahit na nagdadalamhati Siya, nahabag ang Tagapagligtas sa mga taong ito, at tinuruan at pinakain Niya sila—5,000 kalalakihan pati na mga kababaihan at mga bata. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong maging mas mahabagin at hindi makasarili tulad ni Jesucristo. Matutulungan ka rin nitong magkaroon ng mas malaking tiwala na dahil kay Jesucristo, magiging sapat ang iyong mga abang handog.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Anong payo ang ibibigay mo?
Basahin ang sumusunod na dalawang sitwasyon, at pumili ng gusto mong pagtuunan habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito. Pag-isipan kung ano ang maaari mong sabihin upang matulungan si Roger o Claire.
-
Talagang malapit ang kaibigan mong si Roger sa kanyang pinsan na biglaang pumanaw kamakailan. Sa tuwing sinusubukan mong bumisita, sinasabi sa iyo ni Roger na gusto niyang mapag-isa. Pagkatapos ng maraming pagtatangkang bumisita, sa wakas ay pinapasok ka niya. Habang nagkukuwento siya, sinabi niyang “Talagang napakahirap nito para sa akin. Paano ko ito malalampasan?”
-
Kakatawag lang sa kaibigan mong si Claire bilang pangulo ng kanyang Young Women class. Masyado na siyang abala, at sa tingin niya ay mas palakaibigan at mas magaling ang iba pang dalagita sa kanyang klase. Ibinahagi ni Claire ang kanyang mga alalahanin sa iyo at sinabi niyang, “Hindi ako sigurado kung kaya kong gawin ito.”
Sa buong lesson na ito, maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa isang tao na may pinagdadaanang katulad ng kay Roger o kay Claire. Dagdag pa rito, ipanalangin sa iyong puso na ihayag sa iyo ng Ama sa Langit kung paano makatutulong ang mga katotohanang ito sa iyo at sa mga taong mahal mo.Ang salaysay tungkol sa pagpapakain ni Jesus sa 5,000 ay naglalaman ng mga alituntunin na makatutulong sa atin sa mga ganitong uri ng sitwasyon. Pag-aralan ang bahaging nauukol sa sitwasyong pinili mo. Pagkatapos mong mag-aral, magkakaroon ka ng pagkakataon na ibahagi ang natutuhan mo.
Sitwasyon 1: Roger—Ano ang makatutulong sa akin upang malampasan ko ang mga pagsubok? ( Matteo 14:13–23)
Sa Mateo 14:1–12 , nalaman natin na pinapugutan ng ulo ni Herodes si Juan na Tagapagbautismo. Isipin ang maaaring nadama ni Jesus nang malaman Niyang pinatay ang pinsan niya na Kanyang kaibigan.
Pag-aralan ang ginawa ng Tagapagligtas sa Mateo 14:13–23 , at maghanap at magmarka ng katibayan ng alituntuning ito: matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagkahabag at paglilingkod sa iba kahit tayo mismo ay dumaranas ng mga paghihirap.Tandaan na ang ibig sabihin ng “ilang na lugar” ( talata 13) ay liblib na lugar.
-
Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na sumusuporta sa alituntuning ito?
-
Ano ang ginawa ni Jesus kahit nalaman Niyang pinatay si Juan na Tagapagbautismo?
-
Paano makatutulong sa isang taong nahihirapan ang halimbawa ng hindi makasariling paglilingkod ng Panginoon?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo magkakaroon ng katangiang katulad ng kay Cristo:
Halimbawa, naipapakita ang ating tunay na pagkatao sa kakayahang mapansin ang pagdurusa ng ibang mga tao kapag tayo mismo ay nagdurusa rin; sa kakayahang maramdaman na nagugutom ang iba habang nagugutom rin tayo; at sa kakayahang tumulong sa iba at magpakita ng pagkahabag sa mga taong dumaraan sa mga espirituwal na pagsubok kapag tayo rin ay nasa ganitong kalagayan. Samakatwid, naipapakita ang tunay na pagkatao sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong kahit ang natural at likas na reaksyon ay magtuon lamang sa sarili at sa sariling problema. …
… Tunay na posible para sa ating mga mortal na sikapin sa kabutihan na tumanggap ng mga espirituwal na kaloob na may kinalaman sa kakayahang isipin at tulungan ang iba, at tumugon sa angkop na paraan sa iba pang mga tao na dumaranas ng mismong hamon o hirap na kagyat at sapilitang nagpapabigat sa atin.
Hindi natin tataglayin ang gayong kakayahan sa pamamagitan lamang ng kagustuhan o personal na determinasyon. Sa halip, tayo ay nakaasa sa at nangangailangan ng “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” ( 2 Nephi 2:8).
(David A. Bednar, sinipi kay Sarah Jane Weaver, “Elder Bednar Addresses ‘the Character of Christ’ during 2019 Mission Leadership Seminar,” Church News, Hulyo 9, 2019)
Habang naghahanda kang ibahagi ang natutuhan mo, pagnilayan ang mga karanasan mo sa paglilingkod sa iba.
-
Sa iyong palagay, bakit makatutulong sa atin ang paglilingkod na katulad ng kay Cristo sa panahong dumaranas din tayo ng mga pagsubok?
Sitwasyon 2: Claire—Magiging sapat ba ang mga pagsisikap ko upang magawa ang ipinagagawa sa akin ng Panginoon? ( Juan 6:5–14)
Nang makita ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo na lumalapit ang maraming tao, nangamba ang mga disipulo na wala silang sapat na pagkain para pakainin ang lahat.
Pag-aralan ang salaysay tungkol sa pagpapakain ni Jesus sa 5,000 sa Juan 6:5–14 , at maghanap at magmarka ng katibayan ng alituntuning ito: kapag ibinigay natin sa Tagapagligtas ang lahat ng mayroon tayo, mapaparami Niya ang ating mga pagsisikap upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.
-
Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na sumusuporta sa alituntuning ito?
-
Sa iyong palagay, ano ang nadama ng mga disipulo o ng batang lalaki tungkol sa kaya nilang ibigay kung ikukumpara sa kung ano ang kailangan?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency:
Nadama na ba ninyo na hindi sapat ang mga talento at kaloob ninyo para magawa ang isang gawain? Nadama ko na iyan. Ngunit maibibigay natin kay Cristo kung ano ang mayroon tayo, at gagawin Niyang mas epektibo ang ating mga pagsisikap. Sapat na ang maibibigay ninyo—kahit na may mga kamalian at kahinaan kayo—kung aasa kayo sa biyaya ng Diyos.
(Michelle D. Craig, “Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 54)
-
Ano ang iba’t ibang paraan na magagawa natin upang “[ma]ibigay natin kay Cristo kung ano ang mayroon tayo”?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito tungkol sa pagpapakain ni Jesus sa 5,000 na makatutulong sa isang taong nag-aalala na hindi magiging sapat ang maibibigay niya?
Habang naghahanda kang ibahagi ang natutuhan mo, mag-isip ng mga halimbawa mula sa iyong buhay o sa buhay ng iba kung saan nakita mong pinarami ng Tagapagligtas ang pagsisikap ng isang tao upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.Isipin kung paano mo magagamit ang halimbawa ng pagpapakain ni Jesus sa 5,000 upang matulungan ang iyong kaibigan sa hamon sa sitwasyong pinili mo.
-
Ibahagi kung ano ang gusto mong malaman at madama nila tungkol kay Jesucristo.
-
Ipaliwanag kung ano ang magagawa nila upang matularan ang halimbawa ng Panginoon at magamit ang Kanyang kapangyarihan.
-
Magsama ng kahit isang parirala lamang mula sa mga banal na kasulatan o pahayag na pinag-aralan mo.
-
Magbahagi ng personal na karanasan o patotoo upang suportahan ang itinuturo mo.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ilang tao ang pinakain ni Jesus?
Malinaw na nakasaad sa Marcos 6:44 ang pariralang “limang libong lalaki.”. Malinaw din itong nakasaad sa Mateo 14:21 na idinagdag ang pahayag na “bukod pa sa mga babae at sa mga bata.”
(New Testament Student Manual [2014], 115)
Sa isang hiwalay na pagkakataon, nagpakain si Jesus ng 4,000 kalalakihan at saka ng mga kababaihan at mga bata. (Tingnan sa Mateo 15:32–38 ; Marcos 8:1–9 .)
Paano ako napalalakas ng pagtulong sa iba?
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Bukod dito, kailangan nating pansinin ang paghihirap ng iba at subukang tumulong. Iyan ay magiging lalong mahirap kapag tayo mismo ay labis ring sinusubok. Ngunit matutuklasan natin na kapag pinagagaan natin ang pasanin ng iba, nang kahit kaunti, ang ating mga likod ay napalalakas at nakakakita tayo ng liwanag sa kadiliman.
(Henry B. Eyring, “Sinubok, Napatunayan, at Pinino,” Ensign o Liahona,Nob. 2020, 98)
Talaga bang mapaparami ni Jesus ang aking mga pagsisikap?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Huwag ninyong isipin na mauubos ang kapangyarihan ni Cristo na tulungan kayo. Ang Kanyang biyaya ay sapat. Iyan ang espirituwal at walang hanggang aral na makukuha sa pagpapakain sa 5,000.
(Jeffrey R. Holland, Trusting Jesus [2003], 73)