Seminary
Mateo 14:22–33


Mateo 14:22–33

“Huwag Kayong Matakot”

Jesus Christ depicted walking on the sea of Galilee toward a small fishing boat. The Apostles are in the fishing boat and are watching Christ walk toward them. There are storm clouds in the sky.

Naglakad si Jesucristo sa ibabaw ng tubig at inanyayahan si Pedro na gawin din ito. Nang mapansin ni Pedro ang bagyo at mga alon, nagsimula siyang lumubog at humingi siya ng tulong sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong matularan ang halimbawa ng paghingi ng tulong ni Pedro sa Tagapagligtas kapag nahaharap ka sa mga nakatatakot o mahihirap na sitwasyon.

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante upang makasagot. Kung minsan, maaaring hindi sumagot kaagad ang mga estudyante sa isang epektibong tanong. Huwag mag-alinlangan na bigyan ng oras ang mga estudyante upang mapag-isipan ang tanong. Kung minsan, kailangan ng mga estudyante ng pagkakataong mapagnilayan ang itinanong sa kanila at kung paano sila sasagot. Ang pagninilay na ito ay maaaring maging daan para sa pagtuturo ng Espiritu Santo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: “Ano kaya ang nakahikayat kay Pedro para iwanan ang kaligtasan sa kanyang bangka sa kalagitnaan ng Dagat ng Galilea sa malakas na bagyo? Ano ang nakahikayat sa kanya na maniwala na kung kayang maglakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig, kaya rin niya?” (“Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023).

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mapapanatag tayo ni Jesus sa gitna ng mga unos ng buhay

Ang lesson na ito ay naghihikayat sa mga estudyante na bumaling kay Jesucristo para sa kapayapaan at kaligtasan sa mga panahon ng paghihirap. Sa isang assessment lesson sa hinaharap, aanyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang progresong nagagawa nila sa paghahanap ng kapayapaan kay Cristo sa mga panahong ito. Pansinin na maraming ideya sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” na magagamit sa lesson na ito. Piliin ang mga aktibidad na pinakanauugnay sa mga estudyante.

Jesus Christ depicted walking on the water of the Sea of Galilee. The Apostle Peter is in the water. Christ is extending His hand to Peter to prevent Peter from sinking.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na sipi mula sa Mateo 14:30 at ipakita ang larawang ito habang tinatalakay ng mga estudyante ang sumusunod na tanong.

Ang larawang ito ay nagpapakita ng nakatatakot na sandali sa buhay ni Apostol Pedro. Nakasaad sa Mateo 14:30 , “Natakot [si Pedro], at nang siya’y papalubog na ay sumigaw siya, Panginoon, iligtas mo ako!”

  • Anong mga sitwasyon sa makabagong panahon ang maaaring magpadama sa mga kabataan ngayon ng naramdaman ni Pedro noon?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod na tanong.

  • Mayroon bang anumang bagay sa iyong buhay na nagdudulot sa iyo ng takot o pakiramdam na parang lumulubog ka?

Pag-isipan sandali kung saan o kanino ka karaniwang humihingi ng tulong at kapayapaan kapag ganito ang nadarama mo.Pagkatapos Niyang mahimalang pakainin ang mahigit limang libong tao, “pinasakay” ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo “sa bangka, at pinauna niya sa kabilang ibayo” ng Dagat ng Galilea ( Mateo 14:22).

2:6

Basahin ang Mateo 14:23–33 , at hanapin ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na makatutulong sa iyong bumaling sa Kanya kapag natatakot ka o nadarama mong parang lumulubog ka. Bigyang-pansin ang mga saloobin at damdaming nagmumula sa Espiritu Santo. Matutulungan ka Niyang makita kung paano magagamit ang mga katotohanang ito sa nararanasan mo sa iyong buhay. Isulat sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan ang mga katotohanang matutukoy mo. (Tandaan: Ang “madaling araw” ay mula 3:00 n.u. hanggang 6:00 n.u.)

Pagkatapos mong bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na makapagsulat, anyayahan silang isulat sa pisara ang mga katotohanang natutuhan nila. Kung kinakailangan, maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na patuloy na masuri ang salaysay na ito at matuto mula rito.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo sa salaysay na ito?

  • Saan nakatuon si Pedro noong nasa ibabaw siya ng tubig? Bakit siya lumubog?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na maaaring makatulong sa iyong bumaling sa Kanya kapag natatakot o nahihirapan ka?

Ang sumusunod na aktibidad ay ginawa upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong sa kanila ang pagtutuon kay Jesucristo kapag nahihirapan sila. Batay sa mga pangangailangan ng mga estudyante, maaaring pagtuunan na lamang ang iba’t ibang katotohanan mula sa salaysay.

Maaaring sagutan ng buong klase ang pagsasanay sa ibaba gamit ang mga sumusunod na pag-aakma:

Magpakita ng larawan ni Jesucristo sa isang bahagi ng silid. Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa isang papel ng isang bagay na tila mahirap at ilagay ito sa kabilang bahagi ng silid. Pagkatapos ay anyayahan silang ibaling ang kanilang tuon sa kabilang panig ng silid mula sa isang panig ng silid tulad ng nakasaad sa aktibidad sa ibaba.

Tumuon sa Tagapagligtas

Itinuturo sa atin ng halimbawa ni Pedro kung ano ang dapat nating pagtuunan. Alalahanin ang nangyari kay Pedro nang magtuon siya kay Jesucristo at kung ano ang nangyari nang ibaling niya ang kanyang tuon sa bagyo sa paligid niya (tingnan sa mga talata 28–31). Magsulat sa isang piraso ng papel ng isang bagay sa iyong buhay o sa hinaharap na maaaring maging mahirap para sa iyo. Ilagay ang papel na ito sa bandang kaliwa mo. Ngayon, maglagay ng larawan ni Jesucristo o ng iba pang bagay na nagpapaalala sa iyo sa Kanya sa bandang kanan mo. Magpalipat-lipat sa pagtutuon ng iyong isipan at mga mata sa mahirap na sitwasyon at sa larawan ni Jesucristo.

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagtutuon sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan at pagmamahal sa iyo kapag nahaharap ka sa mahihirap na sitwasyon?

  • Ano ang ilang paraan upang makatuon ka sa Tagapagligtas sa panahon ng mga pagsubok?

Jesus Christ depicted walking on the water of the Sea of Galilee. The Apostle Peter is in the water. Christ is extending His hand to Peter to prevent Peter from sinking.

Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan tungkol sa paghingi ng tulong sa Diyos sa panalangin upang makatanggap ng lakas at suporta mula sa Tagapagligtas sa panahon ng pagsubok. Ipabahagi rin sa mga handang estudyante ang kanilang mga karanasan. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, itanong kung ano ang ginawa nila upang makahingi ng tulong sa mga panahong iyon.

Upang tapusin ang lesson na ito, itala ang mga pahiwatig na natanggap mo. Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo, at bakit dapat tayong bumaling sa Kanya kapag lumulubog o nahihirapan tayo? Ano ang plano mong gawin upang makahingi ng tulong sa Kanya?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano nagbabago ang ating mga buhay kapag tumutuon tayo kay Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):

Howard W. Hunter

Matibay ang paniniwala ko na kung magagawa natin bilang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, at bansa, gaya ni Pedro, na ipako ang ating tingin kay Jesus, baka tayo man ay tagumpay na makalakad sa ibabaw ng “napakalalaking alon ng kawalan ng pananampalataya” at “hindi masindak sa gitna ng paparating na mga hangin ng pag-aalinlangan.” Ngunit kung hindi natin itutuon ang ating mga mata sa kanya na kailangan nating paniwalaan, na napakadaling gawin at gustung-gustong gawin ng mundo, kung aasa tayo sa kapangyarihan at lakas ng kahindik-hindik at mapanirang mga elemento sa paligid natin sa halip na sa kanya na makakatulong at makapagliligtas sa atin, tiyak na lulubog tayo sa dagat ng pagtatalo at kalungkutan at dalamhati.

(Howard W. Hunter, “The Beacon in the Harbor of Peace,” Ensign, Nob. 1992, 19)

Mateo 14:27 . Paano natin magagawang “lakasan ang [ating] loob” kapag dumaranas tayo ng mga paghihirap?

Ipinaliwanag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Howard W. Hunter

Hindi tayo maaaring “magalak” [ Doktrina at mga Tipan 68:6 ] at matigilan dahil sa takot. Ang dalawa—galak at takot—ay hindi natin maaaring maramdaman nang magkasabay. …

Ang magalak ay nangangahulugang magtiwala kay [Jesucristo] kapag hindi nangyayari ang mga bagay tulad ng inaasahan natin. Nangangahulugan ito na magpatuloy kahit may mahihirap na sitwasyon na nagpapabago sa ating mga buhay at kahit tila hindi na posible ang mga nais nating mangyari dahil sa mga pagsubok. Ngunit ipinapaalala sa atin ng Panginoon, “Sa daigdig na ito ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin ang inyong kagalakan ay lubos” [ Doktrina at mga Tipan 101:36 ].

(Ronald A. Rasband, “Si Jesucristo ang Sagot,” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 8, 2019], 1–2)

Paano nagiging hadlang ang takot sa pagtanggap natin ang mga pagpapalang ibibigay ng Tagapagligtas?

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na pahayag:

Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland. Photographed January 2018.

Ipinapaalala sa atin ng salaysay na ito na ang unang hakbang sa paglapit kay Cristo—o sa kanyang paglapit sa atin—ay maaaring makapagpadama sa atin ng malaking takot. Hindi dapat ganito, ngunit kung minsa’y nangyayari ito. Isa sa malaking kabalintunaan ng ebanghelyo ay ang katotohanang kung alin pa ang inaalok sa atin na mapagkukunan ng tulong at kaligtasan ay siya pa nating tinatanggihan, dahil sa kitid ng ating pananaw sa buhay na ito. Sa anupamang dahilan, nakakita na ako ng mga investigator na ayaw magpabinyag, nakakita na ako ng mga elder na ayaw magmisyon, nakakita na ako ng mga magkasintahan na ayaw magpakasal, at nakakita na ako ng mga bagong kasal na takot bumuo ng pamilya at sa mangyayari sa hinaharap. Kadalasan na napakarami sa atin ang umaayaw sa mismong mga bagay na siyang magpapala at magliligtas at magbibigay ng kapanatagan sa atin. Napakadalas nating ituring ang mga pangakong maging tapat sa ebanghelyo at mga kautusan na isang bagay na dapat katakutan at talikuran.

(Jeffrey R. Holland, “Come unto Me” [Brigham Young University devotional, Mar. 2, 1997], 8, speeches.byu.edu)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Isang pagkakatulad sa plano ng kaligtasan

Ang karanasan ni Pedro sa pag-alis sa bangka, pangangailangan ng tulong, at pagbalik sa bangka nang ligtas sa tulong ng Tagapagligtas ay makapagtuturo sa atin tungkol sa sarili nating paglalakbay sa buhay na ito at sa plano ng kaligtasan. Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod: Anong mga pagkakatulad ang nakikita ninyo sa salaysay na ito at sa plano ng kaligtasan? Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa misyon ni Jesucristo kapag tiningnan ninyo ang salaysay sa ganitong paraan?

Mateo 14:27 . “Ako ito. Huwag kayong matakot”

Sabihin sa mga estudyante na maglista ng tulong na ibinibigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ngunit kung minsan ay iniiwasan ng mga tao dahil sa takot. Maaaring kabilang dito ang mga bagay na tulad ng pagdarasal, pakikipag-usap sa bishop, pagmimisyon, pagtanggap ng tungkulin, o pagpapakasal. Tulungan ang mga estudyante na mapagtuunan ang katotohanan na ibinibigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang tulong na ito sa kanila. Hindi natin kailangang matakot na lumapit sa Kanila o tanggapin ang ibinibigay Nila sa atin. Maaari mong ipakita ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland mula sa kanyang mensaheng “Come Unto Me,” na matatagpuan sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” ng lesson, upang makatulong sa talakayang ito.

Mga karagdagang detalye sa Marcos at Juan

Kadalasang nagbabahagi ang iba’t ibang manunulat ng Ebanghelyo ng mga natatanging detalye tungkol sa iisang salaysay. Samakatwid, makatutulong sa atin ang pagbabasa ng maraming pananaw sa Ebanghelyo upang matuto pa tungkol kay Jesucristo habang pinag-aaralan natin ang Bagong Tipan. Halimbawa, ang isang detalyeng natutuhan natin sa Juan 6:16–19 ay na bago pa nakarating ang Tagapagligtas sa mga disipulo, 25 hanggang 30 furlong lang ang nalakbay ng kanilang bangka (humigit-kumulang 3.1 hanggang 3.8 milya, o 5 hanggang 6 na kilometro), humigit-kumulang 70 porsiyento ng kanilang paglalakbay, pagkatapos mahirapan sa pagsasagwan nang halos buong magdamag dahil sa bagyo (tingnan sa Marcos 6:48).

Isulat sa pisara ang Marcos 6:47–51 at Juan 6:19–21 , at sabihin sa mga estudyante na hanapin sa mga scripture passage na ito ang mga detalyeng wala sa salaysay ni Mateo, at ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga karagdagang detalyeng ito.

Mateo 14:27 . “Lakasan ninyo ang inyong loob”

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa kung paano inanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na “lakasan ninyo ang inyong loob” ( Mateo 14:27) kahit nasa mahirap silang sitwasyon. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng iba pang mga scripture passage kung saan inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na “lakasan ninyo ang inyong loob.” Talakayin ang mga paraan kung paano tayo magkakaroon ng lakas ng loob, kahit sa mahihirap na sitwasyon.