Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 4


I-assess ang Iyong Pagkatuto 4

Mateo 14–20; Marcos 6–10; Lucas 10; 12; 14–18; Juan 5–11

Newport Beach Seminary

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo, ang natututuhan mo, at ang personal na pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan.

Pagdarasal para sa mga estudyante. Upang mas mapagtuunan ng pansin ang bawat estudyante, ipagdasal sila sa pamamagitan ng pagbanggit sa kanilang mga pangalan. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit na maunawaan ang mga pangangailangan ng mga estudyante at malaman kung anong mga estratehiya sa pagtuturo ang gagamitin upang makatulong sa pagtugon sa mga pangangailangang iyon. Pakinggan ang mga pahiwatig tungkol sa kung paano mo matutulungan ang bawat estudyante.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang espirituwal na pag-unlad na naranasan nila sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan. Natutulungan ba sila ng kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan na makilala, mahalin, at paglingkuran ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Ano ang mga naging makabuluhang karanasan nila?

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na i-assess ang mga mithiing itinakda nila, ang kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga turo sa Bagong Tipan, o kung paano nagbabago ang kanilang saloobin, hangarin, at kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng klase sa Mateo 14–20; Marcos 6–10; Lucas 10; 12; 14–18; at Juan 5–11 ay maaaring nakapagbigay-diin sa mga katotohanan bukod pa sa mga nasa sumusunod na aktibidad. Kung gayon, maaaring iangkop ang mga aktibidad upang maisama ang mga katotohanang iyon.

Lumapit kay Jesucristo at maging disipulo Niya

Maglaan ng kaunting oras upang mapagnilayan ang iyong pag-unlad bilang isang disipulo ni Jesucristo at ang iyong paghahangad na mas lubos na lumapit sa Kanya habang pinag-aaralan mo ang Bagong Tipan. Ang ilan sa mga paraan ng paghikayat sa iyong gawin ito ay sa pamamagitan ng iyong kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag at sundin ito at ipaliwanag ang ilan sa mga ginagampanan at titulo ni Jesucristo, at sa iyong mga pagsisikap na maghangad ng kapayapaan sa buhay na ito sa pamamagitan ni Jesucristo. Hangaring malaman mula sa iyong Ama sa Langit kung paano ka lumalago at umuunlad sa mga paraang ito, at gayundin sa anumang gawain na dapat mong patuloy na gawin o baguhin upang patuloy na mapalalim ang iyong pagkadisipulo kay Jesucristo.

Dagdagan ang kakayahan mong makatanggap ng paghahayag

Simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng isang pamilyar na kanta nang napakahina. Dapat ay napakahina lang nito nang sa gayon, kahit na hindi masyadong nag-iingay ang mga estudyante, hindi maririnig ng mga estudyanteng nakaupo malapit sa pinagmumulan ng tunog ang musika. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang kantang tumutugtog.

Maglaan ng ilang minuto upang makinig sa mga tunog sa paligid mo.

  • Anong mga tunog ang naririnig mo lang kapag nakikinig ka nang mabuti?

  • Ano ang maaari mong gawin kapag may narinig kang isang bagay na napakahina at gusto mong malaman kung ano ito?

Maaaring sabihin ng mga estudyante na mas lalapit sila sa pinagmumulan ng tunog, susubukan nilang huminto at manahimik, itutuon nila ang kanilang isipan sa pakikinig, o aalisin nila ang mga ingay sa paligid. Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante at pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga pamamaraang iyon upang matukoy ang kantang tumutugtog.

  • Paano natutulad ang aktibidad na ito sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Espiritu Santo?

Ang isang mahalagang layunin sa seminary ay tulungan kang madagdagan ang iyong kakayahang makatanggap ng personal na paghahayag mula sa Espiritu Santo.

Isaalang-alang ang mga pangangailangan ng mga estudyante at kung makatutulong sa kanila ang impormasyon sa sumusunod na talata.

Sa Aklat ni Mormon, inilarawan ni Nephi ang Espiritu Santo bilang “marahan at banayad na tinig” na higit nating nadarama kaysa naririnig ( 1 Nephi 17:45). Mapahuhusay natin ang ating kakayahang marinig o madama ang Espiritu Santo sa ating mga puso sa mga paraang katulad ng mga ginagamit natin upang marinig ang mahinang tunog. Ang espirituwal na paglapit sa Diyos, pagiging panatag ng ating pag-iisip, pagtutuon ng ating isipan, at pag-alis sa ingay sa paligid ay mga epektibong paraan upang madagdagan ang kakayahan nating matukoy ang mga bulong ng Espiritu Santo.

Maglaan ng kaunting oras upang mapagnilayan ang mga naranasan mo kamakailan kung saan nakatanggap ka ng personal na paghahayag mula sa Espiritu Santo. Maaari mong rebyuhin ang mga talang isinulat mo sa iyong banal na kasulatan o study journal. Maaari mo ring hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang matukoy o maalala ang personal na paghahayag na natanggap mo. Pagkatapos ay itala ang mga kaalaman at damdamin na darating sa iyong isipan at puso.

  • Ano ang mga naging karanasan mo kamakailan sa pagtanggap ng personal na paghahayag? Paano mo nalaman na mula sa Diyos ang mga karanasang ito?

  • Ano ang natutuhan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan na makatutulong sa iyo na mahiwatigan ang Espiritu Santo?

  • Anong mga kaalaman ang maibabahagi mo sa isang taong nahihirapang mahiwatigan ang Espiritu?

Isa sa mga pangunahing tungkulin ng Espiritu Santo ay ang magpatotoo tungkol sa Ama at sa Anak (tingnan sa Mateo 16:17 ; Juan 15:26 ; 3 Nephi 11:32).

  • Ano ang naitulong sa iyo ng Espiritu na maunawaan o madama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Paano naging katibayan ng pagmamahal sa iyo ng Diyos ang kaloob na Espiritu Santo at ang pagkakataon para sa personal na paghahayag?

3:4

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na humingi ng personal na paghahayag kahit na nadarama nilang mahirap matukoy ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Ipaliwanag ang mga ginagampanan at titulo ni Jesucristo

Ipakita ang mga sumusunod na larawan ng tinapay at ng isang tupa. Itanong sa mga estudyante kung maipapaliwanag nila kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang mga ito bilang mga simbolo upang magturo tungkol sa Kanyang sarili.

Making Bread
Photographic illustration of Jesus Christ holding a white lamb in his arms.
  • Paano ginamit ng Tagapagligtas ang tinapay at tupa para magturo tungkol sa Kanyang sarili?

Maaari mong alalahanin na nagturo ang Tagapagligtas gamit ang mga metapora na tulad ng “Ako ang tinapay ng buhay” (tingnan sa Juan 6:35, 41, 48, 51), “Ako ang mabuting pastol” ( Juan 10:11), at “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay” ( Juan 11:25).

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga titulong ito tungkol sa mga katangian ng Panginoon at sa maaari Niyang gampanan sa iyong buhay?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pag-unawa sa Kanyang mga katangian at mga ginagampanan upang lalo mo Siyang mahalin?

Sa pag-aaral mo ng Bagong Tipan, maaaring may itinabi kang listahan ng mga ginagampanan at titulo ni Jesucristo sa iyong study journal. Kung mayroon ka ng listahang ito, maglaan ng ilang minuto na rebyuhin ito. Magdagdag ng anumang titulo o ginagampanan na maaaring nakaligtaan mo. Kung hindi mo pa nagagawa ang listahang iyon, maaari mo itong simulan na ngayon, at ilista ang anumang ginagampanan o titulo na maiisip mo. Kung wala kang maisip, maaari mong rebyuhin ang “ Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol ” (ChurchofJesusChrist.org) o “Jesucristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa ilang ideya.

Maaaring masiyahan ang mga estudyante sa paggawa ng sumusunod na aktibidad kasama ang isang kapartner o sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang gagawin nila.

  • Sumulat ng card ng pasasalamat (thank-you card) para sa Tagapagligtas, na nakatuon sa isa o mahigit pa sa Kanyang mga ginagampanan o titulo. Magsama ng anumang naging karanasan mo kung saan nahiwatigan mong ginagampanan Niya ang papel na iyon sa iyong buhay, at ipahayag ang iyong pasasalamat.

Kung gumawa ang mga estudyante ng collage sa nakaraang lesson, maaari mong laktawan ang susunod na iminumungkahing aktibidad.

  • Gumawa ng isang visual na nagpapaliwanag sa mga ginagampanan o titulo ng Tagapagligtas. Magsama ng mga naaangkop na reperensyang banal na kasulatan at ipaliwanag kung bakit makabuluhan sa iyo ang mga ginagampanan o titulong ito. Maaari mo itong ibahagi sa social media kapag tapos ka na.

  • Magsulat ng maikling mensahe o maghanda ng isang maikling lesson tungkol sa isa o mahigit pa sa mga ginagampanan o titulo ng Tagapagligtas na maaari mong ituro sa seminary devotional, home evening lesson, o sa isang klase sa simbahan. Isama kung ano ang ibig sabihin ng ginagampanan o titulo at ang anumang karanasan mo nang ginampanan Niya ang papel na iyon sa iyong buhay.

Makadama ng mas matinding pagnanais na maghangad ng kapayapaan kay Cristo

Kung gumamit ng mga visual aid sa mga lesson na binanggit sa sumusunod na talata, maaari mong ipakita ang mga visual aid na iyon upang matulungan ang mga estudyante na maalala ang mga lesson na iyon. Sa halip na basahin ang talata, maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang naaalala nila mula sa mga lesson na iyon.

Sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan, malamang ay nagkaroon ka na ng mga pagkakataong matutuhan at mapag-isipan ang kapayapaang maaaring magmula kay Jesucristo. Halimbawa, maaari mong alalahanin ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit tayo sa Kanya kapag nadarama nating lubha tayong nabibigatan (tingnan sa Mateo 11:28–30) o ang paglalakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig at pagtulong Niyang iangat si Pedro nang magsimula itong lumubog (tingnan sa Mateo 14:26–33). Maaaring nagkaroon ka na ng pagkakataong magdrowing ng isang larawan sa iyong study journal bilang bahagi ng lesson sa Marcos 4:35–41 na tumalakay sa kung paano pinatigil ni Jesucristo ang bagyo sa Dagat ng Galilea. Kung mayroon kang anumang tala sa iyong study journal mula sa mga lesson na ito, maaari mong rebyuhin ang mga ito.

Pag-isipang mabuti at sagutin sa iyong study journal ang mga sumusunod na tanong upang masubaybayan mo ang iyong espirituwal na pag-unlad.

  • Paano nagbago ang iyong mga hangarin na magkaroon ng kapayapaan kay Cristo nang mapag-aralan mo ang Kanyang buhay at ministeryo?

  • Nakadama ka ba ng paglakas o paghina ng kapayapaan kay Cristo nitong nakaraang ilang linggo? Kung oo, ano sa palagay mo ang naging dahilan ng pagbabagong ito?

  • Sa iyong palagay, bakit si Jesucristo ang pinagmumulan ng kapayapaan?

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Tagapagligtas na ibigay sa iyo ang Kanyang kapayapaan?

Anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi ang ilan sa kanilang mga saloobin, impresyon, o tanong. Tulutan ang mga estudyante na “maging tapat sa [kanilang] mga tanong hangga’t maaari” habang hinihikayat din sila na huwag “hayaang makahadlang ang mga tanong na iyan sa pananampalataya [nila] na magkakaroon ng himala” (Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 94).

Maaari kang magpatotoo tungkol sa kung paano nakakadagdag sa pananampalataya ang pag-aaral tungkol sa buhay at mga turo ni Jesucristo sa Bagong Tipan. Maaaring makatulong na magbahagi ng personal na kuwento at patotoo.