Mateo 19:16–30; Marcos 10:17–31
“Ano pa ang Kulang sa Akin?” (Mateo 19:20)
Tinanong ng isang mayamang binata si Jesus kung ano ang dapat niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan. Mapagmahal na inanyayahan ni Jesus ang binata na ipagbili ang kanyang kayamanan at sumunod sa Kanya. Hihikayatin ka ng lesson na ito na matutuhan mula sa Tagapagligtas ang nais Niyang gawin mo habang sinisikap mong mas masunod Siya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Payo sa kung paano huhusay
Pumili ng isang bagay na gusto mong gawin at mahusay mong nagagawa (halimbawa, sport, instrumento sa musika, libangan, isang asignatura sa paaralan, o trabaho). Pagkatapos ay tapat na suriin ang iyong mga kakayahan sa aktibidad na iyon at ang hangarin mong humusay sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang iyong mga kalakasan? Saan ka nahihirapan o saan ka mahina?
-
Kung makapipili ka ng sinumang tao na mag-oobserba sa iyo at magbibigay sa iyo ng partikular na payo sa kung paano ka huhusay, sino ang pipiliin mo? Bakit?
Ngayon, itanong muli ang mga iyon sa iyong sarili, ngunit sa pagkakataong ito, isipin ang iyong espirituwal na progreso (halimbawa, maaari kang magtuon sa iyong kaalaman sa ebanghelyo, sa iyong pagiging karapat-dapat, sa iyong mga hangarin para sa pagpapabuti, o sa iyong mga katangiang tulad ng kay Cristo).
Sa Bagong Tipan, nalaman natin ang tungkol sa isang binata na nagpasyang humingi ng payo mula sa Tagapagligtas. Basahin ang Mateo 19:16–19 para malaman ang tanong ng binatang ito at kung paano unang tumugon ang Tagapagligtas sa kanya.
-
Sa iyong palagay, sa paanong paraan naaangkop din sa ating buhay ang tugon ng Tagapagligtas sa binatang ito?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang sagot?
Basahin at markahan ang itinanong ng binata na nakatala sa Mateo 19:20 . Maaari mong isulat muli ang kanyang tanong sa iyong banal na kasulatan gamit ang sarili mong mga salita.
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na:
Bawat isa sa atin, kung nais nating marating ang pagiging perpekto, ay kailangang itanong ito minsan sa ating sarili, “Ano pa ang kulang sa akin?”
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 230)
-
Paano makatutulong sa atin ang tanong na ito para mas masunod natin si Jesucristo?
-
Paano maiimpluwensyahan ang ating mga pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas kung hindi natin itatanong ito?
-
Bakit pinakaangkop ang Ama sa Langit at si Jesucristo para matulungan kang malaman kung ano ang kailangan mong baguhin?
Ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos ay nagdaragdag ng ilang mahahalagang detalye tungkol kay Jesucristo sa salaysay na ito. Basahin ang Marcos 10:21 , at maghanap ng katibayan ng sumusunod na katotohanan: Dahil mahal tayo ni Jesucristo, tutulungan Niya tayong malaman kung ano ang kulang sa mga pagsisikap nating sumunod sa Kanya.
Pansinin na hindi binanggit sa Marcos 10:21 na hayagang sinambit ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal. Subalit isinulat ni Marcos na “[siya’y minamahal ni Jesus].” Mag-ukol ng oras para pagnilayan kung ano ang pananaw ni Jesucristo sa iyo at ang pagmamahal na nadarama Niya para sa iyo.
-
Bakit mahalagang malaman na mahal ni Jesucristo ang mga lumalapit sa Kanya para sa pagwawasto?
-
Paano nagiging tanda ng Kanyang pagmamahal ang mga paanyaya ng Tagapagligtas na mas magpakabuti?
-
Ano ang itinuturo ng Eter 12:27 tungkol sa kung paano ka matutulungan ng Panginoon?
Basahin ang Marcos 10:22 para makita kung ano ang piniling gawin ng binata.
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang posibleng kahihinatnan ng pasiya ng binata.
Naiwan tayong nag-iisip ng maaari sanang nangyari kung nakasama ng [mayamang lalaki] ang Anak ng Diyos, kung nakasama niya ang mga apostol, at ano kayang mga paghahayag at pangitain ang maaari niyang natanggap, kung nagawa niyang sundin ang batas ng kahariang selestiyal. Sa kabila nito, siya ay nanatiling walang pangalan; kung sakali, nagkaroon sana ng marangal na pag-alaala ang kanyang pangalan sa mga banal magpakailanman.
(Bruce R. McConkie, “Obedience, Consecration, and Sacrifice,” Ensign, Mayo 1975, 51)
-
Kung maaari mong balikan ang panahong iyon at kausapin ang binatang ito bago siya nagpasiyang tumanggi sa paanyaya ng Tagapagligtas, ano ang sasabihin mo sa kanya?
Handa ka bang magtanong at sumunod?
Pumikit ka at isipin na kunwari ay tinitingnan ka ng Tagapagligtas nang may gayon ding pagmamahal para sa binata sa salaysay na ito.
Ipinaabot ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu ang sumusunod na paanyaya at pangako.
Gusto kong imungkahi na bawat isa sa inyo ay makibahagi kaagad sa isang espirituwal na ehersisyo, siguro mamayang gabi habang nagdarasal kayo. Mapagpakumbabang itanong ito sa Panginoon: “Ano po ang humahadlang sa pag-unlad ko?” Sa madaling salita: “Ano pa po ang kulang sa akin?” Pagkatapos ay tahimik na maghintay sa sagot. Kung ikaw ay matapat, ang sagot ay magiging malinaw. Ito ay magiging paghahayag para sa iyo.
(Larry R. Lawrence, “Ano Pa ang Kulang sa Akin?” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 35)
-
Ano sa palagay mo ang magiging epekto sa buhay mo ng pagtanggap sa payo na ito ni Elder Lawrence? Ano ang maaaring maging epekto ng hindi pagtanggap nito?
-
Ano ang epekto ng alam mong mahal ka ni Cristo sa kahandaan mong itanong ito?
Mag-ukol ng panahon ngayon na itanong sa Diyos kung ano ang nais Niyang baguhin mo sa iyong buhay. Maaaring ito ay isang bagay na dapat mo nang ihinto, simulang gawin, o gawin sa ibang paraan. Pagkatapos ay pagnilayan ang iyong buhay at isulat ang mga ideya at impresyong dumarating sa iyo. (Kung hindi kaagad darating ang sagot sa iyo, patuloy na magtanong nang may determinasyong sundin ang sagot kapag natanggap mo ito. Sasagot ang Diyos sa tamang panahon at sa pinakamainam na paraan para sa iyo.)
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano nagiging tanda ng Kanyang pagmamahal ang mga paanyaya ng Tagapagligtas na magsisi?
Itinuro ni Elder S. Mark Palmer ng Pitumpu:
Kung tayo ay mapagkumbaba, tatanggapin natin ang paanyaya ng Panginoon na magsisi, magsakripisyo, at maglingkod bilang patunay ng Kanyang sakdal na pagmamahal para sa atin. Sa huli, ang paanyayang magsisi ay paanyaya rin na tanggapin ang napakagandang kaloob na kapatawaran at kapayapaan.
(S. Mark Palmer, “At Pagtitig sa Kaniya ni Jesus, ay Giniliw Siya,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 116)
Mabuti bang patuloy na mag-alala tungkol sa ating mga pagkukulang?
Sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sapat na ba ang ginagawa ko? Ano pa ba ang dapat kong gawin? Ang gagawin natin bilang tugon sa mga tanong na ito ay mahalaga sa ating kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. …
Ngunit gayon din, hindi nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magulumihanan tayo ng patuloy na kawalang-katiyakan sa ating mortal na paglalakbay, napapaisip kung sapat na ang kabutihang nagawa natin upang maligtas at madakila.
(Dale G. Renlund, “Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad na may Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 111)
Marcos 10:25 . Ano ang ibig sabihin ng “isang kamelyong [dumaraan] sa butas ng isang karayom”?
May mga nagsasabi na ang butas ng karayom ay isang maliit na pintuan sa pader ng lungsod ng Jerusalem, na kailangang alisin ang pasan ng kamelyo para makapasok dito. Walang katibayan na may ganoong pintuan. Iminungkahi naman ng iba na kapag binago ang isang letra sa teksto ng Griyego ay mababago rin ang nasa banal na kasulatan, na ibig sabihin ay isang lubid, hindi kamelyo, ang kailangang makapasok sa butas ng karayom. Gayunman, nang banggitin ni Jesucristo ang isang kamelyo na pumapasok sa butas ng isang karayom, ito marahil ay halimbawa lamang ng isang hyperbole, isang sadyang pagmamalabis o eksaherasyon sa pagpapahayag upang ituro na “mahirap [hindi madali] na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit” ( Mateo 19:23).
(New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 63)
Marcos 10:23–27 . Mahirap ba o imposible ba para sa isang mayamang tao na pumasok sa langit?
Mababasa sa Joseph Smith Translation ng Marcos 10:27 na, “Sa mga taong nagtitiwala sa mga kayamanan, ito’y hindi maaaring mangyari; ngunit maaari ito sa mga taong nagtitiwala sa Diyos at pinipiling iwan ang lahat para sa akin, dahil sa pamamagitan nito lahat ng bagay na ito ay maaaring mangyari” (Joseph Smith Translation, Mark 10:26).
Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral
Ang maniningil ng buwis at ang Fariseo
Sabihin sa mga estudyante na paghambingin ang pag-uugali sa panalangin ng dalawang lalaking inilarawan sa Lucas 18:9–14 at talakayin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod:
-
Paano maaapektuhan ng ating pag-uugali ang ating mga hangaring humingi ng payo at pagwawasto?
-
Paano nito maaapektuhan ang ating kahandaang tanggapin at isabuhay ang payong nakukuha natin mula sa Panginoon, sa mga lider ng Kanyang Simbahan, sa ating mga magulang, at sa iba?
Upang makatanggap ng buhay na walang hanggan, dapat handa tayong isuko ang anumang hinihingi ng Panginoon sa atin
Ihambing ang reaksyon ng binata sa Marcos 10:21–22 sa iba pang inatasan na gumawa ng gayon ding mga sakripisyo. Kabilang sa ilang halimbawa si Lehi (tingnan sa 1 Nephi 2:2–4); Pedro, Santiago, Juan, at Andres (tingnan sa Mateo 4:18–22); Mateo, na tinatawag ding Levi (tingnan sa Lucas 5:27–29); Moises (tingnan sa Mga Hebreo 11:24–27); at matatapat na tao sa ating panahon.
Sa paanong paraan tinupad ng Tagapagligtas ang pangakong ginawa Niya na nakatala sa Mateo 19:29 sa mga taong handang isakripisyo ang lahat ng hinihingi Niya sa kanila?