Seminary
Lucas 1:1–38


Lucas 1:1–38

“Sa Diyos ay Walang Salitang Hindi Mangyayari”

The angel Gabriel (Noah) appearing to Mary and declaring to her that she would become the mother of Jesus Christ. Mary is depicted seated on a round stone ledge. The ledge borders a tree and flowers. The angel Gabriel is depicted wearing white robes. A stone wall and stairways are in the background. There are flowers in the foreground. Luke 1:26-38

Nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Maria upang ibalita ang pagsilang ni Jesucristo. Nagpatotoo siya na “sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37). Ang matapat na sagot ni Maria ay makatutulong sa iyo na matutuhan kung paano tumugon sa kalooban ng Panginoon nang may mas malaking tiwala sa Kanya.

Pag-anyaya sa mga estudyante na kumilos. Natututo ang mga estudyante habang aktibo silang nakikibahagi sa proseso ng pag-aaral at namumuhay ayon sa ebanghelyo. Habang nagtuturo ka, maghanap ng mga paraan para makabahagi ang mga estudyante sa karanasan sa pag-aaral. Kapag kumikilos sila nang may pananampalataya, mas magbabalik-loob ang mga estudyante sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang alam mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na tumutulong sa iyo na magtiwala sa Kanila?

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara.

  • Sino ang maituturing mo na pinakamaimpluwensyang mga kababaihan sa iyong buhay?

Magpakita ng larawan ni Maria, tulad ng larawang matatagpuan sa simula ng lesson.

Sa lesson na ito, marami ka pang matututuhan tungkol kay Maria, ang ina ni Jesucristo.

  • Sa iyong palagay, bakit dapat ituring si Maria na isa sa pinakamaimpluwensyang kababaihan sa kasaysayan ng mundo?

Ang buhay at misyon ni Maria ay ipinropesiya maraming taon bago siya isinilang. Pag-aralan ang mga sumusunod na propesiya tungkol kay Maria, at alamin kung ano ang itinuturo sa iyo ng mga ito tungkol sa kanya.

  • Ano ang nalaman mo tungkol kay Maria mula sa mga banal na kasulatang ito?

Pambungad sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas

Ang salaysay tungkol sa nabatid ni Maria na siya ang magiging ina ni Jesucristo ay nakatala sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas.

Ipabatid sa mga estudyante ang tungkol sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas. Ang isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagbubuod ng sumusunod na talata.

Maaari ding makatulong na ibahagi ang ilan sa impormasyon sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” sa ilalim ng heading na “Bakit kailangang pag-aralan ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas?”

Si Lucas ay isang manggagamot (tingnan sa Colosas 4:14) at “isang sugo ni Jesucristo” ( Joseph Smith Translation, Luke 1:1 [sa Luke 1:1, footnote a]). Maraming pangyayari mula sa buhay ng Tagapagligtas ang matatagpuan lamang sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas, kabilang na ang pagpapahayag ng anghel kay Maria na siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Ang pangyayaring ito ay kilala bilang ang Pagpapahayag.

Habang pinag-aaralan mo ang salaysay na ito at ang halimbawa ng katapatan ni Maria, bigyang-pansin ang natututuhan mo at ang mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap mo.

Nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Maria

Basahin ang Lucas 1:26–37 , at maghanap ng mga detalyeng nauugnay sa pagpapahayag ng anghel kay Maria.

Maaari mo ring panoorin ang video na “An Angel Foretells Christ’s Birth to Mary” (4:07), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, habang sinusundan mo ito ng pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan.

4:7
  • Aling mga detalye mula sa pahayag ang tila pinakamahalaga sa iyo?

  • Ano ang mga katanungan mo tungkol sa nabasa mo?

Ang isang katotohanan na maaaring napansin mo mula sa salaysay na ito ay sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang isa sa mga paraan kung paano naaangkop sa iyo ang katotohanang ito:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Hihilingan kayong tumanggap ng mahihirap na gawain at magiging kasangkapan kayo sa mga kamay ng Panginoon. At bibigyan Niya kayo ng kakayahang gawin ang imposible.

(Russell M. Nelson, “Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 10, 2016], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.)

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa una sa mga sumusunod na tanong. Kung kinakailangan, tulungan silang mag-isip ng iba’t ibang paraan ng pagsagot sa tanong na ito, kabilang na ang pagdaig sa masasamang gawi o kasalanan, pagiging mabait, pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, pagtupad sa mga responsibilidad sa Simbahan, paglilingkod sa misyon, at iba pang mga paraan.

  • Ano kaya ang ipagagawa sa iyo ng Panginoon na tila imposible?

  • Bakit kung minsan ay tila imposibleng magawa ang mga bagay na ito?

Kung minsan, kapag nahaharap tayo sa mga gawain na tila imposibleng magawa, makatutulong na tingnan ang mga halimbawa ng ibang tao na tumugon nang may pananampalataya kahit sila ay nasa mahirap na sitwasyon.

Basahin ang Lucas 1:38 , at alamin kung paano tumugon si Maria pagkatapos niyang malaman na siya ang magiging ina ni Jesus.

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng tugon ni Maria tungkol sa kanya?

  • Sa iyong palagay, anong mga katotohanan ang makatutulong sa isang tao na magtiwala sa Panginoon tulad ng ginawa ni Maria, kahit na tila imposible ang isang bagay na iniuutos ng Panginoon?

Kung makikinabang ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga karagdagang halimbawa ng mga taong tumugon nang may pananampalataya kahit tila nasa imposibleng sitwasyon sila, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na makahanap ng gayong halimbawa sa mga banal na kasulatan. Maaaring makatulong na ituon sila sa mga salaysay na tulad ng pagkuha ni Nephi ng mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3–4), ang paghati ni Moises sa Dagat na Pula (tingnan sa Exodo 14:10–31), o ibang salaysay sa mga banal na kasulatan.

Magpakita o magbigay sa mga estudyante ng kopya ng susunod na bahagi ng pahayag ni Pangulong Nelson.

Mag-isip ng isang bagay na ipinagagawa sa iyo ng Panginoon na maaaring imposible. Habang binabasa mo pa ang pahayag ni Pangulong Nelson, maghanap ng mga partikular na bagay na magagawa mo para matulungan kang magawa ang imposible:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Paano ninyo isasagawa ang imposible? Sa paggawa ng lahat ng kailangan para mapalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapaibayo ng inyong pag-unawa sa doktrinang itinuturo sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan at sa walang-sawang paghahangad sa katotohanan. … Kapag hinilingan kayong gawin ang imposible, magagawa ninyo ito nang may pananampalataya at masaya ninyong gagawin ang lahat ng makakaya ninyo para isakatuparan ang mga layunin ng Panginoon.

Magkakaroon kayo ng mga araw na labis kayong panghihinaan ng loob. Kaya, manalangin para magkalakas-loob na huwag sumuko!

(Russell M. Nelson, “Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 10, 2016], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.)

Sabihin sa mga estudyante na itala ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Ipakita lang ang pahayag ni Pangulong Nelson habang nagsusulat sila para magamit nila ito bilang sanggunian. Pagkatapos ng sapat na oras na nakapagsulat sila, anyayahan ang ilang nagboluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

  • Ano ang isang gawain mula sa pahayag ni Pangulong Nelson ang nais mong mas pagbutihin pa?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo na mas pagbutihin ang aspetong ito para magawa mo ang tila imposible sa iyong buhay?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit kailangang pag-aralan ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas?

Ang ilan sa mga pinakakilalang kuwento ng Sangkakristiyanuhan ay natatangi sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas: ang mga sitwasyong nauugnay sa pagsilang ni Juan Bautista (tingnan sa Lucas 1:5–25, 57–80); ang tradisyonal na kuwento ng Pasko (tingnan sa Lucas 2:1–20); ang kuwento tungkol kay Jesus noong Siya ay 12 taong gulang na bata sa templo (tingnan sa Lucas 2:41–52); mga talinghaga tulad ng mabuting Samaritano (tingnan sa Lucas 10:30–37), ang alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:11–32), at ang mayamang lalaki at si Lazaro (tingnan sa Lucas 16:19–31); ang kuwento tungkol sa sampung ketongin (tingnan sa Lucas 17:11–19); at ang salaysay tungkol sa nabuhay na mag-uling Panginoon na naglakad kasama ang Kanyang mga disipulo sa daan patungong Emaus (tingnan sa Lucas 24:13–32).

Ang iba pang mga natatanging tampok sa salaysay ay ang paglakip ni Lucas ng mga turo ni Juan Bautista na hindi matatagpuan sa iba pang mga Ebanghelyo (tingnan sa Lucas 3:10–14); ang kanyang pagbibigay-diin sa pagiging mapanalangin ni Jesucristo (tingnan sa Lucas 3:21 ; 5:16 ; 9:18, 28–29 ; 11:1); at ang paglakip niya ng katungkulan, training, at gawaing misyonero ng Pitumpu (tingnan sa Lucas 10:1–22). Bukod pa riyan, si Lucas lamang ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nagtala na ang Tagapagligtas ay nagtigis ng Kanyang dugo sa Getsemani, at pinaglingkuran Siya ng isang anghel (tingnan sa Lucas 22:43–44).

Lucas 1:26.

Sino ang anghel na si Gabriel?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44) ang tungkol sa identidad ng anghel na si Gabriel:

Half-length frontal portrait of the Prophet Joseph Smith, Jr. Joseph’s head is turned to the side in a three-quarter view, right hand on hip and his left hand holds sheets of papers. He is depicted wearing a dark brown suit and a white shirt and tie.

[Si] Noe, … [ay] si Gabriel; kasunod siya ni Adan sa awtoridad sa Priesthood; tinawag siya ng Diyos sa katungkulang ito, at siya ang ama ng lahat ng nabubuhay sa kanyang panahon, at ipinamahala ito sa kanya.

Lucas 1:27.

Ano ang ibig sabihin ng si Maria ay “nakatakdang ikasal [kay] … Jose”?

Sa sinaunang Israel, kapag napagkasunduan ang kasal, ang kasal ay binubuo ng dalawang yugto: kasunduang pakasal (na tinatawag ding pagtatakda ng kasal; tingnan sa Mateo 1:18) at seremonya ng kasal. Bagama’t legal na itinuturing na mag-asawa ang mga nakatakdang pakasal (tingnan sa Deuteronomio 22:23–24), sa pagitan ng panahon ng pagkakasundo sa pagpapakasal at seremonya ng kasal, ipinapatupad ang isang mahigpit na batas ng kalinisang-puri (tingnan sa Mateo 1:18–25 ; tingnan din sa New Testament Student Manual[2014], 13).

Lucas 1:30–35.

Ano ang alam natin tungkol sa mahimalang pagdadalang-tao ni Maria?

Noong tinanong ni Maria kung paano siya magiging ina ni Jesus, “samantalang ako’y wala pang nakikilalang lalaki” ( Lucas 1:34), ipinaalam lang sa kanya ni Gabriel na siya ay lililiman ng Espiritu Santo at ang kanyang anak ay magiging Anak ng Diyos (tingnan sa Lucas 1:35). Ang iba pang mga banal na kasulatan na tumutukoy sa paglilihi kay Jesucristo ay nagbibigay-diin din na Siya ang Anak ng Diyos, ngunit hindi inihayag kung paano nangyari ang himalang ito (tingnan sa Mateo 1:18–20 ; 1 Nephi 11:14–15, 18–21 ; Alma 7:10).

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Lucas 1:5–25

. Dumarating ang mga biyaya ng Diyos sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang biyaya o sagot mula sa Diyos na hinihintay o inaasam nila.

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang salaysay tungkol kay Zacarias at Elizabeth sa Lucas 1:5–25 , at maghanap ng mga aral na matututuhan nila tungkol sa takdang panahon ng Panginoon.

Pagkatapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga banal na kasulatang ito, sabihin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila. Maaari kang gumamit ng mga tanong tulad ng mga sumusunod upang mas mapaganda ang talakayan:

  • Sa palagay mo, ano ang natutuhan nina Zacarias at Elizabeth tungkol sa Panginoon sa pamamagitan ng kanilang karanasan na inilarawan sa mga banal na kasulatang ito?

  • Ano ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito tungkol sa kung ano ang gagawin mo habang naghihintay ka ng biyaya o sagot mula sa Diyos?

  • Anong iba pang mga halimbawa ng pagtitiwala sa kalooban at takdang panahon ng Panginoon ang naiisip mo na mula sa sarili mong buhay o mula sa mga salaysay sa mga banal na kasulatan?

  • May mga pagkakataon ba sa iyong buhay na sinagot ng Panginoon ang isang panalangin ngunit hindi sa paraan o panahong inasahan mo?

Isang halimbawa sa makabagong panahon kung saan tinulungan ng Diyos ang isang tao na magawa ang imposible

Para matulungan ang mga estudyante na makakita ng makabagong pagsasalarawan na sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari o walang imposible sa Diyos, maaari mong ipanood ang video na “Sweet Power of Prayer” (time code na 4:14 hanggang 8:38), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Sa video na ito, isinalaysay ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang karanasan kung saan inilahad ng Diyos kung paano ayusin ang puso ng isang pasyente sa oras ng operasyon.

2:3