Mateo 1:18–25; Lucas 1:26–35
Jesucristo: Anak ng Diyos at ni Maria
Sinabi ng anghel na si Gabriel kay Maria na ang batang isisilang niya ay magiging “Anak ng Kataas-taasan” (Lucas 1:32). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paanong ang mga katangiang namana ni Jesus sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama ang dahilan kung bakit Siya lang ang may kakayahang tulungan tayong madaig ang lahat ng hamon ng mortalidad.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagdaig sa mga hamon
-
Ano ang ilan sa mga pinakakaraniwang hamon na masasabi mong kinakaharap ng mga taong kaedad mo?
-
Saan bumabaling ang mga kabataan kapag sinisikap nilang harapin ang mga hamong ito?
Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na patotoo tungkol kay Jesucristo:
Si Jesucristo ang sagot palagi. Sa pag-unawa sa Kanyang misyon at sa Kanyang ebanghelyo, ang ating pagmamahal para sa Kanya at ang ating paniniwala at pag-asa sa Kanya ay nagbibigay sa atin ng lakas.
(Ronald A. Rasband, “Si Jesucristo ang Sagot,” [isang gabi kasama ang General Authority, Peb. 8, 2019], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
-
Sa iyong palagay, bakit si Jesucristo ang sagot palagi kapag nahaharap tayo sa mga hamon o tanong sa buhay?
Pag-isipan sandali ang iyong pananampalataya at tiwala kay Jesucristo. Gaano ka kadalas umaasa ng lakas at suporta sa Kanya?Sa pag-aaral mo sa araw na ito, maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang matulungan kang matutuhan ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na magpapaibayo ng iyong pananampalataya sa Kanya at aakayin kang bumaling sa Kanya nang madalas para humingi ng kapanatagan at lakas.
Mga magulang ni Jesucristo
Si Jesucristo lang ang may kakayahang tulungan tayo sa anumang hamon o tanong na kinakaharap natin sa mortalidad dahil sa mga katangiang namana Niya sa Kanyang mga magulang.
Pag-aralan ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at hanapin ang mga turo tungkol sa kung sino ang mga magulang ng Tagapagligtas:
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama at ina ni Jesucristo?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay si Jesucristo ang banal na Anak ng Diyos Ama at ni Maria.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at hanapin ang mga katangiang namana ni Jesucristo sa Ama sa Langit at kay Maria.
Mula sa Kanyang imortal na Ama, minana ni Jesus ang kapangyarihang mabuhay magpakailanman. Mula sa Kanyang mortal na ina, namana Niya ang kapalarang dumanas ng pisikal na kamatayan.Ang mga kakaibang katangiang iyon ay mahalaga sa Kanyang misyon na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Kaya’t isinilang si Jesus ang Cristo upang mamatay (tingnan sa 3 Nephi 27:13–15). Siya ay namatay upang mabuhay tayo. Siya ay isinilang upang ang buong sangkatauhan ay mabuhay pagkatapos mamatay.
(Russell M. Nelson, “Christ the Savior Is Born,” New Era, Dis. 2006, 5)
-
Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa pahayag na ito?
Mula sa Kanyang inang si Maria na isang mortal na babae, namana ni Jesus ang mortalidad, kasama na ang pisikal na pagkamatay. Mula sa Diyos, ang ating Ama sa Langit, namana ni Jesus ang imortalidad, ang kakayahang mabuhay magpakailanman sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli. Naranasan din Niya ang mga pasakit, tukso, at kalungkutang kaakibat ng mortalidad at tiniis ang sakit at pagdurusa ng Pagbabayad-sala na hindi matitiis ng sinumang tao (tingnan sa Mosias 3:7).
Basahin ang Mosias 7:33 , at maghanap ng mga kabatiran kung paano natin matatamo ang tulong ng Tagapagligtas sa ating mga hamon sa buhay.
-
Ano ang natutuhan mo mula sa talatang ito tungkol sa kung paano natin matatamo ang tulong ng Tagapagligtas?
Dahil sa Kanya
Panoorin ang video na “Dahil sa Kanya” (2:36), at hanapin ang ilan sa mga bagay na nagawa ng Tagapagligtas dahil naparito Siya sa mundo, naranasan ang mortalidad, at nadaig ang lahat ng bagay. Ang video na ito ay mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org.
Gumawa ng sarili mong mensahe tungkol sa Tagapagligtas na nagsisimula sa mga salitang “Dahil sa Kanya.” Maaari mong kumpletuhin ang parirala gamit ang isa o higit pang pahayag tungkol sa bagay sa buhay mo na ang Tagapagligtas lang ang makatutulong sa iyo o nakatulong sa iyo. Maaari kang gumamit ng mga art material upang mapaganda ang iyong gawa kung mayroon kang sapat na oras at mga materyal.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Mateo 1:18 . Ano ang ibig sabihin ng si Maria “ay natuklasang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo”?
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Dahil sa mga patotoo ng mga itinalagang saksi, walang pagdududa sa ama ni Jesucristo. Ang Diyos ay ang Ama ng Kanyang pisikal na katawan, at si Maria, isang mortal na babae, ang Kanyang ina. …
… Hindi Siya anak ni Jose, at hindi rin Siya anak ng Espiritu Santo. Siya ang Anak ng Amang Walang Hanggan!
(Ezra Taft Benson, “Five Marks of the Divinity of Jesus Christ,” Ensign, Dis. 2001, 10, 11)
Si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ay nagbabala tungkol sa pagtatangkang ipaliwanag ang lahat ng detalyeng naganap sa mahimalang pagsilang ng Tagapagligtas.
Kung matalino ang mga guro sa pagtuturo tungkol sa [paglilihi kay Jesucristo] na kakaunti lang ang binanggit tungkol dito ng Panginoon, tatapusin nila ang pagtalakay sa paksang ito sa mga salitang nakatala lamang tungkol sa paksang ito sa Lucas 1:34–35. … Sapat na para sa Panginoon ang kaalamang ibinigay Niya sa atin tungkol sa bagay na ito at maghintay tayo hanggang sa magpasiya Siyang dagdagan ang sinabi Niya sa atin tungkol dito.
(The Teachings of Harold B. Lee, ed. Clyde J. Williams [1996], 14)
Ano ang nagawa ni Jesus sa tulong ng mga katangiang namana Niya sa Kanyang mga magulang?
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Nang ang Dakilang Diyos ng Sansinukob ay nagpakababa upang isilang ng mortal na babae, ipinasakop Niya ang Kanyang sarili sa mga kahinaan ng mortalidad, upang “[magdanas] ng mga tukso, at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan” ( Mosias 3:7). Ang mga kahinaang ito ay namana Niya mula sa Kanyang mortal na ina. Ngunit dahil ang Kanyang ama ay Diyos, si Jesucristo ay may kapangyarihang hindi kailanman tinaglay ng isang tao. Siya ang Diyos na nagkatawang-tao—maging ang Anak ng Diyos. Ang mga kapangyarihang ito ay nagbigay sa Kanya ng kakayahang gawin ang mga himala, mga tanda, mga kababalaghan, ang dakilang Pagbabayad-sala, at ang Pagkabuhay na Mag-uli—na siyang mga karagdagang tanda ng Kanyang pagka-Diyos.
(Ezra Taft Benson, “Five Marks of the Divinity of Jesus Christ,” Ensign, Dis. 2001, 10)
Mateo 1:25 . Ano ang ibig sabihin ng “hindi [siya] nakilala” ni Jose?
Ang terminong nakilala sa Biblia ay maaaring tumukoy sa seksuwal na relasyon (tingnan sa Genesis 4:1). Si Jose ay walang seksuwal na relasyon kay Maria bago isinilang si Jesus. Pinagtitibay ng detalyeng ito ang katotohanan na hindi siya ang maaaring maging ama ni Jesus at mahimala ang paglilihi kay Jesus.
Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral
Mga Titulo ng Tagapagligtas
Maaari mong pag-aralan ang mga pangalan at titulo ng Tagapagligtas na nakatala sa Mateo 1 at Lucas 1 . (Maaari kang maghanap ng impormasyon sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga titulong ito?Jesus ( Mateo 1:21 ; Lucas 1:31)Emmanuel ( Mateo 1:23)Anak ng Kataas-taasan ( Lucas 1:32)Anak ng Diyos ( Lucas 1:35)