Seminary
Mateo 1:1–17


Mateo 1:1–17

Si Jesucristo ang Ipinangakong Mesiyas

Jesus teaches about the Good Shepherd and His other sheep.

Si Mateo, na kilala rin bilang si Levi, ang may-akda ng unang Ebanghelyo ng Bagong Tipan. Isa sa kanyang mga layunin sa pagsusulat ay upang ipakita na tinupad ni Jesus ang mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. Sa lesson na ito, matututuhan mo ang tungkol kay Jesucristo bilang ang ipinangakong Mesiyas at makadarama ka ng higit na pagpapahalaga sa Kanya.

Maghanda para sa klase. Kapag pumasok nang handa sa klase ang mga estudyante, inaanyayahan nila ang Espiritu Santo na turuan sila at mas matutulungan nila ang iba pang estudyante na matuto. Matutulungan mo ang mga estudyante na pumasok nang handa para sa klase sa iba’t ibang paraan. Hangaring magbigay ng mga paanyaya sa mga estudyante na makatutulong sa paghahanda ng kanilang mga isip at puso na matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase nang pinag-iisipan kung bakit mahalaga sa kanila si Jesucristo. Maaari din nilang itanong sa pamilya o mga kaibigan kung ano ang nararamdaman nila tungkol sa Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit mahalaga si Jesucristo sa iyo

Magpakita ng larawan ni Jesucristo, tulad ng larawan na nasa simula ng lesson.

Sa ating panahon, “marami sa mundo ang walang gaanong alam tungkol kay Jesucristo” (Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 88).

  • Sa iyong palagay, bakit maraming tao sa mundo ang walang gaanong alam tungkol kay Jesucristo?

Ipagpalagay mo na may isang minuto ka lang upang sabihin sa isang taong hindi pamilyar kay Jesucristo kung sino ang Tagapagligtas at kung bakit Siya mahalaga sa iyo. Isulat ang “Jesucristo” sa gitna ng isang papel o sa iyong study journal. Palibutan ang Kanyang pangalan ng mahahalagang detalye na gusto mong ibahagi sa 60 segundong iyon. Maaari kang magdagdag ng iba pang detalye sa iyong papel sa buong oras ng lesson.

Anyayahan ang ilang boluntaryo na magbahagi ng isang bagay na isinulat nila sa kanilang papel. Kung nakumpleto na ng mga estudyante ang aktibidad sa paghahanda, maaari mo ring ipabahagi sa kanila ang natutuhan nila tungkol sa dahilan kung bakit mahalaga si Jesucristo sa kanilang mga kaibigan o pamilya.

Maaari mong panoorin ang video na “Who Is Jesus Christ? A 60-Second Overview” (1:22), na mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org. Habang nanonood ka, isipin kung bakit mahalaga pa rin si Jesucristo sa mundo ngayon, kahit sa mga taong hindi nakakakilala sa Kanya.

2:3

Nagpatotoo si Mateo na si Jesucristo ang Mesiyas

Tumulong na ipabatid sa mga estudyante ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na impormasyon.

Tulad ng maraming tao sa mundo ngayon na hindi pa nauunawaan ang kahalagahan ni Jesucristo, maraming tao na nabuhay noong panahon ng Tagapagligtas ang hindi rin naunawaan ang Kanyang kahalagahan.

Si Mateo ay isa sa Labindalawang Apostol ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 10:2–4) at saksi sa marami sa mga pangyayaring inilarawan niya mula sa buhay ng Tagapagligtas. Isinulat niya ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo upang matulungan ang mga tao, lalo na ang mga Judio na hindi naniniwala sa Tagapagligtas, na makilala kung sino talaga si Jesucristo. Partikular na binigyang-diin ni Mateo ang katotohanan na si Jesucristo ang ipinangakong Mesiyas sa pamamagitan ng madalas na pagbanggit sa mga sinaunang propesiya tungkol sa Mesiyas na isinakatuparan ni Jesucristo.

Sinimulan ni Mateo ang kanyang salaysay sa pamamagitan ng pagtatala ng lahing pinagmulan ni Jesus. Isinama niya ang mahahalagang tao at detalye (tingnan sa Mateo 1:1–17). Basahin ang Mateo 1:16 , na hinahanap ang pariralang “Jesus na tinatawag na Cristo.” Maaari mong salungguhitan ang pariralang iyan sa iyong mga banal na kasulatan.

  • Ano ang alam mo tungkol sa kahulugan ng titulong “Cristo”?

Ang salitang Hebreo para sa “Cristo” ay “Mesiyas.” Basahin ang entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na “ Mesiyas ” upang malaman pa ang tungkol sa kahulugan ng titulong ito at kung bakit maraming Judio ang hindi tumanggap kay Jesus bilang Cristo.

  • Ano ang matututuhan mo tungkol sa misyon ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-unawa sa Kanyang mga titulo na “Cristo” at “Mesiyas”?

Noong unang panahon, ang mga tao ay pinapahiran ng langis bilang paghahanda sa pagganap sa mga espesyal na tungkulin. Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo ay puno ng mga halimbawa ng pagsasakatuparan ni Jesucristo ng mga sinaunang propesiya tungkol sa mga bagay na hinirang Siya na gawin. Maghanap ng dalawa o tatlo sa mga halimbawang ito sa iyong mga banal na kasulatan (tingnan ang sumusunod na talahanayan). Isipin kung bakit inihayag ng Ama sa Langit ang mga detalye tungkol sa gagawin ni Cristo maraming taon bago pumarito si Cristo.

Ipakita ang sumusunod na talahanayan upang mahanap ng mga estudyante ang mga propesiya at katuparan ng mga ito.

Mga Propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas

Mga Katuparan sa pamamagitan ni Jesucristo

Ang Mesiyas ay magiging inapo nina Abraham at David (tingnan sa Jeremias 23:5–6 ; Genesis 22:18).

Mateo 1:1, 6, 17

Ang Mesiyas ay isisilang ng isang birhen (tingnan sa Isaias 7:14 ; Alma 7:10).

Mateo 1:21–23

Ang Mesiyas ay isisilang sa Bethlehem (tingnan sa Mikas 5:2).

Mateo 2:4–6

Ang Mesiyas ay magmumula sa Nazaret (tingnan sa 1 Nephi 11:13).

Mateo 2:23

Pagagalingin ng Mesiyas ang mga maysakit (tingnan sa Isaias 53:4 ; Mosias 3:5).

Mateo 8:16–17

Ang Mesiyas ay magtuturo gamit ang mga talinghaga (tingnan sa Mga Awit 78:2).

Mateo 13:35

Ang Mesiyas ay papasok sa Jerusalem nang nakasakay sa isang asno (tingnan sa Zacarias 9:9).

Mateo 21:1–7

Nagpatotoo si Jesucristo na Siya ang Mesiyas

Ang isa pang katuparan ng propesiya sa Lumang Tipan ay nakatala sa Lucas 4:16–21 . Nang dalawin ni Jesus ang Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret, pumasok Siya sa sinagoga (simbahan) at binasa mula sa aklat ni Isaias ang isang propesiya tungkol sa banal na misyon ng Mesiyas. Matapos magbasa, ipinahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas sa pagsasabing natupad na ngayon ang propesiya ni Isaias.

Basahin ang Isaias 61:1–2 , at hanapin ang ipinropesiya ni Isaias tungkol sa mga bagay na hinirang ang Mesiyas upang gawin. Markahan ang mga salita o parirala na sa palagay mo ay nagpapakita na tumutugma si Jesucristo sa mga paglalarawang itinala ni Isaias.

Maaari mo ring panoorin ang video na “Jesus Declares He Is the Messiah” mula sa time code na 0:00 hanggang 2:05. Ang video na ito ay mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org.

3:25
  • Anong mga salita o parirala mula sa Isaias 61:1–2 ang nagpapatunay sa iyo na si Jesucristo ang ipinropesiyang Mesiyas?

  • Paano naisakatuparan ng Tagapagligtas ang alinman sa mga propesiyang ito sa iyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala mo?

Magdagdag ng mga detalye tungkol kay Jesucristo sa papel na sinimulan mong sulatan sa simula ng lesson. Sagutin ang mga sumusunod na tanong upang matulungan kang makaisip pa ng mga detalye na idaragdag.

  • Ano ang matututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga propesiyang ito tungkol sa Mesiyas at sa katuparan ng mga ito?

  • Ano ang gagawin ni Jesucristo sa pagparito sa mundo? Bakit mahalagang maunawaan ang Kanyang misyon?

  • Bakit mahalaga si Jesucristo sa iyo?

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Mesiyas. Maaari silang bigyan ng isa o dalawang minuto para ibahagi ang ilan sa mga detalyeng idinagdag nila sa kanilang mga papel at magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Bakit mahalaga pa rin si Jesucristo ngayon?

Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na patotoo tungkol kay Jesucristo:

Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.

Tulad ng isang bituing gumagabay sa maaliwalas at madilim na kalangitan, nililiwanagan ni Jesucristo ang ating daan. Siya ay naparito sa lupa sa isang abang kuwadra. Namuhay Siya nang perpekto. Pinagaling Niya ang maysakit at binuhay ang patay. Siya ay kaibigan ng mga taong pinabayaan. Itinuro Niya sa atin na gumawa ng mabuti, sumunod, at mahalin ang isa’t isa. Siya ay ipinako sa krus, bumangon nang buong kadakilaan pagkaraan ng tatlong araw, na nagtulot sa atin at sa mga taong mahal natin na mabuhay pagkatapos mamatay. Sa Kanyang walang-kapantay na awa at biyaya, inako Niya ang ating mga kasalanan at ating mga pagdurusa, na naghahatid ng kapatawaran kapag tayo ay nagsisi at ng kapayapaan sa mga unos ng buhay. Mahal natin Siya. Sinasamba natin Siya. Sinusunod natin Siya. Siya ang angkla ng ating kaluluwa.

(Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 88)

Bakit mahalaga na si Jesucristo ay inapo ni David?

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Head and shoulders portrait of Elder Bruce R. McConkie.

Walang ibang konsepto ang mas tumimo nang malalim sa isipan ng mga Judio noong panahon ni Jesus kaysa sa paniniwala ng lahat na ang kanilang Mesiyas ay magiging Anak ni David. … Hanap nila ang isang temporal na tagapagligtas na mag-aalis sa pamatok ng pagkaalipin ng Romano at muling magpapalaya sa Israel. Sila ay naghangad ng isang pinuno na magpapanumbalik ng kanilang kabantugan at impluwensya sa buong mundo at katanyagan na natamasa nila noong nakaluklok ang Anak ni Jesse sa trono ng Israel.

(Bruce R. McConkie, The Promised Messiah [1978], 188)

Sino ang mga kababaihang isinama ni Mateo sa talaangkanan [genealogy] ni Cristo?

“Si Tamar ay mula sa Adullam sa territoryo ng mga Cananeo (tingnan sa Genesis 38); Si Rahab ay isang Cananeo na naninirahan sa Jerico (tingnan sa Josue 2:1–7); Si Ruth ay isang Moabita bago sumapi sa Judaismo (tingnan sa Ruth 1:4); at si Batseba ay asawa ni Urias, isang Heteo (tingnan sa 2 Samuel 11:3). Sa gayon, lahat ng apat [na babae] ay hindi Israelita o may kaugnayan sa mga hindi Israelita” (New Testament Student Manual [2018], 13). Ang pagsasama ng mga kababaihang ito sa genealogy ni Jesucristo ay makapagtuturo sa atin na ang Diyos ay gumagawa sa lahat ng tao at sa mga hindi inaasahang paraan.

Patunay din ito na “ang pagiging matwid ay hindi nakasalalay sa pagkakaroon ng ‘perpektong’ angkan, sapagkat ang angkan ni Jesucristo ay hindi perpekto. [At] ang pagsasama ng mga kababaihan sa [family history] ng Tagapagligtas ay sumasalamin sa mahalagang katotohanan na pantay-pantay ang mga kalalakihan at kababaihan sa paningin ng Diyos” (New Testament Student Manual, 13).

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Pag-unawa sa kahalagahan ni Jesucristo

Ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na sitwasyon at mga tanong:

Nakikipag-usap ka sa isang kaibigan, na nagsabi sa iyo na: “Hindi ko maunawaan kung bakit napakataas ng pagpapahalaga ng ilang tao kay Jesucristo. Napakaraming dakilang tao sa mundo; hindi ko maunawaan ang dahilan kung bakit mas pinahahalagahan nila si Jesus kaysa sa iba.”

  • Ano kaya ang una mong isasagot sa sinabi ng iyong kaibigan?

  • Ano sa palagay mo ang maaaring hindi maunawaan ng iyong kaibigan tungkol kay Jesucristo?