Marcos 2:1–12
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Lumpo
Ipinakita ni Jesus ang Kanyang kapangyarihang pagalingin ang mga tao sa pisikal at espirituwal sa pamamagitan ng pagpapagaling sa isang lalaking lumpo (paralisado) at pagpapatawad sa mga kasalanan nito. Ang lesson na ito ay makatutulong upang maragdagan ang iyong pagkaunawa na mapagagaling ng Tagapagligtas ang lahat ng uri ng karamdaman.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang handa kang gawin?
Isipin kunwari na mayroon kang mahal sa buhay na nahihirapan dahil sa nakamamatay na sakit na nangangailangan ng paggamot ng isang espesyalista at iisang doktor lang ang makapagliligtas sa kanya. Ano ang handa mong gawin upang makahingi ng tulong? Ano ang gagawin mo kung puno na ang iskedyul ng doktor o kung nakatira ang doktor sa ibang bansa?
Maaaring maging handa ang mga tao na gawin ang lahat upang mapagaling ang kanilang sarili o kanilang mga mahal sa buhay. Bagama’t kadalasang kayang magamot ng mga dalubhasang doktor ang mga pisikal na karamdaman, may mga espirituwal na karamdaman na si Jesucristo lang ang lubos na makapagpapagaling. Ilista sa iyong study journal ang ilan sa pinaniniwalaan mong halimbawa nito.
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pagnilayan kung ano ang magagawa mo upang matulungan ang mga mahal mo sa buhay at ang iyong sarili na lumapit kay Cristo upang makatanggap ng tulong na Siya lang ang makapagbibigay.
“Isang lalaking lumpo”
Ang isang kasanayan na makatutulong sa iyo na mas matuto habang pinag-aaralan mo ang mga salaysay sa banal na kasulatan ay ang pagbabasa nito ayon sa pananaw ng iba’t ibang tauhan sa kuwento. Habang ginagawa mo ito, huminto nang madalas upang mapag-isipan kung ano ang maaaring nadama o inisip ng taong iyon sa iba’t ibang bahagi ng kuwento.
Upang magamit ang kasanayang ito sa pag-aaral, pumili ng isa sa mga sumusunod na tao na pagtutuunan mo habang pinag-aaralan mo ang salaysay na ito tungkol sa pagtuturo ni Jesus sa Capernaum:
-
Isang paralisadong lalaki (ang ibig sabihin ng “lalaking lumpo” ayon sa pagkakagamit sa salaysay na ito ay paralisado)
-
Isa sa apat na tao na nagbuhat sa lalaking paralisado
-
Isa sa mga tao sa bahay na nakikinig kay Jesus
Basahin ang Marcos 2:1–3, at isipin kunwari na ikaw ang taong pinili mong pagtuunan.
-
Sa palagay ninyo, anong mga hamon, kung mayroon man, ang maaaring kinaharap ng taong ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang nakikita, naririnig, iniisip, at nadarama ng taong ito?
-
Ano ang maaaring inasahan ng taong ito na matanggap sa oras na kasama niya si Jesucristo?
Basahin ang Marcos 2:4, at alamin kung ano ang ginawa ng mga taong nagdala sa lalaki upang mailapit siya kay Jesucristo.
-
Ano sa palagay mo ang iniisip at nadarama ng taong pinili mo sa sandaling ito sa kuwento? Bakit?
-
Ano sa palagay mo ang inaasahan niyang gagawin o sasabihin ni Jesus?
Basahin ang Marcos 2:5 upang malaman ang sinabi ni Jesus sa lalaki.
-
Bakit posibleng nakagugulat para sa taong pinagtuunan mo ang mga salita ng Tagapagligtas sa talata 5?
Ilan sa mga taong nakasaksi sa pangyayaring ito ang nagduda sa awtoridad ng Tagapagligtas na magpatawad ng mga kasalanan. Basahin ang Marcos 2:6–12, at alamin kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang maipakita ang Kanyang awtoridad na magpatawad. Ang pariralang “Anak ng Tao” sa talata 10 ay tumutukoy kay Jesucristo na Anak ng “Tao ng Kabanalan,” na siyang Diyos Ama (tingnan sa Moises 6:57).
-
Isipin ang taong pinagtuunan mo sa salaysay. Ano ang naiisip mong reaksyon ng taong ito sa sinabi at ginawa ng Tagapagligtas?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas nang magtuon ka sa isang partikular na tao sa kuwento?
Ang kapangyarihan ni Jesucristo na magpagaling
Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo habang pinag-aaralan mo ang salaysay na ito ay may kapangyarihan si Jesucristo na pagalingin tayo sa pisikal at espirituwal.
Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, ay nagpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na pagalingin ang espirituwal na karamdaman.
Minsan, ang espirituwal na karamdaman ay dumarating bilang resulta ng kasalanan o ng mga sugat sa damdamin. …
Maging ang pinakamalalalim na espirituwal na sugat—oo, maging ang mga tila hindi na malulunasan—ay mapagagaling.
Mahal kong mga kaibigan, ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo ay hindi nawala sa ating panahon.
Ang nakapagpapagaling na haplos ng Tagapagligtas ay magpapabago sa ating buhay sa panahong ito tulad ng Kanyang ginawa noong panahon Niya. Kung mananampalataya lang tayo, Kanyang mahahawakan ang ating mga kamay, mapupuno ang ating mga kaluluwa ng makalangit na liwanag at pagpapagaling, at masasabi sa atin ang nakasisiglang mga salita, “Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka” [Juan 5:8].
(Dieter F. Uchtdorf, “Mga Tagadala ng Makalangit na Liwanag,” Liahona, Nob. 2017, 78)
-
Ano ang mga halimbawa ng mga espirituwal na sugat na mapagagaling ng Tagapagligtas?
-
Paano napagpapala ang iyong buhay dahil nalalaman mong mapagagaling Niya ang mga espirituwal na sugat?
Pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong na may kaugnayan sa katotohanang ito. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga naiisip mo.
-
Mayroon bang anumang espirituwal na sugat sa iyong buhay na kinakailangang mapagaling?
-
Paano mo mahahanap ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo?
-
May kakilala ka ba na nangangailangan ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo? Ano ang magagawa mo upang matulungan silang matamo ito?
Ibahagi ang natutuhan mo
Habang pinag-aaralan mo ang iba pang salaysay sa mga banal na kasulatan sa taong ito, maaari mong gamitin ang kasanayan sa pagtuon sa mga partikular na tauhan. Maaaring makatulong na basahin nang maraming beses ang isang scripture passage, at pagnilayan sa bawat pagkakataon kung ano ang maaaring natutuhan ng iba’t ibang tao sa kuwento.
Isipin kunwari na gusto ng taong pinagtuunan mo habang pinag-aaralan mo ang salaysay na ito na ilarawan sa isang kaibigan kung ano ang nasaksihan at nadama niya sa araw na iyon. Mag-ukol ng oras upang detalyado mong maisulat sa iyong study journal kung paano mo naiisip na ilalarawan ng taong ito ang kanyang karanasan. Isama ang mga bagay na sa palagay mo ay natutuhan at nadama niya tungkol kay Jesucristo.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Maiimpluwensyahan ba ng pananampalataya ko ang mga mahal ko sa buhay?
Itinuro ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Pitumpu:
Ibabahagi ko sa inyo ang isa pang natatagong kayamanan sa kuwentong ito sa banal na kasulatan. Ito ay sa talata 5: “At pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya” (idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi ko ito napansin noon—kanilang pananampalataya. Ang pinagsama-sama nating pananampalataya ay may epekto rin sa kapakanan ng iba.
Sino ang mga taong iyon na binanggit ni Jesus? Maaaring kabilang dito ang apat na taong nagbuhat sa lalaking lumpo, ang [lumpo] mismo, ang mga tao na nagdasal para sa kanya, at lahat ng yaong nakikinig sa pangangaral ni Jesus at tahimik na nagsasaya sa kanilang puso para sa mangyayaring himala. Maaaring kabilang din ang isang asawa, magulang, anak na lalaki o babae, missionary, pangulo ng korum, pangulo ng Relief Society, bishop, at kaibigan sa malayong lugar. Matutulungan natin ang isa’t isa. Dapat ay palagi tayong sabik sa pagsagip sa mga taong nangangailangan.
(Chi Hong [Sam] Wong, “Tulung-tulong sa Pagsagip,” Liahona, Nob. 2014, 16)
Ano ang pinatunayan ni Jesus sa mga eskriba sa pisikal na pagpapagaling sa lalaki?
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kapwa alam ni Jesus at ng “mga guro ng kautusan” na naroon noon na walang sinuman maliban sa Diyos ang makapagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya, ito ay tuwiran at matinding patotoo na ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa kanya, … ginawa ni Jesus ang hindi magagawa ng mga impostor—pinatunayan niya ang kanyang banal na kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa lalaking napatawad. Sa kanyang tanong na kung mas nangangailangan ba ng mas maraming kapangyarihan para magpatawad ng mga kasalanan kaysa patayuin ang maysakit at palakarin, iisa lamang ang maaaring sagot! Ang kapangyarihang magpagaling at kapangyarihang magpatawad ay iisang kapangyarihan.
(Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary [1973], 1:177–78)