Mateo 8; Lucas 7:11–17
Ang Mahimalang Kapangyarihan ni Jesucristo
Isa sa mga paraan kung paano ipinakita ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan ay sa pamamagitan ng mga mahimalang pagpapagaling, kabilang dito ang pagbuhay sa anak ng isang balo. Ang lesson na ito ay naglalayong palakasin ang iyong pananampalataya sa kapangyarihan ni Jesucristo na makagawa ng mga himala sa ating panahon at sa iyong buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga himala
Ang himala ay “isang di pangkaraniwang pangyayari na sanhi ng kapangyarihan ng Diyos. … Ang pananampalataya ay kinakailangan upang makita ang mga himala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/miracle?lang=tgl).
-
Ano ang ilan sa mga paborito mong himala na nakatala sa mga banal na kasulatan? Bakit?
-
Ano ang natututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga himalang ito?
Noong nabubuhay pa sa mundo ang Tagapagligtas, nagsagawa Siya ng maraming himala. Habang pinag-aaralan mo ang ilan sa mga ito sa lesson na ito at sa buong linggo, pagnilayan kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nauunawaan mo tungkol sa mga himala?
-
Ano ang mga tanong mo tungkol sa mga ito?
-
Anong (mga) himala ang inaasahan mong isasagawa ng Diyos sa iyong buhay?
Maaari mong itala ang iyong mga sagot sa study journal mo. Maghanap ng mga sagot sa iyong mga tanong sa linggong ito habang pinag-aaralan mo ang mga himalang isinagawa ni Jesucristo.
Ano ang itinuturo sa atin ng mga himala tungkol kay Jesucristo?
Ang isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makatutulong sa iyo na mas makilala pa si Jesucristo ay ang pagtutuon ng pansin hindi lang sa Kanyang mga ginagawa kundi maging sa kahulugan nito at mapanalanging pagnilayan kung ano ang inihahayag ng Kanyang mga ginagawa tungkol sa Kanyang katangian. Habang nagbabasa ka, maaari mong itanong sa iyong sarili ang tulad ng “Ano ang natututuhan ko tungkol sa mga layunin, prayoridad, at katangian ng Tagapagligtas mula sa ginagawa at sinasabi Niya?”
Basahin ang Lucas 7:11–17, at alamin ang mga detalye sa kuwento na nagtuturo sa iyo tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, bigyang-pansin ang ipinapaunawa sa iyo ng talata 13 tungkol sa dahilan kung bakit Niya isinagawa ang himalang ito.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga layunin, prayoridad, at katangian ng Tagapagligtas mula sa ginawa o sinabi Niya habang isinasagawa Niya ang himalang ito?
-
Paano ka matutulungan ng natutuhan mo ngayon sa buhay mo?
Gumawa si Jesus ng maraming himala
Pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na himala na pag-aaralan. Patuloy na pagtuunan ng pansin ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga salaysay na ito.
Mateo 8:1–4; Marcos 1:40–42 Pinagaling ni Jesus ang isang ketongin.Itinatakwil sa lipunan ang isang ketongin dahil ang ketong ay isang masakit, nakahahawa, at kung minsan ay nakamamatay na sakit. Karamihan sa mga tao ay umiiwas na lapitan o hawakan siya.
Mateo 8:5–8, 13 Pinagaling ni Jesus ang alipin ng senturion.Ang senturion ay isang namumunong opisyal ng humigit-kumulang 100 kawal sa hukbong Romano. Maraming Judio noong panahon ni Jesus ang napopoot sa mga kawal na Romano dahil sa mga pagkakaiba nila sa relihiyon at dahil kinakatawan nila ang bansang sumakop sa kanila.
Marcos 5:1–13, 18–20 Pinalayas ni Jesus ang mga diyablo mula sa isang lalaking naninirahan sa mga libingan.Isang lalaki na naninirahan sa mga libingan, na sumisigaw at sinasaktan ang kanyang sarili. Nang hindi siya maigapos ng mga tao gamit ang mga kadena, iniwasan nila siya, at iniwan siyang nag-iisa sa mga libingan.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga layunin, prayoridad, at katangian ng Tagapagligtas mula sa ginawa o sinabi Niya habang isinasagawa Niya ang himalang ito?
-
Paano ka matutulungan ng natutuhan mo ngayon sa buhay mo?
-
Ano ang magagawa mo kapag nararamdaman mong kailangan mo ang tulong ng Tagapagligtas?
Mga himala sa ating panahon
Napapaisip ka ba kung nagsasagawa pa rin ng mga himala ang Tagapagligtas ngayon? Bagama’t maraming tao ang hindi nakaranas ng ilan sa mga kamangha-manghang himala na nakatala sa mga banal na kasulatan, tulad ng paghati sa Dagat na Pula o pagbuhay sa mga patay, mahalagang tandaan na nangyayari pa rin ang mga himala ngayon. Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Ako ay Diyos ng mga himala; at ipakikita ko sa mundo na ako ay Siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman” (2 Nephi 27:23).
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Maraming himala ang nangyayari sa araw-araw sa gawain ng ating Simbahan at sa buhay ng ating mga miyembro. Marami sa inyo ang nakakita na ng mga himala, marahil higit pa sa inaakala ninyo.
(Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 6)
-
Ano ang mga saloobin o tanong mo tungkol sa pahayag na ito ni Pangulong Oaks?
-
Ano ang ilang himalang isinagawa ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Pagpapanumbalik at sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang Simbahan?
-
Anong mga himala ang nakita mo na o ng mga taong mahal mo sa inyong mga buhay?
-
Ano ang ipinapakita ng mga personal na himalang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang pinakadakilang himala?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang ilang himala ay nakaaapekto sa maraming tao. Ang pinakadakila sa mga himalang iyon ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—ang Kanyang tagumpay sa pisikal at espirituwal na kamatayan para sa buong sangkatauhan. Walang himala ang mas malawak ang saklaw o higit na kamangha-mangha.
(Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 9)
Nangyayari pa rin ba ngayon ang mga kamangha-manghang himala na tulad ng mga nakatala sa mga banal na kasulatan?
Isang halimbawa ng pambihirang himala sa makabagong panahon ang ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
Tinanong ako kung maaari ko bang bisitahin ang isang babae sa ospital na sinabihan ng kanyang mga doktor na nabubulag na siya at mawawalan na ng paningin sa loob ng isang linggo. Nagtanong siya kung bibigyan namin siya ng basbas at ginawa nga namin iyon, at ipinahayag niya na siya ay mahimalang napagaling. … Sinabi ko sa kanya, “Hindi ako ang nagpagaling ng paningin mo. Ang Panginoon ang nagpagaling ng iyong paningin. Pasalamatan mo Siya at tanawin mo itong utang na loob sa Kanya.”
(Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 343)
Bakit hindi natatanggap ng mga tao ang bawat himalang hinahangad nila nang may pananampalataya kay Jesucristo?
Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang mga himala ay hindi nangyayari sa basta paghingi lamang nito. … Laging una sa lahat ang kalooban ng Panginoon. Hindi magagamit ang priesthood ng Panginoon sa paggawa ng himala kung salungat ito sa kalooban ng Panginoon. Dapat din nating tandaan na kahit mangyayari ang isang himala, hindi ito mangyayari ayon sa itinakda nating panahon. Itinuro sa mga paghahayag na ang mga himalang nararanasan ay nangyayari “sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan” (D&T 88:68).
(Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 9)
Bakit nais ng mga diyablo sa tala sa Marcos 5:11–13 na pumasok sa mga baboy?
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan. Nasisiyahan siya kapag nakakakuha siya ng katawan ng tao, at nang palayasin ng Tagapagligtas ay hiniling niyang makapasok sa katawan ng mga baboy, na nagpapakitang gugustuhin niya ang katawan ng baboy kaysa wala. Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito.
Mas marami pa bang himala ang mangyayari bago bumalik ang Tagapagligtas?
Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang mga palatandaan na ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mamumuno sa daigdig na ito sa karingalan at kaluwalhatian.
(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96)