Marcos 5:24–34; Mateo 9:20–22
Paghugot ng Lakas kay Jesucristo
Pinagaling ni Jesus ang isang babaeng dinudugo noong tinatahak Niya ang daan upang pagalingin ang anak na babae ni Jairo. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang maunawaan kung paano makahuhugot ng lakas sa Tagapagligtas sa iyong buhay sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Espirituwal na pag-iinat
-
May nadama ka bang anumang pagkakaiba sa iyong katawan?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang regular na pag-iinat ng katawan?
May iba’t ibang pakinabang ang pag-iinat. Kapag nag-iinat ang mga atleta, nagiging mas maganda ang kanilang nagagawa at mas malamang na hindi sila makaranas ng pinsala o sakit sa katawan. Gayundin, kapag ang mga estudyante ay ginawa ang pag-iinat o pagpapalawak ng kanilang isipan at hinihigitan nila ang kanilang mga regular na gawi sa pag-aaral, mas natututo sila.
-
Ano ang ibig sabihin sa iyo ng espirituwal na pag-iinat?
Katulad ng mga benepisyo ng pag-iinat ng katawan, napapaibayo ang ating espirituwalidad kapag nanampalataya tayo sa Tagapagligtas at humugot tayo ng lakas sa Kanya. Sa lesson ngayon, malalaman mo ang tungkol sa isang babae na may pambihirang pananampalataya kay Jesucristo at iniunat niya ang kanyang kamay upang maabot ang Tagapagligtas at humugot ng lakas sa Kanya upang gumaling.Noong tinatahak ang daan upang pagalingin ang anak na babae ng isang lalaking nagngangalang Jairo, sinundan ng maraming tao si Jesucristo (tingnan sa Marcos 5:22–24). Kabilang sa maraming tao ang isang babaeng may sakit.
Basahin ang Marcos 5:25–26 , at alamin ang kalagayan ng babae at ang kanyang mga pangangailangan.
Hindi tinukoy sa mga banal na kasulatan kung ano talaga ang sakit ng babaeng “dinudugo” ( Marcos 5:25). Alam natin na pinahirapan nito ang kanyang buhay sa maraming paraan. “Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya” sa paghahanap ng lunas mula sa mga manggagamot ( Marcos 5:26). Sa ilalim ng batas ni Moises, ang isang taong dinudugo ay itinuturing na marumi (tingnan sa Levitico 15:19–33). Malamang na ang ibig sabihin nito ay halos itinaboy ang babae sa lipunan sa loob ng 12 taon ng kanyang karamdaman.
-
Sa iyong palagay, saan mo kailangan ng tulong ng Tagapagligtas sa iyong buhay?
Basahin ang Marcos 5:27–29 , at alamin ang ginawa ng babaeng ito upang matanggap ang tulong ng Tagapagligtas (tingnan din sa Mateo 9:20–22). Ang ibig sabihin ng “lumapit siya sa karamihan sa likuran niya” ay nagpilit siyang makadaan sa maraming tao upang mahipo ang damit ni Jesus ( Marcos 5:27).
-
Ano ang hinangaan mo sa ginawa ng babaeng ito upang makahugot ng lakas sa Tagapagligtas?
-
Sa salaysay na ito, talagang iniunat ng babae ang kanyang braso upang mahawakan ang Tagapagligtas. Ano ang ilang paraan na maaari mong “iunat o ilapit” ang iyong sarili at makipag-ugnayan sa Tagapagligtas?
-
Naniniwala ka ba na mapapagaling ka ng Tagapagligtas, kahit na hindi mo Siya mahawakan nang pisikal? Bakit?
Basahin ang Marcos 5:30–34 , at alamin ang tugon ng Tagapagligtas sa ipinakitang pananampalataya ng babaeng ito. Ang salitangkapangyarihan sa talata 30 ay nangangahulugang “lakas.”
-
Ano ang napansin mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?
Sa kabila ng agarang pangangailangan ni Jairo na dalhin si Jesus sa kanyang tahanan upang pagalingin ang kanyang anak na babae, tumigil si Jesus at tinulungan ang babaeng ito.
-
Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas?
-
Sa anong mga paraan ito nakaiimpluwensya sa hangarin mong bumaling sa Kanya upang humingi ng tulong sa iyong mga pangangailangan?
Iniangkop ni Pangulong Russell M. Nelson ang salaysay na ito sa ating sariling buhay. Maaari mong panoorin ang video na “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” mula sa time code na 11:30 hanggang 13:20, o basahin ang teksto sa ibaba. Habang ginagawa mo ito, alamin ang mga alituntuning itinuro ni Pangulong Nelson tungkol sa paghugot ng lakas sa Tagapagligtas.
Natatandaan pa ba ninyo ang kuwento sa biblia tungkol sa isang babaing 12 taong nagdusa sa isang nakapanghihinang problema? [tingnan sa Lucas 8:43–44 ]. Nagpakita siya ng malaking pananampalataya sa Tagapagligtas, na bumubulalas, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit, ay gagaling ako.” [ Marcos 5:28 ].
Kinailangan nitong matapat at nakatuong babae na lumapit sa abot ng kanyang makakaya upang makahugot ng lakas sa Kanya. Ang pisikal na paglapit niya ay simbolo ng kanyang espirituwal na paglapit. …
Kung huhugot kayo ng lakas sa Panginoon sa inyong buhay na kasingtindi ng isang taong nalulunod na nagpupumilit at nangangapos ang hininga, sasainyo ang lakas mula kay Jesucristo. Kapag alam ng Tagapagligtas na talagang gusto ninyong lumapit sa Kanya—kapag nadama Niya na pinakamimithi ng inyong puso na humugot ng lakas sa Kanya sa inyong buhay—gagabayan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano mismo ang dapat ninyong gawin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63 ].
Kapag nagsikap kayo na espirituwal na lumapit sa Kanya nang higit pa sa dati ninyong nagawa, dadaloy ang Kanyang lakas sa inyo.
(Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 41–42)
-
Ano ang ilang alituntunin na natukoy mo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson?
-
Sa iyong palagay, sa paanong mga paraan makatutulong sa iyo ang mga alituntuning ito na espirituwal na lumapit upang humugot ng lakas sa Tagapagligtas?
-
Kailan mo naranasan ang isa sa mga alituntuning ito sa iyong sariling buhay?
-
Ano ang magagawa mo upang maipakita na ang pagtanggap ng tulong ng Tagapagligtas ang pinakamatinding hangarin mo?
-
Paano maiiba ang iyong buhay kung mas madalas kang humuhugot ng lakas kay Jesucristo?
-
Anong mga balakid ang kailangan mong malampasan habang lumalapit ka sa Tagapagligtas nang may pananampalataya?
-
Ano ang magagawa mo upang mahiwatigan ang tagubilin ng Espiritu Santo na lumapit sa Tagapagligtas?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Mateo 9:20. Ano ang kahalagahan ng paghipo ng babae sa laylayan ng damit ng Tagapagligtas?
Ang laylayan ng kanyang damit ay tumutukoy sa mahalagang bahagi ng damit ng isang Israelita. Ang laylayan ay isang tassel sa bawat ‘pakpak’ o sulok ng tallith o balabal (Mat. 14:36). Ang mga tassel ay itinatali ng asul na sinulid, na sumisimbolo sa langit (tingnan sa Mga Bilang 15:38–40). Ang tassel na nakalaylay sa balikat sa likod ang nahipo ng babae. Ang kanyang pag-abot upang mahipo ang tassel ay naglalarawan sa pag-abot sa banal na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Ipinropesiya ng propetang si Malakias na ang Tagapagligtas ay “sisikat … na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak” ( Malakias 4:2).
Paano ko matatanggap ang pagpapagaling ng Tagapagligtas?
Sinabi ni Pangulong Jean B. Bingham, Relief Society General President:
Kapag pinag-aralan ninyo ang buhay at mga turo ni Cristo sa maraming paraan, mag-iibayo ang pananampalataya ninyo sa Kanya. Malalaman ninyo na mahal Niya ang bawat isa sa inyo at lubos kayong nauunawaan. …
Anuman ang ipinagdusa natin, Siya ang pinagmumulan ng paggaling. Ang mga taong nakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso, nakapanlulumong kawalan, pabalik-balik na sakit o pagkabaldado, mga maling paratang, matinding pang-uusig, o espirituwal na kapahamakan dahil sa kasalanan o di-pagkakaunawaan ay mapapagaling lahat ng Manunubos ng sanlibutan. Gayunman, hindi Siya darating nang walang paanyaya. Dapat tayong lumapit sa Kanya at tulutan Siyang gawin ang Kanyang mga himala.
(Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 86)
Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:
Noong Kanyang mortal na ministeryo, pinagaling ni Jesucristo ang mga maysakit at may karamdaman, ngunit bawat tao ay kinailangang manampalataya sa Kanya at kumilos upang matanggap ang Kanyang pagpapagaling. Ang ilan ay naglakad nang malayo, ang iba ay iniunat ang kanilang kamay para mahawakan ang Kanyang damit, at ang iba ay kinailangang buhatin at dalhin sa Kanya para mapagaling. Kung tungkol sa paggaling, hindi ba’t lahat tayo ay kailangang-kailangan Siya?
(Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 58)