Seminary
Lucas 9:24–26, 57–62


Lucas 9:24–26, 57–62

Mga Disipulo ni Jesucristo

The disciples are gathered around Jesus, they are sitting together on the ground in a dry grassy field. One of the outtakes includes a lake in the background. Still from a Bible video. Jesus teaching a group in a field.

Nagturo si Jesucristo ng maraming katotohanan tungkol sa kung paano tayo magiging Kanyang mga disipulo. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na tumukoy ng mga paraan upang maging tunay na disipulo ni Jesucristo.

Mga espirituwal na kaloob. Biniyayaan ka ng Panginoon ng mga espirituwal na kaloob at kakayahang antigin ang buhay ng mga estudyante sa iyong klase. Sikaping tuklasin, linangin, at pag-ibayuhin ang iyong mga espirituwal na kaloob upang mapaglingkuran ang Panginoon at mapagpala ang buhay ng ibang tao. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga espirituwal na kaloob, tingnan sa Moroni 10:8–19 ; Doktrina at mga Tipan 46:8–26 ; 1 Corinto 12:1–11 .

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan kung paano sila nagsisikap na sundin si Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa isang estudyante na pamunuan ang klase sa iba’t ibang gawain o simpleng aktibidad. Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang nagpadali o nagpahirap na sundin ang lider.

Pagiging disipulo ni Jesucristo

Sa Kanyang buong ministeryo, inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na sumunod sa Kanya at maging Kanyang mga disipulo. Ang disipulo ay isang taong nabinyagan, sumusunod kay Jesucristo, at nagsisikap na mamuhay ayon sa Kanyang mga turo. Sa Lucas 9 , mababasa natin ang tungkol sa iba’t ibang alituntunin na, kung susundin natin, ay makatutulong sa atin na maging disipulo ni Jesucristo.

  • Habang isinasaalang-alang ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo, bakit mahalaga ang matinding pagsisikap na maging Kanyang disipulo?

Color Handouts Icon

Ibigay ang sumusunod na handout sa mga estudyante, at sabihin sa kanila na gawin ang isa sa mga gawain nang mag-isa, o maaaring hatiin ang klase sa mga grupo at italaga sa kanila ang isa sa mga gawain.

Take up your cross

Ang bawat isa sa sumusunod na tatlong bahagi ay nakatuon sa isa sa mga turo ng Tagapagligtas. Makatutulong sa iyo ang mga ito sa pagsisikap mong maging disipulo ni Jesucristo. Basahin ang mga bahagi, at pumili ng isa o mahigit pa na gagawin. Anyayahan ang Espiritu Santo na magbigay ng personal na paghahayag ng mga paraan na maipamumuhay mo ang natutuhan mo.

Pasanin ang iyong krus

Basahin ang Lucas 9:23 , at alamin ang mga kinakailangan ng Tagapagligtas upang maging Kanyang disipulo.

  • Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo?

Tumutukoy ang talatang ito sa pisikal na krus na pinasan at pinagdusahan ni Jesucristo upang maisakatuparan ang kalooban ng Kanyang Ama. Bagama’t hindi iniuutos sa atin na magpasan ng pisikal na krus tulad ng ginawa ng Panginoon, iniuutos sa atin na sundin Siya sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng kalooban ng Ama sa Langit para sa atin kahit mahirap ito.

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26, at hanapin kung ano ang ibig sabihin para sa atin ng pasanin ang ating krus at sumunod kay Jesucristo.

Ipinaliwanag ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng pagpasan ng ating krus. Maaari mong panoorin ang video na “Pasanin ang Ating Krus” mula sa time code na 3:08 hanggang 3:49, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, o basahin ang teksto sa ibaba.

2:3
Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Natututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan na ang mga nagnanais na dalhin sa kanilang sarili ang kanilang krus ay nagmamahal kay Jesucristo sa paraan na pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng lahat ng kasamaan at ng bawat makamundong pagnanasa at sumusunod sa Kanyang mga utos.

Ang ating determinasyong itatwa ang lahat ng salungat sa kalooban ng Diyos at isakripisyo ang lahat ng hinihiling na ibigay natin at pagsikapang sundin ang Kanyang mga turo ay tutulong sa atin na magtiis sa landas ng ebanghelyo ni Jesucristo—maging sa oras ng pagdurusa, kahinaan ng ating mga kaluluwa, o sa pamimilit ng lipunan at ng mga makamundong pilosopiya na sumasalungat sa Kanyang mga turo.

(Ulisses Soares, “Pasanin ang Ating Krus,” Liahona, Nob. 2019, 113–14)

Isipin ang mga sumusunod na tanong:

  • Bakit kailangan mong pagkaitan ang iyong sarili ng anumang kasamaan o makamundong pagnanasa sa iyong buhay?

  • Sa anong mga paraan natutulad sa pagpapasan ng krus ang pagkakait sa iyong sarili ng kasamaan o makamundong pagnanasa?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang “pagpapasan ng iyong krus” upang maging tunay na disipulo ni Jesucristo?

Mawalan ng iyong buhay upang iligtas ito

Basahin ang Lucas 9:24–25 , at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagiging Kanyang disipulo.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo?

  • Sa palagay mo, sa anong mga paraan “mawawalan” ng kanilang buhay kalaunan ang mga taong nakatuon sa kanilang sariling kalooban at mga makasariling hangarin?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maliligtas mo ang iyong buhay kung mawawala mo ito para kay Jesucristo?

Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) kung ano ang ibig sabihin ng mawalan ng ating buhay para kay Jesucristo:

Official portrait of President Thomas S. Monson, 2008.

Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay.

(Thomas S. Monson, “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?Liahona, Nob. 2009, 85)

  • Sino ang kilala mo na piniling kalimutan ang sarili alang-alang kay Jesucristo? Ano ang epekto ng desisyong ito sa taong ito?

  • Sa anong mga paraan ka napagpala dahil ipinamuhay ni Jesucristo ang mga turo sa mga talatang ito?

Iwasang magambala at magdahilan

Basahin ang Lucas 9:57–62 , at alamin ang ninais gawin ng ilang partikular na indibiduwal bago sumunod sa Tagapagligtas.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo?

Hindi sinabi ni Jesucristo na mali ang magdalamhati sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay o magpaalam sa mga kaibigan at pamilya. Sa halip, itinuturo Niya sa kanila ang isang mahalagang aral tungkol sa kahalagahan ng pagiging disipulo.Ipinaliwanag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995) ang analohiya ng pag-aararo sa Lucas 9:62 .

Howard W. Hunter

Upang maging tuwid ang nilalandas sa pag-aararo, dapat nakatuon ang mga mata ng nag-aararo sa kanyang unahan. Iyan ang magpapanatili sa kanya sa tuwid na daan. Ngunit kung sakaling lumingon siya para tingnan kung saan siya nanggaling, malaki ang tsansa na malihis siya. Ang ibinubunga nito ay hindi tuwid at hindi pantay na daan ng araro. … Kung ang ating lakas ay nakatuon hindi sa paglingon sa likod natin kundi sa yaong nasa harap natin—sa buhay na walang hanggan at kagalakan ng kaligtasan—tiyak na makakamtan natin ito.

(Howard W. Hunter, “Am I a ‘Living’ Member?” Ensign, Mayo 1987, 17)

  • Ano ang mga karaniwang dahilan na maaaring ibigay ng mga tao ngayon sa pagpiling huwag sundin ang Panginoon?

  • Paano ka mananatiling nakatuon sa ipinagagawa sa iyo ng Tagapagligtas ngayon at sa hinaharap?

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang mga gawain, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang napag-aralan nila. Ang isang paraan upang magawa ito ay isulat sa pisara ang Upang maging tunay na disipulo ni Jesucristo, magagawa nating … at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang parirala.

Ang susunod kong hakbang

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng plano upang tulungan sila sa kanilang mga pagsisikap na maging mga disipulo ni Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilarawan ang kanilang mga plano. Ang sumusunod ay maaaring idrowing sa pisara bilang halimbawa kung paano nila ito magagawa.

Magdrowing ng isang hagdan na may kahit tatlong baitang. Isulat ang Jesucristo sa itaas ng mga baitang. Gumawa ng representasyon ng iyong sarili sa ibaba ng mga baitang.

2:3

Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang pinag-iisipan mo ang iyong mga pagsisikap na maging disipulo ni Jesucristo at kung paano mo Siya mas masusunod. Tandaan na ang Espiritu Santo ay maaaring maglagay ng mga ideya sa iyong isipan at mga damdamin sa iyong puso habang nagninilay ka (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3).

Ilista ang mga posibleng hakbang na maaari mong gawin upang matulungan ka sa pagsisikap mong maging disipulo ni Jesucristo. Maaari mong piliin ang mga hakbang na sa palagay mo ay nais ng Panginoon na gawin mo, o lagyan ng label ang mga hakbang ayon sa gusto mong pagkakasunud-sunod na gagawin mo ang mga ito.

  • Ano ang susunod na hakbang na magagawa mo sa iyong mga pagsisikap na maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo?

  • Ano sa palagay mo ang magiging pag-unlad kapag ginawa mo ang hakbang na ito?

  • Sa iyong palagay, sa anong mga paraan ka matutulungan ng Tagapagligtas sa paggawa mo ng mga hakbang na ito at ng mga susunod mo pang mga hakbang sa hinaharap?

Patotohanan ang pagmamahal ni Jesucristo at ang Kanyang kahandaang tulungan tayo kapag nagsikap tayong maging Kanyang mga disipulo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 9:24 . Ano ang ibig sabihin ng mawalan ng iyong buhay upang mailigtas ito?

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Portrait of Elder D. Todd Christofferson. Photographed in March 2020.

Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalo akong namamangha kung paano laging ibinibigay ni Jesus ang Kanyang buhay sa Ama, kung paano Niya ganap na inialay ang Kanyang buhay sa pagsunod sa kalooban ng Ama—sa buhay at sa kamatayan. …

Ang utos ni Cristo na sundin Siya ay kautusang … isuko ang ating buhay para sa totoong buhay, para sa tunay na buhay, sa selestiyal na kaharian na nakikinita ng Diyos para sa bawat isa sa atin.

(D. Todd Christofferson, “Pagliligtas sa Inyong Buhay,” Liahona, Marso 2016, 18)

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Paggalang at kabaitan

Marami ang nakikipagtalo at nagagalit kapag nadarama nila na mali ang pagtrato sa kanila ng iba. Maging sina Santiago at Juan ay nabahala nang hindi tanggapin ng mga tao sa isang nayon ng mga Samaritano ang Tagapagligtas. Basahin ang Lucas 9:51–56 , at alamin ang mensahe ni Jesucristo sa mga taong pinagmalupitan ng iba. Paano maiiba ang mundo kung tutularan nating lahat ang halimbawa ng Tagapagligtas mula sa salaysay na ito?