Mateo 9:36–38;10
Tinawag at Tinagubilinan ni Jesucristo ang Labindalawang Apostol
Tinawag at tinagubilinan ni Jesucristo ang Labindalawang Apostol at isinugo Niya sila upang mangaral, maglingkod, at magpagaling ng maysakit. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang katungkulan at tungkulin ng mga Apostol bilang mga kinatawan at saksi ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang nadarama at nauunawaan mo tungkol sa mga Apostol ni Jesucristo
Pagnilayan kung paano mo sasagutin ang sumusunod na tanong sa temple recommend:
Sinasang-ayunan mo ba ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?
(Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 121)
-
Ano ang ibig sabihin ng sang-ayunan ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol?
Madalas nating isipin na ang pagsang-ayon sa mga lider ng Simbahan ay ang pisikal na pagtataas ng ating kamay. Ngunit ang pagsang-ayon ay hindi lamang pagbibigay ng panlabas na tanda. Kabilang sa pagsang-ayon ang pagsuporta, paghikayat, pagtitiwala, at pagsunod sa mga sinasang-ayunan natin dahil naniniwala tayo na sila ay tinawag ng Diyos.
-
Sa iyong palagay, bakit may kaugnayan sa ating suporta at damdamin sa mga Apostol ng Tagapagligtas ang isa sa mga kinakailangan upang makapasok sa templo?
Gamitin ang sumusunod na scale upang masuri pa ang iyong personal na damdamin at saloobin sa mga Apostol ni Jesucristo. Hindi ipapabahagi sa iyo ang mga sagot mo sa iba.
(A) Lubos na sumasang-ayon (B) Sumasang-ayon (C) Neutral (D) Hindi sumasang-ayon
-
Naniniwala ako na napakahalaga ng mga Apostol ni Jesucristo.
-
Gusto kong marinig kung ano ang sasabihin ng mga Apostol ng Tagapagligtas, at nakikinig ako kapag may pagkakataon akong makinig sa kanila.
-
Maaari akong magbahagi ng isa o dalawang bagay na itinuro kamakailan ng mga Apostol ni Jesucristo.
Mag-isip sandali at isulat ang anumang tanong mo tungkol sa mga Apostol ni Jesucristo. Habang nag-aaral ka, pagnilayan ang mga tanong na ito, at humingi ng mga sagot mula sa Espiritu Santo.
Mga Sinaunang Apostol ni Jesucristo
Basahin ang Mateo 9:36–38 , at alamin ang problemang tinukoy ng Tagapagligtas sa mga talatang ito.
-
Ano ang problema, at ano ang sinabi ng Tagapagligtas na kailangan?
Upang makatulong sa paglilingkod sa mga tao, tumawag si Jesucristo ng mga Apostol. Ang salitang apostol ay mula sa salitang Griyego na nangangahulugang “isang isinugo.” Noong una, ang mga Apostol ay isinusugo o ipinapadala lamang sa sambahayan ni Israel. Kalaunan, iniutos ng nabuhay na muling Tagapagligtas na ipangaral din ang ebanghelyo sa mga Gentil, o yaong mga hindi kabilang sa sambahayan ni Israel. Ngayon ay iniuutos sa kanila na mangaral sa buong mundo (tingnan sa Mga Gawa 10).
Basahin ang pagtawag at tagubilin ng Tagapagligtas sa Labindalawang Apostol sa Mateo 10:1–8 at Doktrina at mga Tipan 107:23 . Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol?
-
Anong mga pagkakatulad ang napansin mo sa mga ginawa ni Jesus at sa mga ipinagawa Niya sa Kanyang mga Apostol?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa ipinagagawa ni Jesucristo sa mga Apostol?
Mga Makabagong Apostol ni Jesucristo
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa Mateo 10:1–8 at Doktrina at mga Tipan 107:23 ay tumatawag ang Panginoon ng mga Apostol upang maging mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong mundo at gawin ang Kanyang mga gawain. Totoo ito sa mga Apostol ng Tagapagligtas noon at sa mga tinatawag Niya bilang mga Apostol ngayon.
Basahin ang Mateo 10:40, at alamin ang ipinayo ng Tagapagligtas sa mga tumatanggap sa Kanyang mga Apostol.
-
Bakit ang pagtanggap sa mga Apostol ng Tagapagligtas ay parang pagtanggap na rin sa Tagapagligtas?
-
Paano mo nakikitang naglilingkod si Pangulong Nelson sa mga tao sa paraang katulad ng ginawa ni Jesucristo?
Dahil ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay kumakatawan sa Tagapagligtas at mga natatanging saksi Niya, ang pag-aaral ng kanilang mga turo ay tulad ng pag-aaral ng mga turo ng Tagapagligtas, at ito ay isang paraan upang matuto tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38). Gamit ang isa sa sumusunod na resources (makukuha sa SimbahanniJesucristo.org), pag-aralan ang mga turo ng mga makabagong Apostol, at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
“ Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol ”
“Mga Natatanging Saksi ni Cristo”
Mga kamakailang mensahe sa pangkalahatang kumperensya
-
Ano ang nalaman mo sa iyong pag-aaral na tumutulong sa iyo na mas maunawaan at mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
-
Kailan mo nadama at natanto na kumakatawan kay Jesucristo ang isang Apostol ng Panginoon?
-
Paano makaiimpluwensya ang natutuhan mo ngayon sa paraan ng pagsang-ayon at pakikinig mo sa mga makabagong Apostol ng Tagapagligtas?
Mga tanong na pag-iisipan
Pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang napag-aralan mo ngayon, at mapanalanging hingin ang patnubay ng Ama sa Langit, at bigyang-pansin ang anumang pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Isipin ang mga sumusunod na tanong, at maaari mong isulat sa iyong study journal ang anumang impresyong matatanggap mo at kung paano mo isasagawa ang mga ito.
-
Kumusta ka at ang iyong pamilya sa pagtanggap at pagsunod sa payo ng mga makabagong Apostol?
-
Sa anong mga paraan ka mas napalapit kay Jesucristo dahil sa payo at mga turo ng mga Apostol ng Tagapagligtas?
-
Paano ka mapagpapala ng pagkakaroon ng partikular na plano upang mas makilala at masunod ang mga Apostol ng Tagapagligtas?
-
Nasagot ba ang mga tanong mo ngayon tungkol sa mga Apostol ng Tagapagligtas? Ano ang natutuhan mo? Ano pa ang mga tanong mo, at paano mo mahahanap ang mga sagot sa mga ito?
-
Habang iniisip ang iyong pamilya, mga kaibigan, at iba pang mga taong nakakasalamuha o maaaring maimpluwensyahan mo, sino ang maaaring makinabang sa iyong mga karanasan na nalaman at tinalakay ngayon? Paano mo ito maibabahagi sa kanila?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Mateo 10:14 . Ano ang ibig sabihin ng “ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa”?
Ibinigay ni Elder James E. Talmage ang kaalamang ito tungkol sa mga tagubilin ng Tagapagligtas tungkol sa pagpapagpag ng alabok sa mga paa ng isang tao:
Ang pagpapagpag ng alabok sa mga paa bilang patotoo laban sa isang tao ay naunawaan ng mga Judio na sumasagisag sa pagwawakas ng pakikipagkapatiran at pag-alis ng lahat ng responsibilidad dahil sa mga ibubunga na maaaring kasunod nito. Ito ay naging ordenansa na nagpaparatang at patotoo ayon sa mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga apostol na binanggit sa [ Mateo 10:14 ]. Sa kasalukuyang dispensasyon, iniutos din ng Panginoon sa Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod na magpatotoo laban sa mga taong kusa at may masamang hangarin na sumasalungat sa katotohanan kapag ibinigay ito sa kanila nang may awtoridad.
(James E. Talmage, Jesus the Christ [1916], 345; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 24:15; 75:18–22; 84:92–96).
Hindi ito kasalukuyang ginagawa ng ating mga missionary, at hindi ito ipagagawa maliban kung magbibigay ng karagdagang tagubilin ang mga lider ng Simbahan.
Bakit kailangan natin ang mga Apostol ni Jesucristo sa mundo ngayon?
Saan ko matututuhan pa ang tungkol sa mga Apostol ni Jesucristo ngayon at kung paano sila naglilingkod nang katulad ng Tagapagligtas?
Ang sumusunod na resources (matatagpuan lahat sa SimbahanniJesucristo.org) ay makatutulong sa iyo na matutuhan pa ang tungkol sa mga makabagong Apostol ni Jesucristo.
Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 24–27
Mga karagdagang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan