Seminary
Mateo 13:3–8, 18–23


Mateo 13:3–8, 18–23

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik

Tomato seedlings growing in the soil

Itinuro ni Jesus ang isang talinghaga tungkol sa isang lalaking naghahasik ng mga binhi. Ang mga binhing ito ay nahulog sa iba’t ibang uri ng lupa, na nagbunga ng magkakaibang resulta. Gayundin, ang salita ng Diyos ay tinatanggap sa iba’t ibang paraan ng mga taong nakaririnig nito. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maihanda mo ang iyong puso na tanggapin at pangalagaan ang salita ng Diyos.

Paggamit ng mga bagay at larawan. Ang mga bagay at larawan ay makatutulong sa mga estudyante na mailarawan sa isipan ang mga tao, lugar, pangyayari, bagay, at simbolo sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, sa halip na pag-usapan lang ang mga bagay sa mga banal na kasulatan, sabihin sa mga estudyante na idrowing ang mga ito.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang tanong na ito mula sa outline ng linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: “Bakit kung minsan ay tinatanggap ng ating puso ang katotohanan, samantalang sa ibang pagkakataon naman ay natutukso tayong tanggihan ito?” (“Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13: ‘Ang mga May Pandinig ay Makinig,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023).

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ihanda ang iyong sarili na pakinggan ang salita ng Diyos

Maaari mong simulan ang klase sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong na sinabi sa kanila na pagnilayan nila bilang paghahanda para sa klase.

Maglaan ng oras na suriin ang sarili kung gaano ka kahandang tanggapin ang salita ng Diyos. Gamitin ang scale na ito sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag:

Madalas—Minsan—Bihira

Ipakita ang mga pahayag o basahin ang mga ito nang dahan-dahan upang magkaroon ng panahon ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang personal na pagtanggap sa salita ng Diyos. Dapat pagnilayan ng mga estudyante ang kanilang mga sagot nang tahimik, at hindi sumagot nang malakas.

Pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan nang may layuning matuto at umunlad.

Sinisikap kong pansinin ang impluwensya ng Espiritu sa aking buhay at sundin ang mga tagubilin na ibinigay sa akin.

Pinakikinggan at sinusunod ko ang payong ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol.

Sinisikap kong patibayin ang aking personal na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ngayong nasuri mo na ang iyong saloobin tungkol sa salita ng Diyos, handa ka nang pag-aralan ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Sa talinghagang ito, nagbalangkas ang Panginoon ng ilang problema na maaaring makahadlang sa pagsibol, paglaki ng ugat, at pagbunga ng mga binhi. Tulad ng lahat ng Kanyang talinghaga, gumamit ang Panginoon ng mga pamilyar na elemento upang magturo ng mga espirituwal na aral.

Gamitin ang sumusunod na pattern na may apat na hakbang upang pag-aralan ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Anuman ang sagot mo sa mga pahayag sa itaas, layunin ng lesson na ito na tulungan kang ihanda ang iyong puso na tanggapin ang mga pagpapalang nais ibigay sa iyo ng Panginoon. Habang nag-aaral ka, maghanap ng mga paraan upang magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng salita ng Diyos.

Kung ang pattern na ito ay ginamit sa nakaraang lesson, maaari mong sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang bawat hakbang, at pagkatapos ay isulat ang mga ito sa pisara.

  1. Hanapin ang mahahalagang detalye.

  2. Gumawa ng mga espirituwal na paghahambing.

  3. Tuklasin ang mahahalagang aral.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.

Hanapin ang mahahalagang detalye

Para sa sumusunod na aktibidad, maaaring magpartner-partner ang mga estudyante. Maaaring basahin ng isang estudyante sa bawat magkapartner ang unang set ng mga scripture verse habang tinutukoy ng isa pang estudyante ang mahahalagang detalye. Pagkatapos ay maaaring magdrowing ng larawan ang bawat isa sa kanila sa kanilang study journal. Maaaring pagkatapos nito ay magpalitan ang mga estudyante ng gagawin at ulitin ang proseso para sa iba pang set ng mga scripture verse.

Ang isang paraan upang mailarawan sa isipan ang mahahalagang detalye ay idrowing ang bawat bahagi ng talinghaga. Hatiin ang isang pahina sa iyong study journal sa apat na bahagi. Basahin ang mga scripture verse at gumawa ng simpleng drowing tungkol sa inilalarawan.

  1. Mateo 13:3–4

  2. Mateo 13:5–6

  3. Mateo 13:7

  4. Mateo 13:8

Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong upang maunawaan kung ano ang idodrowing, maaari kang magbigay ng mga halimbawa tulad ng mga sumusunod:

Drawings of a bird with a seed, the sun shining on a plant, thorns growing around a plant, a wheat plant.

Gumawa ng mga espirituwal na paghahambing

Basahin ang mga paliwanag ni Jesus tungkol sa talinghaga sa mga sumusunod na mga scripture verse. Isulat ang anumang paghahambing na ginawa Niya sa tabi ng iyong mga drowing.

Maaaring gumawa ang mga estudyante nang mag-isa, nang magkakapartner, o sa maliliit na grupo. Kung gagawa sila nang magkakagrupo, hatiin ang mga scripture verse sa mga miyembro ng grupo at sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang grupo ang nalaman nila.

  1. Mateo 13:19

  2. Mateo 13:20–21

  3. Mateo 13:22

  4. Mateo 13:23

Tuklasin ang mahahalagang aral

Upang matuklasan ang mahahalagang aral, makatutulong na magtanong ng mga bagay na nagtutulot sa Espiritu Santo na personal na magturo sa iyo. Bukod pa sa mga sumusunod na tanong, mag-isip ng iba pa na maaari mong itanong.

  • Ano kaya ang nais ng Panginoon na matutuhan ko mula sa talinghagang ito?

  • Bakit nais ng Tagapagligtas na malaman ko kung saan natutulad ang puso ko?

Maaari mo ring isipin kung paano maipamumuhay ang talinghaga sa tunay na buhay. Halimbawa, subukang ilarawan kung paano naiiba ang mga pag-uugali ng isang tao na ang puso ay tulad ng mabato o matinik na lupa sa mga pag-uugali ng isang tao na ang puso ay tulad ng mabuting lupa. Habang iniisip mo ang mga pag-uugali na ito, maaari mong isulat ang ilan sa mga ito sa tabi ng bawat drowing mo.

Maaaring sabihin sa mga estudyante na magbigay ng ilang halimbawa ng mga pag-uugali na isinulat nila. Kung nahihirapan ang mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa, ang mga sitwasyon sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” ay maaaring makatulong.

  • Anong mga payo ang maibibigay mo sa isang tao na ang puso ay matigas, mabato, o matinik?

Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral

Isipin ang kalagayan ng sarili mong puso at kung alin sa apat na uri ng lupa ang pinakamainam na naglalarawan sa iyo. Kung ang espirituwal na kalagayan ng iyong puso ay kasalukuyang wala sa kalagayang gusto mo, dapat mong malaman na maaari kang magbago.

Batay sa natutuhan mo ngayon, pagnilayan sandali kung ano ang magagawa mo upang mapabuti ang kalagayan ng iyong puso.

  • Ano ang gagawin mo upang maanyayahan ang salita ng Diyos sa iyong puso?

  • Anong mga hakbang ang gagawin mo upang mapabuti ang kalagayan ng iyong puso?

  • Anong mga balakid ang hihilingin mo sa Panginoon na tulungan kang malampasan?

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila ngayon tungkol sa Panginoon at sa Kanyang hangaring lumago ang Kanyang salita sa ating puso.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ay nagbigay ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga sumusunod na tanong ay masasagot gamit ang kanyang mga paliwanag.

Ano ang mga binhing “nahulog sa tabing daan”? (tingnan sa Mateo 13:4, 19)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Ang mga binhing “nangahulog sa tabi ng daan” ( Marcos 4:4) ay hindi umabot sa lupa kung saan maaaring tumubo ang mga ito. Para itong mga turo na nahulog sa isang pusong matigas o hindi handa.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 32)

Ano ang maaaring dahilan upang mapunta ang puso ng isang tao sa “batuhan”? (tingnan sa Mateo 13:5, 20–21)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Mga kabataan, … narito ang partikular na halimbawa. Kung ang mga simbolo ng sakramento ay ipinapasa at kayo ay nagte-text o bumubulong o naglalaro ng video games o may iba pang ginagawa na nagkakait sa inyong sarili ng mahalagang espirituwal na pagkain, pinuputol ninyo ang inyong mga espirituwal na ugat at lumilipat kayo sa mabatong lupa.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 33)

Paano natin matutukoy ang “mga tinik” ng buhay? (tingnan sa Mateo 13:7, 22)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Sumusuko tayo sa “mga kalayawan sa buhay na ito” [ Lucas 8:14 ] (1) kapag tayo ay nalulong, na nagpapahina sa mahalagang kaloob ng Diyos na kalayaan; (2) kapag nadaya tayo ng mga munting gambala, na naglalayo sa atin sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan; at (3) kapag inisip natin na karapatan nating matanggap ang isang bagay, na hadlang sa personal na paglagong kailangan para maging marapat tayo sa ating walang-hanggang tadhana.

Nadaraig tayo ng “mga alalahanin … ng buhay na ito” [ Lucas 8:14 ] kapag hindi tayo makakilos dahil sa takot sa hinaharap, na humahadlang sa pagsulong natin nang may pananampalataya, pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang mga pangako.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 34–35)

Ano ang kailangan upang magbunga sa “mabuting lupa”? (tingnan sa Mateo 13:8, 23)

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Nasa atin ang binhi ng salita ng ebanghelyo. Tayo na ang magtatakda ng mga prayoridad at gagawa ng mga bagay para maging mabuti ang ating lupa at umani tayo nang sagana. Kailangan nating hangaring maging matibay na nakaugat at nananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Colosas 2:6–7). Nakakamtan natin ang pagbabagong-loob na ito sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at regular na pakikibahagi ng sakramento para mapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu.

(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 35)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Suriin ang lupa bago magtanim

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat grupo ng isang maliit na lalagyan na puno ng isang uri ng lupa na inilarawan sa talinghaga tungkol sa manghahasik. Sabihin sa mga estudyante na suriin ang lupa at talakayin kung ano ang gagawin nila upang maging mainam ito sa pagtatanim ng binhi. Maaaring sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang talinghaga at alamin kung ano ang maaaring espirituwal na katawanin ng uri ng lupang iyon at talakayin sa kanilang grupo kung ano ang matututuhan nila mula roon.

Drawings of a bird with a seed, the sun shining on a plant, thorns growing around a plant, a wheat plant.

Ang talinghaga sa tunay na buhay

Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na sitwasyon upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga uri ng lupa, o kalagayan ng puso. Maaaring magbigay ang mga estudyante ng mga payo upang matulungan ang tao sa bawat sitwasyon na mas mapalapit sa Tagapagligtas at mapalago ang salita ng Diyos sa kanyang puso.

Naibahagi kay Scott ang ipinanumbalik na ebanghelyo ng kanyang mga kaibigan at nabinyagan siya kaagad pagkatapos noon. Gayunman, ilang buwan matapos siyang sumapi sa Simbahan, ilang tao ang nagsimulang tuksuhin siya dahil sa kanyang mga bagong paniniwala. Pakiramdam ni Scott ay hindi niya kakayanin ang negatibong puna ng iba.

Si Jill ay mahusay sa paaralan, kasali sa mga pagtatanghal, at gustong-gusto niya ang kanyang trabaho. Dahil sa kanyang mga responsibilidad sa paaralan at trabaho, pinili ni Jill na hindi dumalo sa mga aktibidad ng Simbahan at hindi siya nag-enroll sa seminary sa taong ito. Gusto niya talagang pagtuunan ang kanyang pag-aaral at propesyon sa hinaharap.

Paghahambing gamit ang Aklat ni Mormon

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang paghahambing ni Alma sa salita ng Diyos sa isang binhi (tingnan sa Alma 32:26–43). Maaari din nilang pag-aralan ang panaginip ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay at ihambing ang bawat grupo na inilarawan sa pangitain sa mga uri ng lupa sa talinghaga tungkol sa manghahasik (tingnan sa 1 Nephi 8:19–34). Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung paano nakatutulong ang mga salaysay na ito sa Aklat ni Mormon para lalo nilang maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas sa talinghaga tungkol sa manghahasik.