Seminary
Mateo 15:1–9


Mateo 15:1–9

Kayo ba ay “lumalabag … sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon”?

Jesus talking to Pharisees in Jerusalem. Movie still from The Life of Jesus Christ Bible Videos.

Nang itanong ng mga eskriba at Fariseo kung bakit hindi sinunod ng mga disipulo ni Jesus ang kanilang mga tradisyon, tumugon ang Tagapagligtas na pinagsasabihan ang mga gumagamit ng tradisyon bilang dahilan upang labagin ang mga utos ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na malaman kung alin sa iyong mga tradisyon ang tumutulong sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo at kung alin ang maaaring naghihiwalay sa iyo mula sa Kanya.

Pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan. Kabilang sa konteksto ang mga kalagayan o pangyayari sa likod ng isang partikular na scripture passage o tala sa mga banal na kasulatan. Ang konteksto ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga salaysay, mga turo, doktrina, at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Hilingin sa mga estudyante na isipin ang kanilang mga tradisyon, o ang kanilang “mga paniniwala at kaugalian na nagpasalin-salin sa bawat sali’t salinlahi” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Kaugalian, Mga ,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/traditions?lang=tgl), at kung bakit nila ginagawa ang mga ito.Maaaring makatulong sa mga estudyante na isama ang kanilang pamilya sa aktibidad na ito sa paghahanda.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Tradisyon

Tandaan na maaaring maging sensitibong paksa ang mga tradisyon. Maaaring may matitinding damdamin ang ilang estudyante tungkol sa mga tradisyon na patuloy na isinasagawa. Manalangin na tulungan kang maituro ang konseptong ito. Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, makapagbibigay ang Ama sa Langit ng patnubay upang matulungan ang mga estudyante na madamang ligtas sila kapag sinuri nila ang kanilang mga tradisyon sa konteksto ng mga pamantayan ng ebanghelyo.

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon.

Kung kinakailangan, maaari mong iakma ang mga sumusunod na tradisyon upang maging mas nauugnay sa mga estudyante. Bilang alternatibo, maaaring magsimula ang mga estudyante sa pagbabahagi ng ilan sa mga tradisyon ng sarili nilang pamilya o karaniwang tradisyon sa lugar kung saan sila nakatira.

  • Ang pamilya ng isang dalagita ay may tradisyon na lubos na seryosohin ang pag-aaral. Inaasahan na gagawin niya ang kanyang mga assignment at pagbubutihin ang pagsusulit.

  • Sa loob ng maraming henerasyon, priyoridad ng pamilya ng isang binatilyo na manalangin tuwing umaga at tuwing gabi.

  • May paparating na malaking social event kung saan maraming batang babae ang nagsusuot ng mahahalay na kasuotan. Kailangang magpasya ng isang dalagita kung paano siya magdadamit para sa okasyon.

  • Sa loob ng maraming taon, marami sa mga kabataan sa isang partikular na ward ang hindi tapat na nakikibahagi sa kanilang mga klase sa Sunday School. Kabilang dito ang pagpasok nang huli, hindi pakikinig, at pagte-text o paglalaro ng mga game sa kanilang mga telepono sa oras ng klase.

  • Tradisyon sa isang paaralan na pahirapan ng mga nakatatandang estudyante ang mga mas nakababatang estudyante.

Sagutin ang mga sumusunod na tanong, na may kaugnayan sa mga naunang sitwasyon.

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang ating mga tradisyon?

  • Paano maaaring makaapekto ang ating mga tradisyon sa kakayahan nating maging katulad ni Jesucristo?

  • Bakit maaaring maging mahirap para sa isang tao na suriin ang kanyang mga tradisyon o baguhin ang kanyang mga maling tradisyon?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, matututuhan mo ang ilan sa mga turo ni Jesucristo tungkol sa mga tradisyon. Ang mga tradisyon ay “mga paniniwala at kaugalian na nagpasalin-salin sa bawat sali’t salinlahi” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Kaugalian, Mga ,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl). Sa iyong study journal, maglista ng ilang tradisyon na bahagi ng iyong buhay.

Mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mga tradisyon

Upang maituro ang kahalagahan ng konteksto ng banal na kasulatan at kung may oras pa, maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin muna ang Mateo 15:1–9 nang wala ang mga sumusunod na tulong sa konteksto. Pagkatapos, ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na paliwanag sa konteksto at sabihin sa kanila na muling basahin ang parehong mga banal na kasulatan, at pansinin ang kaibahang nagagawa ng pag-unawa sa konteksto.

Upang maunawaan ang itinuro ng Tagapagligtas, makatutulong na malaman ang konteksto, o background, ng Mateo 15 .

Maaari mong ipaliwanag o ipakita ang sumusunod na tulong sa konteksto.

Tulong sa konteksto para sa Mateo 15: Noong panahon ng Tagapagligtas, itinuro ng mga pinunong Judio ang nakasulat na batas ni Moises gayundin ang isang pasalitang batas na hindi ibinigay ng Diyos ngunit tradisyon ng mga tao. Kabilang dito ang mga bagay tulad ng pagbibilang ng mga hakbang sa Sabbath at labis na paghuhugas ng mga kamay bago kumain, na kumakatawan sa espirituwal na kadalisayan ng isang tao. May mga bahagi ng tradisyonal na batas na ginagamit para sa makasariling mga dahilan. Halimbawa, ang paggalang sa iyong ama at ina ay isang utos sa batas ni Moises (tingnan sa Exodo 20:12), ngunit ginamit ng ilang indibiduwal ang pasalitang batas upang pangatwiranan ang paglabag sa utos na ito sa pamamagitan ng pagsasabing ang kanilang pera o resources ay “ipinagkaloob” na sa Diyos ( Mateo 15:5) at dahil dito ay hindi magagamit upang makatulong sa pangangalaga sa kanilang mga magulang na matatanda na. Ang mga pagbabagong ito ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng batas at ng mga kautusan at hindi kasiya-siya sa Diyos.

Basahin ang Mateo 15:1–9 , at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga tradisyon.

  • Sa iyong palagay, ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito? Tumukoy ng isa o dalawa sa mga katotohanang nakita mo.

Kasama sa ilang katotohanan na maaaring natukoy mo ay ang mga maling tradisyon ay maaaring humantong sa pagtanggi o pagbabale-wala ng mga tao sa salita ng Diyos at kung nais nating mapalapit sa Diyos, dapat nating unahin ang Kanyang mga utos kaysa sa anumang tradisyong maaaring mayroon tayo.

  • Paano nakatulong sa iyo ang pag-unawa sa konteksto na mas maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas?

  • Sa iyong palagay, bakit napakatindi ng pagnanais ng Tagapagligtas na iwasto o alisin ang mga tradisyong ito?

Nagbahagi si Elder William K. Jackson ng Pitumpu ng isang halimbawa ng isang indibiduwal na pinagpala dahil sinuri niya ang kanyang mga tradisyon at binago ang mga ito upang umayon sa mga turo ng Tagapagligtas. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga bahagi ng mensahe ni Elder Jackson sa “Ang Kultura ni Cristo” (Ensign o Liahona, Nob. 2020, 48–50), na makikita sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/general-conference/2020/10/27jackson?lang=tgl, o panoorin ang video na “Ang Kultura ni Cristo,” na makikita sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/general-conference/2020/10/27jackson?lang=tgl, mula sa mga time code na 0:30 hanggang 2:16 at 8:39 hanggang 9:55.

10:9

Ang hamon na pumili sa pagitan ng pagsunod sa mga makamundong tradisyon at pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos ay umiiral na noon pa man sa Kanyang mga tao (tingnan sa Levitico 18:30 ; Mga Gawa 16:19–24 ; Mosias 1:5 ; Doktrina at mga Tipan 93:39). Pagnilayan ang isa sa mga tradisyong tinalakay ninyo sa simula ng lesson na ito, o mag-isip ng isa pang tradisyon. Habang sinasagot mo ang sumusunod na tanong, pag-isipan kung paano nakaaapekto ang tradisyong ito sa kakayahan mong mas mapalapit sa Tagapagligtas.

  • Paano natin masasabi kung inaakay ng tradisyon ang ating puso palayo sa Diyos (tingnan sa Mateo 15:8) o kung inilalapit nito ang ating puso sa Kanya?

Alalahanin ang mga tradisyong itinala mo sa iyong study journal. Maaari kang magdagdag ng anumang karagdagang tradisyon na naisip mo habang nag-aaral ka ngayon. Maaari mo ring isama ang mga tradisyon ng lugar o bansa kung saan ka nakatira. Maghandang suriin ang mga tradisyong ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Cheryl C. Lant, dating Primary General President. Pagkatapos ay pagnilayan ang mga sumusunod na tanong.

8:58
Last official portrait of Cheryl C. Lant, Primary general president, September 2005. Released at the April 2010 general conference.

Anong mga uri ng tradisyon mayroon tayo? Maaaring ilan sa mga ito ay nanggaling sa ating mga ninuno, at ngayon ay ipinapasa na sa ating mga anak. Ang mga iyon ba ay yaong mga gusto nating maging tradisyon? Ang mga iyon ba ay batay sa kabutihan at pananampalataya? Karamihan ba sa mga iyon ay [temporal], o ang mga iyon ba ay pangwalang-hanggan? Tayo ba ay nagtatatag ng mabubuting tradisyon o hinahayaan na lamang kung ano ang mangyari sa buhay natin? Ang mga tradisyon ba natin ay itinatatag bilang tugon sa malalakas na mensahe ng mundo, o sa impluwensya ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu? Ang mga tradisyon bang itinatatag natin sa ating pamilya ay makapagpapadali o makapagpapahirap sa ating mga anak na sundin ang mga buhay na propeta?

(Cheryl C. Lant, “Mabubuting Tradisyon,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 13)

  • Anong mga tradisyon ang tumutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at magtuon sa kung ano ang pinakamahalaga?

  • Anong mga tradisyon ang maaaring naglalayo sa iyo kay Jesucristo at humahadlang sa iyo na maisakatuparan ang mga bagay na iyon na pinakamahalaga? Anong mga hakbang ang maaaring kailanganin mong gawin upang maalis ang mga tradisyong ito sa iyong buhay?

  • Paano makatutulong sa iyo ang halimbawa ng Tagapagligtas upang malaman at mapagtuunan mo ang mga tradisyon na pinakamahalaga?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ano ang ilang makamundong tradisyon na maaaring kailanganin kong alisin sa buhay ko?

Sa kanyang mensaheng “Pagsisisi at Pagbabago” (Ensign o Liahona, Nob. 2003, 39), nagbigay si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ng maraming halimbawa ng “[mga] elemento ng … pag-uugali na [maaaring] salungat sa mga utos, tipan, at kultura ng ebanghelyo.” Ang ating pag-uugali ay maaaring naiiba sa mga tradisyon ng mundo kapag ang pinag-uusapan ay ang mga bagay na tulad ng kalinisang-puri at pornograpiya, pagsisimba, katapatan, at katayuan sa lipunang ito.

17:20

Sa kanyang mensaheng “Ang Kultura ni Cristo” (Ensign o Liahona, Nob. 2020, 48–50), inihambing ni Elder William K. Jackson ng Pitumpu ang mga kultura ng mundo sa kultura ni Cristo. Maaari mong panoorin o basahin ang buo o mga bahagi ng kanyang mensahe, na makikita sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/general-conference/2020/10/27jackson?lang=tgl.

10:9

Maaari ko bang mapanatili ang aking mga tradisyon sa kultura at masunod pa rin ang Tagapagligtas?

Ang sumusunod na video ay nagbibigay ng isang halimbawa kung paano mapapanatili ang mga tradisyon sa kultura at masusunod pa rin ang Tagapagligtas.

2:26

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Isang alternatibong paraan upang masimulan ang lesson

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga tradisyon ay “mga paniniwala at kaugalian na nagpasalin-salin sa bawat sali’t salinlahi” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Kaugalian, Mga ,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl). Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pahayag ni Pangulong Lant, na makikita sa katapusan ng lesson. Sabihin sa kanila na talakayin kung bakit mahalaga ang mga tradisyon at ilista ang mga tradisyon nila.

Mga karagdagang sitwasyon na magagamit upang masimulan ang lesson

  • Tulad ng marami pang iba sa kanilang paaralan, isang 16 na taong gulang na binatilyo at dalagita ang seryosong nakikipagdeyt sa isa’t isa.

  • Isang bata pang magkasintahan ang naghahanda nang magpakasal, at nakatira sila sa isang lugar kung saan tinatanggap ng karamihan ang seksuwal na intimasiya bago ang kasal.